top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 29, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


May batas ba tayo tungkol sa pagkakaroon ng angkop na upuan sa eskwelahan para sa mga left-handed na estudyante? Ang anak ko kasi ay kasalukuyang nag-aaral at left-handed, at gusto ko lang masigurado na magiging komportable siya sa pagsusulat habang nasa eskwelahan siya. Salamat sa iyong kasagutan. -- Chome



Dear Chome,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 11394, o kilala rin sa tawag na “Mandatory Provision of Neutral Desks in Educational Institutions Act,” na nagsasaad na:


Section 3. It shall be obligatory for all educational institutions, both public and private, that make use of armchairs in the classroom to provide neutral desks to all students.


Neutral desk shall mean a table or an armchair that is suitable for both right-handed and left-handed students.


These institutions shall provide neutral desks equivalent to ten percent (10%) of the student population within one (1) year from the effectivity of this Act. Henceforth, said institutions are mandated to provide neutral desks to all students.


Section 4. Within sixty (60) days from the approval of this Act, the Department of Education, the Commission on Higher Education, and the Technical Education and Skills Development Authority shall formulate the rules and regulations including the administrative penalties for noncompliance of the provisions of this Act.”


Maliwanag na nakasaad sa Seksyon 3 ng R.A. No. 11394 ang obligasyon ng mga educational institutions, pribado man o pampubliko, na gumagamit ng armchairs, na magkaroon ng tinatawag na neutral desks para sa lahat ng mga estudyante nito. Ang neutral desk ay lamesa o armchair na angkop sa parehong right-handed at left-handed na mga estudyante. Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan, malinaw sa nabanggit na batas na inaatasan ang mga eskwelahan na magkaroon ng neutral desks para sa lahat ng mga estudyante nito.


Ang nasabing batas ay base sa polisiya ng gobyerno tungkol sa pagkilala sa mahalagang papel ng kabataan sa pagbuo ng bansa, at dapat itaguyod at protektahan ang kanilang pisikal, moral, espirituwal, intelektuwal, at panlipunang kagalingan. Kung kaya, ninanais ng gobyerno na itaguyod ang pantay na pag-unlad ng mga mag-aaral, kabilang ang mga left-handed na mag-aaral. Ang pag-aatas sa mga educational institutions na magkaloob ng angkop na mga armchairs ay upang matugunan ang mga pangangailangan ng populasyon ng mga left-handed na estudyante.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11148 na kilala sa titulong “Ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” ang karapatan sa kalusugan ay isang pangunahing prinsipyo na ginagarantiya ng Estado. 


Binigyang-diin ng Seksyon 15, Artikulo II ng ating 1987 Saligang Batas na ang, “Ang Estado ay dapat pangalagaan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at itanim ang kamalayan sa kalusugan sa kanila.” Alinsunod din sa iba’t ibang internasyonal na mga instrumento sa karapatang pantao at mga kasunduan na sinusunod ng Estado, ginagarantiyahan ng Estado ang karapatan sa sapat na pagkain, pangangalaga, at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, kabilang ang mga kabataang babae, kababaihan sa reproductive age, at lalo na ang mga bata mula sa zero hanggang dalawang taong gulang.


Isa sa mga layunin ng nasabing batas ay masiguro ang makabuluhan, aktibo at tuluy-tuloy na pakikilahok at pagtutulungan ng mga ahensyang miyembro ng National Nutrition Council (NNC), iba pang mga national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), civil society organizations (CSOs), at pribadong sektor. Ito ay sa pamamagitan ng pinagsama-sama at holistic na mga programa para sa pagtataguyod ng kalusugan at nutritional well-being ng populasyon, at pagbibigay prayoridad sa mga interbensyon sa mga lugar na may mataas na insidente ng kahirapan at may mga hazard at conflict zone.


Sa panahon ngayon na madalas na tayong nakararanas ng mga kalamidad, mahalagang malaman ng lahat na mayroon tayong batas na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mag-ina. Ang kalusugan ng mag-nanay o mag-ina ay mahalagang mabigyan ng sapat na atensyon lalo na sa mga nutritionally-at-risk, buntis at nagpapasusong mga kababaihan, partikular na ang mga teenager na ina, kababaihang nasa reproductive age, kabataang babae, at lahat ng mga batang Pilipino na bagong silang hanggang sa edad na 24 na buwan. Ang prayoridad ay dapat ibigay sa mga naninirahan sa disaster-prone na mga lugar at geographically isolated and disadvantaged areas (gida), tulad ng mga lugar na nakahiwalay dahil sa distansya, kawalan ng access sa transportasyon, at mga kondisyon ng panahon; mga komunidad na hindi naseserbisyuhan at kulang sa serbisyo, at iba pang mga lugar na natukoy na may mataas na saklaw ng kahirapan; may mga taong kabilang sa mahinang sektor; at mga komunidad sa o bumabawi mula sa sitwasyon ng krisis o armadong salungatan na kinikilala sa ganoong sitwasyon ng gobyerno.


