top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 14, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

May magandang saysay ang mga espesyal na araw pagdating sa pagpapaalala ng kahalagahan ng mga bagay na marahil ay nababalewala dahil ordinaryong bahagi na ng pamumuhay.


Naiisip natin iyan dahil itong darating na Biyernes, Mayo 16, ay ang itinakdang International Day of Light o pandaigdigang araw ng liwanag. Noong 2018 pa lang ito naitatag ng UNESCO, na sinadyang isabay sa anibersaryo ng araw noong 1960 kung kailan naimbento ng Amerikanong inhinyero at pisikong si Theodore Harold Maiman ang laser na teknolohiya.


Layunin para sa taunang okasyong ito na matalakay ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kagamitang nakabatay sa liwanag tungo sa kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa larangan ng edukasyon, medisina, siyensya, sining, kultura, komunikasyon at napapanatiling pag-unlad o sustainable development.


Halos lahat ng ating ginagamit sa araw-araw ay hindi gagana kung ’di dahil sa teknolohiyang nakabase sa liwanag. Nariyan siyempre ang iba’t ibang klase ng bumbilya, na sa karaniwang bahay o gusali ay mayroon sa bawat silid at maging sa labas, bukod pa sa mga nakakabit sa mga poste sa lansangan.


Sa modernong panahon ay mayroon ding mga solar panel, na nakaiipon ng enerhiya mula sa sikat ng araw upang makapagbigay ng alternatibo sa pagkonsumo ng kuryente lalo na ng mga pailaw tuwing gabi. ’Di rin natin magagamit ang ating cellphone o telebisyon kung wala ang light-based technology na nakapaloob sa mga ito. 


Ang laser mismo ay napakarami ang makabuluhang silbi sa sangkatauhan, sa maliit man o malalaking kaparaanan. Ito, sa isang banda, ang nakapagbibigay ng infrared signal na nakapagpapaandar ng halimbawa’y mga remote control na katambal ng ilan nating mga kasangkapan at maging ng barcode scanner ng mga kahera sa pagtala ng ating dapat bayaran para sa iuuwing bilihin. Ang laser ay may mga gamit din sa sari-saring industriya, kabilang ang eksaktong paghiwa sa mga pabrika at ang ilang uri ng pampagamot na operasyon sa mga ospital. Laser beam naman ang nagpapadaloy ng datos nang matulin sa milya-milyang fiber optic na mga kable na nagpapalawak ng komunikasyon sa buong mundo. Kung wala ito, wala tayong internet at social media. 

Mainam ding idagdag sa usaping ito ang kahit maikling pagpupugay sa ating mga kababayan na nakadudulot ng liwanag lalo na sa mga kapuspalad. 


Isa rito ay ang dating aktor na si Illac Diaz, na pinalaganap ang paggamit ng solar bulb na naimbento ng Brazilian na mekanikong si Alfredo Moser na gawa lamang sa bote ng plastik na may tubig at bleach. Sa pamamagitan ng kanyang NGO na Liter of Light, si Diaz ay nakapagpailaw na ng kabahayan ng ilang daang libong tao sa Pilipinas at sa ibang bansa na hindi naaabot ng kuryente o naghihikahos sa pambayad para roon. 


Nariyan din ang propesor na si Aisa Mejino na nakagawa ng kakaibang lampara na ang tanging pampailaw ay tubig na maasin imbes na uling o petrolyo. Ang kanyang binansagang Sustainable Alternative Lighting o SALT lamp ay makapagbibigay liwanag sa napakaraming nayon sa ating mga isla.


Dahil sa imbensyon niyang iyon ay naimbitahan si Mejino sa isang talakayan sa APEC CEO Summit noong 2015, kung saan kanyang kasama’t kausap ang noo’y pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama at ang tagapagtatag at pinuno ng Tsinong kompanyang Alibaba na si Jack Ma. 


Lumalabas na hindi matatawaran ang halaga ng liwanag sa sinumang tao. Tila mahihirapan tayong makaisip ng gawain na uubra kahit walang liwanag.


Magiging malungkutin at bugnutin pa nga tayo kung walang liwanag na ’di lamang makapagpapatanglaw ng ating kinatatayuan kundi makapagpapasigla pa ng ating diwa sa anumang sandali. 


Liwanag ang nagtataboy ng dilim na makababagabag at makapipigil ng ating pagkilos at pagsulong. Liwanag din ang nakapagpapagaan ng ating kabuhayan na tiyak ay mabibigatan kung nababalutan ng karimlan na ang kabuntot ay pighati.


