top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 18, 2021





"Anxiety-ridden year" kung ilarawan ni Congw. Vilma Santos-Recto ang taong 2020 at ngayong taon kung saan aminado ang Star for All Seasons na nakaranas siya ng lungkot at sobrang anxiety dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 virus.


Nakapanayam ng Cinema News si Ate Vi at ayon sa actress-politician, minsan, sa umaga pa lang ay negatibo na siya kung saan naiisip niya agad kung sino ang mga mamamatay o kung ano ang mga masamang nangyayari.


Nakatulong nang malaki kay Ate Vi ang mahigit na isang buwang pamamalagi ng mag-asawang Luis Manzano at Jessy Mendiola sa kanilang bahay dahil ang dalawa ang nagpakilala sa kanya sa mundo ng vlogging at YouTube, kung saan mayroon na siyang sariling channel sa ngayon.


Sobrang ine-enjoy ng Star for All Seasons ang pagba-vlog dahil nagkakaroon siya ng interaksiyon sa ibang tao lalo na sa kanyang mga tagahanga.

Samantala, paliwanag ni Ate Vi kung bakit nagdesisyon siyang 'di na tumakbo sa darating na eleksiyon at magpahinga muna sa pulitika pagkatapos ng halos 23 taong paglilingkod bilang public servant, hindi niya kaya ang sistema ngayon sa kampanya at eleksiyon dahil hindi siyempre maiiwasang lapitan siya, halikan at yakapin ng kanyang mga fans.


Ngayong magpapahinga na sa pulitika si Ate Vi, may pagkakataon na siyang harapin muli ang pag-arte o pagdidirek, na matagal na palang balak gawin ng aktres.


Role ng isang Muslim na ina ang papel na gustong gampanan ni Ate Vi kung may mag-aalok sa kanya ng isang pelikula.


Isa namang pelikula na mangyayari lamang sa loob ng 24 oras ang gustong idirek ng Star for All Seasons.


Samantala, 'di rin itinago ng aktres ang excitement na gusto na niyang magkaapo kina Luis at Jessy pero sa kabila nito ay ayaw niyang i-pressure ang panganay na anak at manugang.


Isang mabait, cool at mapagmahal naman na lola ang nakikita ni Ate Vi sa sarili niya kapag nangyari na nga 'yun.


 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 15, 2021





Nagpositibo sa COVID-19 ang nanalong 2021 Ms. Aura International na si Alexandra Faith Garcia pagkatapos umuwi mula sa Turkey kung saan ginanap ang naturang international pageant.


Kuwento ni Faith, awtomatiko na ‘pag galing ka sa ibang bansa ay may 5-day quarantine ka.


Nu’ng ika-apat na araw ay nagpa-swab siya at nu’ng ika-limang araw ay lumabas ang resulta na positibo nga siya sa COVID-19 kaya diretso siya sa quarantine facility kung saan namalagi siya ng 10 araw.


Asymptomatic ang Ms. Aura International 2021 winner at naniniwala siya na baka false positive nga ang naging resulta niya. Pero para ‘di na makahawa sa iba ay pinili na lang niyang umiwas.


Ayon kay Faith ay mental health talaga ang tatamaan sa isang tao ‘pag nagpositibo sa COVID-19 pero itinuring niya ito na malaking hamon para higit siyang maging matatag, matibay at positibo sa buhay.

Si Faith ang kauna-unahang Filipina na nanalo bilang Ms. Aura International kung saan ‘di biro ang journey na pinagdaanan niya bago nanalo at naiuwi ang korona.


Kahit nga ang 5,000 dollars na napanalunan ay naubos na rin dahil sa mahal ng pamasahe papunta sa Turkey at pauwi ng bansa. Mabuti na lamang at ‘di materialistic na tao si Faith at sinigang ang una niyang hinanap pag-uwi ng bansa.


Labis din ang pasasalamat niya dahil ito na pala ang kahuli-hulihang pagkakataon na sumali at lumaban siya sa mga beauty contests dahil 28 yrs. old na siya ngayon at may age requirement ang mga sumasali sa beauty pageants.

