top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 23, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Naging laganap kamakailan ang isang simpleng meme kung saan binanggit ng may-akda nitong Pinoy na nasa ibayong dagat na sa Europa at iba pang maunlad na mga lupalop, ang mga akademikong matataas ang ranggo ay hindi nagpapatawag ng “doktor” o “propesor” sa unahan ng kanilang pangalan. Bagkus, ayon sa kultura sa mga lugar na iyon ay maaaring tawagin ang naturang mga propesyonal gamit lamang ang kanilang palayaw, ’di tulad sa Pilipinas kung saan bukambibig ang naturang mga titulo kung babanggitin ang ngalan ng mga nakapagtamo nito.       


Napapanahon ang kuro-kurong iyan dahil itong kalilipas pa lamang na ika-21 ng Mayo ang itinalagang World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development. Itinatag iyon ng United Nations noong 2002 bilang pagdiriwang ng kariwasaan ng mga kultura sa buong daigdig at, higit pa roon, ang mahalagang papel ng dialogo ng magkakaibang lahi’t kultura tungo sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran. 


Ang kultura sa usaping ito ay patungkol sa sangkatauhan at sa ating mga kaugalian, mga institusyong panlipunan, uri ng sining, at mga natamong kakayanan o tagumpay ng isang grupo o lahi ng mga tao o ng isang bayan. Ang ganyang mga bahagi ng kultura ay hindi magigisnan saan man sa kaharian ng mga hayop, na marahil ay ugat ng paghalintulad sa hamak na baboy ng taong tila “walang kultura.” 


Sa modernong panahon, ang pagtugis sa pangangailangan o kasaganaan ay nagreresulta sa pagkakahalo-halo ng mga kultura, ng sa atin at sa iba. Kabilang dito ang patuloy na pakikipagsapalaran ng ating mga kababayang manggagawa sa ibang bansa at sa kanilang pagkatutong makihalubilo’t umunawa sa banyagang mga tao’t kostumbre, pati ng paglipana sa ating kapuluan ng mga dayuhang naaakit ng ating abot-kayang pamumuhay at edukasyon o ng ating pagiging bukas-palad sa kanilang iniaalok na mga inangkat na produkto o serbisyo. 


Sa isang banda, nakatutuwang makitang ang mga pamantasan ay nagiging mikrokosmo ng malawakang sanlibutan, dahil bukod sa kanilang mga mag-aaral na Pilipino ay may mga galing ng Gitnang Silangan o kapitbahay nating Asyanong bansa, kung kaya’t may maagang pagkakataon ang ating mga supling o pamangkin na matutong makisalamuha sa iba ang mga tradisyon at tinubuang lupa. Ang ating mga kauring naninilbihan sa mga call center o BPO naman ay nagiging bihasa sa mga pag-uugali at klase ng pamamalakad ng mga Amerikano, Australyano at iba pa.    


Sa kabilang banda ay may nakadidismayang mga realidad kung saan nakatambad ang pang-iinsulto, panlalait at pananamantala sa ating mga panturistang pook o mamamayan ng ilang mga dayo, gaya ng napababalita sa social media na pang-aabuso sa ilang mga puwesto sa Siargao, sa Kalakhang Maynila o sa ating karagatan, na tila ba’y tinatratong kolonya ng kanilang pinanggalingang lupain ang ating minamahal na Inang Bayan. 


Dahil samu’t sari ang mga lahi, hindi kataka-taka na may mga ensiklopedya sa Internet ukol sa kultura na maaaring mabasa ninuman upang maipakilala ang sarili sa lokal man o ekstranyong mga kagawian. Ngunit lumalabas na hindi sapat ang mga ito upang maiwasan o makitil ang mga insidenteng nagpapalabas ng pangmamaliit o panlalapastangan ng ilang mga hindi natin kababayan. Kailangan pa bang mauwi sa sukdulang kaparaanan upang masugpo ang ganoong mga pangyayari at madisiplina ang mga mapangwaldas sa ating mga bisita, gaya halimbawa ng pagtatag ng sariling paaralan o pulisya ng ating Kawanihan ng Pandarayuhan o Kagawaran ng Turismo? 


‘Di maitatwa na napakahalaga ng wastong oryentasyon sa kulturang kalalahukan, kung kaya’t dapat mahigpit na ipairal sa mga panauhin sa ating bansa ang pag-alinsunod at pagrespeto sa ating taumbayan at mga kaugalian. Ganito rin naman ang inaasaha’t inoobliga sa mga OFW ng kanilang pinaglilingkuran at pansamantalang inuuwiang bayan, na karaniwan namang nasusunod at natutupad. Tayo pa, na kahit papaano’y patuloy na naipaiiral ang likas na paggalang sa pamamagitan ng pagsambit ng “po” at “opo” sa nakatatanda.


