top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May katanungan ako patungkol sa korporasyong pinatatrabahuhan ng asawa ko. May alalahanin sila hinggil sa termino ng kanilang korporasyon dahil inisyuhan ito ng Certificate of Incorporation ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 01 Agosto 1974. Ayon sa kanilang Articles of Incorporation (AOI), ang korporasyon ay may termino na 50 taon, maliban na lamang kung ito ay palalawigin. Gayunman, ang Board of Directors ng korporasyon kung saan nagtatrabaho ang asawa ko ay hindi nag-aplay para sa pagpapalawig ng termino nito. Tanong ko lang kung mapapawalang-bisa ba ang pag-iral ng kanilang korporasyon sa paglipas ng orihinal nitong termino tulad ng nakalagay sa kanilang AOI o ang bagong probisyon sa ilalim ng Revised Corporation Code ang mananaig kung saan ang mga korporasyon ay dapat magkaroon ng panghabang-buhay na pag-iral. Salamat sa iyong tugon. -- Vivencio



Dear Vivencio,


Ang Pilipinas ay isa sa iilang bansa na nagtatakda ng mga limitasyon sa termino ng korporasyon bago ang pagsasabatas ng Republic Act (R.A.) No. 11232 o kilala bilang “Revised Corporation Code of the Philippines” (RCCP). Ito ay pinagtibay noong Pebrero 20, 2019, nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at nagkabisa ito noong Pebrero 23, 2019.


Sa Seksyon 2 ng RCCP, nakasaad dito ang kahulugan ng korporasyon: 


Sec. 2. A corporation is an artificial being created by operation of law, having the right of succession and the powers, attributes, and properties expressly authorized by law or incidental to its existence.


Sa ilalim naman ng Seksyon 11 nito, ipinaliwanag naman ang termino ng korporasyon. Nakalagay dito na:


Section 11. Corporate Term. - A corporation shall have perpetual existence unless its articles of incorporation provides otherwise.


Corporations with certificates of incorporation issued prior to the effectivity of this Code, and which continue to exist, shall have perpetual existence, unless the corporation, upon a vote of its stockholders representing a majority of its outstanding capital stock, notifies the Commission that it elects to retain its specific corporate term pursuant to its articles of incorporation: Provided, That any change in the corporate right of dissenting stockholders in accordance with the provisions of this Code.

xxx"


Bago ang pagsasabatas ng RCCP, ang mga korporasyon sa ating bansa ay may limitadong termino na humahantong sa pagkawala ng kita at kabuhayan para sa mga pamilya, at pagkawala ng pamana at pangarap para sa mga negosyante at empleyado. Ang panghabang-buhay na termino ng korporasyon bilang default na opsyon ay naglalayong tugunan ang problemang ito. Pinapayagan din nito ang mga korporasyon na bumuo ng mga pangmatagalang plano at tumingin sa mas napapanatili at malalayong estratehiya para sa higit pang paglago ng ekonomiya.


Gayunpaman, maaaring piliin ng mga korporasyon na lagyan ng limitasyon sa termino sa kanilang Articles of Incorporation (AOI) upang bigyan ang mga stockholder ng pagkakataon na masuri ang kinabukasan ng korporasyon at matukoy sa puntong iyon na tapusin ang mga gawain ng korporasyon o pahabain ang buhay ng korporasyon.


Sa sitwasyong iyong nabanggit, ang pag-iral ng korporasyon kung saan nagtatrabaho ang iyong asawa ay hindi nagtatapos sa paglipas ng orihinal nitong termino gaya ng tinukoy sa kanilang AOI. Kung pipiliin ng isang umiiral na korporasyon na magkaroon ng limitasyon sa termino, ang mga stockholders na kumakatawan sa mayorya ng natitirang stock ng kapital nito ay dapat bumoto upang panatilihin ang partikular na termino nito at dapat ipaalam sa SEC na pinipili nitong panatilihin ang partikular na termino ng kumpanya, alinsunod sa AOI nito. 


