top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 23, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahon ng krisis at kalamidad, hindi lahat ng bayani ay nakasuot ng uniporme, minsan, sila ay nakatsinelas, may sakong dala-dala, at may hawak na walis. Sila ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), mga ordinaryong manggagawang umaasa sa pansamantalang kabuhayang handog ng gobyerno. 


Sa deliberasyon ng 2026 budget, isiniwalat ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na halos isang milyong benepisyaryo ng TUPAD ang posibleng maapektuhan ng pagbawas ng budget. Mula sa P18 bilyon — P12.24 bilyon na lang ang nakalaan para sa TUPAD at sa Government Internship Program (GIP). 


Ayon sa DOLE assistant secretary, malaki ang epekto nito lalo na sa mga nawawalan ng trabaho tuwing may bagyo, lindol, o sakuna. Aniya, kung lumiit ang suporta, bababa hindi lang ang bilang ng matutulungan kundi pati ang kalidad ng tulong sa mga pinakaapektado. Ipinaliwanag naman ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na 50 porsyento ng apat na milyong benepisyaryo ng TUPAD noong 2024 ay tinulungan dahil sa sunud-sunod na kalamidad sa bansa. 


Bagaman tiniyak ni Gatchalian na may natitirang pondo para sa mga lugar na laging tinatamaan ng bagyo kasabay naman nito ang pagbabawas ng isang milyong manggagawa sa saklaw ng programa. 


Gayunman, nitong nakaraang buwan isang mambabatas ay nagpanukala ng realignment ng P46 bilyon mula sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects, kung saan P14.82 bilyon ay idinagdag sa TUPAD. 


Sa kabila ng lahat, nananatiling malinaw na ang TUPAD ay hindi luho kundi sandigan ng mga Pinoy sa hirap ng buhay. Ito ang pundasyon ng mga nawalan ng kabuhayan at pag-asa. Ang bawat piso ng programang ito ay sumasalamin sa bawat araw na inilalaan ng manggagawang Pinoy. 


Marahil, nararapat lamang na mas paigtingin pa ang mga programang nagbibigay-lakas sa masa. Kailangang mag-isip ng paraan ang gobyerno upang ang mga apektadong kababayan ay patuloy na suportahan sa kanilang kabuhayan. 


Hindi lang ito usapin ng budget, ito ay usapin ng pagkalinga. Dahil sa bawat trabahong pansamantala lamang, may pangarap na gustong magpatuloy.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Matapos ang halos walong taong paghihintay, tuluyan nang natuldukan ang aberyang matagal nang inirereklamo ng mga motorista. Ang hiwa-hiwalay na RFID para sa iba’t ibang expressway. Sa inilunsad na proyekto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na “One RFID, All Tollways,” sapat na ngayon ang isang RFID sticker para makadaan sa lahat ng expressways sa Luzon — mula NLEX, SLEX, SCTEX, CAVITEX, CALAX, hanggang TPLEX at Skyway. Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), Toll Regulatory Board (TRB), Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na may-ari ng Easytrip, at SMC Infrastructure na nagpapatakbo ng Autosweep. 


Sa wakas, ang dating pahirap na dalawang RFID system ay napalitan na ng interoperability, isang simpleng teknolohiyang may malaking epekto sa araw-araw na buhay ng bawat Pinoy. Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, walong taon ang ginugol bago maipatupad ang sistemang ito dahil sa mga teknikal at regulasyong kailangang talakayin. Dahil dito, tuluyan nang natupad ang pangarap na mula Norte hanggang Sur, at maginhawa na ang pagbiyahe. Maging ang chairman ng MPIC ay nagpahayag ng pagbati sa gobyerno na sa wakas ang proyektong matagal nilang hinintay ay natupad na. Ganito rin ang sentimyento ng SMC Infrastructure, na nagpahayag ng suporta sa bagong sistema at tiniyak ang seguridad at kadalian ng transaksyon. 

Nilinaw naman ni Lopez na hindi kasama sa mga rason ng pagtaas ng toll fees ang One RFID. Dahil ang layunin nito ay mas mapabilis ang daloy ng trapiko at mabawasan ang abala sa mga toll plaza, lalo na sa mga motorista na dati’y nag-aalangan kung alin sa dalawang RFID ang gagamitin.

 Ang hakbanging ito ay hindi lamang tungkol sa mas madali at mabilis na pagbiyahe, ito ay sumasalamin sa epektibong koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor. 

Sa panahon kung saan madalas sabihing mabagal ang ating pag-asenso, pinatunayan ng proyektong ito na kapag gusto, may paraan. 

Ang One RFID ay higit pa sa sticker na ikinakabit sa ating mga sasakyan, ito ay tanda ng pag-unlad, modernisasyon, at malasakit sa bawat mamamayan. Isa rin itong paalala na kapag nakikinig ang pamahalaan sa mga hinaing ng taumbayan, nagkakaroon ng direksyon ang bawat plano at nagbibigay daan sa ating bansa para sa tunay na pagkakaisa at pagbabago.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 21, 2025



Boses by Ryan Sison


Ngayong papalapit na ang Undas, hindi lang pala multo ang dapat katakutan ng taumbayan dahil mas nakakatakot ang mga “ghost projects” ng gobyerno na hindi napapakinabangan ng bawat mamamayan.


Kaya naman sa inilunsad na kampanyang “Oplan Bantay Super Health Center,” hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag magdalawang-isip na iulat ang mga hindi gumagana o mistulang abandonadong health centers sa kanilang mga lugar.


Sa pamamagitan ng social media, maaaring magsumite ng larawan o video bilang ebidensya. Batay sa datos ng ahensya, mula sa 878 super health centers na pinondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program, 196 lamang ang ganap na operational, 17 ang bahagyang bukas, 365 ang patuloy na itinatayo, at 300 ang hindi pa rin gumagana. 


Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, karamihan sa mga sarado ay nasa Luzon na umabot sa mahigit 170 pasilidad. Isa sa mga rason ng pagkaantala ay ang kakulangan sa kuryente, tubig, at mga tauhan. 


Dito pumapasok ang papel ng lokal na pamahalaan, na responsable sa pagkumpleto ng utilities at pagkuha ng mga manggagawa. 


Kasunod nito, sinimulan ng DOH ang inspeksyon sa mga pasilidad kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang tiyakin na walang nalustay na pondo. 


Sa halip na manatiling tahimik sa harap ng isyu, pinili naman ni Herbosa ang transparency, nagsumite siya sa ICI ng mga listahan ng mga palyadong proyekto at ipinatupad ang Citizens Participatory Audit (CPA). Dito, mismong mamamayan ang magiging mata’t tenga ng gobyerno. Sa ganitong sistema, nagiging daan ang Oplan Bantay para magkaroon ng pananagutan at pagkilos ng bayan. 


Hindi sapat na may gusali lang tayong nakatayo, dahil kung gusto natin ng mas maraming Pinoy na maayos ang kalusugan at kalagayan, nararapat lang na bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang mga super health center. 


Kung ang pera na ginamit sa pagpapatayo ng mga ito ay galing sa taumbayan, nararapat lang na ang benepisyo ay bumalik din sa kanila.


Ang pagod ng isang manggagawa na kinaltasan ang kanilang kinikita bilang buwis para sa mga ipinangakong proyekto ng gobyerno, ay dapat na tumbasan sa pamamagitan ng gumagana at napapakinabangang proyekto.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page