top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Aug. 30, 2025



ISSUE #364


Sadyang napakahalaga ng pagkakaroon ng ebidensya sa pagsusulong ng anumang uri ng kaso upang makamtan ang hustisya. 


Ebidensya ang pangunahing sumusuporta sa pagtaguyod ng katotohanan. Mga alegasyon ng magkabilang partido ay maaaring magkasalungat man, subalit sa tulong ng ebidensya ay maipaglalaban ang kanilang mga karapatan.


Partikular, sa pagsusulong ng kasong kriminal para sa mga biktima, ebidensya laban sa inaakusahan na salarin ang kinakailangang maiprisinta upang maitaguyod ang kasalanan ng inaakusahan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay tungkol sa pamamaslang sa biktimang nagngangalang Jose, hango sa kasong kriminal na People of the Philippines vs. Antonio Dela Rosa y Perdes (Criminal Case No. S-6386, October 15, 2009). 


Sa kasamaang-palad, ang hustisya para sa kanyang kaluluwa ay hindi naigawad. Saan kaya nagkulang? Iyan ang sama-sama nating alamin at tunghayan.


Diumano, si Jose ay marahas na binaril noong ika-12 ng Mayo 2003, sa isang barangay sa Sta. Maria, Laguna. 


Ang bala na tumama sa kanyang ulo ang naging sanhi ng kanyang kagyat na pagpanaw.

Si Antonio ang pinaratangan na walang-awang pumaslang kay Jose. 

Kasong homicide ang inihain laban sa kanya sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna). 


Agad siyang naaresto, gayunpaman, siya ay naghain ng petisyon upang makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan, na pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis.


“Not guilty,” ang naging pagsamo ni Antonio sa hukuman. Mariin niyang itinanggi ang paratang laban sa kanya.


Sa pre-trial ng kaso, kapwa nagsumite ang tagausig at depensa para sa pagmamarka ng kani-kanilang ebidensya. 


Sa bahagi ng tagausig, partikular na minarkahan bilang Exhibit “A” ang sinumpaang salaysay ng isang nagngangalang Ruben; Exhibit “B”, ang sinumpaang salaysay ng naulila na maybahay ni Jose na si Carmelita; Exhibit “C”, ang death certificate ni Jose; Exhibit “D”, ang mga larawan ni Jose; at Exhibits “E” at “F”, ang medico-legal certificate at anatomical sketch na inihanda ni Dr. Tamares.


Para naman sa depensa, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.A. De Guia ng aming PAO-Siniloan, Laguna District Office, minarkahan ang sagot na salaysay ni Antonio bilang Exhibit “J”, at Exhibit “2” naman ang salaysay ni Yolanda, asawa ni Antonio.


Nang litisin na ang kaso laban kay Antonio, tanging dalawang saksi lamang ang tumestigo sa harap ng hukuman – sina Carmelita at Dr. Tamares. 


Si Carmelita ay tumestigo kaugnay lamang sa sibil na aspeto ng kaso, habang si Dr. Tamares ay tumestigo kaugnay sa nilalaman ng medico-legal certificate at anatomical sketch nang kanyang suriin ang bangkay ng biktima. 


Si Ruben, na diumano ay nakasaksi sa naganap na pamamaril sa biktima, ay makailang beses na pinadalhan ng subpoena upang humarap sa hukuman at kilalanin at patotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay. 


Siya ay pinadadalo sa pagdinig na itinakda noong ika-26 ng Abril 2006 sa bisa ng kautusan ng RTC Siniloan, Laguna, na may petsang ika-18 ng Abril 2006, ngunit hindi siya dumating. 


Ika-29 ng Nobyembre 2006, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis ang muling pagpapadalo kay Ruben sa pagdinig na itinakda sa ika-23 ng Enero 2007, subalit hindi siya dumalo.


Ika-7 ng Agosto 2007, ipinag-utos na ng hukuman ng paglilitis ang pag-aresto kay Ruben upang siya ay mapilitang dumalo sa susunod na pagdinig, ngunit hindi pa rin ito dumalo sa pagdinig. Gayundin sa pagdinig na itinakda ng ika-2 ng Abril 2008 ay muling hindi nagpakita sa hukuman si Ruben. 


Sa huling pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa tagausig na padaluhin ang naturang saksi sa pagdinig na itinakda noong ika-8 ng Oktubre 2008 ay walang Ruben na sumipot.

Ika-23 ng Hunyo 2009 ay pormal nang isinumite ng tagausig ang kanilang mga minarkahang ebidensya sa hukuman, na mariin na tinutulan ng depensa partikular na ang sinumpaang salaysay ni Ruben. 


