ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | January 30, 2026

Photo: File / Andrea Brillantes - IG
Pagdating sa kanyang career, madiskarte si Andrea Brillantes. Alam niyang i-reinvent ang kanyang sarili upang hindi agad pagsawaan ng publiko.
Madalas siyang mag-post ng kanyang mga sexy photos sa social media kaya nakuha siyang Calendar Girl ng isang brand ng alak.
Ngayon, nagpa-blonde naman siya ng buhok upang magkaroon ng new look. Bumagay naman kay Andrea ang pagiging blondie at nagkaroon ng bagong karakter ang kanyang personalidad.
Tunay na henyo si Andrea at mastered na niya kung paano ibenta ang kanyang sarili sa masang Pinoy.
Habang mas nagiging kontrobersiyal siya at pinag-uusapan, mas nagiging in-demand siyang product endorser.
Well, kakaiba ang karisma sa tao ni Andrea Brillantes. Lagi siyang may ginagawa upang mapanatili ang kanyang popularidad. Dinaig pa niya ang mga naggagandahang beauty queens na pumasok sa showbiz.
May bago nang time slot ang programang Wilyonaryo ni Willie Revillame. Ang dating afternoon slot ay inilipat na sa alas-dose ng tanghali, kaya head-on ang pagsasalpukan ng Wilyonaryo, It’s Showtime (IS) nina Vice Ganda at Anne Curtis, at Eat… Bulaga! (EB!) ng TVJ (Tito, Vic & Joey).
Bagama’t sa website na wilyonaryo.com pa lamang mapapanood ang bagong game show ni Willie, may mga dating loyal viewers na ang show niya at patuloy itong tinatangkilik kahit saang network pa lumipat at umere mula Wowowee, Willing Willie (WW), Wowowillie hanggang Wil To Win (WTW).
Malalaking cash prizes ang papremyo ng Wilyonaryo at ito ang panghatak ng show sa mga viewers. Kaya aabangan ng lahat ang salpukan ng TVJ, Tropang Vice Ganda at Willie Revillame.
Wala raw dyowa, pero…
BARBIE, OUT OF TOWN SA V-DAY
CHALLENGING para kay Barbie Forteza ang kanyang role sa pelikulang Until She Remembers (USR) na pinagbibidahan nina Boots Anson-Roa at Charo Santos-Concio. Ito ay mula sa direksiyon ni Brillante Mendoza.
Kakaiba ito sa ibang pelikulang nagawa ni Barbie dahil wala silang script na sinusunod habang nagsu-shooting. Laging take one ang mga eksena dahil hindi pinapaulit ni Direk Brillante ang kanyang mga artista. Kaya naman malaking challenge ito para sa aktres.
Pinaghandaan niya ang kanyang role dahil dalawang magagaling na veteran actresses ang kanyang kasama sa pelikula.
First time ni Barbie na makatrabaho si Charo at second time naman si Boots pero wala silang eksenang magkakasama.
Kaya best effort ang ibinigay ni Barbie Forteza sa pelikulang USR. Ginampanan niya ang role bilang si Angel, isang mapagmahal na apo.
Samantala, dahil loveless siya ngayon, marami ang nagtatanong kung ano ang balak niya sa darating na Valentine’s Day. Mukhang out of town o out of the country niya ito ise-celebrate dahil naka-book na raw siya para sa kanyang destinasyon. Inamin ito ni Barbie Forteza nang mag-guest siya sa morning show ng GMA-7 na Unang Hirit (UH).
MAGANDA na muling ipinasilip ng VIVA Films sa Facebook (FB) ang iconic na pelikulang Sana’y Wala Nang Wakas (SWNW), na ipinalabas noong 1986. Pinagbibidahan ito nina Sharon Cuneta, Cherie Gil, at Dina Bonnevie. Kasama rin sa pelikula si Jay Ilagan.
Ang ganda ng mga eksena nina Sharon, Cherie at Dina. Hindi natabunan nina Sharon at Cherie si Dina dahil markado at mahalaga ang kanyang role. Ito ang isa sa pinakamalaking proyekto ng Megastar noong nagsisimula pa lamang siyang sumikat sa showbiz. Powerhouse ang cast ng SWNW.
Kilala ang Viva Films sa pagpo-produce ng mga romantic at dramatic na pelikula at sa pagkuha ng malalaking artista.
Tanong lang, maibabalik kaya ng Viva Films ang kanilang tatak sa paggawa ng glossy, makabuluhan, at de-kalidad na pelikula?
Kilala si Boss Vic Del Rosario sa kanyang Midas’ touch sa pagbibigay ng kinang sa mga artista.
Sana, masuportahan ng ating gobyerno ang mga producers na gumagawa ng matitinong pelikula.


