top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 28, 2024


Hindi pa halos natatapos ang problema ng ilang transport group hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program ay nahaharap na naman sila sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Ang patuloy na pagsirit ng presyo nito ay nagdudulot ng mga hamon sa iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na sa transportasyon. Isa sa mga sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo ay ang mga namamasada sa kalye.


Sa muling oil price hike, walang plano ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na hilingin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-pasahe sa mga jeepney.


Ayon kay PISTON president Mody Floranda, hindi pa nila iniisip na maghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe sa kasalukuyang kalagayan ng mga mamamayan na karamihan ay kulang ang kinikita.


Hindi pa umano nila planong gawin ito lalo na’t alam din naman natin talagang kapos ang kinikita ng mga mamamayan, bagama’t karapatan ng mga driver at operator ang maghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe, kaya lamang ay ayaw umano nilang sa mga pasahero maipasa ang bigat ng sitwasyon na maaaring magdulot ng dagdag na pasanin.


Gayunpaman, nanawagan ang PISTON sa pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad ng pagtanggal ng buwis sa produktong petrolyo.


Dapat umanong pag-aralan ng gobyerno kung paano aalisin ‘yung masyadong mataas na buwis, ayon sa transport group.


Sa kanilang pananaw, ang pagtanggal ng buwis sa petrolyo ay magiging tulong sa pagpapagaan ng pasanin sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeepney.


Dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, mas lalong lumiliit ang kita ng mga tsuper at operator ng mga jeepney.


Ayon sa mga eksperto, inaasahang tataas ng P1.45 hanggang P1.75 per litro ang presyo ng diesel bago matapos ang Holy Week, habang tataas naman ng P2.20 hanggang P2.40 per litro ang presyo ng gasolina.


Ang mga pagtaas na ito sa presyo ng krudo ay direktang nakakaapekto sa operasyon ng mga pampasaherong jeepney dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing materyales na kailangan sa kanilang mga sasakyan.


Sa ganitong sitwasyon, patuloy ang paghahanap ng mga transport group ng mga solusyon upang maibsan ang epekto ng sunud-sunod na oil price hike sa kanilang sektor. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para sa posibleng tulong at suporta, gayundin ang pagtutulak ng mga polisiya na naglalayong mapagaan ang pasanin ng mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeepney.

Sa huli, mahalaga ang pagtutulungan at kooperasyon ng lahat ng sektor upang maresolbahan ang mga hamon na dala ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo. Sa pamamagitan ng tamang koordinasyon at pag-uunawaan, maaaring makamit ang mga repormang magbibigay ng ginhawa at pag-asa sa mga manggagawa sa transportasyon at sa buong komunidad.


Sa pagkakataong ito ay bigyan naman natin ng pagsaludo ang transport group na sa kabila ng pagdurusang kanilang kinakaharap ay mas naisip pa nila ang kalagayan ng mga pasahero na unang-unang tatamaan.


Kung magkakaisa nga naman ang lahat ng sektor hinggil sa pagtugon sa mga problema ay malaking tulong ito sa pag-unlad ng bansa sa halip na nagsisisihan o nag-aaway-away. Magandang ehemplo ang naging hakbanging ito ng transport group na dapat pamarisan na tumutulong mag-isip ng solusyon para sa ikabubuti ng lahat.


Sa ngayon ay hindi kontrabida ang transport group dahil sa kitang-kita ng taumbayan ang kanilang pagmamalasakit — sila naman ang bida ngayon!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 26, 2024


Habang pinaplano ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang pakikipag-usap nito sa mga stakeholder bago bumuo ng guidelines at regulations para sa mga may-ari ng e-bikes at mga ‘di rehistradong electric vehicles ay ipatutupad na simula April 15 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabawal sa mga e-trike at e-bike sa national roads.


Kung si LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang tatanungin, kailangan muna umanong konsultahin ang nasabing sektor para malaman kung dapat ipatupad ang pagpaparehistro ng e-vehicles o kailangan bang obligahin ang mga gagamit nito na magkaroon ng driver’s license.


Kinumpirma mismo ni Mendoza na ang nasabing konsultasyon ay kaugnay ng utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na kausapin ang stakeholders bago i-finalize ang regulations para sa e-bikes.


