top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | December 2, 2025



Boses by Ryan Sison


Palagi na lang tayong hinahabol ng taas-presyo tuwing papalapit ang Kapaskuhan, at ngayong taon, sibuyas na naman ang problema ng mga mamimili.


Kaya ang Department of Agriculture (DA), sa pamumuno ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ay nagpatupad na nitong Disyembre 1 ng maximum suggested retail price (SRP) na P120 kada kilo para sa pula at puting sibuyas, isang hakbang na sinasabing magpapabagal sa pagtaas ng presyo lalo ngayong holiday season. 


Base sa monitoring ng DA, sumirit ang presyo ng sibuyas sa P300 hanggang P400 per kilo, dahilan upang pagdudahan kung talagang may paghihigpit sa suplay o iba pang rason para lamang kumita nang sobra. 


Ayon kay Laurel, kahit may bahagyang pagkaantala sa imports, hindi rason ang ganitong taas-presyo dahil ang imported onions ay dumarating na ang presyo ay humigit-kumulang P60 per kilo, at ang SRP na P120 ay sapat para lahat sa supply chain na may makatarungang tubo, mula importer hanggang retailer. 


Binigyang-diin ng ahensya na ito ay may kaunting dikit sa supply, pero hindi ito dapat gawing basehan para mangulimbat sa mga mamamayan sa pamamagitan ng sobrang taas na presyo. Maging ang Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay nagsabing may mga retailers na pumapayag sa P120 SRP, basta’t mabigyan sila ng supply na P90 per kilo upang hindi sila malugi. 


Sinabi rin ng DA na ang price ceiling para sa lokal na sibuyas ay maaari pang baguhin depende sa galaw ng farmgate prices, habang patuloy ang konsultasyon upang hindi maipit ang mga magsasaka. 


Ipinaalala naman ni Laurel na nananatiling epektibo hanggang Disyembre 31 ang rice-import moratorium, bahagi ng pangkalahatang hakbang para parehong maprotektahan ang mga magsasaka at maayos na supply. 


Sa taas ng mga bilihin, ang inaasam na suweldo ay hindi na sasapat, sa halip nauubos lamang nang ganoon kadali. Pero, dahil sa itinakdang presyo ng sibuyas, kahit paano ay nagiging magaan na rin ito sa mga mamimili. 


Ang paghabol sa makatuwirang presyo ay hindi lamang polisiya, ito ay laban para sa dignidad ng bawat Pilipino na madalas nagbubuno sa mga pamilihan. 


Sa panahong lahat ay nagnanais ng ginhawa, sapat na ang hiling ng taumbayan na presyong hindi kailangang pagtiisan, kundi karapat-dapat para sa hapag-kainan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 1, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala ang mabilis at patuloy na pagdami ng kaso ng HIV sa bansa. 

Sa panahon ngayon kung saan sagana ang impormasyon at access sa health services, masakit tanggapin na dumarami ang kabataang nahahawahan nito, at tila kulang pa rin ang ating kamalayan tungkol sa HIV prevention at testing. 


Ayon sa Department of Health (DOH), nananatiling sexual contact ang pangunahing sanhi ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) transmission, batay sa July-September 2025 HIV/AIDS Surveillance Report. Sa 87% ng naitalang bagong kaso, 3,661 ay mula sa male-to-male sex, 659 mula sa male-to-male/female sex, at 559 mula sa male-to-female intercourse. Ipinapakita nito na patuloy ang vulnerability ng mga Pinoy sa unsafe sexual practices at kulang na sexual health education. Pangunahing sumunod na mode of transmission ang mother-to-child na may 13 kaso, habang needle sharing ay nakapagtala ng isang kaso, maliit ang bilang ngunit lubhang mahalaga dahil ito’y 100% preventable. 


Mas masaklap isipin ang kabuuang naitalang 5,000 bagong HIV cases mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa. 


Binigyang-diin niya na 30 porsyento ng mga bagong kaso ay kabataan na wala pang 18 taong gulang. Kung magpapatuloy ang trend, maaaring umabot sa 400,000 ang total HIV cases sa bansa, mula sa naitalang 148,831 noong Hunyo 2025. 


Dahil dito, muling nanawagan ang DOH ng national public health emergency, kabilang ang dagdag na HIV screening, lalo na sa kabataan. 