Giit ng depensa, hindi umano wasto na kinilala ang naturang salaysay, kung kaya’t hindi ito maaaring magamit laban kay Antonio. Pinahintulutan ng hukuman ang pagtanggap sa Exhibits “B” hanggang “F”, ngunit hindi ang Exhibit “A”. Kaugnay ng nasabing pagtutol, pormal na naghain ang depensa ng Demurrer to Evidence noong ika-14 ng Hulyo 2009.

Makalipas ang 6 na taon at halos 5 buwan mula nang maganap ang insidente ng pamamaril na kumitil sa buhay ni Jose, nakalulungkot na hindi naipagkaloob sa kanyang kaluluwa ang inaasam na hustisya. 


Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na sa ilalim ng ating Batas Kriminal, ang ebidensya ng pagkakasala ng inakusahan na higit pa sa makatuwirang pagdududa ay lubos na napakahalaga. Hindi ganap na katiyakan lamang ang kailangan ng hukuman upang mahatulan ng maysala ang inaakusahan. Bagkus, ang kailangan ng hukuman ay moral na katiyakan, iyong magbubunga ng pananalig sa pag-iisip ng isang tao na walang kinikilingan. At ang merong pasanin ng pagtataguyod ng naturang pagkakasala ng inakusahan ay sa tagausig nakaatang.


Matapos ang masinsinang pagsusuri ng hukuman ng paglilitis sa ebidensya ng tagausig, hindi nakitaan ng moral na katiyakan na merong kinalaman si Antonio sa pamamaril kay Jose na sasapat upang gawaran siya ng hatol ng may pagkakasala.


Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na sa mga naisumite na ebidensya, ang tanging ebidensya na makatutulong sa pag-uusig laban kay Antonio ay ang testimonya ni Ruben na nagpahayag na diumano ay nasaksihan niya ang marahas na pamamaslang sa biktima. Subalit, sa kabila ng maraming pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa nasabing saksi ay hindi nito kinilala at pinatotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay bunsod ng kanyang hindi pagdalo sa mga pagdinig. Dahil sa pagkukulang na ito sa pag-uusig ay hindi maaaring papanagutin si Antonio sa kriminal na responsibilidad sa pagkapaslang kay Jose.


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na, sabihin man na hindi na kinakailangan ang personal na testimonya ni Ruben at tinanggap ng hukuman ang kanyang sinumpaang salaysay, hindi pa rin kakumbinsi-kumbinsi ang nilalaman nito. 


Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na walang sapat at konkretong pahayag si Ruben na si Antonio ang siyang bumaril kay Jose. Bagkus, ipinahayag lamang ni Ruben sa kanyang sinumpaang salaysay na: (1) nagpunta siya sa bahay ni Antonio nang marinig niya ang putok ng baril; (2) sa daan ay nakita niya si Antonio at Yolanda palabas ng kanilang bahay; (3) sinambit ni Antonio ang mga katagang: “Kagawad, inuto ko na,” at matapos ay umalis na ang mag-asawang Antonio at Yolanda; at (4) pumasok siya sa nasabing bahay at nakita si Jose na nakahandusay sa sahig at may itak sa tabi nito. 


Hindi nakalampas sa mapanuring pag-iisip ng hukuman ng paglilitis na hindi man lamang binanggit ni Ruben sa kanyang salaysay kung meron bang hawak na baril si Antonio noong makita niya ito, kasama si Yolanda, palabas ng bahay.


Dahil dito, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ng tagausig ang pagkakasala ni Antonio sa batas nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 

Kung kaya’t minarapat ng RTC Siniloan, Laguna na ipawalang-sala si Antonio. Ang desisyon na ito ng hukuman ng paglilitis ay ipinroklama noong ika-15 ng Oktubre 2009, at wala nang naihain na petition for review on certiorari upang kuwestyunin ang naturang desisyon.


Nakakalungkot isipin na, tulad ni Jose, marami ang mga biktima ng mga walang katuturan na karahasan sa ating lipunan na hindi nabibigyan ng angkop na katarungan, at ang isa sa mga sanhi nito ay ang kakulangan ng katibayan. 


Batid namin na sadyang hindi madali ang maging saksi, lalo na kung ito ay merong kaugnayan sa krimen. Subalit, sana ay hindi sila pangunahan ng takot at pangamba. Dalangin din namin na sila ay mabigyan ng pagkupkop ng Poong Maykapal upang hindi sila mapahamak sa kanilang pagtulong na maisiwalat ang katotohanan at makapaghatid ng katarungan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 29, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Kung maghahain ba ako ng petisyon upang ipawalang-bisa ang aking kasal, magiging hindi lehitimo ba ang mga anak namin ng aking asawa? Matagal ko na pong nais dumulog sa hukuman upang ipawalang-bisa ang kasal naming mag-asawa bunsod ng matagal na ring problema sa aming pagitan, ngunit lagi kong inaalala ang magiging estado ng aming mga anak sakaling ipagkaloob sa akin ang aking petisyon. Sana ay malinawan ninyo ako. -- Paul



Dear Paul,


Ang pagpapawalang-bisa ng kasal ay mayroong epekto sa legal na tali na nag-uugnay sa mag-asawa at maaari ring makaapekto sa legal na ugnayan o filiation ng mga magulang sa kanilang anak.

