top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | December 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang dapat ibinaba ang singil sa kuryente, dahil sa ating bansa, halos bawat tahanan ay may kuwento ng pagsisikap ng dahil sa taas ng power cost. 


Kaya ang pag-usad ng panukalang alisin ang Value Added Tax (VAT) sa electricity ay hindi lang magandang balita, kundi matagal nang nararapat. Panahon na upang unahin ang mamamayan at ang industriya, hindi ang patong na nagpapabigat sa buhay ng mamamayan.


Suportado ng pinakamalalaking business organizations at labor groups ang panukala. Naglabas ng magkasanib na pahayag ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Philippine Exporters Confederation (PHILEXPORT), at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) upang himukin ang Kongreso na aprubahan kaagad ang House Bill 6740. 


Ang naturang panukala, na inakda ni TUCP Partylist Representative Raymond Mendoza, ay naglalayong alisin ang VAT sa electricity upang mapagaan ang gastusin ng bawat tahanan at mapalakas ang industriya.


Ayon kay Mendoza, dekada ng nagiging mabigat ang singil sa kuryente, bigat na hindi lang pumapatay sa budget ng bawat pamilya kundi sumasakal din sa competitiveness ng negosyo. Kapag mataas ang power cost, nababawasan ang productivity, lumiliit ang oportunidad, at nagiging malayo ang ating bansa sa paningin ng mga investors. Kung kaya’t ang pagbabawas ng buwis ay maituturing na hakbang na magbubukas ng pinto para sa mas mabilis na pag-usad ng ekonomiya.


Ang panukalang ito ay hindi lang usapin ng singil sa kuryente, kundi ng dignidad. Dahil sa isang bansa kung saan ang kuryente ay halos kasing halaga ng pagkain, ang VAT removal ay act of relief at strategic move na magpapalakas sa manufacturing, export, at MSMEs.

Ang VAT removal ay hindi simpleng pagbawas lamang, isa itong pamumuhunan sa taumbayan. Ang murang power supply ay nagbibigay-laya sa pamilya, at nagbibigay-bilis sa industriya. At sa panahon na kailangan nating umasenso sa progreso, ang pagbabawas ng patong ay malinaw na direksyong makatao.


Kung nais ng bansa ng matatag na ekonomiya, dapat isulong ang polisiya na nagpapaluwag, hindi nagpapahirap. 


Ang House Bill 6740 ay hakbang na magpapagaan sa buhay ng nakararami, magpapalakas sa negosyo, at maglalapit sa bansa sa patas na kompetisyon sa ekonomiya. 


Ang VAT sa kuryente ay pabigat na hindi na tugma sa panahon ngayon, dahil sa sabay-sabay na pagtaas ng mga bilihin. 


Oras na para bawasan ang pasanin at ipadama ang benepisyo sa bawat Pinoy, gawing abot-kamay ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 11, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakatuwang isipin na mayroong direktiba, na patuloy na sumusuporta sa ating mga commuter, na araw-araw napapagod at nakikipag-siksikan, para lang makapunta sa kanilang pupuntahan.


Kaya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas ligtas ang EDSA ay isang hakbang na tiyak na makabubuti sa taumbayan. 


Kamakailan, nagsanib-puwersa ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin ang aktuwal na kondisyon ng EDSA. 


Pinangunahan nina Transportation Secretary Giovanni Lopez at DPWH Sec. Vince Dizon ang isang 4.4 kilometrong walkthrough mula Ayala Avenue hanggang Roxas Boulevard, kasama ang Move As One Coalition at iba’t ibang civil society groups.


Sa loob ng halos dalawang oras na paglalakad, malinaw na ang sidewalk ng EDSA ay matagal nang pinabayaan. 


Mula sa lubak, baradong PWD ramps, basurang nakaharang, hanggang sa masisikip na bahagi, malinaw na hindi sapat ang nakaraan at kasalukuyang sistema. 


Ayon kay Lopez, pakiramdam niya ay mandirigma siya habang tinatahak ang walkway. At ayon kay Dizon, matagal nang reklamo ang ganitong kalagayan, ngunit ngayon pa lamang tinututukan.


Kaugnay nito, napagkasunduan ang agarang pagpapatupad ng short-term improvements, habang sa pagsapit ng 2026 ay sisimulan ang malawakang renovation ng EDSA walkway. Target nitong gawing ligtas, maluwag, at accessible ang bawat pedestrian. 


