- BULGAR
- Jan 15
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 15, 2025

Bukas, Huwebes, ay may kakaibang pagdiriwang sa Amerika, ang binansagang National Nothing Day. Ito ay isang “wala lang” na araw na iminungkahi ng kolumnistang si Harold Pullman Coffin noong 1972 at naitatag noong ika-16 ng Enero 1973. Ang kakatwang araw ay reaksyon niya sa noon pa ma’y dumaraming mga selebrasyon o komemorasyong walang masinsinang kabuluhan.
Hindi ito pista opisyal kundi karaniwang araw pero may kalakip na mensahe: na kahit sa kapistahan lamang na ito ay walang kailangang gunitain o ipagbunyi at lalong walang magarbong seremonya.
Lingid man ito sa kaalaman ng nakararami sa atin, may dala na ring pagkakataong mapagmuni-munihan kahit saglit ang masikot na konsepto at kahulugan ng wala.
Sa tulin ng modernong pamumuhay at dami ng mapagkakaabalahan sa loob at labas ng Internet, posible pa ba na walang magawa ang sinuman sa atin? Hindi tayo mapapalagay kung walang ginagawa at imbes ay mababagot o mababalisa kung lubusang nakatunganga at wala man lang kinakausap, binabasa o pinanonood. Ngunit kahit paminsan-minsan at kahit sa ilang sandali lamang, may kainaman din ang walang inaasikaso o inaalala.
Kahit patingi-tinging minuto lang, gumawa ng wala, umupo nang hindi hawak o kinakalikot ang anumang gadget, at hayaan lamang pakinggan ang sariling isipan.
Malay natin, naghihintay lang pala ito ng pagkakataong “makapagsalita” pero hindi ito nakakasingit sa dami ng gawain, asikasuhin at libangang ating piniling makapuno ng ating mga araw.Tumingin sa kalangitan, kalawakan, karagatan o lansangan nang walang minamataan at imbes ay hayaan lamang ang mga magdaraan at walang susundan ng paningin. Makakapagpaaraw ka pa, na baka matagal nang hinihiling ng iyong pangangatawang pagpupuyat ang nakasanayan.
Tumingin sa blangkong papel o pahina sa kompyuter at hayaang may maisulat ang iyong mga mata’t isip habang nakatitig sa bakanteng espasyo.
Hindi man sa mismong araw na ito, maaari ring bumiyahe nang walang planadong destinasyon, lalo na sa lugar na ligtas ngunit hindi mo pa napuntahan kahit kailan, kung saan maaaring makadiskubre ng mga bagay na bago sa iyong buhay at makatutulong pa sa lalong pagkilala at pagtuklas ng iyong sarili.
Kung nungkang ika’y kumain sa restoran nang walang kasama, subukang gawin ito. Pati sa panonood ng sine, pamamasyal o pag-jogging sa liwasang-bayan, subukang mapag-isa.
Kung isasantabi natin ang salimuot na bumabagabag sa ating diwa’t damdamin at hayaang wala munang makagambala sa atin, marahil ay makadadaloy ang banayad na pagtakbo ng ating utak at tayo’y mapagkalooban ng mga ideya na makapagpapasulong sa atin mula sa anumang kakulangan o kawalan sa kasalukuyan.
Sa isang banda, baka ating maalala ang mga wala na sa ating buhay na mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho, pinagsilbihan o inirog. Sa kabilang banda, nariyan ang mga kapiling pa natin sa mundong ito, at mainam na makumusta ang mga katrabaho, katsokaran o kadugo na matagal nang hindi nakapanayam at mapasahan ng kahit maiksing mensahe, na walang pansariling pakay kundi ang bumati ng magandang araw.
Marahil ay mapapaisip rin tayo ukol sa kung ano nga ba ang wala sa ating sarili o sa bansa, na sana ay makapagpaangat patungo sa puntong mapapaisip, magagalak at magpapasalamat sa kung ano ang mayroon tayo at, sa pagsusumikap at pagtitiyaga, ang posible pa nating makamit. Nagsisimula man tayo sa wala, ang mahalaga’y magagawan ng paraan na hindi iyon ang ating pangmatagalang kalagayan.
Maaari rin nating mabigyang pansin ang mga walang-wala sa ating lipunan at imbes na maging walang pakialam ay mapagnilay-nilayan kung paano sila matutulungang makabangon at makaahon. Ito ay sa anumang ating munting kakayanan, kahit sa simpleng pamamaraan.
Walang magagawa sa nakaraan kung kaya’t tumutok sa kasalukuyan at magsimulang kumilos at umusad upang magkagana at magkaroon ng pag-asa — upang ang ating buhay ay mapuno ng saya at saysay, at hindi ng kawalan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