Nararapat na ang bawat isa, atin mang kalahi o hindi, ay maging mapagmatyag, malingap at maunawain sa iba, kapwa tao man o kakaibang kultura. Kung kaya’t maiintindihan ang mga katotohanang gaya ng ating pambungad na usapin dito, kung saan ang pag-aasam na matawag na “propesor” o “doktor” sa bawat sandali ay maaaring bunga ng pagiging napakalaking katuparan na maging edukado sa gitna ng kalunos-lunos na kamangmangan sa kapaligiran. 


Kung uugaliin at palaging aasintaduhin ang pag-intindi at paggalang sa iba’t ibang katauhan at kultura, mauuwi sa kaginhawahan at kapayapaang makapagpapaaliwalas ng ating buhay saan man.    



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 21, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Maraming bulilyaso na napagdaanan ng marami nating kababayan dahil sa pagmamadali — sa trabaho, sa hanapbuhay, sa pagkamit ng pangarap at maging sa pag-aasawa.


Kaya naman magandang talakayin ang tungkol sa espesyal na araw ng mga pagong at pawikan sa darating na Biyernes, Mayo 23, ang World Turtle Day.  


Itinatag ito ng organisasyong American Tortoise Rescue para sa dalawang layunin. Isa, ang pangangalaga ng mga reptil na iyon na palaging karga ang kanilang pinamamahayang kalahan o shell. Ikalawa, ang pagprotekta ng kanilang likas na mga panahanan na lubhang nababawasan dala ng mapagsamantalang pagsira ng kanilang mga kanlungan, kabilang na ang polusyon.


Ang naglipanang plastik na basura sa karagatan at mga dalampasigan ay nakapipinsala rin, dahil nakakain ito ng mga naturang hayop at nakababara ng kanilang bituka. May gamit na straw pa ngang malalim na nakatusok sa butas ng ilong ng isang pobreng sea turtle noong 2015 na sa kabutihang palad ay nailigtas.  


Hindi maikakaila ang halaga sa sangkatauhan ng mga pawikan (na hindi lumulusong sa tubig) at pagong (na kayang lumangoy). Ito ay dala ng sari-saring tulong ng mga ito sa kabuuang sistema ng ekolohiya ng planeta. Kabilang dito ang pagbibigay-balanse sa populasyon ng iba’t ibang klase ng isda o insekto upang walang maging dominanteng lahi sa mga ito.


Nakapagpaparesiklo rin ang mga ito ng buto ng kanilang nakakaing prutas o natatamong sustansya mula sa nakakatakamang halaman o hayop. Dahil gumagawa sila ng pugad sa lupa o sa buhangin para sa kanilang pangingitlog, ang mga pawikan at pagong ay nakagagawa rin ng maaaring pamugaran ng ibang hayop.  


Sa kabila ng mga katotohanang iyan ay bahagyang bahagi lamang sa kamalayan ng karaniwang mamamayan ang mga pagong at pawikan, dahil hindi palasak ang mga ito bilang makukupkop na alaga. Malaking responsibilidad kasi ang pag-aruga ng kahit munting pagong at hindi pa ito maaaring mahawakan at maamo-amo, ’di gaya ng pusa o aso.  


Ngunit maaari nating tularan ang pagong sa isang kilalang aspekto nito: ang pagiging marahan. Atin munang linawin na ang mga nilalang na ito ay hindi mabagal dahil sila ay nakasuot sa kumbaga’y kanilang malaking bahay. Bagkus ay hindi nila kailangang tumakbo upang habulin ang kanilang papapakin, tapos mabagal pa ang kanilang metabolismo kaya’t ’di mangangailangang madaliin ang pagkilos. Hindi rin nila kailangang kumaripas na takasan ang posibleng banta sa kanila dahil maaari silang magtago sa kanilang kakaibang kaha.


Samantala, ang paa ng mga pagong ay mas angkop sa paglalangoy dahil maihahambing sa halimbawa’y flipper ng lumba-lumba kaysa sa paa ng mababangis na hayop.   


Sa kabilang banda, sa gitna ng modernong pamumuhay na puno ng matuling teknolohiyang nakaaalalay sa marami nating pang-araw-araw na gawain, ay nakaaalpas sa atin ang kahalagahan ng paghihinay-hinay. 


Pagkagising pa lamang sa umaga, matapos ang dapat ay sapat na haba ng tulog, ay mas mainam na hindi tayo bumangon nang bigla at sumibad mula sa hinigaan, at imbes ay magdasal at magnilay-nilay bilang malumanay na pagpukaw ng diwa. Sa pag-aalmusal, at sa anumang oras ng pagkain, mabuting dahan-dahanin ang pagnguya upang hindi mapuwersa ang ating lamang-loob at mas manamnam pa ang biyayang pagkain. Sa paliligo’t pagbibihis, ang pagiging maingat ay makapagpapaiwas sa pagkakadulas o pagkakatapilok. 


