top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 13, 2021



Dalawang desisyon ang ibinaba ng Sandiganbayan kamakailan, na malamang ay ikinatuwa ng mga galit sa korupsiyon sa gobyerno. Una ang paghatol ng guilty kay Janet Lim-Napoles, ang utak sa likod ng P10-B pork barrel scam. Hinatulan din ng guilty si ex-Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula at iba pang empleyado ng gobyerno na sangkot sa nasabing korupsiyon. Unang hinatulan si Napoles noong 2018 para sa pandarambong kung saan 40-taong pagkakakulong ang kanyang sentensiya na madaragdagan pa nitong bagong paghahatol sa kanya kung hindi tayo nagkakamali.


Samantala, kasabay ni Napoles kinasuhan din sina Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla ng NBI noong 2013, pero sina Enrile at Estrada ay pinayagang magpiyansa kahit hindi batay sa batas at inabsuwelto naman si Revilla noong 2018.


Nagbaba na rin ng desisyon ang Sandiganbayan laban kay dating AFP comptroller retired Lt. Gen. Jacinto Ligot. Inutusan siyang pakawalan ang ilang pag-aari at pera sa halagang higit P100-M dahil hindi maipaliwanag kung paano niya nakuha batay sa kanyang kinikita. Sumailalim sa matinding lifestyle check si Ligot ang kanyang asawa kung saan naungkat ang lahat ng kanilang pag-aari.


Natatandaan natin ang matinding galit ng tao nang masiwalat ang pinaggagawa ni Napoles. Kung hindi pa nailigtas si Benhur Luy at nagsalita na sa pakana ni Napoles ay hindi pa ito madidiskubre dahil na rin kasabwatan ang ilang mambabatas. Hinihintay ng mamamayan ang magiging desisyon kina Enrile at Estrada.


Ang kaso naman ni Ligot ay kabilang sa AFP Corruption Scandal noong 2011 o ang “pabaon” sa mga magreretirong AFP Chief of Staff. Si dating budget officer George Rabusa ang nagsilbing whistleblower sa nasabing korupsiyon. Dito na rin lumabas ag mga kaso laban kina AFP comptroller Gen. Carlos Garcia at Ligot na sangkot sa nasabing korupsiyon. Si Garcia ay nakalusot dahil nakipag-areglo sa gobyerno at tila mahina ang kaso.


Bagama’t mabagal, umaandar pa rin ang gulong ng hustisya. Sa kinatapusan ay binayaran nila Napoles, Ligot at iba pa ang kanilang kasakiman. Pera ng mamamayan ang ibinulsa kaya dapat lang silang maparusahan.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 5, 2021



Kaliwa’t kanan ang paglabag ng mga barkong Tsina sa mga karagatang sakop ng ating teritoryo, tila wala silang pakaialam o takot kung masita.


Una ay ang barkong MV Zhonhai 68 na dredging ship. Nahuli ang barko na ilegal na nasa loob ng karagatan ng Bataan at naghuhukay.


Ang parehong barko ay namataan na rin sa karagatan ng Zambales noong isang taon. Dapat nakaalis na ng bansa ‘yan. Bakit ngayon lang inaaksiyunan ang barkong ito? Kaya ba malakas ang loob ng barko na pumasok sa karagatan natin ay dahil pinapayagan naman sila?


Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), pormal na maghahain ng seizure order laban sa barko na hindi makapagpakita ng mga tamang dokumento at nakapatay pa ang transponder. Ang transponder ang nagpapakilala sa barko at ipinaaalam ang lokasyon nito sa lahat ng makatanggap ng signal. Malinaw na pinatay para hindi mabantayan ang kanyang paglalayag at lokasyon.


Sa silangang bahagi naman ng bansa, ang barkong panunuri Jia Geng ang nakaangkla sa karagatan ng Bato, Catanduanes. Humingi raw ng pahintulot na manatili muna sa nasabing karagatan mula Jan. 28 hanggang Feb. 2 dahil “sa mga kondisyon ng karagatan at ng panahon” pero Jan. 25 ay nasa loob na ng ating exclusive economic zone.


