ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 21, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagbibisikleta ang aking kapatid papasok ng paaralan nang bigla siyang nasagi ng isang matulin na sasakyan, dahilan upang siya ay tumilapon at mawalan ng malay. Mabuti na lamang at may mga taong tumulong sa kanya para madala siya sa pagamutan. Kapwa nakainom ng alak ang drayber at ang pasahero ng nasabing sasakyan. Kalaunan ay napag-alaman namin na ang naturang pasahero ay ang amo ng drayber at mismong may-ari ng nabanggit na sasakyan. Nakailang pasabi na ang aking kapatid na kinakailangan niya ng patuloy na gamutan dahil sa mga tinamo niyang pinsala sa katawan, ngunit binabalewala ito ng drayber at ng may-ari ng sasakyan. Kung kaya’t nais ng kapatid ko na maghain ng reklamong kriminal laban sa drayber at hiwalay na kasong sibil laban sa amo nito na may-ari ng sasakyan. Katwiran sa amin ng may-ari ng sasakyan na gumamit siya ng diligence sa pagpili ng kanyang drayber. Mayroong lisensya umano ang drayber, police at NBI clearance at iba pa, kung kaya’t wala umano siyang pananagutan. Tama ba ang kanyang depensa?
– Melchor
Dear Melchor,
Sa ilalim ng ating Batas Sibil, ang sinuman na makapinsala sa kanyang kapwa dahil sa kanyang akto o pagpapabaya, nang walang kasalanan o kapabayaan ng biktima at walang ganap na kasunduan sa pagitan nila, ay maaari na mapanagot sa pagbayad ng danyos para sa tinamo na pinsala ng biktima. Ito ay tinatawag na obligasyon mula sa quasi-delict. Alinsunod sa Artikulo 2176 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 2176. Whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damage done. Such fault or negligence, if there is no pre-existing contractual relation between the parties, is called a quasi-delict and is governed by the provisions of this Chapter.”
Mainam din na malaman na hindi lamang ang tao na nakapinsala ang maaari na mapanagot sa quasi-delict. Bagkus, maaari rin mapanagot ang mayroong responsibilidad sa tao na nakapinsala; isa na rito ay ang amo o employer ng manggagawa na mayroong pagkakamali o pagpapabaya. Ganoon pa man, maaari na magsilbing depensa ng employer na siya ay gumamit ng ibayong sigasig ng isang mabuting ama ng pamilya upang maiwasan ang pinsala. Batay sa Artikulo 2180 ng ating New Civil Code:
“Art. 2180. The obligation imposed by Article 2176 is demandable not only for one's own acts or omissions, but also for those of persons for whom one is responsible. x x x
Employers shall be liable for the damages caused by their employees and household helpers acting within the scope of their assigned tasks, even though the former are not engaged in any business or industry. x x x
The responsibility treated of in this article shall cease when the persons herein mentioned prove that they observed all the diligence of a good father of a family to prevent damage.”
Sa sitwasyon na iyong naibahagi, iginiit ng amo ng drayber ng sasakyan na nakabangga sa iyong kapatid ang diumano’y kanyang diligence of a good father of a family upang makaiwas sa sibil na obligasyon. Subalit, kung ating susuriing maigi ang suliranin ng iyong kapatid, ang nabanggit na partido ay hindi lamang amo ng drayber na nakabangga sa iyong kapatid; bagkus, siya rin ang may-ari ng sasakyan na sangkot sa insidente at siya ay nakasakay rito nang mangyari ang insidente. Dahil dito, siya ay maaaring mapanagot sa ilalim ng Artikulo 2184 ng ating New Civil Code na malinaw na nagsasaad na sa mga sakunang sangkot ang sasakyan, mayroong iisang pananagutan o solidary liability ang may-ari ng sasakyan at ang drayber na nagmamaneho nito, maliban na lamang kung mapatunayan ng naturang may-ari na mayroon siyang ginawa na angkop na pagsisikap upang maiwasan ang sakuna:
“Article 2184. In motor vehicle mishaps, the owner is solidarily liable with his driver, if the former, who was in the vehicle, could have, by the use of the due diligence, prevented the misfortune. It is disputably presumed that a driver was negligent, if he had been found guilty of reckless driving or violating traffic regulations at least twice within the next preceding two months.”
Kung iyong mapatunayan na nakainom din ng alak ang pasahero na may-ari ng sasakyan noong maganap ang aksidente ng iyong kapatid, masasabi na taliwas ito sa kanyang depensa na siya ay umakto nang may angkop na diligence upang maiwasan ang nangyaring sakuna. Dahil dito, maaari pa rin na siya ay mapanagot para sa mga pinsala na tinamo ng iyong kapatid.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






