top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 7, 2025



ISSUE #365


Noong madaling araw ng Pebrero 19, 2023, isang trahedya ang naganap sa Filmore Street, Makati. 


Isang Pinay, na itago na lamang natin sa pangalang Maria, at ang kanyang nobyong banyaga na si Donald, hindi rin nito tunay na pangalan, ay inatake ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. 


Nauwi ito sa pagkamatay ni Donald at pagkawala ng mga mahahalagang gamit ni Maria. Subalit, ang nananatiling tanong, sino nga ba ang tunay na salarin? Sapat ba ang pagkakakilanlan ng akusado upang ipataw ang katumbas na hustisya?


Sa kasong People v. Manalo Nagum (Criminal Case No. R-MKT-23-01288-CR), ika- 27 ng Agosto 2024, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Ruth S. Pasion-Ramos, ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Donald, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Raffy, ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong Robbery with Homicide, kaugnay sa nabanggit na malagim na sinapit nina Maria at Donald. 

Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Bandang alas-12:25 ng madaling araw, noong Pebrero 19, 2023, sa tahimik na kalsada ng Filmore Street, Makati, na tanging ilaw ng poste at kaluskos lamang ng aso ang saksi—naglalakad si Maria at ang kanyang nobyo matapos maghatid ng labada. 


Sa gitna ng katahimikan, isang anino ang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran, at sabay sabing, “Hold-up!” habang nakatutok ang baril kay Maria. 


Gulat na gulat na lumapit si Donald upang ipagtanggol ang kasintahan. Ngunit bago pa siya makagawa ng hakbang, isang putok ang bumasag sa gabi. Tumama ang bala sa dibdib ni Donald. Bumagsak siya sa malamig na semento, at sa ilang segundo lamang ay tuluyan na siyang nawalan ng buhay. 


Hindi pa nakalilipas ang pagkagimbal, muling itinutok ang baril kay Maria. Sa nanginginig na mga kamay, sapilitan niyang isinuko ang kanyang cellphone at wallet. 

At mabilis na tumakas ang salarin, sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kasamahan na nakasuot ng helmet. Ang gabi ay muling binalot ng katahimikan, maliban sa iyak at sigaw ni Maria habang akap ang malamig na katawan ni Donald.

Sa hukuman, tumestigo si Maria. Ayon sa kanya, dalawang beses siyang gumawa ng sinumpaang salaysay. 


Una, noong mismong araw ng insidente, Pebrero 19, 2023—ngunit aminado siyang nasa matindi siyang pagkabigla. Wala siyang malinaw na paglalarawan sa mukha ng salarin. 


Subalit, sa kanyang ikalawang pahayag noong Pebrero 24, 2023, iginiit niyang si Raffy ang salarin. Tiniyak niyang nakita niya ang mukha nito nang mahulog ang suot na face mask habang binabaril si Donald. Dagdag pa niya, ipinakita sa kanya ng pulisya ang mugshots ng akusado, at dito niya ito kinilala. Ipinakita rin umano sa kanya ang larawan at isang CCTV footage ng ibang insidente ng robbery, kung saan muli niyang itinuro si Raffy bilang isa sa mga nandoon. Subalit, sa cross-examination, lumabas na hindi niya agad natukoy ang akusado sa unang pagkakataon, at wala ring malinaw na detalyeng naitala tungkol sa anyo o pangangatawan ng salarin. Gayunpaman, para sa tagausig, sapat na ang kanyang pagkilala upang idiin si Raffy bilang isa sa mga gumawa ng krimen.