Nasubukan na palang mag-extra ni Faith sa ilang pelikula gaya ng No Boyfriend Since Birth.


Nang tanungin namin kung sino kaya ang aktor na gusto niyang makapareha kung mabibigyan ng pagkakataon, agad niyang isinagot ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson.


Nagkasama na sila noon sa isang brand ng sapatos na ineendorso ng aktor at kung saan siya naman ang ambassador. Naniniwala si Faith na magkakasundo sila dahil pareho silang triathlete bukod pa sa magkakilala na sila.


May limang taong non-showbiz boyfriend, siniguro naman ng 2021 Ms. Aura International na ‘di siya tutulad sa ibang beauty queens na nanalo lang ay nakipaghiwalay na sa mga karelasyon lalo't masaya at kuntento siya sa relasyon nila ng boyfriend.


 
 

ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 10, 2021




Nagpahayag na ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na hindi na siya tatakbo sa kahit anong posisyon this coming 2022 elections. Gayunpaman ay sinabi nitong patuloy pa rin daw siyang tutulong sa madlang pipol sa abot ng kanyang makakaya.


Tipo kasing ini-enjoy ni Ate Vi ang kanyang vlog sa YouTube dahil masaya siyang nakikipagtsikahan kasama ang anak na si Luis Manzano at ang wifey nitong si Jessy Mendiola.


‘Niwey, kung si Vilma ay out na sa pulitika or sa Kongreso, si Superstar Nora Aunor naman ang tipong papalit kay Ate Vi at totohanan na nga ang balita ‘coz nagbigay na ng press statement ang Superstar.


“NORA AUNOR PRESS STATEMENT


“Ako po si Nora Cabaltera Villamayor o mas kilala bilang Nora Aunor sa Philippine Showbiz ay kumpirmado pong tatakbo po sa Halalan 2022 sa pamamagitan po ng party list na (NORA A) National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.


“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan. Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami.”


Una sa listahan ng mga gustong tulungan ni Ate Guy ay ang mga kasamahan niya sa industriya na gusto niyang mabigyan ng sapat na medical assistance, gayundin ang mga nasa media na karamihan ay walang fixed na suweldo.


Aniya, “Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran nang tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila.”

Pangalawa, gusto raw niyang mabigyan ng dagdag na pensiyon ang mga tulad niyang senior citizen na.


“Sa akin po kasing obserbasyon ay mas nakikinabang nang malaki ang mga nasa mauunlad na bayan na may malaking IRA. Kawawa po ang mga nasa malalayong pamayanan na wala pong pondo ang kanilang mga munisipalidad. Ang gusto ko pong maisabatas dito ay magkaroon ng National Fund para makinabang po ang mga senior citizens sa buong Pilipinas.”


Pangatlo sa mga gusto niyang tutukan ay magkaroon ng karagdagang pondo para sa mga OFWS.


“Para po hindi na maulit ang malagim na sinapit ng iba po nating kababayang OFWs. Karapat-dapat po silang bigyan ng atensiyon dahil napakalaki po ng kontribusyon nila sa ekonomiya ng ating bansa.”


Pang-apat, gusto niyang madagdagan ang pondo ng mga state universities para marami pang mga kabataan ang makinabang at magkaroon ng magandang kinabukasan. Gusto rin daw niyang isulong na mapataas ang suweldo ng mga guro.


Panglima, dahil malapit kay Ate Guy ang mga members ng LGBTQIA+, gusto raw niyang magsulong ng mas mabagsik na batas na poprotekta sa mga bading at tibo para magkaroon ng patas na karapatan at hindi ma-discriminate.


Ang iba pang sector na gustong tutukan at tulungan ni Ate Guy ay ang mga magsasaka, ang pangangailangang pang-kalusugan ng mga Pinoy at ang kabuhayan.


Aniya pa, “Ang lahat po ng ito ay maisasakatuparan ko po kung ako po ang inyong susuportahan. Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin.”


Good luck sa ating nag-iisang Superstar!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page