ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 19, 2025

“Maikli at marupok ang buhay.” Ito ang tema ng omeliya natin noong nakaraang Huwebes ng gabi.
Mabilis ang pangyayari, tinawagan tayo ng isang kaibigan kung maaaring basbasan natin ang bangkay ng isang lalaking namatay ilang araw pa lang ang nakararaan.
Mabigat na mabigat para sa mga kaibigan ko na biglang nawala ang itinuturing nilang anak. Hindi simple ang kanyang pagkawala. Nagpakamatay ang kanilang mahal na ‘ampon na anak’. Hindi na natin babanggitin kung saan at paano nagpakamatay ang anak para maprotektahan ang kanyang integridad.
Bago nagsimula ang misa, dalawang pari kaming nasa harap ng crematorium sa tabi ng gurney na hinihigaan ng lalaking ipapasok sa crematorium. Nakapaligid din sa gurney ang mga kamag-anak at ilang kaibigan. Luhaan ang marami, mainit ang hangin na lalong pinabigat ng init na dulot ng crematorium na inihahanda nang abuhin ang bangkay na nasa harapan namin.
Batang-bata ang mukha niya, at maraming mga tanong na nababakas sa mga mukha ng nagdadalamhati. “Bakit?” Walang sagot, tanong lang.
Kinailangang tumawag ng pari, na kahit atubili ang tumawag sa akin ay nagtanong, “Binabasbasan at minimisahan na po ba ng simbahan ang nagpakamatay?” Sagot natin sa kanya, “Nagbago na po ang pananaw ng simbahan sa suicide. Nababawasan ang responsibilidad ng nagpakamatay dahil sa matinding hirap, takot at pagkalito dahil sa matinding pinagdaraanan. Hindi lamang ang kasalan ang tinitingnan bilang sanhi ng pagpapakamatay kundi ang pinagdaraanang matinding pagsubok, paghihirap at pagkawala ng pag-asa. Hindi ang mapagparusang ‘diyos’ ang humuhusga sa nagpakamatay kundi ang Diyos ng awa, kapatawaran at pag-ibig.”
Napakalaking panghihinayang ang ibinahagi sa atin ng mga matatalik na kaibigan ng lalaking nagpakamatay. Sabi nila, “Malaking kawalan siya sa pamayanang kinabibilangan niya. Napakagaling niya sa kanyang propesyon. Napakalaki ng nagawa at naiwanan niyang mga gawain.”
Ito ang naging batayan ng ating mensahe sa omeliya. Ibinahagi kong malaking panghihinayang ang pagkawala ninuman tulad ng mahal nilang kamag-anak at kaibigan na unti-unting tinutunaw at inaabo ng apoy, anuman ang nagawa niya o nagawa ninuman ay madaling matutunaw, maaabo at makakalimutan. Parang kandila ang buhay. May saysay lang ang kandila kung nakasindi at nasusunog, at habang nakasindi, nasusunog unti-unting nauubos. Ang mahalaga ay sindihan at panatilihing nagliliwanag ang apoy ng kandila. Walang halaga o saysay ang anumang laki, ganda, amoy ng kandila kung ito ay nakatabi at hindi nakasindi. Ito ay ilalagay mo sa gitna ng madilim na lugar upang ikalat ang kanyang liwanag. Ganyan ang hamon sa bawat buhay, na ilagay sa gitna at hayaang mag-apoy, magbigay ng liwanag at init para paigtingin ang buhay ng lahat.
Nagpatuloy ang ating omeliya: “Nakapanghihinayang ang paglipas ng isa pang maningning na buhay. Ngunit lahat ng naririto na minahal at nagmahal sa kamag-anak at kaibigang ngayon ay wala na ay tumanggap ng kapirasong ningning mula sa kanya. Hayaan ninyong hamunin kayo ng kanyang ningning upang kayo rin ay maging liwanag sa gitna ng lumalaganap na kadiliman sa ating lipunan.”
Wala na tayong mahagilap na liwanag sa mga namumuno sa atin. Karamihan ay pinaghihinalaang nagnanakaw at nagsisinungaling. Tuluy-tuloy daw ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Totoong tuluy-tuloy ngunit walang nakakakita, nakakarinig at nakakaalam ng tunay na nangyayari. Meron lang media report walang media coverage ng totoong nagaganap. Kaya tanong ng marami, “Niluluto ba ng ICI ang mga kaso ng sangkot sa matinding katiwalian ng ghost flood control projects?”
Kung sinasabi nating maikli at marupok ang buhay hindi nakakatulong na maramdaman ng marami ang “nakakaumay” na kuwento ng ating bayan. Kaya’t lalong kailangan ang liwanag mula sa mga taong handang ialay ang buhay para sa pagbabago ng bulok na lipunan.
Parang crematorium din ang ating lipunan. Ang pagkakaiba lang, hindi mga patay ang sinusunog kundi ang kasalukuyan at kinabukasan ng mga buhay. Kailangang bantayan ang buong pamahalaan at baka malingat tayo’t mabilis nilang maisubo sa “crematorium ng maruming pulitika” ang laging nanganganib na katotohanan.
Maikli at marupok ang buhay ng bawat isa, at ganoon din ang katotohanan, katarungan at kalayaan ng lahat. Malungkot at madalas nating nahahayaang sunugin ng mga makapangyarihan ang katotohanan kung kaya’t walang katarungan at kalayaan ang bansa.
Mabuti at magaling ang nagpakamatay, pero tila hindi na niya nakayanang tingnan ang nakagagalit at nakakaumay na lipunan. Naalala ko pa ang kaibigang si Ted Borlongan, dating presidente ng Urban Bank. Tinulungan natin si Ted upang ipagtanggol hindi lang ang sarili kundi ang katotohanan sa likod ng pagsara ng naturang bangko. Matagal-tagal din nating sinuportahan si Ted hanggang sa naorganisa natin ang “Bank Run” for Urban Bank. Sa kabila ng lahat ng pagkilos at pakiusap, hindi sinuportahan si Ted ng mga nasa taas. Noong Abril 1, 2005, sa harap ng puntod ng kanyang mga magulang, nagpakamatay ang kaibigan kong si Ted Borlongan. Sayang ang isang maningning na ilaw. Napaisip tayo, si Ted lang ba ang may kasalanan o ang lahat ng nagpabaya, hindi nakialam at ang ilan pa ay ginawa ang lahat para ‘patayin’ ang katotohanan (na isinusulong ni Ted)?
Nang matapos ang misa, hindi pa tapos ang cremation. Naisip lang natin sa pag-uwi, hahayaan ba nating sunugin ng pulitikang marumi ang katotohanan? Hahayaan ba nating patuloy na umiiral ang baluktot at bayarang hustisya ng makapangyarihang tiwali at korap? Hahayaan ba nating manatiling alipin ang lahat ng nagdidiyos-diyosang dinastiya?




