top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 3, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang drayber ng pampasaherong bus. May pasahero ako na sinaksak ng kapwa niya pasahero sa hindi malamang kadahilanan. Hindi nakilala ng biktima ang salarin at hindi rin ito nahuli dahil kaagad itong nakatakas. Ang masakit ay ako ang inirereklamo ng pasahero para magbayad ng danyos dahil hindi diumano namin siya nadala sa kanyang destinasyon nang ligtas. Sinabi pa niya na ang pag-iingat na kinakailangan mula sa amin sa lahat ng pagkakataon ay “extra-ordinary diligence”. Maingat naman ako sa aking pagmamaneho at wala rin akong napansin na kahina-hinala sa aming mga pasahero noong nangyari ang insidente. Totoo ba na ang extraordinary diligence ang dapat na pag-iingat na gagawin namin sa lahat ng pagkakataon? -- Boznia



Dear Boznia,


Ang pananagutan ng isang pampasaherong bus kung may natamong pinsala ang isang pasahero mula sa kapwa pasahero ay nakasaad sa Artikulo 1763 ng Bagong Kodigo Sibil ng Pilipinas na:


“A common carrier is responsible for injuries suffered by a passenger on account of the willful acts or negligence of other passengers or of strangers, if the common carrier's employees through the exercise of the diligence of a good father of a family could have prevented or stopped the act or omission”.


Ang ilustrasyon o aplikasyon ng nabanggit na probisyon ng batas ay ginamit sa kasong G.V. Florida Transport, Inc. vs. Heirs of Battung, Sr., October 14, 2015, na kung saan ang Korte Suprema ay nagsalita sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe:


“On the other hand, since Battung’s death was caused by a co-passenger, the applicable provision is Article 1763 of the Civil Code, which states that “a common carrier is responsible for injuries suffered by a passenger on account of the willful acts or negligence of other passengers or of strangers, if the common carrier’s employees through the exercise of the diligence of a good father of a family could have prevented or stopped the act or omission.” Notably, for this obligation, the law provides a lesser degree of diligence, i.e., diligence of a good father of a family, in assessing the existence of any culpability on the common carrier’s part.


Case law states that the concept of diligence of a good father of a family “connotes reasonable care consistent with that which an ordinarily prudent person would have observed when confronted with a similar situation. The test to determine whether negligence attended the performance of an obligation is: did the defendant in doing the alleged negligent act use that reasonable care and caution which an ordinarily prudent person would have used in the same situation? If not, then he is guilty of negligence.” 


Sa iyong sitwasyon, totoo na ang pampasaherong sasakyan (common carrier) ay inaasahang gawin ang pag-iingat na tinatawag na “extraordinary diligence” pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Kung ang pinsala ng pasahero ay natamo niya mula sa kapwa pasahero, ang hinihiling na uri ng pag-iingat mula sa pampasaherong sasakyan ay mas mababa at ito ay tinatawag “diligence of a good father of a family”. Kinakailangan lamang na mapatunayan na gumamit ng makatwirang pangangalaga at pag-iingat para maiwasan ang sakuna na nangyari sa iyong pasahero dahil kung hindi ay maaari ngang ikaw ay nagkaroon ng kapabayaan at kailangan ay managot sa danyos na natamo ng pasahero.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11058 na may pamagat na “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof,” pinagtitibay ng Estado ang paggawa bilang pangunahing puwersang panlipunan at pang-ekonomiya. Kinikilala rin nito na ang pagkakaroon ng ligtas at malusog na manggagawa ay isang mahalagang aspeto sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman dapat tiyakin ng Estado ang isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho para sa lahat ng nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ganap na proteksyon laban sa lahat ng mga panganib sa kanilang kapaligiran sa trabaho. 


Ang probisyon ng batas na nabanggit ay nailalapat sa lahat ng establisimyento, proyekto, lugar, kabilang ang mga nasa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at lahat ng iba pang lugar kung saan ginagawa ang trabaho sa lahat ng sangay ng aktibidad sa ekonomiya, maliban sa pampublikong sektor.


May karapatan ang isang empleyado na mabigyan ng proteksyon laban sa pinsala, pagkakasakit o kamatayan sa pamamagitan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kondisyon sa pagtatrabaho sa gayo’y tinitiyak ang konserbasyon ng mahahalagang mapagkukunan ng lakas-tao at pag-iwas sa pagkawala o pinsala sa mga buhay at ari-arian na naaayon sa mga layunin ng pambansang pag-unlad, at sa pangako ng Estado sa kabuuang pag-unlad ng bawat manggagawa bilang isang kumpletong tao. 


Kaakibat sa polisiya ng Estado na mabigyan ng proteksyon ang bawat manggagawa ay ang tungkulin ng Estado na magsulong ng mahigpit ngunit malawak, inklusibo, at sensitibo sa kasarian na mga hakbang sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran at programa na may kaugnayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.