Kasabay ng pag-obserba ng World AIDS Day, pinaigting na rin ng pamahalaan ang kampanya sa maagang testing at treatment, upang maagapan ang paglaganap ng sakit na ito. 


Hindi dapat umaabot sa ganitong level ang bilang ng mga kaso nito kung sapat ang ating pagkilos. Masasabing hindi kasalanan ang pagkakaroon ng HIV, pero kasalanan ng lipunan ang pagpapabaya sa edukasyon, kaalaman, kakulangan sa access sa health services at tamang impormasyon patungkol sa naturang sakit. 


Sa panahong nagiging mabilis ang paglaganap ng mga sakit, dapat doblehin ang effort sa pagpapakalat ng life-saving facts — condom use, regular testing, treatment access, at stigma reduction. 


Dapat isipin natin na ang HIV ay hindi moral issue, ito ay public health issue. Kung gusto nating pigilan ang pagtaas ng kaso, kailangan nating iwaksi ang hiya, diskriminasyon, at maling paniniwala. 


Kailangan ng bansa ng mas malawak, mas maingay, at mas tapat na kampanya tungkol sa paglaban sa HIV. Gayundin, buhay ang nakataya, at hindi sapat ang kampanya kung hindi ito nauunawaan ng bawat mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Kahit gaano pa ka-praktikal ang isang sasakyan, mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng mga taong gumagamit nito. 


Kaya tama lang na higpitan na ang pagdaan ng e-bikes at e-trikes sa malalaking kalsada o national highways. Ito ay hindi para pahirapan ang mga kababayan, kundi para maiwasan ang anumang disgrasya, na kaya namang pigilan kung may malinaw at maayos na patakaran. 


Simula December 1, 2025, ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-impound ng mga e-bike at e-trike na dadaan sa mga pangunahing lansangan. 


Ayon kay Sen. JV Ejercito, malinaw ang direktiba na kapag naabutan sa national road, automatic impound lalo na kung walang lisensya ang nagmamaneho o hindi sumusunod sa tamang dokumento. 


Dagdag pa niya, marami sa mga nahuhuling gumagamit nito ay walang sapat na kaalaman sa trapiko, may mga magulang pang may sakay na bata, na lalo pang nagiging delikado sa gitna ng mabilis na daloy ng mga sasakyan. 


Bago ang aktuwal na paghuli, magsasagawa muna ang LTO ng information drive. Mag-iikot sila para ipaalam ang pagbabago, magbibigay ng paunang babala, at sisiguraduhing alam ng publiko ang bagong panuntunan. 


Sinabi ni Ejercito na sapat ang panahon para ipaintindi ang patakaran bago pa man simulan ang mas mahigpit na pagpapatupad nito. 


Isa sa mga pangunahing nagtulak sa direktibang ito ay si Sen. Raffy Tulfo, na nagsabing tila nagiging “bagong hari ng kalsada” ang mga e-bike at e-trike. Hindi umano siya laban sa ganitong livelihood, ngunit malinaw na tumataas ang bilang ng aksidente dulot ng mga ito, kaya’t kailangan ng standard. 


Kung ang motorcycle at tricycle ay may lisensya at rehistro, bakit hindi ipatupad ang parehong polisiya sa light electric vehicles? 


Kinuwestiyon naman ni Rep. Terry Ridon ang agarang impounding sa mga ito, dahil ayon sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), hindi obligado ang private LEVs na magparehistro sa DOTr o LTO. Kaya dapat aniya ay i-review muna ang plano bago ito tuluyang ipatupad upang hindi malabag ang batas at para maayos ang compliance. 


Sa ganang akin, kaligtasan muna ang dapat unahin. Hindi ipinagbabawal ang paggamit ng e-bike at e-trike gayunman, nililimitahan lamang ito sa lugar na ligtas at akma para sa bilis at bigat kumpara sa mga sasakyang mas malalaki. 


Kung walang sapat na kontrol sa ganitong sasakyan, patuloy na tataas ang bilang ng aksidente at ang mga pinaka-vulnerable dito ay mga bata, senior, at ordinaryong pasahero na unang masasaktan. 


Kung seryoso tayo sa road safety, kailangan nating tanggapin na hindi lahat ng kalsada ay para sa lahat ng sasakyan. Ang pag-regulate sa e-bikes, e-trikes ay hindi pagkitil sa kabuhayan, ito ay pagprotekta sa buhay ng bawat mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page