top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | December 24, 2025



Jerwin Ancajas

Photo: Si Jerwin Ancajas sa isang mainit na bakbakan laban kay Jonathan Rodriguez noong 2021, pero ang comeback fight sa junior featherweight bout ay nabalahaw dahil sa hand injury laban kay dating Japanese bantamweight champion Ryosuke Nishida sa 2026 sa Japan. (bigfightweekendpix)



Pahinga pansamantala sa upakan si dating super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas para sana sa kanyang comeback fight sa junior featherweight bout kasunod ng tinamong hand injury upang tuluyang mabalahaw ang suntukan kay dating Japanese bantamweight champion Ryosuke Nishida sa susunod na taon sa bansang Japan.


Nakatakda sanang ganapin ang isang title eliminator para sa International Boxing Federation (IBF) junior featherweight kay Nishida, ngunit nagawang palitan ito ni Mexican boxer Bryan “El Chillon Destructor” Mercado para sa Pebrero 15, 2026 na tapatan sa Sumiyoshi Sports Center sa Osaka, Japan.


Kinakailangan munang magpagaling sa kanyang tinamong hand injury na nakuha sa training, kaya’t maghihintay muna ulit sa panibagong pagkakataon si Ancajas na maipagpatuloy ang three-fight winning streak matapos dalawang beses sumabak ngayong taon, kabilang ang 8th round majority decision panalo laban kay Ruben Dario Casero ng Uruguay noong Agosto 2 sa Thunder Studios sa Long Beach, California. 


Antayin pa namin na gumaling muna 'yung kamay niya,” pahayag ng head trainer at manager ni Ancajas na si Joven Jimenez sa mensahe nito sa Bulgar Sports kahapon, na naging abala rin sa paggabay kay unbeaten Pinoy boxer Weljon Mindoro sa nagdaang 33rd Southeast Asian Games, kung saan nag-uwi ng tansong medalya sa men’s 75kgs sa unang sabak sa biennial meet.


Nagbalik sa bansa mula sa matagal na pagsasanay sa U.S.  ang 33-anyos na tubong Panabo City sa Davao del Norte na naging abala rin sa paggabay kay 2020 Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial sa nagdaang makasaysayang Thrilla in Manila II na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Oktubre na matagumpay na nakuha ang World Boxing Council (WBC) International Middleweight title kontra Eddy Colmenares ng Venezuela. Umaasa ang dating long-time boxing champion na makakamit ang ikalawang korona sa ibang dibisyon sa pakikipagbanatan sa super-bantamweight division. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | December 18, 2025



SIBOL Pilipinas Esports

Photo: POC Media



Tinapos ni Alexandra “Alex” Eala ang 26-taong pagkagutom sa gintong medalya ng Pilipinas sa larangan ng women’s tennis matapos pataubin ang hometown bet na si Manachaya Sawangkaew sa iskor na 6-1, 6-2 sa championship round ng singles event kahapon sa 33rd Southeast Asian Games sa National Tennis Development Centre sa Nonthaburi, Thailand.


Napantayan ni Eala ang ginawa noon ni Maricris Fernandez-Gentz noong 1999 Brunei Darussalam Games bilang ikalawang Pinay na nagwagi ng gold medal sa naturang event, habang nakamit nito ang ikatlong medalya ngayong 2025 edisyon sa karagdagang dalawang tansong medalya sa Mixed Doubles kasama si Francis Casey Alcantara at sa women’s Team Event kasama sina Stefi Marithe Aludo, Alexa Joy Milliam, Tennielle Madis at Shaira Hope Rivera.


Maagang pinainit ng 20-anyos na left-handed ang laro sa first set ng maagang kunin ang 3-0 bentahe, bagaman naka-iskor ng isa ang Thai tennister, nagpatuloy pa rin sa pananalasa sa naturang set si Eala para sa 1-0 bentahe hanggang 'di  nagpatinag ang 5-foot-9 smasher para kunin ang apat na sunod na laro tungo sa makasaysayang panalo.

