- BULGAR
- Oct 8
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 8, 2025

Ipinanganak sa bayan ng Assisi sa Italya si Francesco Bernardone sa pagitan ng 1181 at 1182. Anak siya ni Pietro at Pica mga miyembro ng “Maiores” (nakakaangat ng Assisi). Hanapbuhay ni Pietro ang bumili at magbenta ng mamahaling tela mula sa Francia.
Isinilang si Francesco nang nasa Francia ang kanyang ama. Pinabinyagan na itong Giovanni ng kanyang ina ngunit pinalitan ito ng Francesco ni Pietro. Pinili ni Pietro ang Francesco marahil dahil sa kanyang malapit na kaugnayan sa Francia o dahil kay Pica na nagmula sa Francia.
Itinatag ni Francesco ang Ordo Fratrum Minorum (o Order of Minor Brothers) na kalaunan nakilalang mga Franciscano. Maikli ngunit makulay at banal ang naging buhay ni Francesco na namatay noong Oktubre 3, 1226. Mabilis na itinanghal na santo ng Simbahang Katolika si Francesco noong Hulyo 16, 1228. Noong 1979 hinirang na Patron ng Ekolohiya si San Francisco ni Papa Juan Pablo II.
Mula noon hanggang ngayon, walang kupas ang inspirasyon ni San Francisco na itinurong ituring ang lahat ng kalikasan bilang kapatid. Kaya’t kilalang-kilala ang tulang “Laudes Creaturarum” o ang Awit sa mga Nilikha na pinaniniwalaang isinulat ng Santo.
Tinawag ng santong kapatid ang lahat mula sa kapatid na araw hanggang sa kapatid na asong gubat. Dahil dito, sa mahigit na 800 taong nagdaan, buong galang at pagmamahal na itinuturing na kapatid ang lahat ng nilikha ng Diyos ng mga “anak” ni Amang Francisco.
Nakalulungkot lang kung paanong baliktad o taliwas ang pananaw ng malaking bahagi ng mundo at sangkatauhan sa kalikasan. Bagay na mainam gamitin at pagkakitaan ang turing ng mundo sa bawat aspeto at sangkap ng kalikasan. Lahat ng ginagamit at ikinabubuhay ng tao ay galing sa kalikasan na walang habas na inuubos para rito.
Pagkain, damit, gamot, sasakyan, bahay, papel, gasolina, cell phone, telebisyon, maging teknolohiya, galing sa kalikasan ang lahat-lahat ng pang-araw-araw na kailangan ng tao upang mabuhay ng maayos, matiwasay at makabuluhan. Ito rin ang dahilan ng tumitinding kiskisan at bangayan ng mga malalaking bansa. Mula krudo hanggang tubig, naroroon na ang dambuhalang bansa na nag-aagawan sa unti-unting nauubos na likas yaman ng mundo
Ang tumitinding krisis ng global warming ang malawakang pag-init ng mundo ay bunga ng walang habas na pagpuputol ng puno, pagwasak ng kagubatan, pagbubungkal at pag-aangkat ng mga batayang mineral para sa mga industriya. Ang lakas at kapangyarihan ng anumang bansa ay nasusukat ng kakayahan nitong gamitin ang sariling likas yaman at gayundin ng ibang bansa para sa kanyang pambansang seguridad at kaunlaran. Hindi ba ito ang dahilan ng patuloy na pagsakop ng China sa ating mga karagatan? Hindi ba ito rin ang dahilan ng mga giyera sa Ukraine at Palestine, at ang mga giyera sa iba’t ibang bahagi ng mundo?
Ito ang mahigpit na kaugnayan ng ekolohiya at kapayapaan na kitang-kita at damang-dama ng lahat sa kasalukuyang buhay ng lahat ngayon. Marahil, ito ang dapat nating tingnan nang maigi at buong kababaang-loob matapos ang matinding lindol sa Cebu.
Noong Oktubre 15, 2013 naranasan din sa Bohol ang matinding lindol na sumira sa maraming simbahan at mga gusali. Bumabalik ang alaala ng matitinding lindol tulad ng naturang Ruby Towers earthquake noong Agosto 2, 1968, at ang lindol ng Hyatt Terraces sa Baguio noong Hulyo 16, 1991. Ganoon din ang alaala ng matitinding bagyo tulad ng Ondoy, Setyembre 26, 2009 at Yolanda, Nobyembre 9, 2013.
Hindi pa tapos ang panahon ng matitinding bagyo sa bansa. Taun-taon inaasahan ang hindi bababa sa 20 malalakas na bagyo na mananalasa’t maninira sa iba’t ibang bahagi ng ‘Pinas. ‘Ika nga, medyo sanay na tayo sa matitinding bagyo ngunit, talaga bang nasasanay tayong mamatayan, mawalan ng tahanan at kabuhayan? Ang kinatatakutan ng lahat dito sa Luzon, lalo na sa Metro Manila ang “The Big One” dahil sa mahabang “Marikina fault line” (West Valley Fault: 110K at ang East Valley Fault: 10K). Matagal nang paulit-ulit pinag-uusapan at pinaghahandaan ito ngunit walang katiyakan kung kelan maaaring maganap.
Noong Oktubre 4, 2025, Sabado, araw ng kapistahan ni San Francisco ay isang taon na mula nang inilabas ng Vatican ang pagkakapili kay Padre Elias Ayuban CMF bilang kasunod na Obispo ng Cubao. Sa araw ding iyon, itinatag sa Diyosesis ng Cubao ang Justice Peace, Integrity of Creation and Urban Poor Ministry. Ang mahalagang simula ng misyon ng Diocese of Cubao JPIC-UP ay magaganap sa ilalim ng liwanag at inspirasyon ni San Francisco, patron ng kapayapaan at kalikasan. Nawa’y tulad niya, matutunan nating ituring na kapatid hindi lang ang bawat tao kundi ang bawat sangkap at bahagi ng kalikasan na tinatawag din nating Ina.
Ano pang hihigit sa anumang bagay o nilalang sa mundo na tinatawag nating ina at kapatid? Kaya pala ganoon na lang awitan at tawaging kapatid ng santo ang araw, buwan, bituin, bundok, gubat, dagat, ibon, hayop, isda, at lahat ng nilalang. Hindi bagay, gamit, kasangkapan, instrumento ang bawat nilikha ng Diyos, kapatid na umaaninag sa mapagmahal at bumubuhay na mukha ng Diyos.




