top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 20, 2025



Boses by Ryan Sison


Dapat sigurong inuuna ang programang pangkalusugan ng mamamayan kaysa sa paulit-ulit na sakit sa sistemang hindi matapos-tapos na mga proyekto. 


Kaya nang dinggin sa Senado na may 1,823 health centers ang Department of Health (DOH) na hindi pa rin tapos, na tinatayang nagkakahalaga ng P32.4 bilyon, muli na namang sumambulat ang mga anomalya, ang mabagal, magulo, at tila ba mga pareho lamang problema sa mga proyektong hanggang ngayon ay hindi rin naisasagawa. 


Sa interpellation ng iminungkahing P262.8 bilyong DOH budget para sa 2026, inamin ni Sen. Pia Cayetano na hindi kasama ang P32.4 bilyong kailangan para tapusin ang mga nakatiwangwang na pasilidad sa National Expenditure Program (NEP). 


Wala pang ibinibigay na detalyadong listahan ang DOH kung alin ang “easy fixes” o alin ang dapat unahin. 


Dismayado naman dito si Sen. Loren Legarda, aniya, mismong Department of Budget and Management (DBM) ang nagsabing dapat prayoridad ang pagtatapos ng mga proyektong sinimulan na. Mas nakakabahala pa, ilang dekada nang problema ang mga naantalang pasilidad sa DOH — daan-daan bawat taon, bilyun-bilyon ang presyo, pero nananatiling walang saysay dahil hindi nagagamit ng mga kababayan. 


Paliwanag ng DOH, epekto umano ito ng zero budgeting system, kung saan ang pondo lang na kayang gastusin sa loob ng isang taon ang puwedeng hilingin. Pero sa real-world setting, ang resulta nito ay mga istrukturang nakatayo subalit hindi matapos-tapos, naka-standby, at parang monumento ng pagkaantala. 


Sa House budget deliberations pa lang, nabunyag nang sa 600 health centers na dapat operational, 200 lamang ang talagang nagagamit. Ibig sabihin, napakaraming pasilidad ang nakakalat, pero walang pakinabang — habang libu-libong Pinoy sa probinsya ang pilit bumibiyahe ng malayo para magpagamot sa mga ospital at health facilities. 


Kung hindi paiigtingin ang imbestigasyon sa mga anomalya at kahina-hinalang pagkaantala, magpapatuloy ang siklo ng pag-aaksaya ng pondo at pagkabalam sa serbisyong pangkalusugan. Ang health center ay para sa lahat, ito ay lifeline ng mga kababayan. Kailangang full audit, may malinaw na accountability, habang agarang aksyunan ang mga proyekto. 


Kung hindi mapopondohan, hindi matatapos. At kung hindi matapos, buhay ng mga mamamayan ang nalalagay sa alanganin. Hindi dapat pinapatagal ang ganitong mga proyekto lalo’t kapalit nito ay ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan ng taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 19, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung may isyung dapat matagal nang nabigyan ng seryoso at pangmatagalang solusyon, ito ang baha, isang problemang taun-taon na lang ay parang normal na laging nararanasan ng taumbayan. 


Kaya ngayon ay iginiit ng Quezon City Government na panahon na para tumodo sa science-based at long-term solution, isa itong hakbang na dapat noon pa sana ginawa, hindi lang sa QC, kundi sa buong bansa. 


Sa pagbubukas ng QC Flood Summit 2025, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ang paulit-ulit na pagbaha ay nagiging “collective trauma” na ng mga residente, lalo na sa mga lugar na madalas nang binabaha. 


At hindi ito exaggeration, dahil noong 2024, mahigit 22,000 pamilya ang inilikas sanhi ng mga bagyong nagdulot ng malawakang pagbaha, pruweba na matindi na ang pinsalang idinulot ng problema sa tubig-baha at kapabayaan. 


Sa 142 barangay ng lungsod, 59 ang classified bilang flood-prone, na halos kalahati. 

Gaya ng sinabi ng alkalde, hindi sapat ang patchwork fixes o iyong tagpi-tagping solusyon lang. Kailangan ng sistemang nakabatay sa datos at pangmatagalang pagpaplano para mabawasan ang pinsala ng matinding pag-ulan. 


Nasa sentro ngayon ng QC ang Drainage Master Plan, na nabuo kasama ang UP Resilience Institute. May 15 priority projects ito na layong pabagalin ang agos ng tubig, dagdagan ang water absorption, at bawasan ang flood volume. Kasama rito ang nature-based solutions tulad ng permeable pavements, rainwater harvesting systems, detention basins at retention ponds, at mas maayos na drainage systems. 


Habang inaasahang matatapos sa 2026 ang malaking retention pond sa Quezon Memorial Circle, na kayang kumolekta ng 928 cubic meters ng tubig. Operational naman ang detention basins sa community courts ng Gloria 2 at Palmera Homespace 3, na nagsisilbi ring public spaces. 


