top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | November 13, 2025



Donny at Belle

Photo: File



Emosyonal si Rodjun Cruz sa pagkapanalo nila ng kapareha niyang si Dasuri Choi bilang grand champion sa katatapos na Stars On The Floor (SOTF) ng GMA-7. 

Pagbabahagi ni Rodjun, 18 taon na mula nang mag-champion siya sa dance show ng ABS-CBN, ang You Can Dance (YCD), at ngayon nga ay nag-champion siyang muli sa SOTF.


Pagbabalik-tanaw ng Kapuso actor, 18 years ago ay pinapanood pa siya ng namayapang ina, kung saan magkalaban pa sila noon ng asawang si Dianne Medina. 

Pero ngayon ay pinapanood na siya ng asawa kasama ang mga anak nilang sina Ysbella at Joaquin, at kanyang kapatid na si Rayver Cruz.


Nang tanungin namin kung ano sa palagay niya ang mayroon sa tambalan nila ni Dasuri at sila ang nanalo, para kay Rodjun ay malaking bagay na nagkasama na sila dati pa ni Dasuri sa TikToClock (TTC) at Eat…Bulaga! (EB!). Bukod pa rito, pareho silang palaban,

positibo, at talagang pinagtrabahuhan nila nang husto. 


Kung may hindi sila makuhang steps sa rehearsal ay uulitin nila ito nang uulitin hanggang makuha ang tamang galaw.


Natutuwa rin si Rodjun dahil ang pagkapanalo nila ay patunay lang na age is just a number, kung saan edad 20s o 30s ang mga kalaban nila, samantalang magpo-40 na si Rodjun.


Masaya at kuntento sa relasyon nila ng asawang si Dianne, mahigit 10 taon na ang pagsasama ng dalawa kung isasama ang relasyon nila bilang magkasintahan. Wala na ring lugar ang selos sa relasyon nila, lalo’t siniguro sa amin ni Rodjun na loyal at sobrang mahal niya si Dianne at ang kanilang mga anak.


Nakakabilib din dahil kahit sabay silang pumasok sa show business ay hindi nagkaroon ng sibling rivalry sa pagitan nila ng nakababatang kapatid. 


Pagkukuwento ni Rodjun, masaya sila sa bawat tagumpay ng bawat isa at walang espasyo sa kanila ang inggit sa nararating ng bawat isa.



“Malaking challenge s’yempre, nakakapanibago. Quite some time, actually lahat ng shows, if I would do a series, it would be with Belle most of the time,” ito ang naging pahayag ni Donny Pangilinan sa presscon proper ng Roja, kung saan tinanong namin siya kung may pressure ba sa parte niya na hindi niya kasama sa proyektong ito ang kapareha at ipinapakilala siya bilang solo actor.


Pahayag pa ni Donny, “For the past 5 years, 6 years magkasama kami, I think this is something we both talked about talaga. She’s also been able to do her own projects. I didn’t know what to expect, ‘di ko rin alam kung ano ang magiging relationship ko with the cast members, kung ano ang magiging dynamics namin.


“It’s also my first time to do a project na ‘yung co-lead ko is someone na kaibigan ko rin na lalaki. It’s really a different dynamic, ‘di ba? That in itself s’yempre, may pressure but I also knew it will also give me growth and maturity. When you leave that comfort zone, doon mo mararamdaman talaga ‘yung mga emotions na ‘di mo naramdaman dati, ‘yung mga eksena na ‘di mo nagagawa.”

Diin niya, “Belle and I are very supportive towards each other.”


Nang mapanood namin ang unang tatlong episodes ng Roja na nagpapakita rin na kaya niyang makipagsabayan kay Kyle Echarri pagdating sa aksiyon at kahit sa pag-arte, patunay lang ito na puwede nang i-push si Donny bilang solo actor. 

