top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 24, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Isang malaking katanungan ang lagi nating nauulinigan sa mga tumpok ng talakayan kung saan-saan. At iyan ay ang diretsahang katotohanan na matagal nang nangyayari ang mga anomalya sa flood control, ngunit bakit ngayon lamang ito nagsisilabasan?


Aba’y antagal-tagal na nga naman nitong nagaganap, noong araw pang paboritong proyekto na nauuwi sa pagmumulto lamang — hanggang sa isang kisap-mata ay parang bulkang sumabog tulad ng galit ng ating mga kababayan.


Sa una pa man, kaya iyan ay hinahabol na proyekto ng mga mapagnasa ng kamal-kamal na ilegal na yaman sapagkat ang akala nila, dahil nga iyan ay mekanismo sa flood control ay maaari rin talaga iyang maanod ng pagbaha at kalaunan ay gumuho — dahilan para maabsuwelto sila at muling makapaglaan ng panibagong wawaldasin sa nasabing proyekto, habang akala nila ay patuloy silang makalulusot sa pananagutan sa taumbayan. 


Hanggang sa dumating ang mga pagbaha, at ito'y lumala nang lumala. Dumatal ang bagyo — sunud-sunod pa ang mga itong nagngangalit na bumugso — tila gustong lunurin ang hinahabol nitong pabagsakin. At galit ng taumbayan ay unti-unting nagpuyos, nagpupuyos pa at hindi na maaaring maliitin sapagkat nilulunod na sila ng epekto ng korupsiyon ng mga ganid sa pamahalaan. 


Napilitang magsalita ang mga naipit, samantalang naglaho ang mga nabahag ang buntot na mga nag-akalang tuloy lang ang kanilang ligaya sa pagwawasiwas ng kapangyarihang mayroon palang katapusan. 


Hindi na muling papayag ang mamamayan na muling sarhan ang nabuksan nang kahon na punung-puno ng ahas ng katiwalian. Bawat pagtatakip at kuntsabahan ay dagdag na galit ng taumbayan ang katapat. 


Pinababalik na diumano ng mayorya si Sen. Panfilo Lacson bilang tagapanguna ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre. Si Lacson ang hindi tumanggap ng pork barrel, siya ang walang insertion sa pambansang budget, at iyan ay kanyang pinili sa kanyang pagdedesisyon sa uri ng kanyang pagsisilbi sa bayan. 


Kaya naman hindi tulad ng mga nagsitandaang mga dating senador na hindi na makabalik sa Senado, si Lacson ay patuloy na nahahalal. Sapagkat napanatili niya ang tiwala sa kanya ng mga botanteng Pilipino, lalo na nitong nakaraang eleksyon, na maraming itinumbang trapong bagama’t malalaki ang pangalan ay naiwan na lamang ngayon sa kangkungan. 


Samantala, may mga naglalabas nang mga mambabatas ng kani-kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN. Iyan naman ay hindi dapat itago, sapagkat karapatan ng taumbayang malaman ang mga interes ng mga lehislador na itong piniling lumagay sa mata ng publiko!


Para doon sa mga ayaw maglabas ng kanilang SALN, wala kayong karapatan sa public service! Bumalik na lamang kayo sa pribadong sektor kung ayaw ninyo ng transparency! At kung wala naman kayong itinatago, bakit may reserbasyon kayong ilabas ang dokumentong ito nang may pagkukusa at may dangal?


Ipasa na ang Freedom of Information Act! Samantalang may executive order na ukol dito, hindi naman nito sakop ang lehislatura. Kaya’t nananatiling natatakpan ang mga kaganapan at impormasyong dapat sana’y alam ng taumbayan! Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang bill na iyan at hindi maipasa-pasa. Napakaraming multo ninyo ba ang maglalabasan kapag iyan ay naisabatas? Katakutan ninyong higit ang galit ng mga Pilipino! Lalabas at lalabas ang katotohanan. At sa takdang panahong nagpapakalango kayo sa ligayang dulot ng panggagatas sa payat na payat at gutom nang mga Pilipino, kayo ay mabibistado, babagsak, at hindi na muling makakabangon. 