Sa kabilang banda, mariin namang itinanggi ni Raffy ang paratang. Ayon sa kanya, siya ay nasa bahay ng kanyang nobya at natutulog noong mga oras ng insidente, matapos silang magtungo sa Batangas para mag-swimming. Meron pa diumanong CCTV mula sa kapitbahay ng kanyang nobya na magpapatunay sa kanyang depensa. Giit niya, naidawit lamang siya dahil kasama ang kanyang mugshot sa police gallery dahil meron siyang kaso sa Malolos. Ayon pa kay Raffy, may narinig siyang usapan na kailangang may mapanagot sa krimen—lalo’t isang banyaga ang napatay, kaya siya ang naging pinakamadaling target.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Ralph Raymond P. Arejola, Public Attorney II, pinakinggan at sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Raffy. 


Ayon sa Hukuman, ang nasasakdal ay kinasuhan ng Robbery with Homicide, isang special complex crime na nakasaad at pinarurusahan sa ilalim ng Article 294 (1) ng Revised Penal Code, na nagsasaad:


“Article 294. Robbery with violence against or intimidation of persons; Penalties. - Any person guilty of robbery with the use of violence against or intimidation of any person shall suffer:

The penalty of reclusion perpetua to death, when by reason or on occasion of the robbery, the crime of homicide shall have been committed, on when the robbery shall have been accompanied by rape or intentional mutilation or arson. 


Upang mahatulang guilty si Raffy, kinakailangan ng tagausig na patunayan ang mga sumusunod na elemento ng special complex crime na ito:

  1. Nagkaroon ng pagkuha ng personal na ari-arian na isinagawa sa pamamagitan ng karahasan o pananakot laban sa isang tao;

  2. Ang ari-ariang kinuha ay pagmamay-ari ng iba;

  3. Ang pagkuha ay may animo lucrandi o layunin ng pakinabang;

  4. At dahil sa pagnanakaw o sa okasyon nito, nagkaroon ng pamamaslang o homicide.


Sa kasong People v. Gallardo & Natividad (G.R. No. 1245544, 21 March 2022), binigyang-diin ng Korte Suprema ang bigat ng krimeng ito at ang kabigatan ng kaparusahan na nakalaan dito, na nagsasaad:


Robbery with homicide is a special complex crime penalized under Article 294 (1) of the RPC, which states: 


The crime carries a severe penalty because the law sees in this crime that men place lucre above the value of human life, thus justifying the imposition of a harsher penalty than that for simple robbery or homicide.”


Sa kasong nabanggit, ipinahayag ng Korte ang mga elemento ng robbery with homicide, katulad ng mga nabanggit. 


Sa kasong ito, hindi maikakaila na nagkaroon ng homicide dahil o sa okasyon ng pagnanakaw na naganap sa Filmore St., sa Lungsod ng Makati noong Pebrero 19, 2023, na nagresulta sa pagkamatay ng isang banyaga na si Donald. Ang testimonya ng biktima na si Maria hinggil sa pagkuha ng kanyang personal na mga ari-arian at ang pamamaril kay Donald habang tinutulungan siya nito ay malinaw na nakatala sa mga rekord. 


Sa katunayan, ang pagsusuri ng medico-legal officer ay umaayon sa ebidensya ng tagausig na ang pangunahing layunin ay magnakaw.


Dahil dito, ang pagpatay ay isinagawa upang maisakatuparan ang krimen ng pagnanakaw. Ang mga pangyayaring ito ay malinaw na pasok sa depinisyon ng special complex crime ng Robbery with Homicide. Tulad ng itinakda, ang homicide ay sinasabing nagawa dahil sa o sa okasyon ng pagnanakaw kung ito ay isinagawa upang (a) mapadali ang pagnanakaw o pagtakas ng salarin; (b) mapanatili ng salarin ang pag-aari sa ninakaw; (c) maiwasan ang pagkakadiskubre sa pagnanakaw; o (d) maalis ang mga saksi sa krimen.


