top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 21, 2026



Bgy. tanod sa iskul vs. shooting

Photo: File



Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakaroon ng barangay tanod outpost sa loob ng mga paaralan bilang dagdag na seguridad kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.


Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, lalagdaan ng DILG at Department of Education (DepEd) ang memorandum circular para palakasin ang security protocols sa mga eskuwelahan.


“Ang hinihingi namin ay payagan ang barangay tanod na maglagay ng station sa loob ng mga eskuwelahan,” ani Remulla.


Aniya, mas kilala ng mga tanod ang mga kabataan sa kanilang lugar kaya maaari silang makatulong sa pagpapanatili ng seguridad at pagpigil sa bullying sa loob ng paaralan.

 
 

by Jeff Tumbado @News | August 21, 2026



1 yr. old nakalabas ng bahay, nalunod sa baha

Photo: File



Nasawi ang isang taong gulang na sanggol matapos malunod sa baha sa Brgy. Santa Monica, San Simon, Pampanga, noong gabi ng Agosto 16, kasabay ng walang tigil na pag-ulan dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo at habagat.


Ayon sa mga magulang ng bata, hindi nila namalayan na nakalabas ng kanilang bahay ang kanilang bunsong anak habang patuloy ang malakas na buhos ng ulan.


Nang mapansin nilang nawawala ang bata, agad nila itong hinanap at kalaunan ay natagpuan na nakalubog sa baha.


Nakasuot umano ng diaper ang bata nang mangyari ang insidente. Hinala ng magulang, napuno ng tubig ang diaper at naging mabigat, na maaaring nakaapekto sa kakayahan ng bata na manatiling nakalutang sa baha.


“Hindi po namin talaga inaasahan na mangyayari iyon sa bata,” ayon sa ina.


Muling nagbabala ang mga awtoridad sa mga magulang at guardian na huwag hayaang lumapit o maglaro ang mga bata sa baha, lalo na sa mga lugar na hindi nakikita ang lalim, mga kanal at iba pang posibleng pagmulan ng malakas na agos.


 
 

by Jeff Tumbado @News | August 21, 2026



Estudyante, lumusong sa baha, patay sa leptos

Photo: File



Nasawi ang isang 17-nyos na estudyante sa Navotas City matapos tamaan ng leptospirosis, ilang araw bago ang kanyang ika-18 kaarawan.


Ayon sa pamilya, nakagat muna ng daga sa paa ang biktimang si “Justin” bago siya lumusong sa baha kasama ang kanyang mga kaibigan makalipas ang dalawang linggo.


Kalaunan, nakaranas si “Justin” ng mataas na lagnat, panghihina at mga pantal sa katawan, na mga sintomas na maaaring kaugnay ng leptospirosis.


Dinala siya ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Navotas matapos lumala ang kanyang kondisyon.


Ayon sa kanyang ina na si “Leilani,” agad na pinaghinalaan ng mga doktor na leptospirosis ang kanyang sakit batay sa kanyang mga sintomas.


Hindi umano nila inaasahang mabilis na lalala ang kondisyon ng kanilang anak.

Sinabi ng pamilya na dalawang araw lamang matapos dalhin sa ospital si “Justin” ay pumanaw na ito.


Ang leptospirosis ay bacterial infection na karaniwang nakukuha sa pagkalantad sa tubig o lupa na kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular na ng daga.


Pinayuhan naman ng Department of Health ang mga lumusong sa baha na magpakonsulta sa doktor, sa halip na basta uminom ng doxycycline dahil hindi ito angkop para sa lahat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page