ni Nitz Miralles @Bida | July 25, 2025
Image: Ai Ai Delas Alas - IG
Halatang sabik na sabik ang BarDa fans nina Barbie Forteza at David Licauco na muling mapanood ang favorite love team nila dahil balita pa lang na guest ang aktor sa Beauty Empire (BE), nag-trending agad. Likod pa lang ni David ang ipinasilip, nagkagulo at kinilig na ang mga fans.
Hindi pa in-announce kung kailan mapapanood si David sa series at kung ano ang kanyang magiging role, kaya naghuhulaan muna ang BarDa fans.
Kampante na sila dahil nag-taping na si David, kaya any day now, kasama na ang aktor sa BE.
Ibinalita na rin ni Barbie dati na magge-guest si David sa series nila nina Kyline Alcantara at Ruffa Gutierrez, bagay na pinanghawakan ng mga BarDa fans at kanilang hinintay. Kaya naman nang dumating ang araw na ‘yun, masayang-masaya sila.
Sa interview kay David, nabanggit na seven months na siyang hindi gumagawa ng serye, kaya excited siyang muling umarte, lalo na’t kasama niya uli si Barbie. Alam din nina Barbie at David na hinihintay ito ng kanilang mga fans, kaya para sa kanila ang muli nilang pagsasama.
Ang tanong lang, ibigay kaya ng GMA ang request ng BarDa fans na tagalan ang labas ni David Licauco sa series at hindi lang siya mag-guest? Sana raw, hanggang sa ending na ng series, kasama ang aktor at sila ni Barbie Forteza ang maging magkapareha.
PERSONAL na dinala ni Dingdong Dantes ang donasyon niyang mga sabon para sa ‘Operation Bayanihan’ ng GMA Kapuso Foundation. Ipapadala sa mga evacuation centers ang donasyong mga sabon ni Kapuso Primetime King.
Nabanggit ni Dingdong ang halaga ng bawat tulong para sa mga kababayan nating apektado ng Bagyong Crising na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar sa bansa.
“Sa mga panahon na kagaya ngayon na may sakuna, bawat tulong, napakahalaga. Napakalayo nang nararating ng bawat contribution ng lahat ng kababayan natin through bayanihan. Kaya nga ngayon, we are donating thousands of soaps para sa ating mga evacuation areas. Sana, makatulong kahit papaano sa kanilang kalagayan,” pahayag ni Dingdong.
Nag-share rin si Dingdong ng mga paalala para manatiling ligtas ang ating mga kababayan.
Sabi nito, “Itong mga nangyayari ay hindi natin kagustuhan. Kaya sana mag-iingat po sila kung nasaan man sila nandu’n. Kung nasa evacuation area o sa mga wala pa sa evacuation areas, sana, hindi na po kayo makarating doon, pero always keep caution.”
Paalala pa ni Dingdong, “Alamin ‘yung mga warning signals kung kailan ba dapat lumikas, kailan dapat hindi. Kailangang protektahan natin ang ating mga tahanan, lalung-lalo na ‘yung mga mahal natin sa buhay. S’yempre, sana, matapos na ang lahat ng ito para makabalik na po kayo sa mas madaling panahon sa inyong mga buhay.”
Si Dingdong Dantes ay ambassador ng National Disaster Resilience Month 2025 at napapanahon ang mga paalala niya ngayong sunud-sunod ang bagyo.
Ipinakilala siyang ambassador ng Office of Civil Defense noong July 1 sa Makati City.