Kaya sa araw na ito at kailan pa man, asintaduhing ipagbunyi ang samu’t saring pinanggagalingan at napagkukuhanan ng liwanag at pahalagahan ang kanilang nailalaan upang tayo’y maparikit, mapalakas at maitaguyod sa araw-araw.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 9, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kung maghahanap sa isang internet search window ukol sa iba’t ibang klase ng ina, ang tatambad na mga resulta ay may kinalaman sa sari-saring katangian ng pagiging nanay. Kabilang dito ay ang mapagdisiplina, madasalin, makapit sa pagtutok sa anak, masayahin, marunong (o hindi) sa karaniwang modernong teknolohiya, marami ang mga amiga o mapag-isa, at iba pa.


Pero napakarami pang uri ng ina na hindi nasasaklawan ng naturang mga katangian ngunit hindi rin matatawaran ang halaga — at sila ay dapat ding purihin at pasalamatan sa napipintong pagdiriwang ng taunang Araw ng mga Ina ngayong ikalawang Linggo ng Mayo.


Nariyan ang mga ikalawang ina na hindi sariling supling ang tinatanaw na mga anak, hindi lamang dahil sadyang inampon o kinupkop ang kanilang pinagmamalasakitang mga tsikiting kundi dahil kanilang minarapat na tumulong sa pagpapalaki ng mga batang kanilang inaalagaan. Marami pa nga sa kanila ang ipinagpaliban nang tuluyan ang paghahangad na magkaroon ng sariling pamilya, kung kaya’t sila’y mistulang mga bayaning halos inialay na ang mismong buhay para makapangalaga ng binubuhay.


Nariyan ang mga ina na nawalan o naunahan sa paglisan ng kanilang anak, dala man ng aksidenteng nauwi sa trahedya o kaya’y pagkawala dahil ipinadampot nang walang pakundangan ng mga halimaw na makapangyarihan.


Nariyan ang mga ina na ang hanapbuhay ay pangangalaga ng kabataan, gaya ng mga nars sa mga ospital o pagamutan na tumutulong sa pagpapagaling at pagpapalakas ng kabataang may karamdaman, at ng mga guro na nagpapagaling at nagpapalakas ng pag-iisip at pagkatao ng mga mag-aaral na sa kanila’y nakatalaga. 


Nariyan ang mga ina na walang asawa o katuwang, sa anumang kadahilanan, at mag-isang inaako ang pangangalaga at pagpapalaki ng kanilang mga anak. Marahil pa nga ay idinadaan nila sa tahimik at patagong pagluha ang pagpapagaan ng katauhang lugmok sa samu’t saring pasanin sa buhay nilang mag-ina.


Nariyan ang mga ina na sa kabila ng maraming balakid at kapaguran ng katawan at kaisipan ay walang humpay sa pagiging masigasig sa paghahanapbuhay upang maitaguyod ang kanilang supling bukod pa sa tambak na gawaing bahay. Nariyan din ang ’di mabibilang na mga ina na napawalay sa kanilang mga anak dala ng matinding tawag ng pangangailangan na sa ibayong dagat natutugunan, sila na patuloy sa pagkayod kahit nababalutan ng lumbay na sanhi ng pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. 


Marami pang uri ng mga ina bukod sa mga nabanggit, gaya halimbawa ng mga ama na

tumatayo ring ina ng kanilang mga anak. Lumalabas na dapat pag-alayan ng atensyon, pag-aaruga at pagmamahal ang lahat ng indibidwal na kumakatawan sa at nagpapatotoo ng kahulugan ng pagiging ina: ang pagiging mapagkalinga at mapagmahal nang halos kalimutan ang sariling kapakanan at isakripisyo ang sariling kaligayahan. 


Gaya ng ilang mga nakaraang taon, kinabukasan matapos ang darating na Mother’s Day ay araw ng halalan sa buong Pilipinas.


