top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Na-admit ako sa isang pribadong ospital sa loob ng tatlong araw. Paglabas ko roon ay inaasahan kong makatatanggap ako ng kopya ng aking medical abstract, ngunit wala akong natanggap. Nang magtanong ako tungkol dito, sinabi nila sa akin na kailangan kong magpasa ng request at kinakailangan ding aprubahan ito ng doktor ko. Kailangan pa bang magpasa ng sinasabing request para sa sarili kong medical record? Hindi ba dapat awtomatikong ibigay nila ito sa isang pasyente? — Mark

Dear Mark,


Ang mga medical record, tulad ng medical abstract, ay itinuturing bilang isang sensitibong personal na impormasyon alinsunod sa Seksyon 3(l)(2) ng Republic Act (R.A.) No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012. Isinasaad din sa parehong batas na ang pagpoproseso, kasama ang pagbubunyag sa mga ito, ay may mga karampatang mahigpit na kondisyon na kailangang sundin. Dahil dito, maaari lamang itong maproseso batay sa mga pinahihintulutan ng batas at dapat ay may pagsang-ayon ang pasyente. Ang nasabing pagproseso ng impormasyon ay dapat na limitado sa partikular na layunin kung kaya ibinigay ang naturang pahintulot. Dagdag dito, ang Seksyon 16(C) ng parehong batas ay nagsasaad na ang isang data subject, kabilang ang isang pasyente sa kaso ng mga medical record, ay may karapatang makita ito:


(c) Reasonable access to, upon demand, the following:


  1. Contents of his or her personal information that were processed;

  2. Sources from which personal information were obtained;

  3. Names and addresses of recipients of the personal information;

  4. Manner by which such data were processed;

  5. Reasons for the disclosure of the personal information to recipients;

  6. Information on automated processes where the data will or likely to be made as the sole basis for any decision significantly affecting or will affect the data subject;

  7. Date when his or her personal information concerning the data subject were last accessed and modified; and

  8. The designation, or name or identity and address of the personal information controller;


Bagama’t ang isang pasyente ay maaaring makita ang kanyang sariling mga medical record, hindi ito nangangahulugan na siya ay awtomatikong bibigyan ng kopya nito. Tulad ng nakasaad sa itaas, kapag hinihiling ng pasyente o ng kanyang awtorisadong kinatawan, ay maaari niya itong ma-access. 


Kaugnay nito sa Hospital Health Information Management Manual 4th Edition na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan ay nakasaad na: 


5. Release of Health Information

  1. All information in the health record shall be treated as confidential and safeguarded against loss, destruction and unauthorized use.

  2. Only authorized persons shall be given access to health records with personal and sensitive personal information.

  3. Patients may not be allowed to access their health records to prevent misinterpretation of medical information, which may lead to complaint/litigation.

  4. Release of information with clinical value shall be done with the consent of the physician in charge to prevent misinterpretation. x x x

  5. The health record is the physical property of the health facility. However, patients have the right to the record since its content concerns their clinical information. As such, the release of information with clinical value shall be done only upon explicit, written consent/waiver from the patient.” 


Batay sa nabanggit, ang mga pasilidad ng kalusugan katulad ng ospital ay may mga privacy protocol o mga pamamaraan na sinusunod sa bawat pagkakataon na ang medical record ay ipoproseso. Ang pag-apruba ng iyong doktor bago ibigay ang iyong hinihinging kopya ng medical record ay kinakailangan upang maiwasan ang ano mang hindi tamang pagbasa o paggamit nito. Ang mga pamamaraang ito ay dapat sundin ng lahat, kabilang ang mismong pasyente, upang matiyak na ang mahigpit na kinakailangan para sa pagproseso ng sensitibong personal na impormasyon sang-ayon sa Data Privacy Law at iba pang nauugnay na mga alituntunin at regulasyon na nilalayong mapangalagaan ang pagiging kompidensiyal ng mga medical record ng bawat pasyente. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 2, 2025





Dear Doc Erwin, 


Masugid akong tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper.

