top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 13, 2021



Nakapili na si Pangulong Rodrigo Duterte ng ipapalit kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar kapag nagretiro na ito ngayong Nobyembre. Nanghihinayang tayo sa pagreretiro ni Eleazar sa Philippine National Police (PNP). Sa ating palagay, siya ang maraming nagawang mabuti para sa PNP kahit sa maikling panahon lang nanilbihan. Maganda sana, kung pinahaba na lang ang kanyang termino bilang PNP chief. Kung bibigyan naman siya ng ibang posisyon sa gobyerno na madalas ginagawa ni P-Duterte, sana ay sa kagawaran o ahensiya kung saan siya makakatulong nang husto.


Alam na ng lahat ang pagbawi ni Sara Duterte ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbong alkalde ng Davao City, at inanunsiyo na ang kanyang kapatid ang papalit sa kanya.


Hindi na bago ang estilong ito. Bagama’t wala pa siyang anunsiyo kung ano na ang sunod na gagawin, hindi na nagtataka ang tao at ganyan din naman ang estilong ginawa ng kanyang ama noong 2016. Hindi raw ganito, hindi raw ganyan, pero ganun din pala.


May apat na araw pa siyang magdesisyon.


Samantala, may panukala na si Deputy speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na lubusang ipagbawal ang substitution of candidates, tila nagiging lokohan na lang ang eleksiyon dahil sa patakarang ito ng Comelec. May pinahahawak muna sa iba ang posisyon hanggang sa mapalitan ng tunay na kandidato. Balidong dahilan na lang ang dapat tanggapin ng Comelec kung sakaling bawiin ng kandidato ang kanyang COC.


Inanunsiyo na rin ng Comelec na may 205 kandidato para sa pagka-pangulo, VP at senador ang maaaring matanggal dahil sa pagiging nuisance candidates. Ginagawang lokohan lang ang eleksiyon, wala namang intensiyong tumakbo at magdudulot lamang ng kalituhan sa mga botante. Sa Disyembre ilalabas ng Comelec ang huling listahan ng mga kandidato.


Okupado na nga sa darating na halalan ang mamamayan — nagsimula na ang bangayan sa social media. Umiikot na rin ang mga kandidato kahit hindi pa opisyal na pangangampanya, tila nagpapakilala lang muna. May advertisement na sa TV at radio, kahit hindi sinasabing iboto sila.


Wala namang magawa ang Comelec at hindi ito labag sa kanilang mga patakaran sa ngayon.


Panahon na para makilala ang mga kandidato, at kung sino ang dapat manungkulan ng susunod na anim na taon.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 9, 2021



Tila nakawala sa hawla. Ito ang eksena sa unang araw ng Alert Level 2 sa NCR. Ayon sa PNP, nakapagtala sila ng 9,461 na lumabag sa quarantine. Hindi naman sinabi kung ano ang mga paglalabag, pero kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga tao, partikular sa mall.


Naging matindi rin ang trapik sa ilang lugar.


Ayon sa OCTA Research, bumalik na ang sitwasyon bago pq sumipa ang mga kaso ng Delta variant sa NCR at ilang lugar sa bansa. Dagdag pa nila, tila bumalik na nga ang buong bansa sa sitwasyon noong Marso nitong taon. Ito ay marahil sa dami ng bilang ng mga nabakunahan.

Ayon sa website ng DOH, higit 29 milyon ang kumpleto na ang bakuna habang higit 34 milyon naman ang nakatanggap na ng unang bakuna. At dito makikita na bagama’t marami na nga ang kumpleto ang bakuna, malayo pa ito sa 40 milyong target ng DOH.


Bakuna pa rin talaga ang sagot sa pandemyang ito. Kung mapabibilis lang sana ang pagbigay ng bakuna sa marami, mas maganda ang magiging sitwasyon ng bansa. May mga nangangamba nga na sa pagluwag ng NCR, kung hindi mag-iingat ang tao at iisiping wala na ang COVID, baka sumipa na naman ang mga kaso. Sa UK, kung saan lumuwag na rin dahil sa mababang bilang ng mga kaso noon, nakararanas sila ngayon ng pagsipa ng mga kaso. Sana ay hindi ito mangyari sa atin at masayang lang ang magandang sitwasyon.


Pero papalapit na ang Pasko. Pinayagan na ng MMDA ang extended mall hours mula Nobyembre 15, sahod pa iyon kaya nakikita na natin ang pagkakasabik ng mga tao na muling makapag-shopping. Pero kahit Alert Level 2 na tayo, ganun pa rin dapat ang pag-iingat. Dapat mag-facemask at face shield kung kinakailangan sa patutunguhan at madalas na paglinis o paghuhugas ng mga kamay. Hangga't maaari ay mag-take-out na lang muna o kumain sa labas kung may probisyon ang kainan. Huwag tumagal sa mga malls. Gawin lamang ang isinadya at umalis na. Sa tingin natin ay hindi pa rin ligtas ang manatili nang matagal sa loob, lalo na kung maraming tao. Alert Level 2 na nga, pero dapat Alert level 4 pa rin ang pagkilos at pag-iingat.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 19, 2021


Isinailalim na sa Alert Level 3 ang buong Metro Manila dahil bumaba na umano ang bilang ng kaso ng COVID-19. Medyo lumuwag na rin ang COVID-19 admissions sa ilang malalaking ospital. Mas maluwag ang lebel na ito — makikita sa internet ang mga gabay na saklaw ng Alert Level 3 para makita kung anu-anong negosyo at establisimyento ang maaaring magbukas na sa publiko.


Isa na ang pagbukas ng mga sinehan — higit isang taon na walang nanonood ng sine.


Ayon sa guidelines, 30 porsiyento ng sinehan ang papayagan at walang magtatabi sa mga upuan.


Hindi lang nating masasabi kung komportable na manood ng sine ang mga tao.


Sa totoo lang, nami-miss na talaga natin manoon ng sine bilang pantanggal-stress.


Kaugnay nito, kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga tao sa malls. Dahil mas maluwag ang Alert Level 3, tila nasabik talaga ang marami. Bukas na rin kasi ang mga kainan, spa, salon, barberya at iba pa hanggang 30 porsiyentong kapasidad kapag indoor at 50 porsiyento naman kapag outdoor. Hindi naman ipinagbawal ang mga hindi bakunado kaya dapat pa ring mag-ingat. Mas maganda na talaga kung bakunado na para mas kampanteng lumabas.


Sa website ng DOH, nasa 52 milyon na ang nabigyan ng kahit isang bakuna itong Oktubre 16. Marami na nga ang pumapasok na bakuna sa bansa, at nagsimula na ring buksan ang pagbabakuna sa buong populasyon na may edad 18 pataas.

Samantala, nagpahayag naman ng pangamba ang ilang doktor na baka dumami na naman ang mga kaso dahil sa pagluwag sa National Capital Region (NCR).


Sana naman ay hindi. Halos nagsimula na nga ang pangangampanya ng ilang kandidato sa pamamagitan ng pag-ikot sa iba’t ibang lugar kaya mas maraming pagkakataon ang pagtitipon ng maraming tao.

Hindi pa rin puwedeng lumabas nang walang facemask, at palaging maghugas ng mga kamay.


Kung hindi mag-iingat at muling dumami ang mga kaso, paniguradong ibabalik na naman tayo sa Alert Level 4. Makipagtulungan na lamang sa gobyerno, hindi na natin kakayanin ang isa pang taong pakikipaglaban sa pandemya. Pagod na ang mga tao sa ganyang pamumuhay, hindi ba?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page