Hustisya ang panawagan ng taumbayan — pananagutan, pagkulong sa lahat ng tiwali nang walang sinisino, pagbabalik sa mga ninakaw, pagbuwag ng sistema ng korupsiyon, at paglilinis ng pamahalaan nang walang itinitira ni katiting na anay!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 17, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Tila salat at kakaunti na lamang ang natitirang mapagkakatiwalaang halal na opisyal sa ating bayan. Aba’y iilan na lamang sa kanila ang hindi nasasangkot at walang kinalaman. Mabibilang naman natin sa ating daliri ang mga may silakbong nagpapahayag ng kanilang pagkagalit sa tila lumalalang katiwalian.


Ang iba’y parang nagtutulug-tulugang nananahimik para hindi sila lalong mapansin o pakubling gumagawa ng paraan para hindi sila madamay kahit man sila ay may kinalaman.


Kung susumahin, naganap ang lahat ng katiwalian dahil sa dalawang uri ng namamahala o nasa posisyon sa pamahalaan: Una, ang mga halang ang kaluluwang korap na nagtaksil sa bayan; ikalawa, ang mga nagbulag-bulagan at wala man lamang ginawa para ang katiwalian ay pigilan o ibuyangyang upang hindi na matularan. 


Sa higpit ng mga proseso ng gobyerno, parang mga langgam na nakalusot na may dala-dalang kamal-kamal na yaman ng bayan ang mga tiwaling ito na hindi na naawa sa mga naghihirap na taumbayan. At ang mga dapat may ginawa ngunit walang ginawa ay dapat ring managot at hindi makawala sa pananagutan. 


Ito namang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay isang malaking kabalintunaan. Sa ginawa nitong pagdedesisyong saraduhan ang pinto sa publiko at iwanan silang hindi mabatid ang mga sinasabi ng mga tinatawagan doon tulad kamakailan ni Rep. Martin Romualdez ay isang pagtatakip ng katotohanan. 


Sa tindi ng gigil, galit, iyak, taghoy, ngalngal, hiyaw at pighati ng taumbayan para madinig ang katotohanan ay tila walang sensibilidad itong ICI para matanto kung para saan at bakit ba sila binuo sa una pa lamang. Umasa ang mamamayan na magiging larangan ng paglalahad ng buong katotohanan itong ICC ngunit ito ay isang malaking kabiguan. Walang katarungan kung walang pagiging bukas. Kung tunay na may karapat-dapat na tapang at malasakit para sa bayan itong ICI, dapat na nitong ibukas sa publiko ang kanilang mga pagdinig. 


Iyun nga lamang paglalabas ng mga natalakay o transcript ng mga kaganapan diyan sa ICI ay ni hindi man lamang magawa — bagay na nakapagpapaalsa ng pagdududa ng mga nakasubaybay nating mga kababayan. Parang ordinaryong korte na lamang iyang ICI, at kung hindi sila makatatanto ng higpit ng panawagan ng mamamayan para maging kabahagi naman tayo ng paghanap ng katotohanan tungo sa pagkakaroon ng ganap na hustisya, ay hungkag ang kanilang ginagawang paglilingkod.


Hindi na tuloy natin nalaman ano nga ba ang mga inilahad ni Ginoong Romualdez at naging paraan ang pagdalo sa ICI para masabi niyang naghayag na siya ng kanyang saloobin at nalalaman. Ngunit ipinagsigawan at ibinuyangyang na ang diumano’y kanyang pagkakadawit sa publiko. Bakit ba naman hindi niya ito masagot ng diretsahan sa publiko rin nang may pagdedetalye at katapangan na tulad ng nag-aakusa sa kanya at hindi lamang sa ICI. 


Nananatiling buhay at umaalab ang pag-asa ng marami nating kababayan. Habang may mga nagtatanong kung mayroon pa nga ba, tulad ng ating masugid na mambabasa na si Ginoong Rudy Ruiz. 


Ani Rudy: Nais ko lamang magtanong, may kahihinatnan ba ang mga imbestigasyon ng ICI? Ito ba ang laro sa gobyernong bulok ng Pilipinas kong mahal? Ang maging sikat, kilala at bantog sa kapariwaraan, korapsiyon at kasinungalingan? May pag-asa pa ba ang bansang Pilipinas na maging huwaran sa tingin ng ibang bansang maaaring gumanda pa ang tingin sa ating bayan? Gusto ko na ng ----- para mapalitan ang mga korap na politician.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 10, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hindi maramdaman ang ginagawang pagbubungkal ng katotohanan nitong Independent Commission for Infrastructure sapagkat pinili nitong gawing pribado ang imbestigasyon ng mga maanomalyang flood control projects.