Regular akong umiinom ng mga health supplements upang manatiling malusog ang aking pangangatawan at pag- iisip. Nais ko sanang malaman kung anong vitamin supplement ang maaaring makatulong upang humaba ang buhay. 


Ayon sa aking nabasang magazine ay mahalaga ang Vitamin D3 sa ating kalusugan at maaaring makatulong makaiwas sa maraming sakit. Makakatulong kaya ang Vitamin D3 upang humaba ang ating buhay? May research studies na o kaya na nagpapatunay nito?

Maraming salamat at sana'y matugunan niyo ang aking mga katanungan. — Eduardo



Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. Maraming salamat din sa’yong katanungan dahil pagkakataon ito na maipahayag ang pinakabagong research study tungkol sa epekto ng pag-inom ng Vitamin D3 supplement sa paghaba ng buhay natin.


Nito lamang May 21, 2025 ay inilathala sa The American Journal of Clinical Nutrition, isang tanyag na scientific journal, ang resulta ng isang randomized controlled trial kung saan pinag-aralan ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplementation sa haba ng telomere. 


Ang telomere ay mga specialized chromatin structures na nasa dulo ng ating mga chromosomes na nagpoprotekta sa integrity at stability nito. Naniniwala ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomere habang tayo ay tumatanda ang dahilan ng chromosomal instability na nagiging rason ng iba't ibang uri ng chronic diseases, katulad ng cancer at mga cardiovascular diseases.


Naniniwala rin ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomeres ang dahilan ng premature aging at mga age-related diseases kaya't kung mapipigilan o mapapabagal ang pag-iksi ng telomere ay pinaniniwalaan na magpapahaba ng buhay at madi-delay ang pagkakaroon ng mga age-related diseases.


Sa research na ito ay sinuri ng mga scientists mula sa Medical College of Georgia ng Augusta University sa bansang Amerika ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplement sa haba ng telomere mula sa umpisa ng pag-inom ng supplement, hanggang sa dalawang taon at apat na taon na umiinom ng supplements na nabanggit. 


Ayon sa analysis ng data, nakita ng mga researchers sa pangunguna ni Dr. Haidong Zhu, na nabawasan ang pag-iksi ng telomere sa mga study participants na umiinom ng Vitamin D3 supplement. Patuloy naman na umiksi ang telomeres ng mga uminom ng Omega-3 supplement.


Ang daily dose ng Vitamin D3 supplement na ininom ng 1,031 study participants na kasama sa research na ito ay 2,000 IU per day. Nasa edad mula 50 years old pataas ang mga lumahok sa pag-aaral na ito.


Dahil sa pagbagal ng pag-iksi ng telomeres sa mga uminom ng Vitamin D3, naniniwala ang mga researchers na makakatulong ang Vitamin D3 supplementation upang mapabagal ang biological aging at ang pagkakaroon ng age-related diseases.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Chit Luna @News | May 27, 2025


File Photo


Isang eksperto sa pandaigdigang seguridad ang nagbabala na ang sobrang taas na buwis sa tabako ay nagpapataas ng bilang ng mga naninigarilyo sa Pilipinas.


Ayon kay Rohan Pike, isang security expert na may 25 taong karanasan sa pulisya at customs mula sa Australian Federal Police at Australian Border Force, ang pagtaas ng bilang ng mga naninigarilyo sa Pilipinas, lalo na sa mga kabataan, ay nagpapahiwatig na ang pagkakaiba sa presyo sa pagitan ng legal at ilegal na sigarilyo ay umaakit ng mga bagong naninigarilyo at nagpapalakas sa black market.


Binigyang-diin ni Pike na dapat matuto ang Pilipinas mula sa mga pagkakamali ng Australia kung saan ang mga mahigpit na patakaran at mataas na buwis ay nagpalakas sa ilegal na kalakalan at nagpawalang-saysay sa mga hakbang para makontrol ang paggamit ng tabako.