Wala namang namataang masamang panahon sa nasabing karagatan. Hindi na bago ang mga ganyang dahilan ng mga barkong Tsino. Natatandaan ba ang barkong Yuemaobinyu 42212 na bumangga sa Gem Ver 1 dahil “hinahabol daw sila ng mga Pilipinong barkong-pangisda”? Lumabas na wala naman batay sa mga imaheng satellite.

Nagdahilan lang sila para itago ang kanilang masamang ginawa. Hindi rin ito ang unang beses na pumasok ang barkong Jia Geng sa ating karagatan. Umangkla rin sa may Cagayan noong Septyembre “dahil din daw sa masamang panahon”.


Hindi rin pinayagan ng kapitan ng Jia Geng ang mga tauhan ng PCG na magsagawa ng inspeksiyon dahil daw sa COVID-19. Lumayag na rin ang barko noong Lunes at sinundan ng eroplano para mabantayan kung talagang aalis na mula sa ating karagatan. Wala pang balita kung nasaan na ang barkong ito, baka umaaligid lang sa labas ng ating teritoryo?


Malinaw na lumabag na naman sila at wala naman tayong nagawa. Wala talagang katapusan ang panghihimasok ng mga barkong Tsina sa buong bansa. Ano ang interes nila sa silangang bahagi ng karagatan natin na ubod na ng layo sa China? Tila wala silang pakialam kung pumasok sila nang walang pahintulot.


Kailan lang ay binigyan ng “go signal” ng Beijing ang lahat ng kanilang coast guard na gumamit na anumang paraan para ipagtanggol ang kanilang soberenya sa buong karagatan. Kasama na riyan ang paggamit ng mga armas. Ganyan sila magsalita pero wala naman silang respeto sa ating mga batas-karagatan. Bukod sa kinakayod ang iba’t ibang karagatan ay sinusuri naman ang napakalayong karagatan sa kanila para malaman kung ano’ng meron na kanilang mapakikinabangan. Pang-aabuso na ng pagkakaibigan ‘yan o pangmamaton sa isang mas maliit na bansa.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 23, 2021



May pagsusuring ginawa ang mga propesor ng University of Cambridge, kung saan ang pag-uusap “indoor” o sa mga lugar na halos walang bentilasyon ay nagdadala ng katumbas na panganib sa pag-ubo sa pagkalat ng COVID-19.


Kaya hangga’t maaari ay iwasan ang mga lugar, tulad ng restoran, malls at iba pang lugar — na halos walang bentilasyon o paikut-ikot lang ang hangin sa loob — mas ligtas ang mga lugar na nasa labas.


Kung talagang gustong kumain sa restoran, piliin ang puwesto sa labas imbes na sa loob kung meron man. Iwasan ang lugar na maraming tao. Kung may tindahan namang nais puntahan sa mall, hintayin munang mabawasan ang tao sa loob kung hindi sila mahigpit sa dami ng taong pinapapasok.


Sa ngayon, mahigit sampung libo na ang namatay dahil sa COVID-19. Mahigit na rin sa kalahating milyon ang nagpositibo, kaya’t napakahalagang magsuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay kahit pa panandalian o saglit lamang.


Hindi natin maintindihan ang ibang bansa. Marami na ang kaso ng COVID-19 sa kanila pero tila hindi sila obligadong magsuot ng face mask o ayaw lang talaga.


Sa Europe, malaking problema na naman ang dumaraming kaso. May mga babalik na sa lockdown at may mga siyudad na nagtatalaga ng curfew. Samantala sa Amerika, numero-uno pa rin sa dami ng kaso at namatay.


Manunumpa na si Joe Biden bilang bagong pangulo, kaya tingnan natin kung mas maayos ang kanyang paghawak sa krisis ng COVID-19 sa kanilang bansa.


Gayunman, epektibong bakuna pa rin ang tanging solusyon sa krisis na kasalukuyang nangyayari sa halos lahat ng panig ng mundo. Pero naaantala sa kung anu-anong mga isyu at kontrobersiya — kasama na ang kaunting patawa.


Sana nga at makuha ng mga LGUs ang kanilang mga suplay ng bakuna mula sa iba’t ibang kumpanya — mga bakunang pinili nila dahil sa mataas na epektibo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page