top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | March 11, 2026



Electricity

Photo: File



Panibagong dagdag-pasanin sa budget ang aasahan ngayong Marso matapos ianunsiyo ng Manila Electric Company ang pagtaas sa singil sa kuryente ng P0.64 per kilowatt-hour.


Ayon kay Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga, ang taas-singil sa kuryente ay dahil sa pagtaas ng transmission charges.


Dahil dito, madadagdagan aniya ng P0.64 ang kasalukuyang rate na P13.82 per kwh na magreresulta sa mas mataas na bill sa kuryente.


Agad nilinaw ni Zaldarriaga na ang taas-singil sa kuryente ay walang kinalaman sa nagaganap na tensyon sa Middle East, dahil sa Abril pa ito mararamdaman.


Para sa mga kumukunsumo ng 200 kwh kada buwan, madadagdagan ang kanilang bill ng P129; para sa umaabot ng 300 kwh ang konsumo, may dagdag na P193 sa kanilang March bill; para sa kumukunsumo ng 400 kwh, madadagdagan ng P257 ang kanilang bayarin, at para sa 500 kwh ang  konsumo ang kanilang dagdag sa babayarang bill ay P321.


Sinabi ng Meralco official na sa Abril pa mararamdaman ang epekto sa electricity bill ng nagaganap na giyera sa Middle East dahil tataas ang halaga ng coal at natural gas na pangunahing ginagamit ng maraming power plants sa Luzon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | March 11, 2026



Sen. Imee Marcos

Photo: Sen. Imee Marcos - FB



Nais paimbestigahan ni Senadora Imee Marcos ang nangyaring pagdampot kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11 ng nakaraang taon.


Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 340, muling pinabubusisi ni Marcos ang buong katotohanan sa umano’y koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa nasabing insidente.


“Isang taon nang palaisipan ang nangyaring paglapastangan sa karapatan ng ating kapwa Pilipino,” ani Marcos.


“Dapat ilantad na ang buong katotohanan at panagutin ang mga lumabag sa ating konstitusyon!” wika ni Marcos.


Giit ng senadora, kailangang mabunyag kung may naging pakikipagtulungan ang ilang ahensya ng pamahalaan sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.


“Hindi nagtutugma ang kwento ng pamahalaan—malinaw na may nagsisinungaling!” giit ng senador. 


“Paulit-ulit sinasabi na wala nang ugnayan at hindi na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC, pero inamin din na nakipag-usap si Remulla sa mga tauhan ng ICC,” patuloy niya.

Dagdag pa ni Marcos, mahalagang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa sariling sistema ng hustisya at matiyak na hindi mauulit ang anumang hakbang na maaaring maglagay sa alanganin sa soberanya ng bansa.


“Dapat walang Pilipinong matatakot sa sarili niyang gobyerno at magtatago sa dayuhan sa sarili niyang bansa,” pagtatapos ng senadora. 


 
 

ni Mai Ancheta @News | March 10, 2026



Gasoline oil price hike

Photo: File



Inisyuhan ng Department of Energy (DOE) ng show-cause order ang 55 gas stations sa buong bansa dahil sa umano'y pagsasamantala sa nakaambang malakihang pagtaas ng presyo ng langis sa loob ng linggong ito dulot ng epekto ng krisis sa Middle East.


Nakatanggap ang DOE ng mga ulat ng umano'y pang-iipit ng supply habang ang iba ay nagtaas agad ng presyo, karamihan dito ay mula sa Luzon at ilan sa Visayas at Mindanao.


Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi tamang maghintay muna nang pagtaas ng presyo bago magbenta dahil sapat ang supply ng langis na aabot sa walong linggo.


Malinaw aniya na paglabag ito sa direktiba ng DOE at may katapat na parusa kapag napatunayang inipit nila ang supply o kaya naman ay agad nagtaas gayong wala pang abiso para sa oil price increase.


Kabilang sa mga ininspeksiyon ng mga tauhan ng DOE ay mga gas station sa Pasig City at Fairview sa Quezon City.


Pinagpaliwanag ang mga ito sa loob ng 24 oras dahil sa maagang price increase ng kanilang produkto mula sa P51.98 per liter ng diesel ay ginawang P79.30 per liter.

Isa pang gas station sa Fairview, Quezon City ang nagtaas umano agad ng presyo ng kanilang diesel mula sa dating presyo na P49.76 ay naging P71 per liter.


Mahaharap ang mga may-ari ng gas station ng kasong administratibo at kriminal at maaari ring makansela ang kanilang lisensya kapag napatunayan ang paglabag ng mga ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page