Para sa kaalaman ng lahat, ang isang tao na ipinagbuntis o ipinanganak sa panahon ng kasal ng kanyang mga magulang ay itinuturing na lehitimong anak. (Artikulo 164, Family Code of the Philippines) Ang lehitimo na estado ng naturang anak ay mananatili, kahit pa kalaunan ay maipagkaloob ng hukuman sa kanyang magulang ang petisyon ng pagpapawalang-bisa ng kasal, kung ang batayan ng naturang petisyon ay psychological incapacity ng mga magulang, alinsunod sa Artikulo 36 ng ating Family Code, o alinman sa mga sanhi o causes na nakasaad sa Artikulo 45 ng nasabing Code para sa annulment of marriage. Ito ay alinsunod sa Artikulo 54 ng ating Family Code na malinaw na nagsasaad:


“Art. 54. Children conceived or born before the judgment of annulment or absolute nullity of the marriage under Article 36 has become final and executory shall be considered legitimate. x x x”


Para na rin sa higit na kaalaman ng lahat, ang probisyon ng Artikulo 36 at 45 ng nasabing batas ay ang sumusunod:


“Art. 36. A marriage contracted by any party who, at the time of the celebration, was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage, shall likewise be void even if such incapacity becomes manifest only after its solemnization.

xxx

Art. 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage: 


(1) That the party in whose behalf it is sought to have the marriage annulled was eighteen years of age or over but below twenty-one, and the marriage was solemnized without the consent of the parents, guardian or person having substitute parental authority over the party, in that order, unless after attaining the age of twenty-one, such party freely cohabited with the other and both lived together as husband and wife;

(2) That either party was of unsound mind, unless such party after coming to reason, freely cohabited with the other as husband and wife;

(3) That the consent of either party was obtained by fraud, unless such party afterwards, with full knowledge of the facts constituting the fraud, freely cohabited with the other as husband and wife;

(4) That the consent of either party was obtained by force, intimidation or undue influence, unless the same having disappeared or ceased, such party thereafter freely cohabited with the other as husband and wife;

(5) That either party was physically incapable of consummating the marriage with the other, and such incapacity continues and appears to be incurable; or

(6) That either party was afflicted with a sexually-transmissible disease found to be serious and appears to be incurable.”


Sa kabilang banda, kung ang batayan sa pagpapawalang-bisa ng kasal ay kawalan ng essential o formal requisites ng balidong kasal alinsunod sa Artikulo 35 ng Family Code, o kung ang kasal ay incestuous o kaya naman ay against public policy alinsunod sa Artikulo 37 at 38 ng nasabing Code, magiging hindi lehitimo ang mga anak sakaling ipagkaloob ng hukuman ang pagdeklarang walang bisa ang kasal. Sa ilalim ng mga nasabing probisyon, itinuturing na void ab initio o void from the beginning ang kasal. Ibig sabihin, mula pa sa simula ay walang bisa ang kasal na naganap. Kung kaya’t ang anak na ipinanganak sa loob ng naturang pagsasama ay itinuturing na hindi lehitimo. Ang mga sanhi ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa ilalim ng Artikulo 35, 37 at 38 ng Family Code ay ang mga sumusunod:


“Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning:

  1. hose contracted by any party below eighteen years of age even with the consent of parents or guardians;

  2. Those solemnized by any person not legally authorized to perform marriages unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith that the solemnizing officer had the legal authority to do so;

  3. Those solemnized without license, except those covered the preceding Chapter;

  4. Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41;

  5. Those contracted through mistake of one contracting party as to the identity of the other; and

  6. Those subsequent marriages that are void under Article 53.

xxx

Art. 37. Marriages between the following are incestuous and void from the beginning, whether relationship between the parties be legitimate or illegitimate:

  1. Between ascendants and descendants of any degree; and

  2. Between brothers and sisters, whether of the full or half blood.


Art. 38. The following marriages shall be void from the beginning for reasons of public policy:

  1. Between collateral blood relatives whether legitimate or illegitimate, up to the fourth civil degree;

  2. Between step-parents and step-children;

  3. Between parents-in-law and children-in-law;

  4. Between the adopting parent and the adopted child;

  5. Between the surviving spouse of the adopting parent and the adopted child;

  6. Between the surviving spouse of the adopted child and the adopter;

  7. Between an adopted child and a legitimate child of the adopter;

  8. Between adopted children of the same adopter; and

  9. Between parties where one, with the intention to marry the other, killed that other person's spouse, or his or her own spouse.” 