Gayunpaman, bagaman may ebidensya sa pangyayari ng krimen, ang pagkakakilanlan sa salarin ay hindi napatunayan. Natuklasan din ng hukuman na may seryosong pagdududa sa ebidensya ng tagausig na tumutukoy kay Raffy bilang salarin. Wala kahit isang saksi ang malinaw at tiyak na nakapagpatunay na ang kanilang pagkakakilanlan kay Raffy bilang responsable sa krimen ay bunga ng kanilang sariling personal na kaalaman at alaala. Ang testimonya ni Maria ay nagkaroon ng mga hindi pagkakatugma. Sa kanyang unang salaysay noong Pebrero 19, 2023, matapos ang insidente, hindi siya nakapagbigay ng malinaw na pagkakakilanlan ng mukha o pangangatawan ng salarin. 


Subalit sa kanyang ikalawang salaysay, sinabi niya na nakita niya ang mukha ni Raffy nang mahulog ang suot nitong face mask, ngunit hindi ito nabanggit sa kanyang unang sworn statement. 


Sa cross-examination, inamin din niyang hindi niya agad nakilala si Raffy at sa katunayan, ipinakita sa kanya ang mga larawan ng suspek sa presinto bago niya ito tinukoy. Samantala, ang pulisya ay hindi nakapagpakita ng sapat na ebidensya upang patunayan na ang pagkakakilanlan kay Raffy ay resulta ng isang independent recollection at hindi impluwensya ng suggestive identification procedure.


Tulad ng itinatag sa jurisprudence, ang eyewitness identification, lalo na kung nagmula sa mga nakaranas ng matinding stress o trauma, ay dapat lapatan ng masusing pagsusuri ng hukuman. Ayon sa Korte Suprema sa ilang mga kaso, hindi maaaring umasa lamang sa iisang eyewitness testimony kung hindi magkakatugma o kulang sa proseso ng pagkilala. Sa kasong ito, dahil sa mga seryosong pagkukulang ng tagausig sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan ni Raffy bilang salarin, nanaig ang presumption of innocence. Bagama’t kinikilala ang presumption of regularity in the performance of official duties ng mga pulis, hindi ito maaaring manaig laban sa presumption of innocence ni Raffy, lalo na kung may malinaw na duda at kakulangan sa ebidensya.


Samakatuwid, mula sana sa simpleng pag-uwi ng magkasintahan mula sa laundry shop, isang malagim na bangungot ang sumalubong sa kanila. Isang banyagang dumalaw lamang sa bansa upang makasama ang kanyang minamahal ang nasawi sa kamay ng mga kriminal. Sa kasong ating ibinahagi, sa halip na alaala ng pag-ibig, isang duguang trahedya ang naiwan—isang buhay ang nawala, isang babae ang ninakawan, at isang puso ang biniyak ng takot at pangungulila.


Ngunit higit sa lahat, pinaalala ng kasong ito ang matibay na prinsipyo ng ating batas, na mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente. Gaya ng binigyang-diin ng hukuman:


“The prosecution’s evidence must stand on the strength of its own merit and not on the weakness of the defense. Courts are duty bound to acquit when doubt persists, for conviction must rest on moral certainty and not on suspicion.”


Sa desisyon ng hukuman, sinasabi nito na hindi sapat ang pagdaramdam at pagkilala ng biktima upang hatulan si Raffy. Sa halip, pinairal ang mas mataas na aral na ang hustisya ay dapat nakabatay sa katiyakan, hindi sa hinala. Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Donald at ang muling paghilom ng sugat ni Maria, nananatili rin ang ating pag-asa na magpatuloy ang paghahanap ng tunay na hustisya—na sa tamang panahon, ang tunay na salarin ay mapapanagot at ang hustisya ay lubos na makakamtan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 6, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Katatapos ko lang ng kolehiyo at ngayon ay bagong pasok sa trabaho ko sa Quezon City. Kasalukuyan akong naninirahan sa San Rafael, Bulacan. Dahil sa layo at lumalalang trapiko sa Metro Manila, nagpaplano akong umupa ng apartment malapit sa pinapasukan kong trabaho. Gusto kong itanong kung ano ang mga nauugnay na alituntunin at regulasyon na may kaugnayan sa pag-upa ng tirahan o ang mga bagay na dapat kong malaman tungkol sa pag-upa, lalo na baguhan lamang ako rito sa Maynila. Maraming salamat. -- Victor



