- BULGAR
- Aug 22
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 22, 2025

May matimbang na mensahe ang nagdaang Biyernes, bilang International Relaxation Day. Huwag itong maliitin, sapagkat malinaw pa sa sikat ng araw na sinuman ay kinakailangang panandaliang pumihit at halukipkipin ang kanyang sarili.
Ang madaliang naiisip sa usapin ng pagre-relax ay ang pagtigil sa pinagkakaabalahan at pagpapahinga kahit ilang sandali lamang, na kadalasa’y naidadaan sa pag-upo, pagkakape o kaya’y pagsiyesta. Ngunit ito ay isang paksang malawak at maaaring magsanga sa talakayan.
Sa isang banda, maaaring kapakanan ng kapwa ang maisaalang-alang rito. Kung tayo ay hindi bagabag at aligaga, makahaharap tayo sa kasalukuyan ng may tamang kaisipang magiging giya natin para makipagkapwa ng tama at maging inspirasyon sa pamilya at lipunan.
Samantala, hindi maitatatwa na pansariling sitwasyon ang karaniwang napagbubulay-bulayan ng konsepto ng pagre-relax. Nariyan ang paglalakad, pag-eehersisyo, pagmuni-muni, paghinga nang malalim, pag-inom ng tubig, pag-idlip, pagpapamasahe, pagpapahangin o kahit man lang pagtingin sa malayo, lalo na sa maaliwalas na tanawin o kalangitan. Kasama na ang pakikinig sa tunog ng kalikasan imbes na ang ungol ng lansangan, o musikang banayad na makapananariwa ng masasayang alaala, o kaya’y pagbabasa ng aklat na nakalimbag sa papel imbes na nakatambad sa telepono o kompyuter. Kung magagantimpalaan ng pagkakataong makapagbakasyon, ito’y samantalahin kahit sa maiksing panahon lamang.
Ang pag-iwas o tuluyang pagtigil sa masasamang bisyo o kinagawiang nakalalason ng pangangatawan ay mauuwi rin sa tunay at pangmatagalang pagre-relax. Ganoon rin ang pagpili sa pahahalagahang tao o gawain, at pag-iwas sa toksikong mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho o kinahiligan kung malinaw din lang na sila’y nakawiwindang o nakahihila ng iyong pag-unlad.
Planuhin ang paparating na mga araw at mga linggo para kahit may lumitaw na mga panggulat sa gitna ng pinagkakaabalahan, may kodigo namang magsisilbing gabay at mistulang aguhon.
Sa gitna ng pagkagumon sa internet, idiskarga muna ang sarili lalo na mula sa trapik ng social media. Iwasan ang mga alertong hindi talaga kailangan, at hayaang tanging katok sa pinto o tawag sa telepono ang ituring na mahalaga’t apurahing atupagin. Nariyan din ang ilang mga “Huwag”.
Huwag dibdibin ang maliliit na bagay o ang naranasang kabiguan. Baka nakamaskara pala iyon na hakbang tungo sa pag-angat at pag-usad. Huwag ding masamain ang puna at baka paraan pala iyon upang mapabuti at mapatalas ang angking kakayanan.
Huwag malungkot o mainggit kung mayroon ang iba na ika’y wala pa, gaya ng matiwasay na tirahan imbes na sa magulong pamayanan, pagkain sa mamahaling restawran sa halip na pagtitiyaga sa pansiterya, o kaya’y pag-aangkas imbes na pagmamaneho ng sariling sasakyan.
Sa halip ay maging mapagpasalamat at sa gitna ng nakakahilong mga kasalimuotan at nakabibinging ingay sa paligid, itala ang kahit kaunting mga bagay na maituturing na biyaya.
Magpugay din sa mabubuting impluwensiya at maging marikit at nakapagpapagaan ng loob na halimbawa para sa iba. Maging maalab sa pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa, kahit sa mga pasaway.
Maging banayad at alalahaning kadalasang nauuwi sa lubhang kasayangan ang walang saysay na pagmamadali. Ang pagiging palaging abala o aligaga ay hindi mabuti para sa atin.
Sa tuwing mapapagal, sa hanapbuhay man o sa tahanan, pumreno’t magpahinga, at huwag magpagiba o sumuko. Padayon lang, at malay natin na ang malumanay na inaasam, pinananabika’t isinusumamo ay ating makamit.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




