top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 29, 2025



Boses by Ryan Sison


Kapag Pasko, hindi lang puso ang dapat ihanda — pati bulsa. 

Kaya nakakadismaya kapag may opisyal na nagsasabing kasya raw ang P500 para sa ihahanda natin sa Noche Buena, lalo na sa panahong kahit sardinas at tinapay ay hirap ng bilhin. 


Sa isang panayam, iginiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque na sapat na umano ang P500 para sa isang simpleng Noche Buena. 


Ayon sa kanya, kayang bumili ng ham, gumawa ng macaroni salad at spaghetti gamit ang halagang ito, depende na lamang sa dami ng kakain. 


Pero sa gitna ng taas-presyo, sahod na hindi makahabol, at pamilihang parang walang balak magpababa ng presyo, ang pahayag na ito ay tila mas masarap pakinggan kaysa paniwalaan. 


Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa pagsasabing hindi tugma sa realidad ang pahayag ni Roque. 


Aniya, hindi ito ang unang pagkakataong sinabi ng DTI na kaya ang P500 para sa handa na pagsasaluhan ng pamilya ngayong Pasko. Pero ngayong mismong lider ng ahensya ang nagsasabing sapat ito, mas lalo umanong nagiging malinaw kung gaano ka-disconnected ang gobyerno sa tunay na takbo ng buhay ng ordinaryong Pinoy. 


Ang ganitong pahayag ay patunay na tila hindi nakikita ng kagawaran kung gaano kabigat ang presyo ng mga bilihin. Nagbabala naman ang Kabataan Partylist na hindi dapat gawing normal, o worse, ipinagmamalaki, ang “Paskong gipit.” 


Para sa kanila, ang ideya na dapat makontento ang publiko sa kakarampot na budget ay sintomas ng mas malalim na problema nang dahil sa katiwalian, kakulangan ng epektibong polisiya, at walang humpay na pagtaas ng presyo na hindi mapigilan. 


Kung dati ay sagana sa Simbang Gabi ang mga kuwento tungkol sa hamon at keso de bola, ngayon tila mas uso ang diskarteng pang-survival. 


Hindi dapat gawing sukatan ng pagiging praktikal ang pagtanggap sa kakulangan. Kung totoong layunin ng gobyerno na tulungan ang mga mamamayan, mas makabuluhan sana ang pagbabantay sa presyo, pagtulak sa mas mataas na sahod, at paglikha ng konkretong solusyon. 


Hindi sapat na magtitiis ang mga ordinaryong Pinoy sa kakarampot na halaga para sa paghahanda ng Kapaskuhan. Ang Noche Buena ay tradisyon ng saya, hindi kompetisyon ng pagtitiis. Sa panahon ngayon, hindi mainam na ipilit na ipagkasya ang dapat pagsaluhan sa hapag-kainan ng bawat pamilya, at hindi makatarungan ang paulit-ulit na pagbalewala sa hirap na dinaranas ng sambayanang Pilipino.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 28, 2025



Boses by Ryan Sison



Nakakalungkot ang nangyaring trahedya na yumanig sa Hong Kong. Buti na lamang at hanggang ngayon, walang kumpirmadong Pinoy ang nasawi o nasugatan sa malagim na sunog sa Tai Po. 


Isang pakikiramay din sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay — dahil ang apoy na ito, na kumitil ng buhay ng hindi bababa sa 44 katao at nag-iwan ng halos 300 nawawala, ay isa sa pinakamadilim na pangyayari sa lungsod sa nakalipas na mga dekada. 


Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pang kasong nag-uugnay sa Pinoy casualties sa Level 5 fire na tumupok sa pitong high-rise building sa Tai Po District. Gayunman, may natanggap ang Philippine Consulate General ng unverified reports na posibleng may ilang Filipino domestic workers na na-trap sa loob ng mga gusali. 

Agad itong ipinasa sa Hong Kong authorities para sa agarang aksyon. Patuloy din ang koordinasyon ng DFA, Consulate General, Hong Kong Police Force, at Hong Kong Fire Services Department. 


Dahil sa laki ng sunog at tindi ng pinsala, mabagal ang paglabas ng opisyal na bilang ng mga biktima. Ilang gusali ang tumagal lamang ng mahigit 10 oras bago tuluyang nasunog. 