Nakapaloob sa Sekson 11 ng batas na ito ang probisyon para sa “Nutrisyon na Kasunod ng mga Natural na Sakuna at Kalamidad.” Ayon dito, ang mga lugar na apektado ng mga sakuna at mga sitwasyong pang-emerhensiya, parehong natural at gawa ng tao, ay dapat unahin sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at mga interbensyon sa mga serbisyong psychosocial. 


Ang mga NGAs at LGUs ay inaatasan na agad na magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiya, mga suplay ng pagkain para sa wastong pagpapakain sa mga buntis at nagpapasusong ina, at mga bata, partikular ang mga mula sa zero hanggang dalawang taong gulang. Ang mga lugar na pambabae, sanggol, at bata ay dapat ihanda at handang tumanggap ng mga kababaihan at kanilang mga anak; magbigay ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, damit, malinis na tubig, at tirahan. Dagdag pa rito, dapat din na mayroong madaling magagamit na suporta at payo sa pagpapasuso para sa mga may mga anak hanggang dalawang taon o higit pa, gayundin ang pagbibigay at gabay sa naaangkop na pantulong na pagkain para sa mga batang mahigit anim na buwang gulang.


Ang mga donasyon ng milk formula, breastmilk substitutes, at mga produkto na sakop ng Milk Code nang walang pag-apruba ng Inter-Agency Committee (IAC) na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 51, Series of 1986, ay dapat ipagbawal upang maprotektahan ang kalusugan at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong kababaihan, mga sanggol, at maliliit na bata bago, habang, at pagkatapos ng sakuna.


Sa mga sitwasyong pang-emergency, ang mga donasyon o tulong mula sa pribadong sektor, na walang mga salungatan ng interes o iyong hindi kasangkot sa paggawa at pagbenta ng mga produkto na saklaw ng Milk Code, ay dapat agad na payagan pagkatapos ng mga sakuna at kalamidad. Ang mahigpit na pagsunod sa Milk Code at ang binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) nito ay dapat sundin, at ang mga opsyon para sa mga ina na may mga problema sa pagpapasuso ay dapat ibigay, tulad ng, ngunit hindi limitado sa, ang pagpapakilos ng mga grupong sumusuporta sa pagpapasuso o estratehikong pagtatatag ng mga lokal na bangko ng gatas.


Ang Department of Health (DOH) at iba pang kaugnay na departamento, sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay dapat bumalangkas ng mga patnubay at mekanismo upang maisakatuparan at pag-ibayuhin ang probisyon ng batas na ito, na isinasaalang-alang ang mga makatao, inclusive, gender at culture-sensitive na pamantayan para sa proteksyon ng mga bata, buntis, at nagpapasusong ina, alinsunod sa Republic Act No. 10821 (Children’s Emergency Relief and Protection Act), mga tuntunin at regulasyon, at ang Comprehensive Emergency Program for Children.


Malinaw na isinasaad sa batas na prayoridad ng Estado na bigyan ng agarang tulong ang mag-nanay sa panahon ng kalamidad. Ayon sa Seksyon 18 ng batas na ito, ang halagang kailangan para sa patuloy na pagpapatupad nito, na naging epektibo noong 2018, ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA). Ang Department of Budget and Management (DBM), sa pakikipag-ugnayan sa iba pang nauugnay na ahensya, ay dapat isaalang-alang ang paglaganap ng malnutrisyon at pagkamatay ng bata sa pagtukoy ng taunang paglalaan o budget para sa pagpapatupad ng batas na ito.





 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 28, 2025



ISSUE #368



Noong gabi ng Nobyembre 6, 2022, isang trahedya ang naganap sa Brgy. Miasong, Tupi, South Cotabato. Si Hesus, hindi niya tunay na pangalan ay walang kalaban-laban at nakahandusay sa lupa na pinagsasaksak umano ng isang lalaki na si alyas “Da Boy.” Matapos ang paglilitis, nanatili pa rin ang katanungan, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado na si Da Boy, bilang tunay na maysala?


Sa kasong People v. Agupitan (Criminal Case No. 7xxx-xx, 4 Setyembre 2024), sa panulat ni Honorable Presiding Judge Adelbert S. Santillan, ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Hesus, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Da Boy ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong Murder, kaugnay sa nabanggit na kalagiman na sinapit ni Hesus.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Ayon sa paratang na inihain sa husgado, dakong alas-9:00 ng gabi, noong Nobyembre 6, 2022, armado ng patalim at may intensyong pumatay, inatake at sinaksak ng akusado si Hesus habang ito ay nakahandusay, walang armas at wala ring kakayahang lumaban. Tinamaan ng saksak ang dibdib at tiyan ng biktima, dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nagharap ng testigo ang tagausig sa katauhan ng kapatid ng biktima na si Karina, hindi rin nito tunay na pangalan. Sa pamamagitan ng judicial affidavit, kanyang isinalaysay na diumano ay nalaman niya mula sa kanyang anak na si Melai, na mismong nakita diumano ang aktuwal na pananaksak ni Da Boy kay Hesus.