Sa kabilang banda, ang mga umiiral na korporasyon ay hindi kailangang gumawa ng anumang hakbang upang palawigin ang kanilang termino dahil awtomatiko silang maituturing na may habambuhay na termino ayon sa Seksyon 11 ng RCCP, kahit na may nakapirming termino na nakalagay sa kanilang umiiral na AOI bago naisabatas ang RCCP.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 23, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagmamay-ari ako ng isang maliit na bakery sa Quezon City. Nagkaroon ako ng order para sa 100 piraso na mga asul na puto, ngunit nagkamali ako ng nailagay na pampakulay ng pagkain. Dahil hindi ko na magagamit ang 100 piraso na pulang puto, naisip kong i-donate na lamang ang mga ito sa simbahan upang hindi masayang. Nais ko lamang malaman kung maaari ba akong managot kung sakaling mapagbintangan ako dahil sa mga ipinamigay kong libreng puto. -- Jaelynn



Dear Jaelynn, 


Upang maibsan ang pambansang kahirapan at mabawasan ang pag-aaksaya ng pagkain, isinabatas ang Republic Act (R. A.) No. 9803, o mas kilala bilang “Food Donation Act of 2009,” bilang hakbang upang hikayatin ang donasyon ng pagkain para sa layunin ng kawanggawa.


Nilinaw ng batas na ito na hindi lahat ng klase ng pagkain ay maaaring i-donate. Ang maaari lamang i-donate ay ang mga pagkain na tinatawag na “apparently wholesome food” na binigyang kahulugan ng Seksyon 3 (a) ng batas na ito na nagsasaad na: 


Section 3. Definition of Terms. - For purposes of this Act, the following terms shall be defined as follows:


  1. ‘Apparently Wholesome Food’  refers to food that meets all quality and labeling standards imposed by a pertinent laws and administrative regulations even though the food may not be readily marketable due to appearance, age, freshness, grade, size, surplus, or other conditions. It does not include milk products as defined and covered under Executive Order No. 51, the ‘National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplements and Other Related Products’.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang apparently wholesome food ay tumutukoy sa pagkain na nakatutugon sa lahat ng kalidad at mga pamantayan sa pag-label na ipinataw ng mga nauugnay na batas at mga regulasyong pang-administratibo kahit na ang pagkain ay maaaring hindi madaling mabenta dahil sa itsura, edad, pagiging bago, grado, laki, sobra, o iba pang mga kondisyon. Hindi kasama rito ang mga produktong gatas gaya ng tinukoy at saklaw sa ilalim ng Executive Order No. 51, o ang “National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplements and Other Related Products.”


Sa iyong sitwasyon, ang pulang puto na iyong ipinamigay ay maaaring maituring na apparently wholesome food sapagkat ang depekto lamang nito ay dahil mali ang kulay na iyong nagamit para sa order ng iyong customer. Ayon sa Seksyon 5 ng nasabing batas: 


Section 5. Liability for Damages from Donated Food. - A person, whether natural or juridical, shall not be subject to civil or criminal liability arising from the nature, age, packaging, or condition of apparently wholesome food that a person donates in good faith for charitable purposes. This shall not apply, however, to an injury or death of an ultimate beneficiary of the donated food that results from an act or omission of a person constituting gross negligence or intentional misconduct.”


Dahil sa nasabing probisyon ng batas, maaari kang hindi sumailalim sa sibil o kriminal na pananagutan na nagmumula sa katangian, edad, packaging, o kondisyon ng mga pulang puto na iyong ibinigay sa ibang tao nang may mabuting hangarin, at para sa layunin ng kawanggawa. Ngunit, ang probisyon ng batas na ito ay hindi naaangkop kung may pinsala o may namatay dahil sa iyong donasyong pagkain na nagreresulta dahil sa iyong kagagawan o pagkukulang na maituturing na matinding kapabayaan o sinadyang maling pag-uugali. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 22, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Biktima ang kababata ko ng hindi makatwirang pananalakay na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Hindi pa nakapagsasampa ng reklamo ang kanyang pamilya dahil sa magkakaiba na payo na ibinigay sa kanila. Nais sana nilang maghain ng reklamo para sa krimeng murder, base sa payo ng isang law student na kapitbahay nila, dahil mayroon diumanong abuse of superior strength sa nangyari na pananalakay. Ayon diumano sa isang saksi, tatlo ang mga salarin. Maliban sa sunud-sunod na mga suntok na kanyang tinamo, ginamitan pa umano ang kababata ko ng sumpak na nagdulot ng matitinding pinsala sa kanyang ulo at leeg. Sa kabilang banda, mayroong nakapagsabi sa kapatid ng kababata ko na diumano ay hindi nangangahulugan na mayroong abuse of superior strength na agad dahil lamang sa tatlo ang mga salarin at mayroong sumpak na ginamit ang mga ito. Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang magkaiba na payo na ibinigay sa pamilya ng kababata ko upang magkaroon ng gabay sa kanilang pagnanais na makamit ang katarungan. -- Jordan