Ang apoy, ayon sa mga ulat, ay mabilis na kumalat dahil sa flammable foam materials at bamboo scaffolding na nakabalot sa mga tower, mga materyales na matagal nang pinapa-phase out sa Hong Kong dahil sa panganib na dala nito. Tatlong lalaki mula sa construction company na nagsasagawa ng maintenance ang inaresto dahil sa suspicion of manslaughter, habang nagsara ang mga highway, nagkansela rin ng mga klase sa anim na paaralan, at napuno ang komunidad ng takot at pagdadalamhati. 


Isa itong trahedyang hinding-hindi malilimutan sa Hong Kong, na huli nang nakaranas ng ganito kalaking sunog noong 1996. Habang patuloy nating hinihintay ang kumpletong impormasyon tungkol sa ating mga kababayan, malinaw na ang buhay ng bawat OFW ay delikado, pero para sa pangarap, at sa kanilang pamilyang naghihintay, sila ay lumalaban. 


Kapag may krisis sa abroad, ang kaba ng kanilang pamilya ay parang sunog na kumakalat, masakit at mahirap sa damdamin. 


Patuloy nating ipagdasal sa ngayon ang ligtas na kalagayan ng ating mga kababayan, gayundin hindi dapat kinakalimutan ang mga nasawi. 


Sa panahon ng trahedya, hindi natin alam kung kailan ito darating o tatama sa atin.


Nararapat lamang na lagi tayong maging handa.

Dapat ding tutukan ang kalagayan ng ating mga OFW na patuloy na kumakayod para sa kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 27, 2025



Boses by Ryan Sison


Magising na dapat ang lahat sa katotohanang kahit mga laruan na para sana sa kasiyahan ng nakararami ay nagiging daan sa ilegal na gawain. 


Ang pagkakasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ng P807,000 halaga ng high-grade “kush” marijuana na itinago sa loob ng Labubu stuffed toy keychains sa Port of Clark ay malinaw na patunay na desperado at matindi na ang galawan ng drug smuggling ngayon sa bansa. 


Ayon sa BOC, ang parcel na mula Hong Kong na patungo sa Biñan, Laguna ay dumating noong Nob. 15. Sa paunang X-ray inspection, nakitaan ito ng kahina-hinalang imahe, kaya isinailalim pa sa K-9 inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Nob. 19. Nagpositibo ito sa illegal drugs, dahilan para buksan at suriin nang buo ang laman. Nadiskubre umano ng mga otoridad ang 538 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon at fruiting tops na nakasilid sa dalawang sealed pouches sa loob ng kahon ng collectible keychains. 


Kinumpirma ng laboratory test na ang laman ay tetrahydrocannabinol (THC) — ito ay psychoactive compound ng marijuana. 


Dahil dito, agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC para sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act, kaugnay ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act). 


Ang mabilis na koordinasyon ng Port of Clark personnel at PDEA, at sa profiling efforts ng frontline officers ay nasabat ang napakalaking halaga ng marijuana. Kaya naman nananatili ang Port of Clark na nasa heightened alert laban sa drug smuggling. Ito rin ay nasa direktiba ng Pangulo, kung saan dapat palakasin ang ating border security. 

Kung ang stuffed toy keychains na pambata ay nagiging taguan na ng droga, lalong dapat mag-ingat ang publiko. 


Hindi lahat ng mukhang maganda at maayos ang panlabas ay ligtas nang gamitin o bilhin. Kung may batang makakuha ng ganitong produkto, tiyak ang panganib na idudulot nito.


Ang ganitong modus ay hindi lang maituturing na krimen, bagkus sadyang walang konsensyang nagsasamantala makapagpuslit lamang ng droga. 


Dapat na higpitan ng kinauukulan ang pagbabantay. Kailangang maging mas agresibo ang kampanya kontra-drug smuggling, lalo na kung ginagamitan na ng mga sindikato ng kakaibang diskarte para malusutan ang batas. 


Kailangan ding isipin ang seguridad ng bawat pamayanan, lalo na ng mga bata, kung saan hindi dapat isugal. Huwag hayaan na nagagamit ang mga simpleng laruan sa mga ilegal na gawain.


Nararapat na patuloy ang mga hakbangin ng ating gobyerno para pigilan ang mga ganitong uri ng krimen. Panahon na rin para paigtingin, tuldukan at tuluyang wakasan ang drug smuggling sa ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page