top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 5, 2025



Fr. Robert Reyes


Pagkatapos yanigin ng lindol, 7.7 intensity, ang Myanmar noong nakaraang Biyernes, Marso 28, naganap naman ang isang matinding karahasan sa pagitan ng drayber ng SUV (Toyota Fortuner) at isang rider na humantong sa insidente ng pamamaril sa Marcos Highway, Barrio Mayamot. 


Libo ang namatay at hanggang ngayon ay hinahanap sa ilalim ng mga gumuhong gusali ang survivor sa Myanmar at Bangkok na lindol. Walang kalaban-laban sinuman sa nakamamatay na galit ng kalikasan.


Kitang-kita ang mataas na gusaling ‘under construction’ pa sa Bangkok na gumuho na parang laruang cardboard. Maraming nasa ginagawang gusali nang mangyari ang pagyanig. Walang magagawa kundi maghanda at kung kinakailangan, lumikas upang iligtas ang sarili at pamilya sa mga malalaki at matitinding natural disasters tulad ng lindol o bagyo.


Matagal nang pinaghahandaan ang “The Big One,” ang kinakatakutang maganap na lindol sa parteng dinaraanan ng ‘Marikina fault line’. Kung wala namang tayong magagawa sa pagpigil sa lindol tulad nito, bakit hindi tayo magsimulang maghanda at kumilos at hindi magwalang-bahala ang marami? Bakit hindi tayo matuto sa mga karatig bansa gaya ng Japan at Australia, na meron nang mga sentro na pinaglalagyan ng mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, flashlight, jacket, kumot, unan, banig, gamot at iba pang mga mahahalagang batayang pangangailangan? Meron na ring mga organisadong grupo na may kasanayan at kaalaman na handang kumilos sa anumang emergency.


Maski na paano, mapaghahandaan ang mga sakuna ng kalikasan. Merong babala para sa bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan. Meron ding nakalaang pondo para sa paglikas ng mga taong maaapektuhan. Meron na ring mga Disaster Management at Mitigation Councils sa bawat bayan at siyudad. 


Ngunit, wala pang malinaw na programa at istraktura para tugunan ang kakaibang “disaster” na nagaganap araw-araw sa mga malalaki at ordinaryong kalye. Ito ang disaster ng karahasan at kaskasan sa mga kalye, na itinuturing natin na Karahasan at Kaskasan sa Kalye (KKK).


Nasaksihan ng marami sa social media ang video ng naganap sa Marcos Highway nang naghabulan ang drayber ng isang Toyota Fortuner at ang drayber ng motorsiklo. Matinding galit ang lumamon sa drayber ng kotse, at sa kasawiang palad nagpang-abot sila at nagkagulo. Ito ang dahilan ng suntukan at kuyugan sa kalye. Nang makita ng ibang naka-motor ang nangyari, nakialam ang mga ito at kinuyog ang drayber ng kotse.


Hinabol naman ng drayber ng kotse ang rider at nang maabutan, pinaputukan ito gamit ang kanyang baril. Bumagsak ang rider at patuloy pa ring nagpaputok ang drayber ng kotse, kaya apat katao ang tinamaan, kasama dito ang asawa ng drayber ng kotse.


Sinubukan ng drayber ng kotse na tumakas subalit hinabol ito ng mga pulis at naabutan. Nakakulong na ang drayber ng Fortuner sa ngayon at Haharapin nito ang maraming kaso na may karampatang parusa. Subalit, kailangang sagutin ang mga tanong kung ano at paano ang gagawin ng pamahalaan laban sa karahasan at kaskasan sa kalye.


Dati nang nangyayari ang mararahas na sakuna at pagkakaroon ng kaskaserong drayber. Dati na ring may mga nagmamaneho na may dalang baril. Ilan na ang nadisgrasya sa iresponsableng pagmamaneho ng mga kaskaserong drayber? Ilan na ang napatay, nabaril ng drayber ng sasakyan dahil sa init ng ulo? Hindi pa rin nalulutas ang ganitong sakuna. Bakit kaya hindi pa?


Nagkaroon na rin ng ilang sakuna sa rami ng mga motorsiklo sa kalye. Parami nang parami ang mga motorsiklo ngunit walang malinaw na regulasyon na ipinatutupad ang pamahalaan. Benta nang benta ng mga motorsiklo. Release nang release ng mga driver’s license sa mga nag-a-apply. May mga test nga siguro pero madali lang. Hindi ko lang alam kung merong mas mahigpit na test para sa mga nagmamaneho ng motorsiklo. Sa tingin ko, hindi lang madaling bumili nito, kundi magparehistro at kumuha ng driver’s license para magmaneho ng motorsiklo. Gayundin, madali makalusot sa pulis ang maraming nagmomotorsiklo. 