Sa paglalakad sa lansangan at pagtawid sa kalsada, maging mapagmatyag imbes na humangos, upang makaiwas sa disgrasya. Sa pagmamaneho, maging depensibo at huwag kaskasero para iwas-sakuna o trahedya.      


Sa pakikipag-usap, mainam na hindi mala-mananakbo ang pananalita upang tayo’y mas maintindihan at ’di naghahabol ng hininga. Sa pagtatrabaho, umiwas sa pagkataranta at tuwi-tuwina’y pumreno’t pagplanuhan ang kailangang gawin o isipin. Sa pag-uulat sa mga pinuno o pinagsisilbihan, mainam na maging kalmado at sigurado sa bibitawang mga pananalita. Sa bawat kilos, kayaning maging dalisay at banayad. 


Panalong katangian din ng pagong, bukod sa pagiging makupad ngunit maingat, ang tahimik at mapagpakumbabang pag-usad, gaya ng isinasaad ng aral mula sa walang maliw na pabulang ‘Aesop’ ukol sa liyebre at pawikan.


Sa bandang huli, ang pagong ay kasangkapan ng Maykapal upang sa ati’y ipaalala na ang patuloy na pag-usad gaano man tila kabagal, basta may tinutumbok na paroroonang inaasam ay may dalang pangako ng isang bagong pag-asa.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 16, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sumilay ang panibagong pag-asa sa puso ng marami nating kababayan sa namumukadkad na resulta ng nakaraang halalan. Tila sandatang magiting na iniunday ng mga botanteng Pilipino na ang mayorya ay mga kabataan ang kanilang karapatang pumili ng napupusuan nilang mga kandidato sa nasyonal at lokal na larangan.


Tumimbuwang ang mga nangingibabaw na pulitikal na angkan sa lokal na lebel tulad ng mga Garcia sa Cebu, mga Bernos sa Abra at mga Velasco sa Marinduque.


Samantala, sa mga naglilitawang 12 pangalan sa pagka-senador ay madarama ang silakbo at alab ng damdamin ng milyun-milyong Pilipinong pumili sa paraang nagbunga ng kasalukuyang listahan ng mga maglilingkod sa Mataas na Kapulungan. 


Kapuna-punang balanse ang bilang ng mga nagwagi sa kampo ng administrasyon at pro-Duterte, samantalang namayagpag naman ang dalawang dilawang hindi man lamang lumitaw ang pangalan sa mga pasok sa nagdaang mga senatorial survey.


May mga sikat na pangalang datihan nang senador ang nawala sa “Magic 12”. Hindi umubra ang nakalulunod na pamamaraan ng pangangampanya at walang nagawa ang mga naglipanang poster sa buong panig ng Pilipinas na tila kumikindat sa mga nakakakita nito at nanghahalinang iboto ang mukhang nakahambalang sa kalye. 


Hindi naman maikakailang may epekto sa paraan ng paghalal ng marami ang nangyaring pagdagit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Pilipinas patungong The Hague. Umepekto ang istratehiya ng ilang kandidato na ipaalam sa madla ang kanilang posisyon ukol sa bagay na ito. Ang numero unong senador sa listahan na si Bong Go ay kanang kamay ng dating Pangulo at milya-milya ang layo ng natanggap niyang boto mula sa ikalawa. 


Tatlo naman sa “Magic 12” ang hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng kapatid at kaapelyido sa Senado para sila iluklok ng taumbayan: si Sen. Pia Cayetano, at mga kilalang kongresistang sina Erwin Tulfo at Camille Villar. 


Nagdesisyon ang mamamayang Pilipino. Ang mga kandidatong kanilang tinimbang at napagtantong kulang ay kanilang tinanggihan, samantalang ang kanilang inayunan ay binigyan nila ng mandato para maglingkod. 


Aral ang eleksyong ito para sa lahat ng pulitiko. Para sa mga nanalo, isang mariing paalala na ang tatlong taon o anim na taon ng paglilingkod bilang halal na opisyal ay isang pagsubok sa lalim ng kanilang pagmamalasakit para sa taumbayan. Para naman sa mga natalo, isang leksiyon na hindi basta-basta napapaniwala ang mamamayan. 

Ang sinumang tunay at ganap na aasinta sa kapakanan ng masang Pilipino ay siyang magwawagi ng kanilang simpatiya. Kaya’t huwag silang paglalangan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page