ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 16, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang mga magulang ni AAA, hindi niya tunay na pangalan, na isang menor-de-edad, ay nagsampa ng kaso laban kay BBB dahil sa online na pang-aabuso o pananamantala, o paglabag sa tinatawag na Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC).
Kalaunan, ang mga magulang ni AAA ay gumawa ng affidavit of desistance kapalit ng halagang Php100,000.00 na ibinayad umano ni BBB. May bisa ba ang affidavit of desistance na ito at magdudulot ba ito ng agarang pagbasura ng kaso? -- R. Kafka
Dear R. Kafka,
Ang iyong katanungan ay binigyang kasagutan ng Republic Act (R.A.) No. 11930, o mas kilala sa tawag na “The Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.” Espesipiko, ang ika-25 ng Seksyon ng nasabing batas ay naglalahad:
“Section 25. Affidavit of Desistance. — Cases involving OSAEC and CSAEM shall not be dismissed based on the affidavit of desistance executed by the victims or their parents or legal guardians. Public and private prosecutors are directed to vigorously oppose and manifest objections to motions for dismissal. Any act that unduly pressures the complainant to execute an affidavit of desistance shall be punishable under this Act.”
Kaugnay sa nabanggit na probisyon ng batas, ang mga kasong patungkol sa online na pang-aabuso o pananamantala, o may kaugnayan sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) at child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM) ay hindi maaaring ibasura batay lamang sa affidavit of desistance na isinagawa ng biktima o ng kanyang mga magulang o legal na tagapangalaga.
Ang mga pampubliko at pribadong tagausig ay inatasang tutulan at ipahayag ang kanilang pagtutol sa anumang mosyon na humihiling ng pagbasura ng kaso batay sa affidavit of desistance.
Anumang gawaing pananakot, pamimilit, o paghihikayat sa biktima upang gumawa ng affidavit of desistance ay mapaparusahan alinsunod sa nabanggit na batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




