top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 22, 2025



Fr. Robert Reyes

“Baby Boomers” ang tawag sa amin na ipinanganak pagkatapos ng “World War II” noong 1945 (mula 1946 hanggang 1964). 


Karamihan sa amin ay tutungtong na sa edad 70. Medyo matanda na, suwerte at pinagpala kung malakas pa. Pitong dekada na puno ng pangako at hamon, at punung-puno ng pagpapala.


Isinilang ako noong Pebrero 24, 1955 bandang ika-9:32 ng umaga sa Mary Johnston Hospital Tondo, Manila, ayon kay Dr. Benjamin Lazaro, tiyuhin ni Carlos, aking ama. Malusog at mabigat ang timbang ko sa 8 pounds. 


Hindi lang ang nanay kong si Natividad at amang si Carlos ang tuwang-tuwa noong araw na iyon. Lahat ng tiyuhin at isang tiyahin ko sa parte ni Tatay Carlos ay naghihintay sa aking pagdating at nagdiwang nang husto nang nasilayan nila ang pinakauna nilang pamangkin sa kanilang Kuya Carling at Ate Naty. At siyempre tuwang-tuwa si Lola Pia (Policarpia) sa kanyang unang apo.


Pitong dekada o 70 taon na ang nakalipas mula nang mabiyaya’t masayang araw na iyon. At nais kong balikan at pasalamatan ang pitong dekada ng makulay at makasaysayang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa akin. 


1955-1965: Pagsilang, pamilya, kabataan, ang Pilipinas 10 taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) -- (Quirino, Magsaysay, Garcia)


1965-1975: Pagtuklas at pagsunod sa bokasyon at misyon ng pagpapari. -- (Marcos)


1975-1986: Mga magulo at mapanganib na taon sa ating bansa: Martial Law, at pagbubuo ng Samahang Gomburza (Pebrero 17, 1977), pag-iibang bansa (Roma, Italia) -- (Marcos, Aquino)


1985-1995: Ang pangako at pangarap ng EDSA 1986: Paglaya sa diktador, paglilingkod sa ilang taong mapayapa at maunlad, puno ng pag-asa at sigla -- (Aquino, Ramos)


1995-2005: Unti-unting pagtalikod sa diwa ng pagbabago, wagas na pagmamahal sa bayan, pagpapahalaga sa katotohanan at kasaysayan, tunay na paglilingkod. EDSA Dos, EDSA Tres -- (FVR, Erap, GMA)


2005-2015: Balik-kalye, balik-rally. Pansamantalang pahinga at pag-asa muli ngunit bitin at bigo, sayang at panghihinayang -- (GMA, PNoy)


2015-2025: Pagbabalik ng mga trapo, paglaganap ng mga dinastiya, pagkabulok ng pulitika -- (PNoy, Digong, Bongbong); Pag-ulit ng kasaysayan -- (Marcos Sr. noon, Marcos Junior ngayon)

                 

Makulay ang araw ng aking kapanganakan. Katapusan ng EDSA sa Pilipinas noong ika-24 ng Pebrero 1986 at nasa Roma kami noon. Kaharap ko ang dalawang paring Pinoy at merong bote ng Champagne sa aming harap, pero sarado pa. Walang laman ang aming mga baso at nakikinig kami sa BBC Radio, at naghihintay ng anumang masayang balita sa tuluy-tuloy na apat na araw ng mapayapang rebolusyon sa ating bansa. 


Bandang hapon noon sa Roma at umaga sa ‘Pinas nang narinig namin ang masayang tinig sa Ingles: “And the dictator has left. The Philippines is free again!” Noon lang namin binuksan ang bote ng Champagne at pinuno ang tatlong baso at kakaibang toast iyon. “Happy birthday tol at mabuhay ang kalayaan, mabuhay ang bansang Pilipinas!” sabi nila sa akin. 


Bata pa tayo noon, 31 taong gulang pa lamang at tuwang-tuwa kami, ako, dahil uuwi kami sa isang bansang lumaya muli. Makakasama kami sa muling pagtatayo ng nasirang demokrasya, kamalayan, kultura at pagsisikapang ibahin ang istorya ng aming bansa mula sa diktadurya tungo sa kaliwanagan ng bagong pag-asa.

Ngunit agad na naglaho ang mga matatayog at magagandang pangarap. Sa mabilis na nagdaang 39 na taon mula EDSA People Power Revolution at 70 taon mula ng aking pagsilang, malungkot na nasaksihan ang tila kataksilan ng maraming namumuno noon at ngayon. 


Malungkot ding makita at maranasan ang pagsira ng pananaw at maka-bansang pananaw ng taumbayan. Hindi ligtas ang mga simbahan. Tila napaglaruan at nagamit din ang maraming namumuno sa simbahan. At ganito nga ang kalakaran ngayon ng mga nakapuwestong mga miyembro ng mayayaman at makapangyarihang pamilya na kilala sa tawag na dinastiya!


