top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | July 30, 2023




Kinatutuwaan ng mga netizens ang mga posts ni Ms. Vilma Santos-Recto kung saan ipinapakita niya ang mga larawan nila ng apong si Isabella Rose o Baby Peanut at kapansin-pansin ang malaki nilang pagkakahawig.


Madalas, parehong naka-headband ang mag-lola sa pinagtabing larawan kung saan kitang-kita ang resemblance nilang dalawa.


Sa interview namin sa Star for All Seasons sa nakaraang pictorial para sa pelikulang When I Met U In Tokyo, masayang nagkuwento ang aktres na bukod sa pareho silang mahilig mag-headband ng apo ay pareho pala silang kaliwete.


Lolang-lola na ibinahagi sa amin ni Ate Vi na isa sa mga nagbibigay ng inspirasyon sa kanya ang apo, pero ayaw din niyang solohin ang apo dahil sa edad nitong anim na buwan ay alam niya na gusto ng mga magulang nito na mas makasama si Baby Peanut.

Nagpasalamat din si Ate Vi sa manugang na si Jessy Mendiola sa naging pahayag nito na labis ang pasasalamat niya sa kanyang mga in-laws dahil anumang oras na kailangang may pag-iwanan sa anak ay laging available ang mga ito, bukod pa sa nakikita niya kung paano alagaan at mahalin ng mga ito ang kanilang anak ni Luis Manzano.


Siniguro rin ni Ate Vi na anumang oras na kailanganin nina Luis at Jessy ng suporta at tulong ay lagi siyang available para sa mga ito.

Nakita rin ng aktres kung gaano kalaki ang ipinag-mature ng anak na si Luis mula nang dumating sa buhay ng mag-asawa si Baby Peanut.


Pagmamalaki nga ni Ate Vi ay moment na maituturing 'yung video ni Luis kung saan tila ayaw payagan ni Baby Peanut ang ama para magtrabaho.

Samantala, masaya at sobrang excited si Vilma sa pagpapalabas ng comeback project ng love team nila ni Christopher de Leon, ang When I Met U In Tokyo. Hiling ng marami ay masama sana bilang isa sa mga entries sa 2023 Metro Manila Film Festival ang pelikula.


Para kay Ate Vi, ipinauubaya na lang niya sa tadhana kung nakatakda bang mapasama sila sa MMFF, pero alam niya na magandang mapabilang sila rito dahil ito ang pagkakataon na may pera ang tao at nanonood talaga sa mga sinehan.


Natutuwa rin siya na walang nakitang pagbabago sa chemistry nila ni Boyet at hanggang ngayon ay nandu'n pa rin 'yun. Biro nga sa amin ni Ate Vi, kung tutungtong kaya sila ni Boyet sa edad na otsenta'y singko ay may mag-aalok pa rin kaya sa kanila ng pelikula?

Puring-puri rin ni Ate Vi ang lahat ng bumubuo sa When I Met U In Tokyo mula sa mga kapwa artista, staff at production crew na ayon sa kanya ay naitawid nila nang maayos ang pelikula kahit pa nga may mga aberya silang napagdaanan habang nagsu-shoot sila sa Japan ng malaking porsiyento ng pelikula.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | July 26, 2023




Kinlaro sa amin ni Atty. Ferdinand Topacio, malapit na kaibigan at abogado ni Claudine Barretto, sa nakaraang 38th Star Awards for Movies na hindi ang aktres ang may balak na magsampa ng demanda laban kay Sabrina M. kundi ang mga Claudinians o masusugid na tagahanga ni Claudine.


Ayon kay Atty. Topacio, tapos na ang tatlong araw na palugit na ibinigay nila sa sexy actress para bawiin nito ang pahayag na naging magkasintahan sila ni Rico Yan sa loob ng mahigit dalawa’t kalahating taon at alam ito mismo ni Claudine.


Ikinuwento rin sa amin ni Atty. Topacio na pinaghanda na rin niya ang mga Claudinians ng mga ebidensiya na magpapatunay na wala umanong katotohanan ang mga sinabi ni Sabrina.


Pagpapatuloy na sabi pa sa amin ni Atty. Topacio, dalawa ang kaso na maaaring maisampa laban kay Sabrina, cyber libel at moral damages.

