ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 06, 2022
Nakababahala ang balita na may mga batang tinamaan ng COVID-19 sa Catanduanes dahil sa paglalaro diumano ng medical waste na ilegal na itinapon sa dalampasigan.
Bagama’t sinabi ng Department of Health (DOH) na malabong dulot ng nagamit na hiringgilya ang pagkakasakit ng mga bata, nariyan pa rin ang peligro na dulot ng hindi maayos na pagtatapon ng medical waste.
Maaari kasing ma-expose ang medical workers at mga taong nagha-handle ng medical waste, pati ang mga miyembro ng komunidad, sa mga pathogen o kaya’y matusok ng karayom at iba pa, kung hindi maayos ang pagtatapon ng medical waste.
Sa ating palagay ay sintomas lamang ang insidenteng ito ng tila lumalalang problema tungkol sa pagtatapon ng medical waste.
☻☻☻
Matatandaan ng ating mga mambabasa na noong isang taon ay inihain natin ang Senate Resolution 656 na humihimok sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at sa mga eksperto at kinauukulan na gumawa ng plano tungkol sa maayos na disposal ng medical waste.
Bagama’t nakatuon ito sa medical waste na dulot ng pagbabakuna laban sa COVID-19, dapat ituon na rin natin ito sa pangkalahatang problema ng medical waste disposal.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa 1,000 metric tons ng medical waste ang nakokolekta, araw-araw. Katumbas ito ng 166 na trak na may kapasidad na six tons.
Noong Abril 2021 naman ay sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na humigit-kumulang 52,000 tons ng medical waste ang na-produce mula noong simula ng pandemya. Sa bilang na ito, 14,000 lamang ang na-treat.
Sa isang pagdinig naman ng Kamara noong September 2021 ay sinabi ng ahensiya na hindi sapat ang kasalukuyang pasilidad ng bansa upang i-dispose ang medical waste.
☻☻☻
Hindi lamang Pilipinas ang may kinakaharap sa ganitong problema. Nagbabala na ang World Health Organization (WHO) na may banta sa kalusugan ng tao at kalikasan ang medical waste na napo-produce ng iba’t ibang bansa upang labanan ang COVID-19.
Kailangan nating kumilos agad upang maiwasan ang lalong pagdami pa ng medical waste, lalo na at karamihan dito ay hindi biodegradable.
Hindi pa siguro huli kung muling bibisitahing ng mga kinauukulan ang kasalukuyang protocol at makikipag-ugnayan sa mga stakeholders upang humanap at magsagawa ng praktikal at sustenableng solusyon.
Tulad ng ating sinabi noong nakaraang taon, kung hindi tayo kikilos agad ay baka magising na lang tayo balang araw na puno na ng mapanganib na medical waste ang ating mundo.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng MGA kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

