ni Gerard Arce @Sports News | August 16, 2025
Photo: Kanino kayo pabor, kay Pinoy Llover o kay Panamanian Luis sa bakbakan nila bukas? Abangan.
Magmamarka ng sariling daan patungo sa karangalan ang puntiryang makamit ni undefeated Pinoy rising star Kenneth “The Lover” Llover na naghahandang sumabak sa inaasam na world title fight sa hinaharap oras na madispatsa ang isa sa kasalukuyang hadlang na si dating 2-division champion Luis “El Nica” Concepcion ng Panama sa 10-round non-title fight bukas sa Winford Resort and Casino sa Maynila.
Abang na lamang sa magaganap na kaganapan ang fighting pride ng General Trias, Cavite na habol ang umangat sa world rankings, higit na sa International Boxing Federation (IBF) belt. “Ang nakikita ko is yung IBF, kase malapit-lapit yung ranked ko dun, kaya anytime pwede tayong lumaban para sa title eliminator,” pahayag ni Llover sa harap ng media at reporters kahapon sa ginanap na Press Conference sa Winford Resort and Casino.
WORLD title fight ang tatrabahuhin ni undefeated Pinoy rising star Kenneth “The Lover” Llover (pang-4 mula kaliwa) vs. two-division champion Luis “El Nica” Concepcion nang humarap sa media kahapon para sa 10-round non-title fight bukas sa Winford Resort and Casino sa Maynila. (Gerard Arce)
“Isang malaking pagkakataon sa career ko na aakyat si Junto Nakatani, then talagang nakikita kong magkakaharap kami ni (Tenshin) Nasukawa, kaya sabi nga eh magandang bakbakan ito kase hinahamon nila kami sa Japan nu'ng last fight ko, pero sabi ko kumuha muna sila ng belt then let’s get it on,” dagdag ni Llover kasama rin sa press conference sina head coach Dindo Campo, batikang strength and conditioning coach Alex Ariza, dating 2-division World champion at boxing promoter Gerry Penalosa, Concepcion head coach Hector Rangel, Winford President at CEO Jeffrey Evora, Director ng Public Relations ng Playtime na si Krizia Cortez at Kameda Promotions General Manager Satoshi Shima.
Nais sundan ni Llover (14-0, 9 KOs) ang impresibong first round stoppage laban kay Japanese boxer Keita Kurihara para mapanatili ang Orient-Pacific Boxing Federation (OPBF) title belt habang nais ding mapataas ng southpaw ang puwestuhan sa world rankings sa The Ring sa No.10 at No.14 sa WBC.