Pangmamaton ng China sa karagatang sakop ng ‘Pinas, sobra na!
- BULGAR

- Feb 5, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 5, 2021
Kaliwa’t kanan ang paglabag ng mga barkong Tsina sa mga karagatang sakop ng ating teritoryo, tila wala silang pakaialam o takot kung masita.
Una ay ang barkong MV Zhonhai 68 na dredging ship. Nahuli ang barko na ilegal na nasa loob ng karagatan ng Bataan at naghuhukay.
Ang parehong barko ay namataan na rin sa karagatan ng Zambales noong isang taon. Dapat nakaalis na ng bansa ‘yan. Bakit ngayon lang inaaksiyunan ang barkong ito? Kaya ba malakas ang loob ng barko na pumasok sa karagatan natin ay dahil pinapayagan naman sila?
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), pormal na maghahain ng seizure order laban sa barko na hindi makapagpakita ng mga tamang dokumento at nakapatay pa ang transponder. Ang transponder ang nagpapakilala sa barko at ipinaaalam ang lokasyon nito sa lahat ng makatanggap ng signal. Malinaw na pinatay para hindi mabantayan ang kanyang paglalayag at lokasyon.
Sa silangang bahagi naman ng bansa, ang barkong panunuri Jia Geng ang nakaangkla sa karagatan ng Bato, Catanduanes. Humingi raw ng pahintulot na manatili muna sa nasabing karagatan mula Jan. 28 hanggang Feb. 2 dahil “sa mga kondisyon ng karagatan at ng panahon” pero Jan. 25 ay nasa loob na ng ating exclusive economic zone.
Wala namang namataang masamang panahon sa nasabing karagatan. Hindi na bago ang mga ganyang dahilan ng mga barkong Tsino. Natatandaan ba ang barkong Yuemaobinyu 42212 na bumangga sa Gem Ver 1 dahil “hinahabol daw sila ng mga Pilipinong barkong-pangisda”? Lumabas na wala naman batay sa mga imaheng satellite.
Nagdahilan lang sila para itago ang kanilang masamang ginawa. Hindi rin ito ang unang beses na pumasok ang barkong Jia Geng sa ating karagatan. Umangkla rin sa may Cagayan noong Septyembre “dahil din daw sa masamang panahon”.
Hindi rin pinayagan ng kapitan ng Jia Geng ang mga tauhan ng PCG na magsagawa ng inspeksiyon dahil daw sa COVID-19. Lumayag na rin ang barko noong Lunes at sinundan ng eroplano para mabantayan kung talagang aalis na mula sa ating karagatan. Wala pang balita kung nasaan na ang barkong ito, baka umaaligid lang sa labas ng ating teritoryo?
Malinaw na lumabag na naman sila at wala naman tayong nagawa. Wala talagang katapusan ang panghihimasok ng mga barkong Tsina sa buong bansa. Ano ang interes nila sa silangang bahagi ng karagatan natin na ubod na ng layo sa China? Tila wala silang pakialam kung pumasok sila nang walang pahintulot.
Kailan lang ay binigyan ng “go signal” ng Beijing ang lahat ng kanilang coast guard na gumamit na anumang paraan para ipagtanggol ang kanilang soberenya sa buong karagatan. Kasama na riyan ang paggamit ng mga armas. Ganyan sila magsalita pero wala naman silang respeto sa ating mga batas-karagatan. Bukod sa kinakayod ang iba’t ibang karagatan ay sinusuri naman ang napakalayong karagatan sa kanila para malaman kung ano’ng meron na kanilang mapakikinabangan. Pang-aabuso na ng pagkakaibigan ‘yan o pangmamaton sa isang mas maliit na bansa.





Comments