- BULGAR
- Sep 17
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 17, 2025

Dear Chief Acosta,
Noong 2020, nagtayo ako ng isang tindahan na nagbebenta ng sushi bake at ube-cheese pandesal dahil iyon ang patok noong panahon na iyon at wala rin akong trabaho noon. Pagkatapos ng pandemya, nagkaroon na ako ulit ng trabaho. Bagama’t kumikita pa rin ang tindahan ko ay napagpasyahan ko na itong isara dahil ‘di ko na rin kaya itong tutukan at gusto kong ituon na lang ang isip ko sa trabaho ko. Gusto ko lang sanang malaman kung maaari ko bang isara ang negosyo ko kahit na hindi ito nalulugi. May kailangan din ba akong bayaran sa mga empleyado ko? -- Janice
Dear Janice,
Ayon sa Article 298 ng ating Labor Code, isa ang pagsasara ng negosyo sa pinapayagan ng batas na maging rason para matapos ang pagtatrabaho ng isang empleyado:
“Article 298 [283]. Closure of establishment and reduction of personnel. -- The employer may also terminate the employment of any employee due to the installation of labor-saving devices, redundancy, retrenchment to prevent losses or the closing or cessation of operation of the establishment or undertaking unless the closing is for the purpose of circumventing the provisions of this Title, by serving a written notice on the workers and the Ministry of Labor and Employment at least one (1) month before the intended date thereof.”
Ipinaliwanag din ng Korte Suprema sa kasong Manila Polo Club Employees’ Union FUR-TUCP vs. Manila Polo Club, G.R. No. 172846, 24 July 2013, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta, na ang pagsasara ng negosyo ay may dalawang uri. Una, maaaring isara ang negosyo kahit na hindi ito nalulugi, bunga ng iba’t ibang kadahilanan ng may-ari. Ikalawa, maaaring isara ang isang negosyo dahil ito ay nalulugi na at hindi na kumikita. Alin man sa dalawang nabanggit ay maaaring maging legal na rason sa pagtanggal ng empleyado. Kailangan lang sumunod sa itinakdang paraan ng batas.
Sa unang uri ng pagsasara ng negosyo, ipinaliwanag sa parehong kaso na ang sinumang may-ari ng negosyo ay maaaring isara ito kung kailan niya ito gusto. Hindi maaaring pilitin ng kahit sinuman ang may-ari na ipagpatuloy ang kanyang negosyo. Ang pagsasara ng negosyo ay kinikilalang karapatan ng nagmamay-ari nito bilang bahagi ng tinatawag na “management’s prerogative.” Bilang katunayan, narito ang pahayag ng Korte Suprema:
“The closure of operation of an establishment or undertaking not due to serious business losses or financial reverses includes both the complete cessation of operations and the cessation of only part of a company's activities.
For any bona fide reason, an employer can lawfully close shop anytime. Just as no law forces anyone to go into business, no law can compel anybody to continue the same. It would be stretching the intent and spirit of the law if a court interferes with management's prerogative to close or cease its business operations just because the business is not suffering from any loss or because of the desire to provide the workers continued employment.”
Kaya maliwanag na maaaring magsara ang isang negosyo kahit na hindi ito nalulugi. Kailangan lang sumunod ang may-ari nito sa itinakdang paraan ng batas tulad ng pagbibigay ng abiso sa Kagawaran ng Paggawa at Empleyo at sa mga maaapektuhang empleyado, isang buwan bago ang itinakdang petsa ng pagsasara. Kailangan din na may lehitimong dahilan ang may-ari para isara ang kanyang negosyo at hindi niya ito gagawin para lang tanggalan ng trabaho ang kanyang mga empleyado.
Tungkol naman sa iyong katanungan, kung may kailangan bang bayaran sa mga empleyado kung magsasara ang iyong negosyo kahit na ito ay hindi nalulugi, nakasaad sa artikulong nabanggit na:
“Article 298 [283]. Closure of establishment and reduction of personnel- x x x in cases of closures or cessation of operations of establishment or undertaking not due to serious business losses or financial reverses, the separation pay shall be equivalent to one (1) month pay or at least one-half (1/2) month pay for every year of service, whichever is higher. A fraction of at least six (6) months shall be considered one (1) whole year.”
Kaya naman sa iyong sitwasyon, maaari mong isara ang iyong negosyo kahit na ito ay hindi nalulugi. Kailangan mo lang mapatunayan ang iyong lehitimong rason sa pagsasara nito. Kailangan mo rin patunayan na hindi mo ito isasara para lang tanggalan ng trabaho ang iyong mga empleyado. Bukod dito, kailangang magbigay ka ng abiso sa Kagawaran ng Paggawa at Empleyo at sa mga maapektuhang empleyado, isang buwan bago ang itinakda mong petsa ng pagsasara. Sa huli, maaari ka ring obligahin ng batas na magbayad ng tinatawag na separation pay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




