top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 18, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang Biyernes na ito ang ika-15 pagdiriwang ng World Listening Day, isang espesyal na araw na nagsisilbing pagpapasalamat at pagpapatuloy sa nasimulan ng kapita-pitaga’t makakalikasang kompositor na tubong Canada na si R. Murray Schaefer.


Si G. Schaefer ang nagtatag noon pang mga huling taon ng dekada sisenta ng disiplinang tinatawag na akustikong ekolohiya, na naglalayong mapag-aralan ang maselang kaugnayan ng sangkatauhan sa kanilang kapaligiran, pati ang mga pagbabago rito dala ng paglipas ng panahon.


Naging bunga nito ang kanyang World Soundscape Project, isang malawakang proyekto para magsaliksik at makahanap ng mga solusyon upang mapangalagaan ang natural na mga tunog pang-ekolohiya sa kabila ng malawig na modernisasyon. Mainam na pagkakataon ang okasyong ito upang mapagnilay-nilayan ang kahalagahan ng pakikinig sa ating kapwa nilalang at mga nilikha. 


Pakinggan natin, gaya ng panawagan ng akustikong ekolohiya, ang tunog ng kalikasan, gaya ng pag-ihip ng hangin na nakapagpapasayaw at nakapagpapakaluskos sa mga sanga’t dahon ng mga puno o ang paghuni ng mga ibon, na nakapagpapagaan sa ating pakiramdam. 


Pakinggan ang mga nakatatanda, sila na marami nang natutunan at maibabahaging aral mula sa kanilang mga karanasan at matagal nang mga pakikipagsapalaran sa buhay.Pakinggan ang ating mga guro, na layuning hindi lamang palaguin ang ating karunungan kundi payabungin ang ating pakikipagkapwa at pagharap sa mga hamon ng kasalukuyan o hinaharap. Pakinggan ang maaaring makadagdag sa ating praktikal na kaalaman, na karahima’y libreng matutunghayan, habang tayo’y may inaatupag na gawaing bahay o habang lulan ng pampublikong sasakyan para sa mahabang biyahe galing sa pinapasukan. 


Pakinggan ang payo ng mga manggagamot o espesyalista tungkol sa pagpapagaling o pagpapahalaga sa ating kalusugan, upang tayo’y manatiling may lakas at kakayahang magpatuloy sa ating mga tungkulin at panawagan sa buhay. 


Pakinggan ang ating mga katrabaho, nakatataas man, nakabababa o kapantay lamang na lumalapit sa atin para humingi ng tulong gaano man karami ang ating ginagawa, sapagkat minsan rin tayong dumaan sa kanilang pinagdaraanan o balang araw ay makararating sa kanilang kinalalagyan.


Pakinggan ang mga may kapansanan tulad ng pagkabingi sa pamamagitan ng kanilang wikang pasenyas, magpasalamat sa ating patuloy na kakayanang makarinig, iwasang abusuhin ang ating pandinig dala ng malakas na musika o ng pagkalkal ng dumi ng ating mga tainga, at magwari kung paano higit na makatutulong sa mga ‘di makarinig.

Pakinggan ang mga nasa laylayan ng lipunan at kapalaran at damhin ang kanilang mabibigat na mga suliranin, at gawin ang lahat ng makakaya upang ibsan ang kanilang pasanin sa ating munting kaparaanan.


Pakinggan ang mga malalapit na kaibigan, lalo na kung may idinadaing na pagsubok o pagdadalamhati, at ipahiram ang ating mga tainga at balikat upang maramdaman nilang hindi sila nag-iisa at sa kanila ay may nagmamahal. Wala mang maapuhap na salita o kulang ang lahat ng ating karunungan upang pagaanin ang kanilang kabigatan, ang katiwasayang dulot ng ating presensya ay daluyan ng pag-asa sa gitna ng kanilang hapis. 


Pakinggan ang masisiglang pakikipag-usap, matamis na pagngiti, wagas na paghalakhak o paglalambing ng ating mga mahal sa buhay. Pasayahin natin sila nang napakaraming ulit pa, sapagkat hindi natin batid kung hanggang kailan natin sila makakapiling. Pakinggan nang masinsinan ang sa atin ay nais makipag-usap, suklian sila ng maamo at sinserong paglingap at huwag kainipan ang kanilang naglalahad ng saloobin o suliranin. 


Pakinggan ang pakikipag-usap sa atin ng Maykapal, na kung atin lamang pananampalatayang tunay na andiyan lamang sa ating kalagitnaan at naghihintay tulad ng isang wagas na mangingibig, ay ating madaraming ganap na malapit at umaamot ng bawat segundo ng ating buhay sa mundong ito.


Pakinggan ang ating sarili, na huwag maliitin ang sariling kakayanang magbago, bumangon, umangat, at maging inspirasyon sa sangkatauhan. Marami tayong kabutihang maaaring maibahagi sa araw-araw na makapagpapasaya hindi lamang sa pinag-alayan nito kundi maging sa ating mga puso.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 11, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kagagaling lamang ng inyong lingkod sa Tokyo, Japan upang doon magdiwang ng pagiging isang ganap na Certified Public Accountant ng aking bunsong anak.


Ang kanyang “pagsusunog ng kilay” upang mapasahan ang isa sa pinakamahirap na licensure exam sa bansa ay karapat-dapat lamang na ipagdiwang at ipagpasalamat sa Maykapal.


Pagkakataon din iyon para mamalas ng aking mga anak ang mga katangian ng nasabing bansa at maranasan nila kahit panandalian ang buhay doon.