Samantala, naghiyawan ang mga DonBelle fans nang i-promote ng Kapamilya actor ang pelikulang Meet, Greet & Bye (MG&B), kung saan isa sa cast si Belle, patunay lang na buo talaga ang suporta nila sa isa’t isa.


Hindi rin matatawaran at powerhouse ang cast ng Roja mula sa mga lead actors na sina Donny at Kyle Echarri, Maymay Entrata, Raymond Bagatsing, Joel Torre, Lorna Tolentino, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Sandy Andolong, Kaila Montinola, Emilio Daez, Lou Yanong, Robert Sena, Rikki Mae Davao at marami pang iba.

Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Direk Law Fajardo, Direk Andoy Ranay, Raymund Ocampo at Rico Navarro, sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment. 


Mapapanood ito simula November 21 sa Netflix, November 22 sa iWant, at November 24 sa ganap na 8:45 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | October 8, 2025



Rufa Mae Quinto

Photo: Jiuday IG



Sa launching at press conference ni Judy Ann Santos bilang bagong Kyowa endorser, eksklusibo naming nakapanayam ang aktres at natanong kung paano nila pinapanatiling bukas ang komunikasyon sa pagitan nila ni Ryan Agoncillo bilang mga magulang sa mga anak nilang sina Yohan, Lucho at Luna. 


Ipinagluluksa pa rin kasi ng pamilya Atienza ang pagpanaw ni Emman Atienza na anak nina Kuya Kim Atienza at Felicia Atienza, kung saan naging bukas sila na may mental health problem na pinagdaanan ang 19-anyos na dalaga, at kakulangan ng open communication sa pagitan ng mga magulang at kanilang anak ang isa sa mga ugat ng problema.


Ayon sa aktres, kinakausap nila sa mahinahong paraan ang mga anak. Nag-uusap sila na parang magkaibigan, pero nandoon pa rin ang pagiging magulang. 

Ipinaparamdam nila sa mga anak na naiintindihan nila ang mga ito at hindi nila hinuhusgahan sa anumang pinagdaraanan. 


Dagdag pa ni Judy Ann, kailangang maramdaman ng mga anak na safe space sila ng mga ito at mas gusto nilang mag-open sa kanila kung may problema mang pinagdaraanan. Para kung anuman ang nangyayari ay mapatnubayan nila ni Ryan ang mga anak at maramdaman ng mga ito na buo ang suporta ng kanilang mga magulang.

Madalas ding maging paboritong i-bash ng mga bashers hindi lang ang mga artista kundi pati ang mga kapamilya nila. 


Ayon kay Juday, ipinapaliwanag niya sa mga anak na huwag masyadong magpapaniwala sa mga napapanood nila sa social media dahil kahit siya ay naging biktima ng AI (artificial intelligence) kung saan nag-eendorso siya ng produkto.

Sa tatlong anak, si Yohan lang ang medyo aktibo sa social media dahil may YouTube (YT) channel ito na Yohan Jams. Ipinapaliwanag niya sa panganay na anak na malupit ang mundo ng social media. 


Ayon sa aktres, kung hindi ka sasagot sa “Hi” o “Hello” ng isang netizen ay maaaring i-bash ka na nito para lang makuha ang atensiyon mo at maapektuhan ka. 


Pinayuhan din ni Juday si Yohan na huwag na lang magbasa ng mga comments at magpatuloy lang sa kung ano ang ine-enjoy niyang gawin.


Ang 16 taong relasyon bilang mag-asawa nina Juday at Ryan ay isa sa mga hinahangaan sa showbizness dahil sa tatag at tibay nito. 


Pagkukuwento ng Kapamilya actress, isang malaking bagay kaya tumatagal ang kanilang pagsasama ay dahil kaya nilang pagtawanan ang isa’t isa at inirerespeto nila ang space ng bawat isa. Kapag gustong manahimik ng isa, hindi ito pilit na kakausapin. 