Dear Victor,


Isang magandang bagay na malaman ang mga alituntunin at regulasyon na nauugnay sa pag-upa dahil ito ang iyong magiging proteksyon sa anumang di-pagkakaunawaan na maaaring lumitaw sa pagitan ng umuupa at nagpapaupa. Maaari rin nitong protektahan ang nangungupahan sa anumang di-makatwiran at labis na pagtaas ng renta. 


Sa kasalukuyan, mayroon tayong Republic Act (R.A.) No. 9653 o ang Rent Control Act of 2009 na kumokontrol sa industriya ng mga paupahang pabahay sa buong bansa. Noong unang ipinatupad, ang batas na ito ay sumasaklaw sa pag-upa ng mga residential unit na may buwanang renta na P1.00 hanggang P10,000.00 para sa National Capital Region at iba pang highly urbanized na lungsod at P1.00 hanggang P5,000.00 sa lahat ng iba pang lugar. Sa bisa ng kapangyarihang ibinigay sa National Human Settlements Board, ginawa nang P10,000.00 buwanang renta ang saklaw ng batas, kahit saang lugar pa sa Pilipinas. (National Human Settlements Board (NHSB) Resolution No. 2024-01 or the Rent Control Covering the Period January 1, 2025 to December 31, 2026) 


Bukod sa nabanggit, malinaw rin na hindi saklaw ng batas ang mga ari-arian sa ilalim ng rent to own scheme na magreresulta sa paglipat ng pagmamay-ari ng partikular na tirahan na pabor sa nangungupahan, gayundin sa mga pangunahing inilaan para sa komersyal na layunin.


Sa ilalim ng batas na ito, ang nagpapaupa ay maaaring legal na humingi ng isang buwang advance at dalawang buwang deposito. Ang renta ay dapat bayaran nang maaga sa loob ng unang limang araw ng bawat kasalukuyang buwan o sa simula ng kasunduan sa pag-upa maliban kung ang kontrata ng pag-upa ay nagtatakda ng mas huling petsa ng pagbabayad.


Sa usapin ng halaga ng renta, sa kaso ng isang bagong umuupa, ang nagpapaupa ay maaaring magtakda ng panibagong halaga ng paunang renta. Sa mga kaso naman ng mga boarding house, dormitoryo, mga silid at bed space na inaalok para upahan ng mga mag-aaral, walang pagtaas ng upa nang higit sa isang beses bawat taon ang dapat pahintulutan. 


Isa pang mahalagang probisyon ng batas na ito ay ang mga nakasaad na pangyayari kung saan ang isang nagpapaupa ay maaaring legal na wakasan ang kontrata sa pag-upa at dahil dito ay paalisin ang nangungupahan. Ito ay ang mga sumusunod: a) Subleasing sa kabuuan o bahagi, kabilang ang pagtanggap ng mga border o bedspacers, nang walang nakasulat na pahintulot ng nagpapaupa; b) Hindi pagbabayad ng upa sa kabuuang tatlong buwan; c) Lehitimong pangangailangan ng nagpapaupa na bawiin ang kanyang ari-arian para sa kanyang sariling paggamit o ng miyembro ng kanyang pamilya bilang kanilang tirahan; d) Pangangailangan ng nagpapaupa na gumawa ng mga kinakailangang pagkukumpuni ng inuupahang lugar na napapailalim sa umiiral na utos ng pagkondena ng mga kinauukulang awtoridad upang gawing ligtas at matirahan ito; and e) Pagtatapos ng panahon ng kontrata sa pag-upa. 


