top of page
Search

ni Mharose Almirañez | July 17, 2022



Laganap na naman ang dengue ngayong tag-ulan. Ready ka na ba?


Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 64,797 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 25, 2022, at tinatayang may 90% increase sa bilang ng mga kaso kumpara sa naitala noong nakaraang taon. Bagay na talaga namang nakakaalarma dahil ilang indibidwal na ngayon ang ina-admit sa mga ospital.


Una nang ipinaalala ng DOH sa publiko na i-practice ang tinatawag na “4S behavior” para labanan ang dengue, kabilang dito ang Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; at Support fogging o spraying in hotspot areas.


Dagdag pa rito, ang dengue ay may 4 stages, kaya bago pa tuluyang umabot sa pinakamalalang stage, sundin ang mga sumusunod na payo, mula sa isang dengue survivor:


1. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Isa ito sa mga paraan upang mapataas ang platelet count at maging hydrated. Mainam ding uminom ng electrolyte drinks tulad ng Pocari Sweat at Gatorade dahil bukod sa nakakatanggal ng uhaw, nakatutulong din itong marekober ang nawalang fluids at electrolytes sa katawan. Iwasan ang mga inuming nakaka-dehydrate kabilang ang tsaa, kape, mga alak at softdrinks.


2. KUMAIN NG PRUTAS. Nakakatulong ang watery fruits, partikular na ang pakwan dahil may taglay itong sustansya na nakakapag-replenish ng lost fluids at nakaka-detoxify ng katawan. Isama na rin ang mga prutas na mayaman sa Vitamin C tulad ng dalandan, ponkan at lemon.


3. UMINOM NG WASTONG GAMOT. Para sa lagnat at pananakit ng kasukasuan, uminom ng mga gamot na may generic name na paracetamol. Iwasan ang mga gamot na ibuprofen, aspirin at mefenamic na puwedeng magpalala ng pagdurugo. Kung nagkakaroon ng pagdurugo, mga pasa o pamamaga habang nagpapagaling mula sa dengue fever, makipag-ugnayan agad sa iyong doktor o nars. Isa sa rekomendasyon ng doktor ang multivitamins dahil may sapat itong bitamina na angkop sa katawan upang mas mabilis makarekober.


4. KUMAIN NG GULAY. Kung magkakaroon ng marahas na pagbaba sa bilang ng platelet, nakatutulong ang mga pagkaing mayaman sa antioxidant, mineral at Vitamin K, partikular na ang broccoli upang ma-regenerate ang platelets.


5. IWASAN ANG FATTY FOODS. Tandaang hindi lamang immune system ang inaatake ng dengue kundi pati na rin ang atay. Pinapataas ng dengue ang liver enzymes ng isang pasyente, lalo’t binibigyan din siya ng iba’t ibang medikasyon, kaya hangga’t maaari ay iwasan muna ang fatty foods.


6. KUMAIN NG ITLOG NG PUGO. Mayaman ito sa protein, Vitamins A at D, at antioxidants. Advisable itong kainin ng mga na-dengue.


Ngayong alam mo na ang mga dapat kainin at inumin tuwing may dengue, ibahagi mo na rin ito sa kilala mong nagpapagaling mula sa naturang sakit.


‘Ika nga, karaniwang sakit na ang dengue at kadalasang tumataas ang bilang ng mga kaso nito tuwing tag-ulan, kaya naman panatilihing malinis ang kapaligiran.


Okie?

 
 

ni Mharose Almirañez | July 14, 2022



Gugunitain ng mga Tsinoy ang “Chinese Ghost Month” ngayong ika-29 ng Hulyo hanggang Agosto 26. Ito ay isang tradisyon taun-taon, kung kailan bumubukas ang impiyerno at gumagala ang masasamang espiritu sa loob ng isang buwan.


Take note, beshie, hindi ito tungkol sa ghosting issue nina Bea Alonzo at Gerald Anderson kundi literal na Ghost Month, kung saan involved ang mga kaibigan nating Intsik.


Bilang karagdagang impormasyon, narito ang mga dapat iwasang gawin habang umiiral ang Chinese Ghost Month:


1. HUWAG MAGSUOT NG ITIM AT PULANG DAMIT. Sa paniniwala ng mga Intsik, nakakamalas ang ganitong kulay ng damit sa kasagsagan ng Ghost Month dahil anila, mas lapitin ng mga espiritu at mapaglalaruan sila. Hangga’t maaari ay magsuot ng light-colored apparel habang hindi pa tapos ang pagdiriwang.


2. HUWAG PULUTIN ANG MAKIKITANG PERA. Anila, ‘yun ay alay o pantaboy sa masasamang espiritu, kaya huwag na huwag mong pupulutin ang mga makikita mong pera o barya sa kalsada. Ginagawa umano nila ito upang ma-appease ang mga kaluluwa at lubayan ang kanilang mga tirahan.


3. HUWAG SISIPOL TUWING GABI. Pinaniniwalaan din nila na ang pagsipol tuwing gabi ay isang gawi ng pang-aakit sa mga kaluluwa. Kaya dapat iwasan ang pagsipol sa gabi upang hindi lapitan at pagluruan ng masasamang espiritu.