Samantala, ang high-capacity drainage systems sa West Avenue at Fairview ay nakakatulong na sa pagpapadaloy ng tubig kapag malakas ang ulan. 


Patuloy din ang kampanyang “Tanggal Bara, Iwas Baha,” at ang rehabilitasyon ng San Juan River at bahagi ng Tullahan River hanggang sa La Mesa Dam, sa tulong ng MMDA at San Miguel Corporation, at walang gastos ito para sa lungsod. 


Pero hindi lang imprastraktura ang dapat pagtuunan. Dagdag ni Belmonte, ang baha ay hindi hiwalay sa climate change. Kaya naman ang QC ay nagpatupad ng ban sa single-use plastics, paglipat sa electric vehicles, mga gusali ng gobyerno na solar-powered, circular waste solutions, at pinalakas na early warning systems sa ilalim ng I-Rise Up Program, na naghatid ng zero casualties noong Super Typhoon Uwan. 


Malinaw na ang baha ay hindi simpleng problema ng pagbara dulot ng malalakas na pag-ulan. Ito ay suliranin ng pamamahala, urban planning, at climate adaptation. Kung hindi ito aayusin nang buong puso at tapang, paulit-ulit tayong lulubog at malulunod sa baha na nagiging normal na lang. 


Panahon nang gawing seryosong misyon ang pagkontrol sa matinding pinsalang dulot ng mga unos at sakuna, at hindi lamang gawing seasonal inconvenience ang pagbibigay ng atensyon dito. Nararapat na maging handa ang buong bansa, para wala na muling pamilya o kababayan ang mapeperhuwisyo at mawawalan ng buhay ng dahil lamang sa baha.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 18, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa sitwasyon ng bansa ngayon, hindi na bago ang marinig na maraming Pinoy entrepreneur ang kinakapos ng lakas ng loob para magsimula ng negosyo. 


At ngayong lumabas na ang datos ng Department of Trade and Industry (DTI), malinaw na hindi lang pagdududa ito, dahil makikita sa numero ang pagbagal ng sigla ng negosyo sa bansa maliit man ito o malaki. 


Sa unang 10 buwan ng 2025, umabot lamang sa 925,555 ang total business names na nairehistro sa DTI. Ito ay mas mababa kumpara sa 973,445 na nagparehistro sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa kabuuang bilang ngayong taon, 800,278 ang mga bagong negosyo at 125,277 ang renewal. Nanatili namang nangunguna ang CALABARZON bilang rehiyon na may pinakamaraming nagpatala. 


Sa unang tingin, parang simpleng pagbaba lang ito. Pero kung pag-iisipan natin, malaki ang maaaring implikasyon nito. Isa sa pangunahing itinuturong dahilan ng DTI ay ang masamang lagay ng panahon, sunud-sunod na bagyo, pagbaha, at hindi matatag na klima na direktang tumatama sa kabuhayan. 


Hindi lang kalsada ang nalulubog sa baha, pati ang kumpiyansa ng maliliit na negosyante ay nalulunod din. Kapag paralisado ang galaw ng tao, naapektuhan ang supply chain, delivery, logistics, at mismong operasyon ng mga negosyo. Hindi makalabas ang tao, mahina ang bentahan. Hindi makapag-stock ang tindahan, mababa ang kita. At bago pa man makabawi ang ilan, may dumarating na namang panibagong bagyong posibleng sumira ng puhunan. 


Dagdag pa rito, ang mas malawak na epekto ng kalagayan ng ekonomiya, ang pagtaas ng presyo ng bilihin, gasolina, serbisyo, bayarin at gastusin sa pang-araw-araw. Kapag hirap ang mamimili, mas hirap ang negosyante. At kapag hindi tiyak ang kita, maraming nagdadalawang-isip pumasok sa negosyo. 


Sa panahon ng kawalang katiyakan, hindi nakapagtatakang bumaba ang bilang ng mga nagre-register ng business name. Hindi dahil hindi gusto ng mga Pinoy magnegosyo, kundi dahil ramdam nila na maaaring hindi kayanin ng kanilang bulsa o budget. 


Ang pagbaba ng bilang ng mga nagnenegosyo ay hindi puwedeng ipagsawalang-bahala. Isa itong palatandaan ng estado ng mga negosyante, maliliit man o malalaki, kung gaano sila nadudurog tuwing may kalamidad na tumatama, at kung gaano sila umaasa na sana, may matatag na suporta mula gobyerno upang hindi maging seasonal ang kabuhayan. 


Bilang mamamayan, tindero, mamimili, negosyante, at observer, naniniwala tayong hindi dapat tuluyang mawalan ng loob ang bawat Pinoy na naghahangad ng sariling kabuhayan. 


Sa kabila ng unos, nasa dugo natin ang pagiging madiskarte. Pero kailangan din ng matibay na backup, malinaw na polisiya, at mas maagap na aksyon mula sa pamahalaan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page