Hindi pa natin alam kung ano na ang pinakahuling impormasyon hinggil sa planong dayalogo ngunit ipatutupad na simula Abril 15 ng MMDA ang pag-ban sa mga e-trike at e-bike sa national roads.


Dahil dito, maaaring ma-impound ang mga electric vehicle na mahuhuli kapag walang driver’s license ang nagmamaneho.


Iginiit naman ng MMDA na hindi bago ang patakaran dahil ipinag-utos na umano ng DILG noon pang 2020 na ipagbawal sa national road ang mga e-bike at e-trike.


Parehong may magandang plano ang dalawang ahensyang ito ngunit, posible itong magdulot ng kalituhan sa panig ng mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike.


Dahil ang mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike na inabot ng abiso na magkakaroon ng dayalogo sa LTO at umaasa na magsasagawa pa lamang ng panuntunan ay hindi matatakot na dumaan ng EDSA kasi wala pang napagkakasunduan.


Dapat maunawaan ng mga may-ari ng e-bike at e-trike na hindi puwedeng ikatuwiran sa MMDA na magkakaroon pa lamang ng dayalogo para makagawa ng bagong guidelines dahil ang hakbanging ito ng LTO ay konsiderasyon lamang sa mga may-ari ng e-bike at e-trike.


Samantalang kasado na ang MMDA, na ipatupad ang kautusan ng DILG kaya dapat na mag-ingat ang mga may-ari ng e-bike at e-trike na dati-rating dumaraan sa kahabaan ng EDSA dahil baka ma-impound ang kanilang sasakyan.


Hindi pa natin alam kung magkakaroon ng pagbabago ang dating kautusan ng DILG sakaling  maisagawa na ang dayalogo at makabuo na ng mga bagong panuntunan ang LTO at ang mga may-ari ng e-vehicles.



Pero sa ngayon ay maaari itong magdulot ng kalituhan na humantong sa argumento sa pagitan ng enforcer at ng driver ng e-bike at e-trike.


Dapat sa mas maagang panahon ay maliwanagan ang mga nagmamaneho ng e-vehicle na hindi porke may nakaplanong dayalogo ang LTO sa kanilang hanay ay hindi na iiral ang mga naunang kautusan.


Hangad lang natin dito ang maliwanag na sitwasyon upang walang sisihang maganap.


Kaya malinaw na simula Abril 15 ay huhulihin na ang e-bike at e-trike sa EDSA ng MMDA dahil matagal na itong ipinag-utos ng DILG.


Asahang trak-trak sa rami ng e-bike at e-trike ang masasamsam ng MMDA dahil tiyak na meron at meron na walang lisensya dahil ito ang nakasanayang sistema ng mga driver ng e-bike at e-trike sa bansa.


Sana lang ay maging maunawain ang mga may-ari ng e-bike at e-trike sa mga pagbabago at paghihigpit dahil para sa kapakanan naman ito ng nakararami.


Ito rin ang sinasabi ko sa patuloy na pagdami ng de-gasolinang trike na gawa sa India na kalat na kalat na, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan. 


Nasasanay na ang mga kababayan natin sa paggamit nito, dapat sa umpisa pa lamang ay nagsagawa ng panuntunan hinggil dito upang hindi sila nakikipagsabayan sa mga highway.


At kapag dumami na nang lubusan ang mga de-gasolinang trike na ito at magkaroon ng mga asosasyon ay tiyak na ang pamahalaan na naman ang magmamakaawa para sila ay sumunod sa panuntunan.


Ang mga de-gasolinang trike ay halos kasing laki lang ng tricycle, kung saan ang mga tricycle ay hindi pinapayagang dumaan sa main road, pero ang mga de-gasolinang trike ay nakikipagpatintero pa sa mga sasakyan sa main road.


Delikado ang de-gasolinang trike dahil napakagaan lang nito pero umaabot sa anim hanggang walong pasahero ang pinagkakasya kaya kapag ito ay nabangga marami ang posibleng masawi.


Sana ay pagtuunan ng pansin ng kinauukulang ahensya kung sino ang puwedeng sumakop sa mga de-gasolinang trike na ito para magkaroon din sila ng sinusunod.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 23, 2024


Natakda nang ilabas ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na naglalayong itakda ang kaukulang multa para sa mga lalabag na e-bikes at at e-trikes sa Metro Manila, lalo na ang mga dumaraan sa major thoroughfares.


