- BULGAR
- Dec 8, 2025
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 8, 2025

Dear Chief Acosta,
May karapatan ba ang mga terminal ng bus na maningil ng bayad bago magamit ang kanilang mga banyo? -- Adelyn
Dear Adelyn,
Kinikilala ng ating bansa ang karapatan ng bawat establisyimento sa isang patas na balik ng puhunan. Gayunpaman, ito ay may kaakibat na kaukulang responsibilidad panlipunan na magbigay ng sapat na mga pasilidad para sa kaginhawahan ng mga kliyente nito. Tungo sa layuning ito, isinabatas ang Republic Act No. 11311 (R.A. No. 11311) upang mapagbutihan ng mga may-ari, operator, at administrador ng mga terminal, istasyon, hintuan, pahingahan, at roll-on/roll-off terminal ng transportasyon sa lupa ang kanilang mga pasilidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyo sa internet, at malinis na mga pasilidad sa kalusugan. Kaugnay nito, nakasaad sa Section 5 ng nasabing batas na:
“Section 5. Prohibition on Collection of Fees to Access Sanitary Facilities. -It shall be unlawful to collect fees from passengers for the use of regular sanitary facilities therein. For the purpose of this Act, the concerned passenger must show the paid bus ticket for the day in order to avail of the free use of sanitary facilities: Provided, however, That the provisions of this Act shall not apply to separate, well-appointed or deluxe sanitary facilities that are operated solely for commercial purposes and for the convenience of passengers who require and prefer such facilities within land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon ng batas, ipinagbabawal ang paniningil mula sa mga pasahero para sa paggamit ng mga regular na banyo o sanitary facilities. Ngunit, paki tandaan na ang batas na ito ay hindi tumutukoy sa mga hiwalay na itinalagang de-kalidad na mga banyo o sanitary facilities na pinapatakbo lamang para sa mga layuning pangkomersyo at para sa kaginhawahan ng mga pasaherong nangangailangan at mas gusto ang mga naturang premyadong pasilidad sa loob ng mga terminal ng transportasyon sa lupa, istasyon, hintuan, lugar ng pahingahan, at mga terminal ng RORO.
Kung kaya’t sa inyong sitwasyon, kailangan ninyo lamang ipakita ang inyong bayad na tiket ng bus para kayo ay makagamit ng banyo nang libre. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 7 ng batas na ito na ang sinumang may-ari, operator, o administrador ng mga terminal, istasyon, hintuan, pahingahan, at mga terminal ng RORO na lumabag sa pagbabawal sa ilalim ng Seksyon 5 ng batas na ito ay mananagot sa multang nagkakahalaga ng P5,000.00 para sa bawat araw ng paglabag.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