Ang karapatan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho ay ginagarantiyahan ng batas. Ang employer o amo ay may obligasyong ipaalam sa manggagawa ang tungkol sa lahat ng uri ng mga panganib sa lugar ng trabaho. Kasama rito ang magbigay ng pagsasanay at edukasyon sa kaligtasan ng kemikal, kaligtasan sa elektrikal, maging sa mekanikal na kaligtasan, at kaligtasang ergomiya. Ang ergomiya ay tumutukoy sa agham ng pagdidisenyo ng kapaligiran ng pook na panghanapbuhay upang maging akma sa gagamit nito. Kailangan ang angkop na disenyong ergonomiko upang maiwasan ang paulit-ulit na mga pinsala dahil sa pagkabinat ng katawan o pananakit ng kalamnan, na maaaring umiiral sa loob ng matagal na panahon at maaaring humantong sa kapansanang pangmatagalan. Marapat na ang mga disenyo ng kasangkapan na ginagamit sa pagtatrabaho ay angkop sa mga manggagawang gumagamit nito.


Ang manggagawa ay may karapatang tumanggi na magtrabaho nang walang pagbabanta o paghihiganti mula sa employer kung, ayon sa itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang napipintong sitwasyon ng panganib ay umiiral sa lugar ng trabaho na maaaring magresulta sa pagkakasakit, pinsala o kamatayan, at mga aksyong pagwawasto upang maalis ang panganib ay hindi pa naisasagawa ng employer.


Ang mga manggagawa at kanilang mga kinatawan ay may karapatan na mag-ulat ng mga aksidente, mapanganib na pangyayari, at mga panganib sa employer, sa DOLE at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno na nagsasagawa ng hurisdiksyon bilang karampatang awtoridad sa partikular na industriya o aktibidad sa ekonomiya.


May karapatan din ang mga manggagawa na mabigyan ng personal protective equipment (PPE) kung kinakailangan. Kaya naman ang batas ay inoobliga ang bawat employer, kontratista o subcontractor, kung mayroon man, na magbigay sa kanyang mga manggagawa, nang walang bayad, ng mga kagamitang pangproteksyon para sa kanilang mga mata, mukha, kamay at paa, safety belt o harness, gas o dust respirator o mask, mga proteksyon na kalasag kung kinakailangan, dahil sa mapanganib na proseso ng trabaho o kapaligiran, sa pamamagitan ng pisikal na kontak o paglanghap sa kemikal, radiological, mekanikal at iba pang mga nakakairita o nagdudulot ng pinsala sa paggana ng katawan.


Ang tagapag-empleyo, may-ari ng proyekto, pangkalahatang kontratista, kontratista o subkontraktor, kung mayroon man, at sinumang tao na namamahala, kumokontrol o nangangasiwa sa gawaing isinasagawa ay magkakasamang mananagot para sa pagsunod sa batas na ito.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 2, 2025



ISSUE #371



Noong gabi ng Hunyo 22, 2021, sa payapang Brgy. Rio del Pilar sa bayan ng Glan, Sarangani, nabasag ang katahimikan at napalitan ng galit at takot. 


Isang lalaki na itago na lamang natin sa pangalang “Rjay,” ang humarap sa kanyang lasing na kapitbahay, na tawagin natin sa pangalang “Dindo” — at nauwi ito sa kamatayan ng huli. Ngunit sa harap ng batas, ang mahalagang katanungan: ito ba ay isang sinadyang pagpatay, o isang desperadong pagtatanggol sa sarili?


Sa kasong People v. Bantillok (Criminal Case No. 02429-xx, Regional Trial Court, Branch 38, Alabel, Sarangani, 25 Abril 2025, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Precious Aurea L. Pojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Dindo — hindi niya tunay na pangalan, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Rjay,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala sa kasong Homicide, kaugnay ng naturang insidente.

Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang tanong: sapat ba ang ipinakitang ebidensya upang idiin si alyas Rjay sa pagkamatay ni Dindo?


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay ayon sa paglalahad ng hukuman. 


Ayon sa Information na isinampa, dakong alas-9:30 ng gabi noong Hunyo 22, 2021, sa Purok Bilvisma, Brgy. Rio del Pilar, Glan, Sarangani, si alyas Rjay ay kinasuhan ng Homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code. Ayon sa tagausig, armado ng bolo, sinadyang atakihin at tinaga sa batok si Dindo, dahilan ng kanyang agarang kamatayan.


Ngunit ayon sa depensa, hindi iyon isang krimen — kundi isang likas na tugon ng isang taong binantaang papatayin sa mismong tapat ng kanyang pintuan.

Batay sa mga salaysay ng mga saksi, kabilang sina Mariz, mga pulis na rumesponde, at Angel, binuo ng hukuman ang larawan ng gabing iyon.


Ayon sa mga pangyayaring inilahad ng hukuman batay sa mga salaysay ng mga saksi, lasing si Dindo nang dumating sa bahay ni Angel. Nakahubad maliban sa kanyang brief at may hawak na dalawang bolo — isa sa bawat kamay. Malakas siyang sumigaw sa labas ng bahay ni Rjay ng, “Rjay, gawas dira kay patyon taka!” (Rjay, lumabas ka r’yan dahil papatayin kita!)