Ayon sa MMC, kasalukuyan nang binabalangkas ang naturang resolusyon at nakatakda nang ihayag sa susunod na linggo kung ano ang mga parusang ipapataw sa mga e-motor vehicle na lalabag sa batas-trapiko.


Nagsagawa ng Technical Working Group (TWG) meeting ang halos lahat ng nakakasakop sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, kasama ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Napag-alaman na mayroong umiiral na LTO circular noon pang 2021 na may panuntunan hinggil sa mga gumagamit ng e-bikes at e-trikes, ngunit walang kaukulang halaga ng multa para sa mga lumabag sa batas-trapiko.


Kasama sa bagong panuntunan na nabuo ng MMC ang tricycle at kuliglig dahil marami sa kanila ang nakikipagpatintero rin sa mga national road, lalo na sa madaling-araw dahil nagkakarga sila ng mga pinamili ng mga tindero mula sa Divisoria patungo sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila.


Inaasahang ang pagkakaroon ng karampatang multa para sa mga sasakyang nabanggit ay maglalagay sa ayos upang maibsan na ang walang humpay na paggamit ng mga nabanggit na sasakyan sa mga main road.


Karamihan naman sa mga lokal na pamahalaan ay may kani-kanyang resolusyon tungkol sa napakatagal nang problemang ito, ngunit dahil sa kani-kanya ang sistema ay tila walang puwersa ang mga panuntunan at hindi nakaanunsyo.


Hindi tulad ng MMC na mas malawak ang pagpapakalat ng mga impormasyon kaya inaasahang mas marami na sa mga nabanggit na sasakyan ang susunod.


Kinonsidera naman umano ang probisyon nila hinggil dito dahil meron kasing LGUs na wala pang resolusyon at ngayon pa lang gagawa, makaraang pumutok na ang Metro Manila Council resolution.


Tumaas na kasi ang bilang ng mga nagrereklamo laban sa e-bikes at e-trikes na nagsasalimbayan sa pagdaan sa mga national road na lubhang napakadelikado dahil walang mga protective gears.


Ayon sa MMC, hindi naman umano nila dini-discriminate ang mga nabanggit na sasakyan kundi inilalagay lamang sa ayos para sa kaligtasan ng lahat.


Nauna rito, nag-anunsyo na ang LTO hinggil sa registration ng e-bikes at e-trikes at inoobliga na silang kumuha ng rehistro upang mapatawan din ng parusa kung may paglabag.


Maganda ang hakbanging ito ng MMC dahil maraming enforcer na ginagawang gatasan lamang ang mga sasakyang ito, lalo na ‘yung maraming karga dahil sa wala ngang nakatakdang parusa at multa sakaling mahuli sila sa kahabaan ng EDSA ‘pag madaling-araw.


Naoobliga na lamang mag-imbento ng parusang ipapataw ang mga enforcer dahil wala ngang panuntunan, pero ngayong ilalabas na ng MMC ang guidelines at karampatang multa ay hindi na rin mag-iimbento ng ipapataw na violation ang mga enforcer dahil mayroon na.


Isa rin sa dapat tutukan ng MMC ay ang mga dealer ng e-trikes at bikes sa kani-kanilang nasasakupan upang tumulong na hikayatin na magparehistro ang mga bumibili ng e-bike at e-trike.


Ang problema kasi sa mga dealer ng e-trike at e-bike ay ginagawa nilang pangkumbinsi para bumili ng e-bike ang isang customer gamit ang mga pananalitang ‘hindi na kailangan ng lisensya, rehistro at mabahong helmet — kumbaga walang huli kaya marami ang naeengganyong bumili.


Dapat ay isama rin sa meeting ng MMC ang mga dealer na ito para tigilan na nila ang pang-uuto basta makabenta lang.


Kaya sa mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike, tapos na ang maliligayang araw ninyo na hindi kayo pinapansin sa kalye dahil papatulan na kayo ngayon, kaya maging responsable at alamin kung ano ba ang tamang panuntunan na ilalabas ng MMC.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page