Posibleng bumaba pa ang dating P15 billion budget kapag naging mas mabilis ang trabaho, ayon kay Dizon.


Samantala, tinanggap ng Move As One Coalition ang inspeksyon ngunit iginiit nilang

kailangan ang pangmatagalang solusyong nakatuon sa tao. 


Ayon kay consultant Dinna Dayao, dapat unahin ang walking, cycling, at paggamit ng light electric vehicles bilang pangunahing paraan ng paggalaw sa lungsod.

Sa akin, ang problema sa EDSA ay hindi lang sa sira, kalat, o sikip ng daan, ito ay dahil din sa pagsasawalang-bahala. 


Kung hindi gagawing prayoridad ang tao, walang makikitang pagbabago kahit gaano kaganda ang plano. Kailangang ipaalala na ang bawat lubak ay sagabal sa trabaho, bawat baradong ramps ay banta sa may kapansanan, at bawat sirang sidewalk ay nagdadala ng panganib.


Kung nais ng bansa ng maayos na biyahe, dapat bigyan ng sapat na suporta ang mga imprastruktura na araw-araw tinatahak ng pangkaraniwang mamamayan. 

Hindi biro ang kahalagahan ng isang ligtas na sidewalk at komportableng transport system.  Ang EDSA ay ugat ng mass mobility, kapag maayos ito, gumagaan ang buhay ng buong Metro Manila. 


Kaya ngayon, dapat pagtulungan ng pamahalaan at publiko ang paglilinis, pag-aayos, at tamang paggamit ng kalsada para makaiwas sa aksidente at sa mas makatarungang paggalaw ng masa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 10, 2025



Boses by Ryan Sison


Ngayong tumataas na ang halaga ng lahat ng bilihin, tila hindi na ito abot-kamay ng karaniwang Pilipino. Tama lang na bigyan ng diskwento ang mga mahihirap na pamilya, lalo na sa pangunahing pangangailangan katulad ng tubig. 


Kaya naman, magandang balita ang hakbang ng pamahalaan na bigyan ng bawas-singil sa tubig ang mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH). 


Pero sana habang may ganitong uri ng programa, ‘wag sanang kalimutan na marami pang Pinoy ang naghihirap, hindi lang ang mga nasa 4PH.


Kamakailan, lumagda ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System–Regulatory Office (MWSS-RO) ng Memorandum of Understanding (MOU) para i-enroll ang mga 4PH beneficiaries sa Enhanced Lifeline Program (ELP). 


Sa ilalim nito, makakakuha sila ng hanggang 50% diskwento sa water bill kapag ang konsumo ay 20 cubic meters o mas mababa kada buwan. Sakop nito ang East Zone (Manila Water) at West Zone (Maynilad).


Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development

(DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, tugma ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas maginhawa ang buhay sa Expanded 4PH, hindi lang gawing tirahan, kundi tunay na komunidad na may access sa mga pangunahing pangangailangan.


Pero para makasali sa programa, kailangan ng Certification of Low Income at pagsunod sa lahat ng requirements ng ELP. Ang SHFC ang magtatakda kung aling mga komunidad ang dapat unahin sa Manila Water at Maynilad service areas, lalo na ‘yung may bulk water applications. Tungkulin naman ng MWSS-RO na tiyaking mabilis ang enrollment ng certified beneficiaries sa tulong ng concessionaires.


Kung tutuusin, maganda ang mga ganitong hakbangin. Ang tubig ay pangunahing pangangailangan, hindi ito luho. Kung kayang ibigay sa 4PH ang diskwentong magpapagaan ng kanilang buhay, malinaw na kaya rin itong ibigay sa mas malawak na sektor ng lipunan na kapos sa kita. 


Hindi lahat ng mahihirap ay nakatira sa pabahay ng gobyerno. Marami ang daily wage earners, informal workers, at mga pamilyang laging kapos at tila hindi makahinga sa taas ng bilihin.


Kaya habang patuloy ang pagbibigay ng discount sa 4PH, panahon na para ikonsiderang palawakin ito. Hindi dapat piliin kung sino lang ang karapat-dapat gumaan ang buhay, lahat ng tunay na naghihirap ay dapat may access sa ganitong suporta. Ang tubig ay karapatan ng lahat, at ang diskwento ay dapat maging pantay para sa lahat ng nangangailangan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page