ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 20, 2025

Dear Chief Acosta,
Nakasuhan ako ng kasong kriminal. Ganoon pa man, dahil sa proseso na aniya ay tinatawag na plea bargaining, umamin ako sa mas mababa na kaso na nagbigay-daan sa aking aplikasyon ng probation, sapagkat ito ang unang beses kong masakdal. Hinggil dito, nais ko lang maliwanagan kung maaari ko pa rin bang kuwestiyunin o tuligsain ang tila ay ilegal na pagkakaaresto sa akin? -- Goku
Dear Goku,
Ang sagot sa iyong katanungan ay binigyang-linaw ng mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema at ng ating Alituntunin Panghukuman o Rules of Court, ispesipiko, ang nakasaad sa Alituntunin 117, Seksyon 1 at 3, ng Panuntunan sa Pamamaraan sa mga Kasong Kriminal o Rules on Criminal Procedure, na nagsasaad:
“RULE 117 Motion to Quash
Section 1. Time to move to quash. — At any time before entering his plea, the accused may move to quash the complaint or information. xxx
Section 3. Grounds. — The accused may move to quash the complaint or information on any of the following grounds:
That the facts charged do not constitute an offense;
That the court trying the case has no jurisdiction over the offense charged;
That the court trying the case has no jurisdiction over the person of the accused; xxx.”
Hinggil sa nabanggit, ang panahon upang tuligsain ang ilegal na pag-aresto ay sa punto bago magbigay ng plea ang isang akusado. Ito ay binigyang-linaw sa maraming kaso ng Korte Suprema tulad sa kamakailan lamang na People vs. Lacson (G.R. No. 248529, 19 April 2023) sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, kung saan muling binanggit ng Kataas-taasang Hukuman:
“The Court has consistently ruled that any objection involving a warrant of arrest or the procedure for the acquisition by the court of jurisdiction over the person of the accused must be made before he enters his plea; otherwise, the objection is deemed waived. We have also ruled that an accused may be estopped from assailing the illegality of his arrest if he fails to move for the quashing of the information against him before his arraignment. And since the legality of an arrest affects only the jurisdiction of the court over the person or the accused, any defect in the arrest of the accused may be deemed cured when he voluntarily submits to the jurisdiction of the trial court.”
Sa madaling salita, anumang pagtutol kaugnay sa paraan ng pagkuha ng hukuman ng hurisdiksyon sa nasasakdal o ang illegality of arrest, ay kailangang ihain bago pa magsumite ang isang akusado ng kanyang “plea” (pag-amin o hindi pag-amin). Kung hindi ito gagawin bago nito, itinuturing na isinuko o tinalikuran na ng akusado ang naturang karapatan.
Bukod pa rito, nabanggit mo na nakapagsumite ka na ng aplikasyon sa probation. Alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 10707, na nag-amyenda sa Presidential Decree No. 968, o mas kilala sa tawag na “Probation Law,” kapag ang isang nagkasala ay nagpasyang humingi ng probasyon, siya ay epektibong kumikilala sa parusang ipinataw ng hukuman, at isinusuko na ang anumang karapatang kuwestiyunin pa ang mga natuklasan ng hukuman sa kanyang kaso.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