Sinabi ito ni Pike bilang resource person sa kamakailang pagdinig sa Senado ng House Bill 11360. Ang panukalang batas na ito ay naglalayong sugpuin ang iligal na kalakalan sa sigarilyo at produkto ng tabako.


Ito ay isinagawa ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian.


Iminumungkahi ng bill ang iskedyul ng pagtaas ng buwis, na may 2 percent na pagtaas tuwing even-number na taon simula Enero 1, 2026, at 4 percent na pagtaas tuwing odd-number na taon simula Enero 1, 2027.


Nagsusulong din ito ng pinag-isang excise tax rate para sa freebase at nicotine salt vapor products.


Ang Australia, na may isa sa pinakamahigpit na patakaran sa tabako at vaping sa mundo, ay nagtaas ng buwis sa tabako ng 800 porsyento simula 2010, ayon kay Pike. Dahil dito, ang isang pakete ng legal na sigarilyo sa Australia ay nagkakahalaga na ngayon ng tatlong beses na mas mahal kaysa sa isang pakete ng ilegal na sigarilyo.


Sa Pilipinas, ang isang pakete ng puslit na sigarilyo ay maaaring nagkakahalaga lamang ng P40, na halos tatlo at kalahating beses na mas mura kaysa sa isang pakete ng legal na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P140.


Ayon sa datos na ipinrisinta sa nakaraang pagdinig, tumaas ang bilang ng mga naninigarilyo sa Pilipinas mula 18.5 porsyento noong 2021 tungo sa 23.2 porsyento noong 2023.


Ayon kay Pike, apektado rin ng ilegal na kalakalan ang kita ng gobyerno. Bumaba nang husto ang koleksyon ng buwis ng Australia mula $16.3 bilyon noong 2020 sa $7.4 bilyon—o 55% na pagbaba.


Ang koleksyon ng excise tax ng Pilipinas ay bumagsak mula P176 bilyon noong 2021 sa P160 bilyon noong 2022 at lalo pang bumaba sa P135 bilyon noong 2023. Noong 2024, bumaba pa ito sa P134 bilyon.


Ayon sa mga kinatawan ng lokal na industriya ng e-cigarette, ang mga iligal na produkto ng vaping ay bumubuo ng hanggang 80 porsyento ng merkado sa Pilipinas. Ayon kay Pike, mas malala ang sitwasyon sa Australia kjung saan ang iligal na bentahan ng vape ay umaabot sa 95%.


Ang lumalaganap na iligal na kalakalan sa sigarilyo at vape sa Australia ay nagpapalakas din sa organisadong krimen at karahasan. Sa nakalipas na dalawang taon lamang, sinabi ni Pike na ang kanyang sariling estado ng Victoria ay nakaranas ng mahigit 200 insidente ng panununog sa mga tindahan at bodega na may kaugnayan sa iligal na tabako. Mayroon ding mga kaso ng pagpatay, pagdukot, pangingikil, armadong pagnanakaw ng legal na tabako.


Nagrekomenda si Pike ng tatlong-pronged, proporsyonal, at evidence-based na pamamaraan para labanan ang iligal na kalakalan sa tabako at vape sa Pilipinas. Una, dapat magtakda ng angkop na buwis para sugpuin ang pangunahing nagtutulak ng ilegal na kalakalan. Pangalawa, dapat palakasin ang pagpapatupad at pag-uusig. Pangatlo, dapat isaalang-alang ang mga estratehiya sa pagbabawas ng pinsala mula sa tabako, aniya.


Inirekomenda din ni Pike ang pag-freeze o pagbawas ng excise tax sa tabako at vape para pigilan ang paglago ng iligal na kalakalan. Hinimok din niya ang pagpapatibay ng mga diskarte sa harm reduction sa pamamagitan ng pagbibigay-insentibo sa mga alternatibong nikotina.


Aniya, sa pamamagitan ng pagkuha ng isang proporsyonal, evidence-based na diskarte, ang Pilipinas ay maaaring bawasan ang antas ng paninigarilyo, patatagin ang kita at mapanatiling ligtas at malusog ang mga mamamayan nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page