top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 25, 2023


Nitong nakaraang Lunes ay pinarangalan ng Senado ang ilang kababaihang katangi-tangi dahil sa kanilang pagsisilbi sa ating bansa at mga kababayan.


Proud sponsor ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 250- Honoring and Commending the 2022 OUTSTANDING WOMEN IN THE NATION'S SERVICE (TOWNS) awardees.


Ang mga TOWNS awardees ay napili dahil sa mahalagang kontribusyon nila sa kanilang napiling adhikain.


☻☻☻


Si Ani Rosa Almario ay isang children’s book publisher at educator. Ang kanilang adbokasiya ay ang paglathala ng mga akda na bukod sa may literary merit ay naglalaman ng mga kuwento at napapanahong isyu na dapat malaman ng mga bata.


Si Rubilen Amit naman ang isa sa pinakamahusay na 10-ball players sa buong mundo.


Isa siyang former world champion at 10-time Southeast Asian Games gold medalist.


Naging instrumental naman sina Dr. Pia Bagamasbad at Asec. Beverly Lorraine Ho sa kasagsagan ng pandemya. Tumulong si Dr. Pia sa pagpapalakas ng COVID-testing capacity ng bansa at sa training ng mga medical technologist sa tamang paggamit ng RT-PCR test.


Samantala, si Asec. Beverly naman ang isa sa mahinahon at maalam na mukha ng "Bida" at "Resbakuna" information campaigns.


Si Keisha Alena Mayuga ay isang urban planner at urban transport specialist na kumikilos para magkaroon ng mas maayos na public transport at mas ligtas na bike infrastructure sa Metro Manila.


Siya rin ang founder ng "Life Cycles PH" na tumulong sa pagbigay ng bike sa mga frontliner noong kasagsagan ng pandemya.


☻☻☻


Ang physicist at data scientist naman na si Dr. Erika Fille Legara naman ay nagawaran ng "Outstanding Young Scientist Award" ng National Academy of Science and Technology dahil sa kanyang adhikain na gamitin ang data-driven science sa policy-making para maging "future-proof" ang bansa.


Si Anna Rosario Oposa naman ay kinilala dahil sa kanyang mga kontribusyon sa pagkonserba ng ating marine ecology. Isa siya sa mga bumuo ng "Save Philippine Seas" movement na tumutulong sa pangangalaga ng marine biodiversity sa ating bansa.


Kinilala rin si Dr. Aleta Yñiguez ng University of the Philippines Marine Science Institute sa kanyang kontribusyon sa marine science. Tumulong si Dr. Aleta sa paglikha ng mga tools sa pagsulong ng sustainable fisheries at para maging mas accessible ito sa mga small-scale fisherfolk.

May mga pinangungunahan din siyang proyekto na layuning bumuo ng early-warning systems para sa mapaminsalang algal bloom.


☻☻☻


Aktibo naman si Ms. Gina Romero na founder ng tech start na Connected Women AI sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kababaihan para sa online skills development at remote work. Nasa 40,000 kababaihan na ang nabigyan ng training ng Connected Women sa entrepreneurship skills para sa digital economy, at 1,000 pa sa mga skills sa artificial intelligence industry.


Si Ana Patricia Non naman ay kinilala sa pag-organisa ng mga "Community Pantry" na nakapagbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na magtulungan noong kasagsagan ng lockdown sa bansa.


Last but not least ay ang journalist na si Patricia Marie Ranada, na kinilala sa kanyang mga in-depth at investigative reports tungkol sa kalikasan at pulitika.


☻☻☻


Saludo tayo sa mga nagawa at magagawa pa ng ating 2022 TOWNS awardees.


Nawa'y ma-inspire ang kababaihan, lalo na ang kabataan, sa inyong halimbawa. Mabuhay kayo!


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin

 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 22, 2023


Isang magandang balita na maituturing ang sinabi ng Department of Health (DOH) na “plateauing” o hindi masyadong nagbabago ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.


Ngunit nakababahala naman sa isang banda na 27% lang ng eligible population (21.2 milyong Pilipino) ang “boosted” o nakatanggap na ng COVID-19 vaccine booster shot, ayon sa huling tala ng DOH.