Ang Pinay World No.52 ang ikatlong Pinay na nagwagi ng gold medal sa biennial meet matapos mapagwagian ni Pia Tamayo ang unang ginto noong1981 Manila Games at matapos ang 8 SEA Games ay sinundan ito ni Fernandez. 


Tatlong Pinay ang nabiting makakuha ng ginto sa magkakahiwalay na women’s singles mula kina Marisa Sanchez noong 1977 Kuala Lumpur Games, Evangeline Olivarez sa 1993 Singapore meet at Anna Clarice Patrimonio sa 2017 Kuala Lumpur, habang nakapagbulsa ng bronze medals sina Eala, Patrimonio, Riza Zalameda, Katharina Lehnert at kasalukuyang women’s head coach Denise Dy.


Nasundan ni Eala ang huling gintong medalya ng Pinas noong 2023 Cambodia Games sa tambalan nina Francis Alcantara at Ruben Gonzales sa men’s doubles, habang ang huling nanaig ng singles sa men’s si Cecil Mamiit, na kinumpleto ang three-peat mula 2005 Manila, 2007 Nakhon Ratchasima at 2009 Vientiane sa Laos. 



FIRST SEA GAMES TENNIS GOLD IN 26 YEARS!


Inangkin ni Alex Eala ang gold medal sa SEA Games 2025, matapos talunin ang pambato ng host na Thailand na si Mananchaya Sawangkaew sa tennis women’s singles.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | December 18, 2025



SIBOL Pilipinas Esports

Photo: Ang SIBOL team na hari ng Mobile Legends: Bang Bang nang durugin ang Malaysia para sa pang-4 na ginto sa 2025 SEA Games, Thailand.  (sibolpix)



Hindi napigil sa kanilang ikaapat na sunod na kampeonato ang SIBOL Pilipinas Esports National Team upang manatiling hari sa Mobile Legends: Bang Bang finals matapos walisin ang Malaysia sa iskor na 4-0 tungo sa gintong medalya sa 2025 Southeast Asian Games Esports event sa Chulalongkorn University sa Bangkok, Thailand kahapon.


Kinumpleto ng SIBOL na binubuo ng koponan ng Team Liquid na kinabibilangan rin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Alston "Sanji" Pabico (Middle Laner) Jaypee Dela Cruz (Roamer), Kiel "Oheb" Soriano (Gold Laner), Sanford Vinuya (EXP Laner), at Carlo "Caloy" Roma (6th Man/Roamer) na parte naman ng Twisted Minds Philippines, habang ginagabayan ang koponan ni coach Rodel Cruz.


Winalis ng SIBOL ang group stage sa 6-0 patungo sa championship round, kung saan madaling nakuha ang unang dalawang serye, bago napalaban ng husto sa Game 3 sa epikong comeback, bago tuluyang dominahin ang Game 4 sa mas tutok na pagpapamalas ng diskarte at tamang pili at plays tungo sa panibagong kampeonato.


Nag-usap-usap lang talaga kami na hindi pa talaga namin kaya sa teamfight. Nag-defend muna kami. Nagkamali lang talaga ‘yung Malaysia,” pahayag ni Pabico sa naging matinding paghahabol sa ikatlong laro.


Ito na rin ang ikalawang gintong medalya para kina Nepomuceno na naging parte ng 2019 debut na ginanap sa bansa, kung saan kinatawan pa ito noon ng All-star cast. Naging sandalan si Nepomuceno sa ika-apat na laro gamit ang pambatong karakter na si Lancelot upang trangkuhan ang atake ng SIBOL.


Dinaluhan ang naturang tagumpay ni Philippine Olympic Committee (POC) president at pangunahing cheerleader na si Atty. Abraham “Bambol” Tolentino at Samahang Basketbol ng Pilipinas official Ricky Vargas, mga opisyales ng Smart Communications, gayundin si Philippine Esports Organizations (PESO) Executive Director Marlon Marcelo para sa panibagong kasaysayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page