top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | May 13, 2025



File Photo: Raul Lambino - FB


Nakaranas ng aberya ang senatorial aspirant sa ilalim ng PDP-Laban na si Raul Lambino matapos bumoto sa kanyang presinto kahapon ng umaga. 


Sa isang Facebook post ni Lambino, sinabi niyang bagama’t tinanggap naman umano ng machine ang kanyang balota, wala aniyang verification at scanning na lumitaw sa screen. 


Blangko rin ang natanggap niyang resibong lumabas.


"Bumoto po ako kaninang 7:00 am. Tinanggap naman ng Machine yong balota pero walang scanning at verification na nag-appear sa screen, at ang lumabas na balota ay blanko," pahayag ni Lambino.


Nang ulitin sa ikatlong pagkakataon ay parehong resulta pa rin na nagpapakita ng mga pangalan ng mga kandidato na hindi niya binoto at maging ang pangalan niya ay wala. 


"Inulit ng BEI Chairman ang pagprint ng resibo at may lumabas na mga ibang pangalan na hindi ko binoto pati sarili ko, asawa ko atbp. Inulit muli ang pagprint ng resibo, ganoon pa rin!" saad pa niya. 


“Iba ang lumabas na mga pangalan sa resibo! Ibang mga pangalan ng kandidato na hindi ko binoto ang lumabas, at WALA iyong pangalan ko, asawa ko atbp kandidato na aking binoto!”


Sa kabila nito, positibo pa rin ang kandidato at nanawagan sa mga botante na bumoto pa rin at umasang mga tamang kandidato ang manalo ngayong 2025 midterm elections.

Dagdag pa niya, "Hindi man perpekto at depektibo ang mga makina at teknolohiya na ginagamit, dapat pa rin tayong bumoto at umasa na tamang mga kandidato ang manalo sa Halalan."


 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 7, 2025



File Photo: PBBM - Comelec


Idineklara ng Malacañang na special non-working holiday sa buong bansa sa araw ng halalan sa Mayo 12, 2025, araw ng Lunes.


Nakasaad sa Proclamation No. 878 na kailangang ideklarang walang pasok ang Mayo 12 upang makaboto ang mga tao, na kanilang karapatan.


Nilagdaan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang naturang proklamasyon kahapon, Mayo 6.


Ginawa ang deklarasyon kasunod ng kahilingan na rin ng Commission on Elections, na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makaboto ngayong eleksyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 7, 2025



File Photo: Abby Binay at Pammy Zamora - FB


Isang reklamo ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) laban kina Makati Mayor at tumatakbong senador Mar-Len Abigail 'Abby' Binay at Taguig 2nd District Representative Amparo Maria 'Pammy' Zamora dahil umano sa sabwatan nila sa pamimili ng boto sa isang campaign rally na ginanap sa Brgy. Cembo noong Abril 10, 2025. 


Ayon sa reklamo, nilabag umano nina Binay at Zamora ang Section 261 (a) at (b) ng Omnibus Election Code at Section 26 (p) ng Comelec Resolution No. 11104 na mahigpit na nagbabawal sa pamimili ng boto at pakikipagsabwatan upang impluwensyahan ang desisyon ng mga botante gamit ang pera o anumang benepisyo. 


Batay sa sinumpaang salaysay, ipinakilala umano ni Binay si Zamora sa rally bilang kanyang “counterpart sa Kongreso” at pabirong sinabi: “So, mamaya po, magsasalita po si Cong. Pammy, papakitaan niya kayo ng mga limpak-limpak niyang pera dahil marami siyang pondo. He-he-he-he. Yari ka, Pammy.” 


Makikitang ngumiti lang si Zamora habang sinasabi ito ni Binay at hindi raw ito kinontra, bagay na tinuring ng complainant bilang pagpapakita ng pagsang-ayon. 


Para sa nagsampa ng reklamo, malinaw umanong binigyan nito ng ideya ang mga tagapakinig na may gantimpala kapalit ng suporta sa darating na halalan. 


Binigyang-diin sa reklamo na hindi kailangan ng aktwal na pamimigay ng pera upang masabing nagkaroon ng vote-buying. Sapat na umano ang pag-aalok, pagbanggit, o pangakong may kaugnayan sa pera o benepisyo para mapasailalim ito sa paglabag sa batas. 


Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang sinumang mapatunayang sangkot sa vote-buying ay maaaring makulong mula isa hanggang anim na taon, ma-disqualify sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, at matanggalan ng karapatang bumoto.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page