Tila itinadhang paalala ito sa ating lahat na pumili ng mga kandidato — sa pambansa man o lokal na mga posisyon — na mala-ina ang asal. Sila na hindi lamang nanay para sa kanilang mag-anak kundi mala-ina sa malawakang kilos at gawain, sa pagpapatupad at pagsasagawa ng mga patakaran at programa para sa kapakanan ng mga mamamayang kanilang masasaklawan. Kaya’t suriin nating maigi ang mga pangalang nakalista sa balota, kung sila ba’y karapat-dapat sa paghahangad na maging lingkod-bayan. Ating ihalal ang hindi lamang maipagmamalaki ng kani-kanyang ina kundi lubos na makapagpapabuti at makapagpapaganda ng buhay nating lahat.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 7, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Malagim ang aksidenteng naganap sa SCTEX exit toll plaza sa Tarlac City kamakailan. Sampung katao ang nasawi, habang 37 naman ang nasugatan. Ang dahilan, aba’y nakatulog ang drayber ng pampublikong bus na rumagasa sa mga nakahintong sasakyan.  


Isinailalim siya sa drug test at nagnegatibo naman ito, hindi tulad ng mga naunang nakatikim ng suspensyon ng kani-kanilang mga lisensya sa pagmamaneho kaugnay ng kanilang pagpopositibo sa ilegal na droga. 


Gayunpaman, hinding-hindi maitatangging napakalaki ng pananagutan sa batas ng nakatulog na drayber na mahaharap sa mga kasong kriminal. At mahaharap naman sa mga kasong sibil ang may-ari ng kumpanya ng bus. 


Sa isang banda, ang nagawang pagkakahulog sa lalim ng tulog ng nasabing tsuper ay bagay na kahit marahil siya ay hindi niya ninais na mangyari, kung kaya’t noong tawagan ng pansin ng isang nagmalasakit na pasahero ang kanyang matuling takbo habang papalapit sa toll plaza na naging daan para siya maalimpungatan ay kaagad siyang napatapak sa preno na ikinasubasob naman ng mga pasaherong lulan ng bus at nagpayupi sa mga tinamaang sasakyan.


Hindi tayo nakikisimpatiya sa drayber, na tila nagbihis-kamatayan upang mangalawit ng mga buhay na kinabilangan pa ng apat na musmos. Ang pagkalingat ng diwa ay walang puwang sa larangan ng pangangalaga sa kapakanan ng mga komyuter na tila bihag sa loob ng kanilang sinasakyan. 


Subalit ang pangyayari na kinapalooban ng hindi ginustong pagkakaidlip sa gitna ng ganoong ka-sensitibong trabaho ay sumasalamin naman sa kalagayan ng napakarami nating manggagawa sa buong Pilipinas at maging sa ibang bayan — silang mga kapos sa tulog ngunit kailangang maghanapbuhay, at karamihan sa kanila ay walang karelyebo sa trabaho, at kulang sa araw ng pahinga. 


Bilang hakbang ng pag-iingat, hindi lamang ang palakad ng kumpanyang Solid North ang nararapat busisiin, kundi maging ng lahat ng mga kumpanya ng transportasyon sa bansa sapagkat may mga nauulinigan tayong diumano’y mga sinasapit din ng ilang mga pampublikong drayber ng bus sa ibang kumpanya na nakakailang biyahe sa maghapon na pagtungo sa karatig-lugar ng NCR. Gumigising ng maaga dahil malayo ang inuuwian at madaling-araw ay nagsisimula na ng pagbiyahe.


Samantalang gabi na ring nakakauwi sa kanilang tahanan. Kahit gustuhing lumiban paminsan-minsan dahil sa pagod ay pinipilit na lamang pumasok sapagkat ang pag-absent ay mangangahulugan ng pagrereport at pagpapaliwanag sa kanilang tanggapan na may kalayuan ang kinaroroonan. Masuwerte pa kung sila ay magkaroon ng ganap na araw ng pahinga. 


Kalaunan, Transportation Secretary Vince Dizon, ay marapatin rin ninyong silipin ang patakaran ng iba pang mga kumpanyang pantransportasyon lalo na sa sitwasyon ng mga drayber, at malamang sa hindi na may matisod kayong mga paglabag na ang kagyat na pagtatama ay siyang magiging daan para makaiwas sa mga kagimbal-gimbal na aksidente ang ating mga kababayan. 


Ang pagtrato sa mga pampublikong drayber ng kani-kanilang mga kumpanya ay nararapat busisiin nang walang hindi kinakalukay. Kapag hindi sila pinagmalasakitan ng kumpanya, buhay ng mananakay ang maaaring kapalit. 


Sa bandang huli, ang anumang pagtitipid sa pagkuha ng mga drayber ay magbubulid lamang sa lalong malaking disgrasyang maaaring kaharapin at milyun-milyong paggastos para ipagamot ang mga sugatan, ipalibing ang mga nasawi, at magbayad ng danyos na disin sana’y naiwasan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page