Gayunpaman, si Melai mismo ay hindi naiprisinta bilang saksi sa hukuman upang magpatotoo sa kanyang nakita. Sa kabila ng kanyang sinumpaang salaysay, hindi siya naisalang na testigo ng tagausig at walang subpoena na inilabas upang siya ay mapilitang humarap. Ang tanging salaysay na nailatag mula kay Karina—na nakarinig lamang ng balita mula sa kanyang anak.


Sa kabilang banda, matapos maikonsidera ang kabuuang ebidensya ng tagausig, napagdesisyunan ng depensa na hindi magharap ng ebidensya.

Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan R. S. Malcampo, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Da Boy.


Ayon sa hukuman, ang pagpapasya na hindi magsulong ng ebidensya ay hindi isang kahinaan kundi isang estratehiya—dahil walang direktang ebidensya laban sa akusado. Dagdag pa ng hukuman, ang pasanin ng pagpapatunay ay nakasalalay sa tagausig at hindi maaaring ipataw sa akusado ang tungkuling patunayan ang kanyang kawalang-sala.


Ang hukuman ay nagpahayag ng masusing pagtutok sa mga mahahalagang alituntunin sa paglatag ng ebidensya tulad ng Double Hearsay Rule at ng kawalan ng timbang nito.

Sa kasong ito, ang pangunahing testigo ng tagausig ay si Karina, na hindi nakakita sa aktuwal na krimen kundi umasa lamang sa sinabi ng kanyang anak na si Melai. Subalit, hindi naiharap ng tagausig si Melai upang magpatotoo sa nasaksihan nito.


Ang resulta, hearsay sa unang antas (mula kay Karina) na nakabatay pa sa hindi nasuring salaysay ni Melai. Ito ang tinukoy ng hukuman bilang double hearsay na itinuturing na walang anumang bigat bilang ebidensya, sapagkat hindi ito sumailalim sa cross-examination, alinsunod sa desisyon ng kasong Sanvicente v. People (G.R. No. 132081, 26 November 2002), sa panulat ni Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago.


Bukod pa rito, binigyang-diin ng korte na ang tagausig ang may tungkuling magharap ng lahat ng material na testigo. Si Melai, na ayon sa sinumpaang salaysay ay nakasaksi sa pananaksak, ay hindi naiharap. Ang kakulangang ito ay hindi maaaring ipataw sa depensa, sapagkat pasanin ng estado ang magpatunay ng pagkakasala ng akusado. Dahil dito, ang testimonya ng saksi ng panig ng tagausig ay nanatiling walang bisa.


Sa ilalim ng ating Saligang Batas, ang akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang mapatunayang maysala. Ang burden of proof ay laging nasa tagausig at hindi maaaring ipataw sa akusado ang obligasyong patunayan ang kanyang kawalang-sala. Ayon sa Daayata v. People, 807 Phil. 102 (2017), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Mario Victor F. Leonen, ang kabiguang maipakita ng prosekusyon ang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa ay awtomatikong nangangahulugan ng acquittal o pagpapawalang-sala.


Dito, muling ipinaalala ng korte na ang hatol ng pagkakasala ay dapat nakabatay sa moral certainty, hindi sa haka-haka o suspetsa. Kung ang ebidensya ay batay lamang sa double hearsay, walang tiyak at matibay na batayan upang alisin ang presumption of innocence. Ang kawalan ng moral certainty ay nag-iiwan ng puwang para sa makatuwirang pagdududa, na sa batas ay nangangahulugan ng paglaya.


Ang kasong ito ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa pamamagitan ng hinala, pangalawang balita, o hindi nasusuring testimonya. Ang pagpalya ng tagausig na magharap ng materyal na saksi ay nagbunga ng pagkawasak ng kanilang kaso. Sa huli, nanaig ang prinsipyong konstitusyonal na mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.

 

Matapos timbangin ang lahat, malinaw na nabigo ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Bagaman kinikilala ng korte ang dalamhati ng pamilya ng biktima, walang sapat na batayan upang igawad ang hatol na guilty. Dahil sa seryosong kahinaan sa pagkakakilanlan na nakasalalay sa double hearsay. Kaya naman, pinawalang-sala rin si Da Boy.


Sa huli, mas pinairal ng hukuman ang bigat ng due process at ang konstitusyonal na presumption of innocence. Sa harap ng kawalan ng matibay na ebidensya, nanaig ang prinsipyo, “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page