Mukhang kailangang alamin ng ahensya ang mga dahilan kung bakit mabagal ang pagbabakuna ng booster shot sa buong bansa, at gumawa ng mga hakbang base sa resulta ng pag-iimbestiga.


Sayang naman kasi ang ginastos ng pamahalaan at mga donasyon ng iba’t ibang international bodies kung hindi ito magagamit at mag-e-expire na lang.


Baka mawalan din ng gana ang mga nag-donate kung ganito nga ang mangyayari sa kanilang mga donasyon, lalo na at nar’yan pa rin ang banta ng iba’t ibang variants at subvariants ng COVID-19.


Ngayong gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang makakuha ng bivalent COVID-19 vaccines, o ‘yung second generation vaccine na may component na pananggalang laban sa Omicron variant, ay huwag naman sana nating aksayahin ang limitadong suplay ng bakuna.


Nananawagan din tayo sa pamahalaan na bilisan ang pagkuha ng bivalent vaccines, upang mas magkaroon ng proteksyon ang ating mga kababayan laban sa COVID-19.


☻☻☻


Kasunod ng mga matagumpay na selebrasyon ng Sinulog at Ati-atihan ay muli ring nagbabalik ang Dinagyang Festival ng Iloilo.


Pagkakataon naman ng ating mga kababayan sa Iloilo na itampok ang kanilang debosyon at pananalig sa Santo Niño Hesus.


Lalong makatutulong sa ating tourism and hospitality industry ang matagumpay na pagdaraos ng mga festival, lalo na at naghahanda ang ating bansa para sa “summer” o “dry” season na peak season ng turismo.


Hala Bira Iloilo!


☻☻☻


Nais ko ring bumati ng isang Happy Chinese New Year sa ating lahat, lalo na sa ating mga kapatid na Chinese-Filipinos. Nawa’y patuloy po sana kayong maging katuwang ng ating bayan para sa ating sama-samang pagbangon.


Gong Xi Fa Cai!


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin

 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 18, 2023


Malagim ang ulat na inilabas kamakailan ng United Nations Inter-agency Group for Child Mortality Estimation (UN IGME) tungkol sa mga batang Pilipino.


Ayon sa UN IGME nasa 60,000 batang Pinoy ang namatay bago ang kanilang ika-5 kaarawan dahil sa mga komplikasyon dala ng premature birth, intrapartum complications at nakahahawang sakit.


Dagdag pa ng ulat, halos 60 percent ng mga namatay bago ang kanilang 5th birthday ay bagong silang. Mahigit 25,000 sanggol ang stillborn kada taon.


Ang mungkahi ng UN IGME, palawakin pa ang access sa quality maternal and child health and nutrition services, tutukan ang immunization ng mga bata at tuparin ang mga commitment sa pagsiguro ng kalusugan sa first 1,000 days ng mga bata upang lumaki silang malakas.


☻☻☻


Bilang isa sa mga awtor ng First 1000 Days law (Republic Act No. 11148), nababahala tayo sa mga datos ng ulat ng UN IGME.


Kinakailangang matukoy natin kung saan ba tayo nagkukulang sa implementasyon ng batas na nagsusulong sa kapakanan at kalusugan ng batang Pinoy, at umaksyon agad upang masigurong natutupad natin ang layunin ng batas.


Maging wake-up call sana ang ulat na ito nang mapagtanto nating marami pa ang kailangang gawin para sa kapakanan ng kabataan.


☻☻☻


Marami sa mga kababayan natin ang nadismaya sa resulta ng Miss Universe 2022.

Nabigo si Bb. Celeste Cortesi na makapasok sa Top 16. Ito ang unang beses mula 2010 na nabigong makapasok sa semi-finals ng pageant ang pambato ng Pilipinas.


Ngunit anuman ang naging resulta, ipinagmamalaki pa rin natin si Celeste dahil sa kanyang dedikasyon sa pagbandera ng ating bansa.


Celeste, maraming salamat sa effort. Babawi tayo.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin

 
 
RECOMMENDED
bottom of page