Sa sitwasyon na iyong nabanggit, dedepende sa magiging legal na batayan sa pagpapawalang-bisa ng iyong kasal ang maaaring maging estado ng iyong mga anak. Maaaring gamitin na gabay ang mga panuntunan na aming nabanggit sa itaas. Ganoon pa man, ang payo na aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa trabaho ko bilang isang “sales manager” sa kumpanya namin. Nais ko sanang sumali sa isang samahan ng mga manggagawa roon, ngunit sinabi ng Human Resource (HR) Department namin na hindi ako kuwalipikado dahil diumano ako ay itinuturing na isang managerial employee. Dahil dito, sinuri ko ang Labor Code upang malaman kung sino ang maituturing na managerial employee, at ngayon ay pinag-iisipan ko kung ako nga ba ay kabilang sa kategoryang iyon. Maaari ninyo ba itong bigyan ng linaw? Maraming salamat po sa inyong tugon. -- Kobs



Dear Kobs,


Ang isang managerial employee ay binigyang kahulugan sa ilalim ng inamyendahang Presidential Decree (P.D.) No. 442 o Labor Code of the Philippines, partikular sa Artikulo 219 (m) nito kung saan nakasaad na:


“(m) ‘Managerial employee’ is one who is vested with the powers or prerogatives to lay down and execute management policies and/or to hire, transfer, suspend, lay-off, recall, discharge, assign or discipline employees.


Sa kabilang banda, nakasaad naman sa Omnibus Rules na nagpapatupad sa ating Labor Code, partikular sa Book III – Conditions of Employment nito, ang mga kondisyon na kailangang matugunan upang ang isang empleyado ay maituring na isang managerial employee. Ayon sa Section 2(b), Rule I, Book III, ng nabanggit na Omnibus Rules:


“(b) Managerial employees [are those who] meet all of the following conditions:


(1) Their primary duty consists of the management of the establishment in which they are employed or of a department or sub-division thereof.

(2) They customarily and regularly direct the work of two or more employees therein.

(3) They have the authority to hire or fire employees of lower rank; or their suggestions and recommendations as to hiring and firing and as to the promotion or any other change of status of other employees, are given particular weight.”


Ang managerial employees ay hindi pinapayagang maging kasapi ng mga unyon ng manggagawa dahil ang kanilang mga tungkulin ay karaniwang naglalagay sa kanila sa posisyong kumakatawan sa interes ng kumpanya. Ang kanilang pagsali sa unyon ay maaaring magdulot ng salungat na interes, dahil inaasahan silang kumatawan para sa kapakanan ng parehong mga empleyado at ng kanilang employer. Makikita sa Artikulo 255 ng ating Labor Code na:


Art. 255. Ineligibility of managerial employees to join any labor organization; right of supervisory employees. Managerial employees are not eligible to join, assist or form any labor organization. Supervisory employees shall not be eligible for membership in a labor organization of the rank-and-file employees but may join, assist or form separate labor organizations of their own. The rank and file union and the supervisor’s union operating within the same establishment may join the same federation or national union.”


Sa kasong Asia Pacific Chartering (Phils.) Inc. vs. Farolan, (G.R. No. 151370, Disyembre 4, 2002, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Conchita Carpio-Morales), nilinaw na ang isang posisyong may titulong “manager” ay hindi awtomatikong kabilang sa hanay ng managerial employees ng isang kumpanya. Ayon sa nasabing kaso:


Managerial employees are ranked as Top Managers, Middle Managers and First Line Managers. The mere fact that an employee is designated manager’ does not ipso facto make him one-designation should be reconciled with the actual job description of the employee for it is the job description that determines the nature of employment.”


Tungkol sa iyong sitwasyon, mahalagang isaalang-alang ang mga tinalakay sa itaas upang matukoy kung ang iyong posisyon ay maituturing na managerial. Ang pagkakaroon lamang ng salitang “manager” sa iyong titulo ay hindi awtomatikong nangangahulugang kabilang ka na sa managerial employees ng iyong kumpanya. Kailangang isaalang-alang ang kahulugan ng managerial employee ayon sa Labor Code at tingnan kung ito ay tumutugma sa iyong mga tungkulin at trabaho. 


Bukod dito, ang lahat ng mga kondisyong nakasaad sa Section 2(b), Rule I, Book III ng nabanggit na Omnibus Rules ay kailangang matugunan. Kung ang parehong pamantayan ay iyong natugunan, hindi ka maaaring sumali sa isang samahan ng mga manggagawa sa lugar ng iyong trabaho. Ngunit kung ang likas na katangian ng iyong trabaho ay hindi umaayon sa mga nasabing kondisyon, kahit pa may salitang “manager” sa iyong titulo, maaari ka pa ring sumali sa samahan ng mga manggagawa sa inyong kumpanya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page