ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 29, 2025

Dear Chief Acosta,
Mayroon bang posibilidad na mapawalang-sala ang isang tao na naaresto kaugnay sa ilegal na droga dahil sa hindi agarang nag-imbentaryo ng ebidensya ang pulis na umaresto sa kanya? Ang balita ng pamilya ng naaresto ay hindi rin diumano agad nakapagsumite ng sertipikasyon ang forensic examiner kaugnay sa ginawa nitong pagsusuri sa ebidensya. May legal na epekto ba ang mga pagkukulang na iyon ng mga kinauukulan? Sana ay malinawan ninyo ako. — Andeng
Dear Andeng,
Sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, ang mismong ipinagbabawal na gamot ang nagsisilbing corpus delicti o katawan ng krimen. Kung wala ito o kung ito ay mapatunayan na na-tamper, na-fabricate o namanipula, hindi ito maaaring magamit na ebidensya laban sa taong inaakusahan.
Upang mabigyan ng proteksyon ang sinumang maaaresto kaugnay sa ilegal na droga, ipinag-uutos ng batas sa ating mga kapulisan at mga opisyal na naatasang magsagawa ng pag-aresto ang pagsiguro na walang patid ang tanikala ng kustodiya ng nakalap na ebidensya. Kaugnay nito, iniaatas sa kanila ang agarang pagkalap ng ebidensya at ang agarang pagsasagawa ng pag-iimbentaryo sa harap: (1) ng taong nakuhanan nito o ng kanyang kinatawan o abogado, (2) ng isang nahalal na pampublikong opisyal, at (3) ng kinatawan mula sa National Prosecution Service (NPS) o ng media, maliban na lamang kung mayroong makatwirang dahilan sa hindi lubos na pagtalima sa tuntuning nabanggit. Ipinag-uutos din ang agarang pagsusumite ng nakalap na ebidensya sa forensic laboratory para sa kaukulang pagsusuri at ang kagyat naman na pagsusumite ng sertipikasyon matapos gawin ang nasabing pagsusuri, maliban na lamang kung lubos na napakarami ng ebidensya na nakalap na hindi agarang maisasagawa ang pagsusuri sa lahat ng ebidensya. Ang nabanggit na tuntunin ay partikular na nakasaad sa Section 21 (1) ng Republic Act (R.A.) No. 9165, na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10640:
“SEC. 21. Custody and Disposition of Confiscated, Seized, and/or Surrendered Dangerous Drugs, Plant Sources of Dangerous Drugs, Controlled Precursors and Essential Chemicals, Instruments/Paraphernalia and/or Laboratory Equipment. – x x x
“(1)The apprehending team having initial custody and control of the dangerous drugs, controlled precursors and essential chemicals, instruments/paraphernalia and/or laboratory equipment shall, immediately after seizure and confiscation, conduct a physical inventory of the seized items and photograph the same in the presence of the accused or the person/s from whom such items were confiscated and/or seized, or his/her representative or counsel, with an elected public official and a representative of the National Prosecution Service or the media who shall be required to sign the copies of the inventory and be given a copy thereof: Provided, That the physical inventory and photograph shall be conducted at the place where the search warrant is served; or at the nearest police station or at the nearest office of the apprehending officer/team, whichever is practicable, in case of warrantless seizures: Provided, finally, That noncompliance of these requirements under justifiable grounds, as long as the integrity and the evidentiary value of the seized items are properly preserved by the apprehending officer/team, shall not render void and invalid such seizures and custody over said items. x x x
“(3) A certification of the forensic laboratory examination results, which shall be done by the forensic laboratory examiner, shall be issued immediately upon the receipt of the subject item/s: Provided, That when the volume of dangerous drugs, plant sources of dangerous drugs, and controlled precursors and essential chemicals does not allow the completion of testing within the time frame, a partial laboratory examination report shall be provisionally issued stating therein the quantities of dangerous drugs still to be examined by the forensic laboratory: Provided, however, That a final certification shall be issued immediately upon completion of the said examination and certification;x x x”
Sa sitwasyon na iyong nabanggit, pinakamahalaga na alamin kung napanatili ba na walang patid ang naging kustodiya sa mga nakalap na ebidensya laban sa taong naaresto upang malaman kung napanatili ba ang integridad nito at nang matukoy kung ito ay balidong magagamit laban sa kanya. Sa pangkalahatan, naroon ang posibilidad na siya ay mapawalang-sala kung hindi tumalima ang pulis na umaresto sa kanya sa agarang pag-iimbentaryo ng ipinagbabawal na gamot na sinasabing nakuha mula sa kanya, maliban na lamang kung mayroong makatwirang dahilan sa pagkukulang ng mga pulis. Gayundin, kung ang forensic laboratory examiner ay hindi agarang nagsagawa ng pagsusuri sa nakalap na ebidensya, mayroong posibilidad na mapawalang-sala ang taong naaresto sapagkat maaaring kuwestiyunable ang integridad ng naturang ebidensya laban sa kanya, maliban na lamang kung sadyang napakarami ng ebidensyang nakalap kung kaya’t hindi agarang naisagawa ng forensic laboratory examiner ang pagsusuri.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