Ayon din kay Juday, malaking tulong na may ‘banyo time’ silang mag-asawa kung saan habang nagsesepilyo sila ay nag-uusap sila mula sa pinakaseryosong paksa hanggang sa pinakamaliit at pinakanakakatawa.


Sa kabilang banda, masaya naman si Juday bilang bagong endorser ng Kyowa. Naniniwala siya na malaking tulong na mapagkakatiwalaan at consumer-friendly ang mga gamit sa pagluluto, lalo’t subok na ang husay nito sa loob ng mahigit tatlumpu’t walong taon na bahagi na ito ng buhay ng mga Pilipino.



Pasabog ang pole dancing… 

KIM, AMINADONG MASYONDA NA, MAY ‘K’ NANG MAGPA-SEXY


GINULAT kami sa pagiging daring at palaban ni Kim Chiu sa karakter bilang Stella sa Prime Video series na The Alibi (TA)


Napaka-artistic at mahusay ang pagkakakuha ng pole dancing scene ni Kim. Kahit kami ay hindi makapaniwala na gagawa siya ng ganoon ka-sexy at ka-daring na eksena.


Sa presscon proper, sinabi ni Kim na sa edad niya ngayon na 35 na, alam niyang dapat na maging bukas na rin siya sa pagganap ng mga matured at daring roles gaya ng ginawa niya sa serye. 


Nagsimula siya sa teenybopper roles at ngayon ay gumaganap na ng mga daring roles. 


Para nga kay Direk Onat Diaz, si Kim ang isa sa pinakamatalinong aktres na nakilala niya, bukas at laging handang matuto upang mas mapaunlad ang

kakayahan niya.


Powerhouse cast din ang bumubuo sa TA mula kina Kim Chiu, Paulo Avelino, John Arcilla, Zsa Zsa Padilla, Rafael Rosell, Sam Milby, Robbi Jaworski, Angelina Cruz, Romnick Sarmenta, Ian de Leon, Alora Sasam, Thou Reyes at iba pa. 


Sa ilalim ito ng direksiyon nina Direk Onat, Direk Jojo Saguin at Direk FM Reyes, mula sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment. 

Napapanood na ito simula nu’ng November 7 sa Prime Video.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | October 9, 2025



Rufa Mae Quinto

Photo: Rufa Mae Quinto / IG



Aminado si Rufa Mae Quinto na malaking tulong sa kanya ang sunud-sunod na mga trabahong ginagawa ngayon, mula sa Your Face Sounds Familiar (YFSF), isang teleradyo show sa DWAR, at mga endorsements. 


Pero sa kabila nito ay inaatake pa rin siya ng sobrang kalungkutan kapag naaalala ang namayapang asawa na si Trevor Magallanes.


Ayon sa komedyana, nalilibang siya sa sunud-sunod na trabaho pero pagkalipas ng dalawa o tatlong araw ay bigla na lang siyang iyak nang iyak dahil pumapasok sa isip niya si Trevor. 


Sang-ayon si Rufa Mae na ang pinakamasakit ay mawalan ka ng asawa, lalo’t may naiwan pang anak na siyang nami-miss ang namayapang ama. 


Tuloy ang buhay para sa aktres, pero hindi maiiwasan na may mga pagkakataong kinakain pa rin siya ng sobrang lungkot at depresyon. 


Sabay na hinaharap ng komedyana ang mabigat at masakit na pinagdaraanan ng anak nila ni Trevor na si Alexandra Athena, na ngayon ay 8 taon na. 


Pagbabahagi ni Rufa Mae, hindi niya alam kung trauma dahil sa pagpanaw ng ama, pero mas naging clingy sa kanya ang anak at gusto ay laging nakatabi sa kanya kahit sa pagtulog. 


Ipinapakita rin niya sa anak ang mundo niya bilang artista, kung saan nakikita siya

nitong nagme-make-up, nagda-dance rehearsal, may kasamang direktor at staff mula sa show. 


Nasanay kasi si Athena na nakikita si Rufa Mae bilang normal na ina na nagluluto, naglilinis o gumagawa ng anumang gawaing-bahay.