Lumabas si Rjay at ipinaliwanag na hindi pa niya kayang magbayad ng utang. Ngunit sa halip na makinig, itinapon ni Dindo ang isa sa mga bolo sa kanya at agad siyang sinugod. Dahil sa matinding takot, pinulot ni Rjay ang bolong itinapon at ginamit ito upang ipagtanggol ang sarili. Sa kaguluhan ng pagtatalo, isang taga sa batok ang tumapos sa buhay ni Dindo.


Hindi tumakas si Rjay matapos ang insidente. Sa halip, nanatili siya sa bahay ni Angel at kusa siyang sumuko sa mga pulis nang dumating ang mga otoridad.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan, na si Atty. Janet B. Jamerlan, Public Attorney II, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Rjay.


Sa kasong ito, aminado si Rjay na siya ang nakapatay, ngunit iginiit niyang ito ay bunga ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Hinggil dito, ang naging pangunahing tanong sa korte, naitaguyod ba ni Rjay ang tatlong rekisito ng self-defense?


Ayon sa hukuman, ang tatlong rekisito ng self-defense ay ang mga sumusunod:

  • Merong unlawful aggression sa panig ng biktima

  • Merong reasonable necessity sa ginamit na paraan ng depensa

  • Walang sapat na provocation mula sa akusado


Una, ayon sa korte ay merong Unlawful Aggression. Dito, walang alinlangan na si Dindo, lasing, armado, at galit ay nagsagawa ng aktuwal at kasalukuyang agresyon. 


Batay sa kasong People v. Endaya (G.R. No. 225745, 28 Pebrero 2018), ang unlawful aggression ay kailangang tunay at kasalukuyang nagbabanta sa buhay. 


Sa kasong ito, nakita ng hukuman na ang pananakot ni Dindo habang may hawak na dalawang bolo ay hindi maituturing na kathang-isip sapagkat ito’y tunay at agarang panganib.


Pangalawa, merong reasonable necessity sa ginamit na paraan. Tinukoy ng korte na makatuwiran ang ginamit na paraan ni Rjay. Siya ay walang armas nang una siyang harapin ni Dindo, at sa gitna ng biglang pag-atake ay pinulot lamang niya ang bolo na itinapon sa kanya.


Sa mga salita ng Korte Suprema sa People v. Lara at People v. Camillo (G.R. No. 260353, 08 Pebrero 2023), “ang taong kaharap ang agarang panganib ay hindi inaasahang mag-isip nang kalmado at magtimbang ng eksaktong proporsyon ng depensa.” Hinggil dito, hindi maaaring sabihing sobra ang ginawa ni Rjay, sapagkat kung hindi niya ginawa iyon, maaaring siya ang naging bangkay kinabukasan.


At panghuli, walang sapat na probokasyon. Ayon sa hukuman, walang ebidensya na si Rjay ang unang nanghamon. Sa katunayan, malinaw na si Dindo ang nagtungo sa bahay ni Angel at siya ang unang nagbanta.Alinsunod sa People v. Naborra (binanggit sa People v. Pableo, G.R. No. 229349, 29 January 2020), ang provocation ay dapat malinaw at sapat upang udyukan ang paggawa ng krimen. Dito, malinaw na kabaligtaran ang nangyari, si Dindo ang nag-umpisa ng gulo, habang si Rjay ay tahimik na nagtatanggol ng sarili.


Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat ng ebidensya, malinaw sa hukuman na napatunayan ni Rjay ang tatlong rekisito ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Kaya naman ayon sa hatol ng korte:


“Self-defense is a justifying circumstance that relieves the accused of criminal and civil liabilities… Hence, although Rjay killed Dindo, his act did not violate the law.”


Bunsod nito, pinawalang-sala si Rjay sa kasong Homicide sa bisa ng justifying circumstance na self-defense.


Sa likod ng kasong ito, muling ipinapaalala ng batas ang kanyang kahalagahan — na sa kabila ng dugo at trahedya, nananatili ang prinsipyo ng presumption of innocence at karapatang ipagtanggol ang sarili.Sa madaling salita, hindi lahat ng pagpatay ay bunga ng kasamaan; may mga pagkakataon na ito ay bunga ng likas na hangaring ipagtanggol ang sarili at mabuhay.


Tulad ng sinabi ng hukuman, hindi makatarungang asahan ang kalmadong pag-iisip mula sa isang taong nilalapitan ng kamatayan.


Tulad ng madalas nating banggitin, habang ipinagdarasal natin ang kaluluwa ni Dindo at ang paghilom ng sugat ng kalooban ng kanyang pamilya, nawa’y magsilbi itong paalala na sa bawat kasong dinidinig ay may kuwento ng takot, pagtatanggol, at paghahanap ng hustisya.


Sa ilalim ng batas, may puwang pa rin para sa makatuwirang pagtatanggol — at sa pagkakataong ito, ang batas mismo ang naging sandigan ng isang inosenteng nagtanggol ng kanyang buhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page