Pitongpu na tayo, medyo may edad na ngunit walang tigil at pagkasawa sa pangangarap at paglaban para sa tama. Mahirap at nakakadismaya ang mga pangyayari ng nakaraang 39 na taon mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior. Parang wala tayong natutunan at umuulit lang ang kasaysayan.


Pero, hindi ganoon ang lahat ng mamamayan. Maraming gising pa rin bagama’t may edad na rin. Salamat sa buhay at sa lahat ng hamong hinarap at ipinaglaban. Buhay na buhay pa rin ang maraming baby boomers at mas matanda pa. At dumarami na rin ang mga mas bata sampu ng mga kabataang nangangarap, lumalaban at naniniwala na darating ang araw na muling maririnig natin ang balitang, “lumayas na ang mga trapo’t dinastiya, malaya na naman ang ating bansa!”

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

WALANG IBANG DAPAT SISIHIN SA SANGKATERBANG PARTYLIST NG MGA POLITICAL DYNASTY, NEGOSYANTE AT KONTRATISTA, KUNDI ANG COMELEC -- Ibinulgar ng Kontra-Daya na sa 156 partylist na tumatakbo ngayong halalan ay 86 dito ang hindi mula sa marginalized sector, at kabilang daw dito ang 40 na mula sa political dynasty, habang 25 ay partylist ng mga negosyante at kontratista.


Sa totoo lang, wala namang ibang dapat sisihin diyan kundi ang Commission on Elections (Comelec) kung bakit tinanggap nila at pinayagan nilang kumandidato ang mga partylist na iyan, pwe!


XXX


MARAMING PARTYLIST ANG HINDI PINAYAGAN NG COMELEC NA KUMANDIDATO KAYA’T ANG TANONG: BAKIT PARTYLIST NG MGA POLITICAL DYNASTY PINAYAGANG KUMANDIDATO? -- Ang ikinatuwiran ng Comelec ay wala raw silang magawa dahil may desisyon daw ang Supreme Court (SC) na payagang kumandidato ang mga partylist na hindi mula sa marginalized sector.


Kahit may desisyong ganyan ang SC, ay nasa Comelec pa rin ang pagpapasya kung papayagan ang partylist na kumandidato o hindi.


Nasabi natin ito kasi may mga partylist naman na dinidiskuwalipika ng Comelec, hindi nila pinapayagang kumandidato, kaya’t nakapagtataka talaga kung bakit pinahintulutan ng komisyon na kumandidato ang partylist ng mga “Kamag-Anak Inc.”, mga negosyante at kontratista, tsk!


XXX


SP CHIZ ESCUDERO, TAKOT BA SA PAMILYA DUTERTE? -- Sa kabila na lumalakas na ang panawagan ng mamamayan na gawin na ng Senado ang tungkulin nitong magsagawa ng impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, ay dedma pa rin si Senate Pres. Chiz Escudero, talagang naninindigang sa July 2025 na raw sila magsasagawa ng pagdinig sa mga impeachment case na inihain ng Kamara laban sa bise presidente sa Senado.


Dahil ayaw pang umpisahan ang impeachment trial, napuputakti tuloy ng batikos si SP Escudero, na ayon sa netizens, kaya raw ayaw pang umpisahan ang impeachment trial ay dahil malaki raw ang takot nito sa pamilya Duterte, boom!


XXX


ITLOG LANG HINDI MAGAWA NI SEC. LAUREL, PABABAIN ANG PRESYO -- Ubod na pala ng mahal ang presyo ng itlog sa merkado. Isa iyan sa patunay na sablay ang pagtalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kay Sec. Francisco Tiu Laurel bilang kalihim ng Dept. of Agriculture (DA).


Nasabi nating sablay, kasi mantakin n’yo, itlog na nga lang, hindi pa magawang pababain ang presyo, tsk!


 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Feb. 16, 2025



PhilHealth Anniversary

Hello, Bulgarians! Ang newly-appointed President at CEO ng PhilHealth na si Dr. Edwin M. Mercado, kasama ang 9,000 opisyal at empleyado mula sa buong bansa ay ipinagdiwang ang ika-30 taong anibersaryo ng state insurer sa isang solemn Eucharistic Mass noong Pebrero 14 at si Father Jerry Orbos, SVD, ang nangasiwa nito.


Upang masunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagtiyak na walang hadlang na mga serbisyo, ang misa ay nasundan ng isang board meeting na pinamunuan ni Health Secretary Teodoro Herbosa. Tinalakay ang mga isyu sa critical policy, na tumutugon sa parehong mga pangangailangan ng mga provider at miyembro.


“Nais nating tapatan ng buong pusong paglilingkod ang mainit na pagtanggap ng ating stakeholders, public health and medical communities, at lalung-lalo na ng mga kawani ng PhilHealth na siyang katuwang natin upang mas palawigin pa ang ating serbisyo,” pahayag ni Mercado.


Tatlumpung taon mula nang mabuo, ang PhilHealth ay nananatiling nakatuon sa paghahatid ng de-kalidad at mas tumutugon sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page