Nang kumustahin namin si Claudine, ikinuwento ng abogado-film producer na nainis ang aktres dahil bukod sa pinalabas ni Sabrina na two-timer si Rico ay tila lumabas din na pinayagan pa ni Claudine na dalawa sila.


Para kay Atty. Topacio ay mali ang timeline sa pahayag ni Sabrina na naging sila sa loob ng mahigit dalawang taon dahil naghiwalay sina Rico at Claudine nu’ng Disyembre 2001, pero hanggang namatay ang aktor nu’ng Marso 2002 ay magkasama pa rin sila sa iisang bubong at sinusubukang ayusin ang relasyon nila.


Sa isyu naman na may balak din daw na magsampa ng kaso si Sabrina, para kay Atty. Topacio ay wala siyang maikokomento tungkol dito at karapatan naman ng sexy actress kung gusto nitong magsampa ng demanda.


Para sa abogado, ang dapat lang gawin ni Sabrina ay humingi ng tawad at sabihing nagkamali siya at dito ay matutuldukan na ang lahat, lalo’t nakiusap na rin ang ina ni Rico na patahimikin na sana ang kaluluwa ng anak na dalawampu’t isang taon nang yumao.


Sa kabilang banda, bukod sa pagiging isang abogado ay tuluy-tuloy pa rin ang pagiging movie producer ni Atty. Topacio. Isang pelikulang One Dinner A Week na pagbibidahan nina Claudine at Edu Manzano ang nalalapit na nilang umpisahan at matutuloy na rin ang shooting ng pelikulang Spring In Prague sa Prague na naudlot dahil nagkaroon ng problema sa visa ang isa sa mga supporting ng pelikula, pero naayos na nga ito ngayon.


Ngayong sumisigla na naman ang movie industry kung saan unti-unti ay naeengganyo nang mag-produce ang ilang producers sa panahong ito, ang hiling lang ni Atty. Topacio ay matapos na rin sana ang pulitika sa showbiz, lalo na sa mga film festivals kung saan ‘di pa rin umano nawawala ang palakasan at favoritism.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | July 15, 2023




May panawagan si Ara Mina sa nakababatang kapatid na si Cristine Reyes at ito ay magpakita na sana ito sa kanila dahil noong nakaraang Pasko pa niya huling nakasama ang kapatid.


Sinabi naman ni Ara na happy siya para kay Cristine dahil nakikita niyang masaya ito sa piling ng boyfriend na si Marco Gumabao.


Ngayon lang daw niya ulit nakitang nakangiti ang kapatid at alam naman niyang deserve nito ang kaligayahang nararamdaman.


Bilang ate, hiling ni Ara na ingatan at mahalin ni Marco si Cristine, lalo’t hindi naging maganda ang karanasan nito sa estranged husband na si Ali Khatibi, na may bagong girlfriend na rin ngayon.


Bilib din si Ara sa pagiging vocal at laging pagmamalaki ni Marco sa relasyon nila ni Cristine.


Naikumpara pa nga ng actress-TV host ang boyfriend ng kapatid sa mister niyang si Dave Almarinez na palaging very proud sa kanya.


Samantala, napatunayan ngayon ni Ara na walang imposible at may patutunguhan ang bawat pangarap.


Naiyak at naging emosyonal siya sa ginanap na presscon para sa kanyang bagong talk show sa NET25, ang Magandang ARAw.


Simula noong bata pa lang si Ara ay pangarap na niya na maging TV host. Sa katunayan, palagi nga niyang pinapanood ang sikat na American talk show host na si Oprah Winfrey.


Naranasan ni Ara sa Magandang ARAw kung paano maging scriptwriter, talent coordinator at kung minsan ay tagapagsabi ng mga mas magagandang shots sa mga cameramen ng programa.


Sinabi rin ni Ara na willing siyang gawin at pagdaanan ang lahat para lang makuha niya ang pulso ng mga viewers para sa kanyang bagong talk show.


Unang guest sa two-part pilot episode ng Magandang ARAw ang dating kasamahan ni Ara sa That’s Entertainment at itinuturing na “Ultimate Hunk Actor” na si Piolo Pascual na matagal nang gustong makasama si Ara sa isang proyekto.


Magsisimula nang mapanood ang Magandang ARAw ngayong Sabado, July 15, sa NET25 tuwing 3 to 4 PM.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page