Dear Jordan,


Ang Murder ay isa sa mga ikinokonsidera bilang heinous o kasuklam-suklam na krimen. Karaniwan na makikita sa mga sirkumstansya na bumubuo sa malagim na insidente ng ganitong uri ng pamamaslang ay ang lubos na kawalan ng pagsasaalang-alang at pagpapahalaga ng salarin sa buhay ng biktima. Kaya rin naman napakabigat ng parusa na ipinapataw ng ating batas sa sinuman na mapatutunayan na gumawa ng krimen na ito.


Upang managot ang inaakusahan ng krimen na Murder ay kinakailangan na mapatunayan ng nag-uusig ang mga sumusunod na elemento: una, mayroong tao na napaslang; ikalawa, ang inaakusahan ang gumawa ng pamamaslang; ikatlo, mayroon ang alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, hindi Parricide o Infanticide ang naganap na pamamaslang.


Kaugnay ng ikatlong elemento na nabanggit, ang isa sa mga qualifying circumstances na magtataas ng krimen sa Murder ay ang paggamit ng salarin ng bentahe ng higit na lakas o ang tinatawag na “taking advantage of superior strength.” Mainam na maintindihan na ang sirkumstansya na ito ay hindi lamang nangangahulugan na higit na bilang ng mga salarin o ang kanilang paggamit ng armas o sandata. Bagkus, mahalaga na mapatunayan ang ganap at lubos na hindi pagkakapantay ng lakas o puwersa ng salarin sa kanyang biktima. 


Maliban sa higit na bilang ng salarin kumpara sa biktima, isinasaalang-alang din ang sama-sama o pangkalahatan na puwersa na ginamit ng salarin, ang kanyang/kanilang kasanayan at kakayahan, maging ang sandata, armas o iba pang bagay na kanyang/kanilang ginamit upang maisakatuparan ang pamamaslang sa biktima o ang pananakit sa biktima na naging sanhi ng kamatayan nito. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, sa kasong People of the Philippines vs. Orlando Padilla and Danilo Padilla (G.R. No. 247824, February 23, 2022):


“In Evasco, this Court held:


The determination of whether or not the aggravating circumstance of abuse of superior strength was attendant requires the arduous review of the acts of the accused in contrast with the diminished strength of the victim. There must be a showing of gross disproportionality between each of them. Mere numerical superiority on the part of the accused does not automatically equate to superior strength. The determination must take into account all the tools, skills and capabilities available to the accused and to the victim to justify a finding of disproportionality; otherwise, abuse of superior strength is not appreciated as an aggravating circumstance.


Here, this Court fully agrees with the findings of the CA that indeed abuse of superior strength was present in the commission of the crime. Indeed, to take advantage of superior strength means to use purposely excessive force that is out of proportion to the means of defense available to the person attacked. In the present case, the evidence gathered shows that the victim was unarmed when he was attacked by accused-appellants, who were not only superior in number but had access to, and in fact used, a weapon in form of a knife. Moreover, it was established that when the victim was already defenseless and weak from the stab wound and the mauling, he was unnecessarily hit with a big stone that ensured his death. Thus, the fact that the victim was outnumbered without means to put up a defense as he was taken to a place where rescue would be close to impossible and the fact that accused-appellants and Antonio used weapons out of proportion to the defense available to the victim, i.e. a knife and a big stone, fully establish the qualifying aggravating circumstance of abuse of superior strength.”


Sa sitwasyon na iyong naibahagi, kinakailangan na malinaw na maisalaysay ng nakasaksi sa pananalakay sa iyong kababata na siya ay naroon noong naganap ang insidente at positibo niyang maipahayag kung ano ang mga ginawa at/o partisipasyon ng bawat salarin sa panununtok, pambubugbog at/o paggamit ng sumpak sa biktima, kung may sandata o armado rin ba ang biktima o hindi, at ang iba pang mahahalagang impormasyon na maaari na magpatibay na sadyang higit ang lakas at puwersa ng mga salarin kung ikukumpara sa biktima. Mahalaga rin na mayroong katibayan na ang mga tinamo na pinsala ng iyong kababata ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay at ang ibang mga rekisitong itinatakda ng batas para sa krimen na Murder.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page