Dapat ding tandaan na ipinagbabawal na paalisin ang isang nangungupahan dahil sa pagbenta o pagsangla ng ari-arian nang hindi alintana kung ang pag-upa o sangla ay nakarehistro o hindi.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 5, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako na ang tumayong ina sa aking pamangkin simula nang siya ay isang taong gulang pa lamang. Yumao na ang kanyang tatay. May sarili namang pamilya at wala nang pakialam ang aking kapatid. Sa katunayan, handa siyang talikuran ang kanyang pagiging nanay sa bata. Para maging pormal ang lahat at kailanman ay hindi na niya mababawi ang kanyang anak, maaari bang gawin ito sa isang kasunduan na lamang? -- Cordelia

Dear Cordelia,


Alinsunod sa likas na karapatan at tungkulin ng mga magulang sa kanilang mga anak, kabilang sa awtoridad at responsibilidad ng magulang ang pangangalaga at pagpapalaki sa kanila para sa kamalayan, kahusayan, at pagpapaunlad ng kanilang moral, mental at pisikal na katangian at kagalingan.


Kaugnay nito, malinaw na nakasaad sa ating Family Code of the Philippines na hindi maaaring ialis, talikuran o ilipat ang awtoridad at responsibilidad ng magulang, maliban sa mga kaso na pinahihintulutan ng batas:


Art. 210. Parental authority and responsibility may not be renounced or transferred except in the cases authorized by law.”


Sang-ayon dito, sa kasong Dinah B. Tonog vs. Court of Appeals and Edgar V. Daguimol, G.R. No. 122906, 07 Pebrero 2002, sa panulat ni Honorable Associate Justice Sabino R. De Leon, Jr., ipinahayag ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema na pinapayagan lamang ng ating batas ang pagtalikod o pagwawaksi ng awtoridad ng magulang o parental authority sa mga kaso lamang ng pag-aampon o adoption, guardianship, at pagsuko nito sa mga institusyong nangangalaga sa mga naulila: 


In turn, the parents’ right to custody over their children is enshrined in law. Article 220 of the Family Code thus provides that parents and individuals exercising parental authority over their unemancipated children are entitled, among other rights, “to keep them in their company.” In legal contemplation, the true nature of the parent-child relationship encompasses much more than the implication of ascendancy of one and obedience by the other. We explained this in Santos, Sr. v. Court of Appeals:


The right of custody accorded to parents springs from the exercise of parental authority. Parental authority or patria potestas in Roman Law is the juridical institution whereby parents rightfully assume control and protection of their unemancipated children to the extent required by the latter’s needs. It is a mass of rights and obligations which the law grants to parents for the purpose of the children’s physical preservation and development, as well as the cultivation of their intellect and the education of their heart and senses. As regards parental authority, “there is no power, but a task; no complex of rights, but a sum of duties; no sovereignty but a sacred trust for the welfare of the minor.”


Parental authority and responsibility are inalienable and may not be transferred or renounced except in cases authorized by law. The right attached to parental authority, being purely personal, the law allows a waiver of parental authority only in cases of adoption, guardianship and surrender to a children’s home or an orphan institution. When a parent entrusts the custody of a minor to another, such as a friend or godfather, even in a document, what is given is merely temporary custody and it does not constitute a renunciation of parental authority. Even if a definite renunciation is manifest, the law still disallows the same.” 


Kung kaya, kapag ipinagkatiwala ng isang magulang ang kustodiya ng bata sa ibang tao, kahit pa nakapaloob ito sa isang dokumento, hindi ito bumubuo ng pagtalikod sa parental authority dahil hindi ito pinapayagan ng ating batas. 


Samakatuwid, kahit pa may kasunduan o kasulatan sa pagitan ninyong magkapatid, hindi pa rin maiaalis ang karapatan ng iyong kapatid sa kanyang anak. Sa madaling salita, ang pagsagawa ng nasabing dokumento ay hindi nangangahulugan na tinalikdan ng iyong kapatid ang kanyang parental authority sa kanyang anak.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page