Parang exempted sa batas ang tingin ng maraming nagmomotorsiklo sa kanilang sarili. Halos hindi sumusunod sa traffic light ang mga nagmomotor, lalo na sa lugar na walang pulis o MMDA na nagbabantay.


Dito natin nakikita na lumalaganap ang kultura ng karahasan sa ating bansa. Hangga’t hindi nagkakaroon ng programa para pigilan at parusahan ang gumagawa ng karahasan at kaskasan sa kalsada, tuluy-tuloy pa rin ito. 


Hangga’t walang nagtuturo sa mga nagmamaneho ng motorsiklo at tatlo gulong o tricycle ng kahalagahan ng pagsunod sa batas-trapiko, ng kahinahunan at paggagalangan sa kalye, walang matinong mangyayari. Tuloy din ang baliw na pagpatay, mali at iresponsableng paggamit ng sasakyan, at ng mga naglipanang instrumento ng pagpatay sa kapwa. At isa lang ito sa napakaraming sakunang nililikha ng mga tao sa lansangan.


Ano ang gagawin ng ating gobyerno sa lumalaganap na sakuna ng kultura ng karahasan at kaskasan sa kalye?

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 30, 2025



Fr. Robert Reyes


Kung may simula, may katapusan. Kung may buhay, may kamatayan. Ito ang isinasaad ng bawat kaarawan. Matatapos at matatapos ang maganda’t dakilang buhay na ito. Sa kabila ng ating pagkukuwari at sari-saring pagbabalatkayo na pilit nating itinatago ang totoo sa iba, hindi natin ito magagawang lubos sa ating sarili. Unti-unting darating ang mga hudyat ng katapusan na hindi natin mapipigilan. 


Para sa atin, ilusyon ang kayamanan at kapangyarihan. Walang forever ang kapangyarihan. Gustuhin man ang maging diktador habang buhay, may mangyayari’t mawawala sa’yo ang pinakamimithing kapangyarihan. At maski na hawahin ang iyong mga tagasunod, ang masang sinasamba ka, panahon lang ang kailangan upang matauhan sila’t maunawaan ang ilusyong minana nila sa inyo na unti-unti ring maglalaho.


Matagumpay mang nakabalik sa kapangyarihan ang pamilyang halos 40 taon nang napalayas ng mapayapang rebolusyong nakilalang People Power, hanggang kailan pa mahahawakan ang kapangyarihan at kayamanang tila dati pa nilang ninakaw? 

Pare-parehong naghahanap na ang magkatunggaling pamilya ng kani-kanilang mga kaaway. 


Kung sabagay, hindi ba dapat alam ng dalawang nagtutunggaliang pamilya na mas mainam na magkampihan sila’t maging isang team tulad ng pinatingkad nilang UniTeam? Ngunit para saan ba talaga ang binuo nilang team kung pare-pareho namang makitid ang kanilang mga hinahangad at ipinaglalaban. At nasaan na ang magaling na UniTeam na kanilang binuo?


Mahirap talagang bumuo ng team kung ang hangarin ay maitim at taliwas sa diwa at espiritu ng banal na buhay ng Diyos na sa sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto ay mababasa:


“Walang sinumang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Dahil kung nabuhay tayo para sa Panginoon, sa Panginoon tayo. Kung mamatay o mabuhay tayo, sa Panginoon tayo.” (Roma 14:7-9, 10-12)


Para kanino ba ang dalawang nagtutunggaling pamilya? Para kanino ba ang mga kaalyado nila? Para sa kapwa, sa bayan ba sila o tulad ng marami nang nauna at darating pa, pansariling interes pa rin ang pinakamahalaga, wala nang iba.


Nag-birthday noong nakaraang Biyernes ang tinatawag nilang “Tatay.” Kung saan-saang sulok ng kapuluan at daigdig, ipinadama ng mga sumusuporta’t naniniwala sa kanya ang kanilang pagmamahal sa kanilang “Tatay,” ngunit natitiyak ba nilang ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanila? 


Anong ama kaya ang magsisinungaling at magtataksil sa kanyang mga anak? Anong ama na sa gitna ng nakamamatay na pandemya, nakuha pang maghanapbuhay at pagkakitaan ang matinding takot at kalituhan ng kanyang mga kababayan sa gitna ng mapanganib na banta ng pandemya?


Kitang-kita sa dalawang panig ang sariling diyos-diyosan at diyos-diyosang makasarili. Kitang-kita kung paano nagnakaw at kumitil ng buhay ang dati pati ngayon. At habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng isa, pikit-matang itinatanggi kung paanong namunga ng kamatayan ang kanyang maraming kaarawan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 29, 2025



Fr. Robert Reyes


Pumasok na tayo sa ikatlong linggo ng Kuwaresma. Umiigting na ang alitan ng mabuti at masama, ng Diyos at demonyo sa mga pagbasa. 


