ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 4, 2025

Mabuti naman at sinuspinde pansamantala ang planong rehabilitasyon ng EDSA na dinaraanan ng marami nating kababayan sa araw-araw, at dinesisyunang unahing pagbutihin ang kasalukuyang kalagayan at serbisyo ng mass transit system tulad ng MRT at LRT at gumawa muna ng mga kaparaanan para ibsan kahit kaunti ang sinasalungang trapiko sa Metro Manila.
Sa carmageddon na kasalukuyan nating nararanasan sa EDSA, aba’y dagundong ng pighati at pait ang bumalot sa mamamayan nang ianunsiyo ang nasabing rehabilitasyon.
Bagama’t kalaunan ay makapagpapagaan ito ng ating mga buhay sa nasabing kalsada, ang pagsisimula ng proyektong ito nang walang alternatibong maaasahang pangmasang transportasyon ay magdudulot ng kalunos-lunos na epekto sa mamamayan, bayan at ekonomiya.
Dapat pakaisipin muna ang bawat hakbang at planuhin nang pinakamainam ang proseso ng pagdudulot ng pagbabago sa imprastraktura para naman hindi tila pinaglaruan ang aba na ngang kalagayan ng taumbayan.
Napakarami pang maaaring magawa para ibsan pa ang kalbaro ng masang Pilipino — kung mag-aalab lamang ang dedikasyon sa araw-araw ng mga nagpapatakbo ng bawat ahensya ng pamahalaan.
***
Kamakailan ay bumulaga rin sa atin ang pigura ng mga may pinakamalaking suweldong natatanggap sa pamahalaan at halos pumalo sa singkuwenta milyon o P50 milyon ang taunang sahod na pinakamalaki sa listahan.
Nangilid ang luha ng marami sapagkat sa gitna ng kanilang pagiging isang kahig isang tuka ay naroon sa posisyon ang mga ni hindi nila kilala at ni hindi nila maabot na mga appointed officials na nakatatanggap buwan-buwan ng suweldong katumbas na ng matagumpay na nagnenegosyo kung hindi nga higit pa. Daig pa nila ang sahod ng mga inihalal na opisyales ng gobyerno.
***
Sa pangkalahatan, ang mga may matataas na suweldo sa pamahalaan ay yaong mga naninilbihan sa government-owned and-controlled corporations o GOCCs na hindi kabilang sa salary standardization, kung saan naman bumabatay ang sahod ng karamihang kawani ng pamahalaan.
Aba’y Ginoong Pangulong Marcos Jr., napakaswerte naman ng mga nasabing opisyal na ito na nagpapasasa sa napakalalaking mga suweldo samantalang ang kanila namang mga trabaho ay hindi singhirap sa pribadong sektor at kusang dumarating ang hulog o ambag ng ordinaryong Pilipino sa kanilang kaban at hindi na kailangang pagpaguran pa ng mga opisyal na ito.
Gusto sana noong ipantay sa pribadong sektor ang tinatanggap ng mga opisyal ng gobyerno ngunit dapat ding ikonsidera ang uri at antas ng hirap na kailangang ibuhos sa ngalan ng pagkakaroon ng income ng pamahalaan na hindi naman nila kailangang paghirapan sapagkat obligadong bayaran ito ng taumbayan mula sa kanilang said nang mga bulsa o iutang para lamang sila hindi magmintis at may asahang benepisyo kalaunan.
Kaya ayun at agawan sa mga posisyon na iyan ang mga gustong makinabang at magpakasasa, kahit maraming mas magaling naman sa kanila.
Magtataka pa ba tayo kung bakit napakabagal dumatal ng pangarap na kagaanan ng ating mga kababayan? Pikit ang mga mata at sarado ang tainga ng maraming nasa pamahalaan sa halip na tumulong na umisip ng mga paraan at ipaglaban ang mga ito para sa ikabubuti ng mamamayan.
Samantala, unti-unti tayong nakatatanaw ng pag-asa ginawang pagboto ng ating mga kabataan at kababayan sa nakaraang halalan at harinawang maging paalala ito para pagbutihin ng mga lingkod-bayan ang pagsisilbi sa pamahalaan tungo sa inaasam nating pagbabagong may magandang bukas na pangako.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