Habang nahinto rin ang pagbubuyangyang ng katotohanan sa gitna ng pagbibitiw ni Sen. Panfilo Lacson bilang tagapanguna ng Senate blue ribbon committee. 


Napakarami pang kailangang kalkalin at busisiin sa ngalan ng katotohanan ngunit tila unti-unti itong nasisikil at napatatahimik sa dami ng tinatamaang umaangal. 


Aba’y napakatayog ng ekspektasyon ng taumbayan sa ngalan ng pagbubungkal ng katotohanan, na hindi dapat matulad sa pagbalangkas at pag-implementa ng budget na naitago ang mga gustong ikubli mula sa mga nagbabayad ng buwis na winaldas nang gayon na lamang ng mga lapastangan, taksil at walang malasakit sa mamamayan. 

Siguraduhin lamang ninyong hindi mapupuno ang mamamayan dahil sa inyong mga pinaggagagawa! 


Hindi sa lahat ng panahon ay uubra ang angas ng inyong pagwawasiwas ng kapangyarihan!


Mahirap ba talagang isipin ang kapakanan ng mamamayan? 

Iyan rin ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang deka-dekada nang nakabinbing Freedom of Information bill? 


Eh kung ipinasa iyan ng mga kongresista at mga senador na ito ay napaaga pa sana ang nangyaring pagbubulatlat ng mga itinatagong lihim na gusto na lamang talaga nilang itago.


Iyan na lamang Statement of Assets and Liabilities ng mga senador at miyembro ng Mababang Kapulungan ay napakahirap at antagal bago mahingi! Hindi ba kayo nahihiya niyan? kailangan pang bigyan ng justification ang paghingi niyan samantalang karapatan ng taumbayan na malaman iyan.


Bukod sa Kongreso, napakarami ring ahensya ng pamahalaan ang tinamaan ng kalkalan sapagkat may kaugnayan rin sila sa sistema. 


Tulad na lamang ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pinalampas ang bayarin sa buwis ng mga kontraktor na bilyon ang halaga. Kung paano ito nakalusot sa Kawanihan ay kababalaghan. May kasangkot ba kaya’t nabulag ang ahensya? Inaasahan nating may ilalahad sa ating katotohanan itong si Ginoong Lumagui ng BIR at mayroong mapapanagot. 


Iisa-isahin natin ang mga ahensyang nagdugtong ng buhay sa mga maanomalyang proyektong pang-imprastraktura sa mga susunod nating kolum. 


Lalo na itong Commission on Audit na sa pangkalahatan ay tila walang silbi sa gitna ng karima-rimarim na kaganapan sa ating bayan. 


Kultura na ba talaga itong uminog sa bansa na lamang nang hindi man lang natiktikan sa paglipas ng maraming mga taon? Kung ito nga ay kultura, panahon na para ito sugpuin! 


Aba’y tila saksak ng punyal kay Juan dela Cruz ang bawat piso na nawala dahil sa pagpapabaya ng nasa poder ng pamahalaan, at muling unday ng saksak ang paulit-ulit na pagkukuntsabahan na nauuwi sa paglobo ng pondong napupunta sa multong proyektong ang pasimuno ay dapat ring itapon sa kadiliman!


Habang ang mga nagpupunyagi nating mga kababayan ay kailangang mangibang bansa para lamang mabuhay ng marangal, sinisibasib naman ng mga ganid at hayok ang dapat sana’y paggastos na magpapalago sa ekonomiya ng Pilipinas.


Alam ba ng mga hayok na ito na napakalungkot ang maglayag sa karagatan bilang trabahante, at malagay sa balag ng peligro, o magbuwis ng buhay sa mga nakaambang pirata para lamang makakain ang pamilya sa Pilipinas, bagay na hindi naman nila gagawin kung may oportunidad sa sariling bayan. Kaya't nawa'y maranasan nitong mga pulitikong mandarambong ang paghihirap ng pinakamahihirap, katapat ng kanilang walang awang pagpapahirap sa dukhang Pilipino, hanggang sa maibalik nila ang bawat piso na kanilang nilustay ng walang kapararakan. 


Aasintaduhin kayo ng hustisya sa panahong akala ninyo ay lusot na kayo ngunit hindi pa pala.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page