Kitang-kita ang mapanirang epekto ng kasamaan sa tao. Sinisira nito ang tao mula sa loob hanggang sa labas, mula sa ulo hanggang sa talampakan, mula sa isip hanggang sa puso at sa kasuluk-sulukan ng kaluluwa. Hindi lang iba kumilos kundi iba na ring mag-isip, dumama, mangarap at magplano ang nakuha at lubos nang nasilo ng kasamaan. At nalalantad ito sa mga taong walang makitang mabuti sa anumang ginagawa ni Hesus. 


Sa Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes, nagpagaling si Kristo ng isang pipi at mabilis na naghusga ang ilan, “Nagpapagaling siya sa kapangyarihan ni Beelzebul (Prinsipe ng mga demonyo)!” Ngunit mabilis na nabasa ni Kristo ang isip ng mga nanghuhusga sa kanya kaya’t nasabi nito, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon.” Paano nga bang gagamitin ni Hesus ang kapangyarihan ng demonyo laban mismo sa demonyo?


Ganito nga ba ang ginagawa ng demonyo? Kumikilos siya laban sa kanyang sarili at laban sa kanyang kaharian? Malinaw na hindi. Hindi nagpapahina at nagpapatalo ang demonyo. Masipag itong nagpapalakas at nagpaparami ng kanyang mga kampon.

Kaya’t tuloy na sinabi ni Hesus, “Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian?” (Lucas 11:14-20)

Kung buo ang puwersa ng kadiliman, ng kasamaan, ni Satanas, higit na buo ang puwersa ng mabuti, ang puwersa ng Diyos.


Maraming nadadala ng puwersa ng kadiliman na sa halip na seryosohin ang demonyo at ang pinalalaganap nitong kasamaan, itinuturing pang biro o joke ito. Kaya noong Mayo 1, 2022 sa kampanya ng mga Cayetano sa Taguig, sinabi ng dating pangulo, “Pupunta at sa impiyerno, at isasama ko kayong lahat at aagawin ko ang trono ni Satanas.” 

Siyempre nagtawanan ang maraming nasa paligid niya. Biro lang, tiyak na ‘joke’ lang ang sinabi ng dating pangulo dahil mahilig naman talagang magbiro ito tulad ng mga sinabi niya tungkol sa Santo Papa at sa Diyos ng mga Katoliko.


Subalit tuluy-tuloy ang pagbibiro at pagbabalewala sa kasamaan, sa impiyerno at sa demonyo. Tuluyan na bang nababalewala ang kasamaan at ang bunga nito sa lipunan at mundo?


Naalala natin ang sinabi ng dalawang kilalang manunulat. Ayon kay Dante Aleghieri, “Ang pinakamainit na bahagi ng impiyerno ay nakalaan sa mga tao na walang ginawa sa

 

panahon ng matinding krisis ng moralidad.” Ito naman ang sinabi ni Hannah Arendt noong sinaksihan niya ang paglilitis kay Adolf Eichmann ang arkitekto ng “Holocaust” o ng paglipol sa mga Hudyo na utos ni Adolf Hitler:“Ang kasamaan sa modernong mundo ay hindi isinasagawa ng mga halimaw at mga makapangyarihang tao. Ginagawa ito ng mga mahilig at madaling sumali (joiners). Nagmumula ang kasamaan sa mga taong mapaghanap at mapaghangad ngunit walang sinusunod na anumang mataas na pamantayang moral. Buong-buong ibinibigay ng mga ito ang sarili sa kung anu-anong kilusan.”


Mapanganib ang dalawang uri ng tao, ang walang pakialam at ang mga walang prinsipyo at paninindigan. Idagdag na rin natin ang problema ng mga mahina at walang konsensya kaya’t hindi na nila nakikita, nararamdaman at nakikilatis ang kasamaan kapag ito ay mismong nagaganap sa harapan nila.


Isang malinaw na epekto ng kasamaan ay ang dibisyon, pagkakahati-hati ng mga grupo, pamilya, pamayanan at lipunan. 


Tingnan natin ang naturingang UniTeam. Nasaan na ito? Tingnan din natin ang magkapatid na Marcos. Nasaan na ang dalawa? Tingnan natin ang ating lipunan ngayon. Biro o joke ba ang pagkakahati-hati, siraan, silipan at walang sawang intrigahan ng mga grupo, sekta, pamayanan, sektor na bumubuo sa ating lipunan?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page