Samantala, labis ang pasasalamat ni Rufa Mae sa mga nagbibigay sa kanya ng mga

trabaho, mapa-show man ito, pelikula o endorsement, na malaking tulong para malagpasan nila ang masakit na sitwasyon sa ngayon.


Sa vlog ni Rufa Mae kamakailan, kinlaro nito na wala pa siyang nakukuha kahit singko mula sa death benefits ng asawa na isang pulis sa America. 


Paliwanag ng komedyana, hindi pa siya nakakabalik sa America para asikasuhin ito lalo’t contestant siya ng YFSF na tuluy-tuloy ang taping. 


Pahayag ni RMQ, bumalik lang sila noon sa America para ayusin ang labi ng asawa, at ang death benefits na iyon ay nandoon lang at hindi mawawala kahit kailan. Alam ni Rufa Mae na inihanda talaga ito ni Trevor para sa kinabukasan nilang mag-ina, lalo’t sa

journal na iniwan ng asawa ay ito ang plano ni Trevor.


Kilalang masayahin at positibo lagi ang pananaw sa buhay, buo ang paniniwala ng iba na matagalan man ay malalagpasan ni Rufa Mae Quinto ang masakit at mabigat na pinagdaraanan at magagamot din niya ang pangungulila sa pagpanaw ng asawa.



SA panayam namin kay Chef Boy Logro sa nakaraang grand opening ng Easy Training Center and Store sa Congressional, Quezon City, naikuwento nito na ang edad niya ang naging rason kung bakit nagdesisyon siyang iwanan ang mundo ng telebisyon. 


Nakilala sa mga shows na Kusina Masters (KM) at Idol sa Kusina (ISK) na namaalam sa ere limang taon na ang nakakalipas, inamin ni Chef Boy na kung kitaan at kasikatan ang pag-uusapan ay wala siyang masasabi. Pero para sa kanyang kalusugan ay mas pinili na lang niya na iwan ang telebisyon.


Para kay Chef Boy, ang gusto na lang niya ay i-enjoy ang kanyang oras sa farm kasama ang pamilya at mag-mentor sa mga baguhang entrepreneurs na gustong matuto, kaya mayroon siyang eskuwelahan sa Davao at nagbukas na rin ng Easy Training Center.


Labis din ang pasasalamat ni Chef Boy sa may-ari ng Easy Pro na si Mr. Lawrence Wang dahil kahit limang taon na siyang wala sa telebisyon ay anim na taon na siyang endorser o nagsisilbing mukha ng food service business, na masarap at puwedeng magamit na panghanapbuhay ng gustong magsimula ng negosyo.



ITINUTURING na Philippine’s Number One Success Coach, taong 2020 nang dumaan sa mabigat na pagsubok si John Calub kung saan na-diagnose siya ng non-bacterial chronic pelvic pain (CPPS). 


Itinuturing itong isang incurable condition. Pero hindi nagpatalo sa karamdaman si John at nagsaliksik kung saan natuklasan niya ang biohacking — kombinasyon ng sinaunang karunungan at makabagong teknolohiya upang paganahin ang likas na kakayahan ng katawan para sa mabilisang paggaling.


Sa loob lamang ng 30 araw sa paggamit ng mga biohacking protocols gaya ng breathwork, biotechnology, ice bathing at iba pa, gumaling siya sa karamdaman at mula rito ay ipinanganak ang tinatawag na ‘Miracles Protocol’.


Itinatag ni John ang Biohacking Center kung saan isa pala sa mga naging pasyente niya ang kapatid ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin. 


Natanong namin si John tungkol sa sakit ni Kris Aquino na nag-uugat sa kanyang immune system, at ang hiling niya ay magkaroon sana siya ng tsansa na makausap at makilala si Kris. 


Naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng ‘Miracles Protocol’ para mapabuti ang kalagayan ng sikat na TV host.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page