Una sa lahat, hindi naman kinakailangan ng napakalaking suweldo na idedeklara para magkamit ng tourist visa sa Japan. Kailangan lamang na lahat ng rekisitos ay maisumite sa Embahada ng Japan, mas maigi kung sa tulong ng accredited travel agency upang hindi magkamali sa mga isusumiteng dokumento.


Isang linggo lamang ay makakamit na ang tourist visa kung pasado ang mga dokumento.


Ang buong pamamasyal namin sa Japan ay magkahalong saya at lungkot — saya sapagkat kamangha-mangha ang ganda, linis, at ayos ng lugar, at sa kabilang banda ay lungkot dahil sa kalagayan ng pamumuhay sa Pilipinas.


Ni hindi nagdumi at hindi nangitim ang ilalim ng aming rubber shoes sa paglalakad sa Tokyo sapagkat napakalinis ng paligid.


Ang pampublikong transportasyon lalo na ang rail system ay impuntong nasa oras at kumbinyenteng sakyan ninuman. Magkakaugnay ang maraming linya ng tren na dadalhin ka sa iyong paroroonan.


Nakakatuwa ang mga palikuran o comfort room na kahit sa istasyon ng mga tren ay marami at kahit saang pampublikong lugar ay madaling hanapin.


Ang bawat cubicle ng mga palikuran ay mayroong sistemang pipindutin mo na lamang sa may pader ang tubig na tatama sa iyong pribadong bahagi kung saan mo gustong itapat, kung sa may bandang puwit man o sa may harapan.


At kung gusto mong hindi ka marinig ng nasa kabilang cubicle ay maaari mong i-on ang sounds sa cubicle upang ang lagaslas o ingay sa iyong paggamit ng kubeta ay malusaw.


May mga maninipis na sandamakmak na tissue rin na dapat i-flush matapos gamitin dahil ito’y natutunaw at hindi rin nakababara. Hindi problema kung masira man ang iyong tiyan sa gitna ng pamamasyal dahil sa mga napakalinis na palikurang ito.


Lalong kagila-gilalas ang tanawin mula sa matataas na gusali sa Japan na maaari mong tanawin ang kagandahan at pagiging moderno ng bansa. Mula sa dinarayong Shibuya Sky ay namalas at natanaw namin ang kalawakan ng lugar na wala kang makikitang anumang eye sore o kapangitan.


Maaalala mo tuloy ang Pilipinas at mapapatanong ka kung bakit ba tayo nagkaganito at walang infrastructure planning na sana ay binuo nang maayos noon pa.


Salat sa natural na yaman ang Japan ngunit pinagyaman nila kung anuman ang mayroon sila at inayos nila ang sistema.


Samantalang maraming likas na yaman ang Pilipinas, hindi nabigyan ng maaasahang infrastructure support at tamang pangangalaga ang bansa.


Gising, Pilipinas at bawat Pilipino! Obligahin mula sa bawat lingkod ng pamahalaan, sa lokal hanggang sa nasyonal ang kalidad ng pamumuhay dito sa ating pinakamamahal na bansa.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 4, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hayaan ninyong gamitin natin ang espasyong ito para manawagan kina Mayor Ronnie Evangelista ng Rodriguez, Rizal at 4th district Rep. Dennis “Tom” Hernandez upang damayan at tulungan sa kinakailangang cataract operation ang mag-isa na sa buhay na senior citizen na si Tatay Virgilio "Vher" Albon na idinulog sa inyong lingkod at payagang BULGAR ng ating masugid na tagasubaybay na si Yhing Chua. 


Narito, Mayor Evangelista at Rep. Hernandez, ang sulat ni Yhing, para sa inyong kabatiran:


Magandang araw po. Ako po si Yhing Chua, at sumusulat ako para sa aming churchmate na si Tatay Virgilio “Vher” Albon.


Si Tatay Vher ay matagal na naming kasama sa pananampalataya sa Jesus the River of Life Gospel Church dito sa Burgos, Rodriguez, Rizal. 


Sa ngayon, mag-isa na lamang siya sa buhay at wala nang kamag-anak na kasama.

Noong nakaraang taon ay na-stroke siya, kaya hindi na rin siya nakakapagtinda ng ice cream, na dati niyang ikinabubuhay. 


Sa kabila ng kanyang kalagayan, patuloy siyang umaasa sa Panginoon at nagsusumikap sa abot ng kanyang makakaya.


Isa sa mga matagal na niyang dalangin ay ang makapagpagamot sa kanyang cataract, upang kahit paano ay gumaan ang kanyang araw-araw na pamumuhay.

Nabasa niya ang inyong column at personal niya pong hiling na subukang lumapit sa inyo.


Kung mayroon kayong maibabahaging tulong, kahit kaunti, napakalaking bagay na ito para sa kanya.


Kalakip ng email na ito ang kanyang larawan, kung nais ninyong makita o i-verify ang kanyang pagkakakilanlan. 

Maraming-maraming salamat sa inyong panahon, malasakit, at patuloy na paglilingkod sa pamamagitan ng inyong sulatin. Nawa’y patuloy kayong pagpalain ng Panginoon sa lahat ng inyong ginagawa.


Best regards,

Yhing Chua (yhingchua@gmail.com)


Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na tayo kina Mayor Evangelista at Cong. Hernandez sa tulong na alam nating kanilang hindi itatanggi kay Tatay Vher. Ilalathala rin natin dito ang kanilang ginawang aksyon. Mangyari lamang na marapating kontakin ng kanilang tanggapan si Yhing sa nabanggit na email address. Maraming, maraming salamat.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page