4. HUWAG MAG-PICTURE SA GABI. ‘Yung tipong, dalawa lang kayo nag-picture tapos pagkakita mo sa screen ay may white lady na photo bomber. Sila ‘yung mga mapaglarong kaluluwa na hindi nakikita ng ating mga mata, pero nahahagip ng ibang device. So, beshie, awat muna sa pagse-selfie tuwing gabi simula July 29 hanggang August 26. Okie?


5. HUWAG MAGSISIMULA NG BUSINESS. Anila, patapusin muna ang Ghost Month bago magtayo ng bagong negosyo upang maging maganda ang pasok ng pera at tuluy-tuloy ang paglago ng negosyo.


6. HUWAG MUNA LUMIPAT NG BAHAY. Katulad ng pagsisimula ng business, dapat ay palipasin muna ang Ghost Month bago lumipat ng bahay upang hindi sumama ang mga mapaglarong espiritu sa inyong bagong tirahan. Pinapayuhan ding mag-alay ng pagkain, maghanda ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang kanin. Mag-insenso sa labas ng bahay. Kumbaga, para kang nagpapaalam sa spirits. Mangyari’y kumonsulta sa Feng Shui experts tungkol sa masusuwerteng ayos ng pintuan, bintana, puwesto ng furniture abp. upang magtuluy-tuloy ang inyong suwerte.


7. HUWAG MANOOD NG HORROR MOVIES. Anila, totoo raw na nakikinood ang mga espiritu sa ’yo hanggang sa matapos ang palabas. Posible itong magdala ng peligro dahil maaakit sila sa iyong tahanan. Bukod pa rito, tandaan na ang pagbanggit ng mga multo o pag-uusap tungkol sa kanila ay maaari ring makatawag sa atensyon ng mga gumagalang espiritu sa inyong lugar.


8. IWASAN ANG MGA “YIN” NA LUGAR. Dahil sa YinYang, ang Yin ay ang tinaguriang mabigat na enerhiya. Kaya dapat iwasang pumunta sa mga lugar tulad ng lamay, ospital, sementeryo at punerarya dahil dito umano namumugad ang mga ligaw na espiritu at malaki ang tsansang sumama ito sa’yo.


Ang mga nabanggit na impormasyon ay mula sa isang panayam sa ating kaibigang Intsik. Dagdag pa niya, August 22 ang climax at pinakadelikadong petsa ng Ghost Month dahil ito ang ika-15 araw, kaya huwag ding kakalimutan ang magdasal dahil walang hihigit sa pananalig sa Kataas-taasan.


So, beshie, ibahagi mo na rin ito sa mga kaibigan mong Tsinoy o kahit sa purong Pinoy upang pare-pareho nating ma-manifest ang good luck sa kasagsagan ng Ghost Month. Afterall, wala namang mawawala kung susubukan nating sumunod, ‘di ba? Good vibes lang dapat. Bawal ang nega.


Okie?!


 
 

ni Mharose Almirañez | July 10, 2022



Naranasan mo na bang magkanda-hilu-hilo at magsuka sa kahabaan ng biyahe?


Normal lamang makaranas ng motion sickness ang kahit sinong indibidwal sa tuwing bumabiyahe sa malalayong lugar, sakay man ng kotse, eroplano, barko o tren. Bukod sa mga bata, kabilang din sa nakararanas nito ang mga buntis at iba pang hindi sanay bumiyahe.


Kaya bilang gabay, narito ang ilang tips na dapat gawin sa tuwing nakararanas ng pagkahilo sa biyahe:


1. UMINOM NG GAMOT. Maliban sa paglanghap ng white flower at pagpapahid ng healing ointment, epektibo ring pangontra sa hilo ang pag-inom ng Bonamine. Mabibili ito sa halagang P10 hanggang P15 kada tableta sa mga botika. Puwede itong inumin isang oras bago bumiyahe. Gayunman, tiyaking may laman ang tiyan bago bumiyahe at busog tuwing iinom ng gamot.


2. PANATILIHIN SA IISANG PUWESTO ANG ULO. Kumbaga, huwag kang pabagu-bago ng puwesto o ‘wag kang galaw nang galaw habang umaandar ang sasakyan. Mainam kung isasandal mo na lamang ang ulo sa sandalan ng upuan. Puwede ka ring maupo sa passenger seat upang hindi mo masyadong maramdaman ang pag-alog ng sasakyan.


3. PANATILIHING BUKAS ANG BINTANA. Makatutulong ang paglanghap ng sariwang hangin mula sa labas ng sasakyan at ang pagtanaw sa malayong lugar upang mabawasan ang pagkahilo.


4. HUWAG MAGBASA HABANG NASA BIYAHE. Siyempre matatagtag ka sa daan, kaya magkakanda-labu-labo ang paningin mo na maaaring makapagpahilo sa ‘yo.


5. MIND OVER MATTER. ‘Wag mo isiping nasusuka ka. ‘Wag kang lunok nang lunok o ‘wag mong paglaruan ang laway sa bibig mo na para bang pinipilit mo pa ‘yung sarili mong masuka. Sa halip ay ituon mo na lamang sa magagandang memories ang iyong isipan.


6. MAGDALA NG SUPOT. Sa supot ka susuka at hindi sa loob ng sasakyan o sa labas ng bintana. Dapat palagi kang may dalang supot saan ka man pumunta.


Ang pagkahilo sa biyahe ay hindi mapipigilan, kaya kung ayaw mong masabihang, “Ang pangit mo naman ka-bonding,” ay gawin mo na lamang ang nabanggit.


Okie?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page