top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | November 9, 2025



Willie Ravillame

Photo: Willie Revillame / GMA / SS



May mga tagasubaybay ng programang Wowowin ni Willie Revillame ang nagtatanong kung saang network mapapanood ang bagong game show niyang Wilyonaryo


May lumabas na pahayag ang TV5 na hindi nila ini-renew ang kontrata ni Willie. Punumpuno at loaded naman ang GMA Network kaya walang maibibigay na time slot para sa Wilyonaryo


Ang isang puwedeng alternative ay ang Villar Network na AllTV pero sakaling hindi uubra, posibleng maging online show na lang ang Wilyonaryo


Sayang naman kung hindi mabibigyan ng magandang time slot at maayos na network ang game show dahil pinaghahandaan ito nang husto ni Willie Revillame. Malalaking cash prizes ang ipamimigay sa show, at puwedeng manalo ng P1 million ang lucky contestant na maglalaro sa Wilyonaryo.



Nagtiwala sa mga kaibigan…

ALDEN, NEVER SAY DIE KAHIT NA-SCAM NANG MILYONES DAHIL SA NEGOSYO



Alden Richards


HINDI biro ang mga pinagdaanang pagsubok ni Alden Richards nang maisipan niyang mag-invest sa negosyo. 


Madali siyang nagtiwala sa ilang kaibigang nag-alok ng partnership sa business. Milyones ang kanyang inilabas na puhunan kahit wala siyang ganap na kaalaman noon sa pagnenegosyo. Kaya, hindi niya naramdaman na biktima na siya ng scam ng mga taong kanyang pinagkatiwalaan. 


Naglahong parang bula ang milyones na kanyang kinita sa showbiz.

Ganunpaman, tahimik lang si Alden sa nangyari sa kanyang negosyo. Sa kabila ng lahat ay hindi siya nawalan ng pag-asa, naniwala siyang makakabawi rin sa malaking halagang nawala sa kanya. 


Dati nang may franchise ng McDo si Alden Richards sa Biñan, Laguna, na ang kanyang ama ang namamahala. 


Ngayon ay magbubukas siya ulit ng isa pang franchise ng McDo sa Sta. Rosa, Laguna. Dito sila unang nakatira noong hindi pa siya artista. 


Napamahal na kay Alden Richards ang Sta. Rosa, Laguna kaya sa December 15 ay magkakaroon siya rito ng Grand Meet and Greet kasama ang kanyang mga fans. Bahagi ito ng kanyang ika-15 anibersaryo sa showbiz.



MARAMI rin ang nagtatanong kung bakit mas gusto ni Bimby na luminya sa pagiging singer kaysa sa pag-aartista. Sariling desisyon ba ito ni Bimby o may impluwensiya ang kanyang mom na si Kris Aquino? 


Sumailalim siya sa training ng isang magaling na voice coach. Una niyang pinag-aralang kantahin ang awiting pinasikat ni Ogie Alcasid na Nandito Ako


Mukhang seryoso si Bimby na i-pursue ang kanyang singing career sa kanyang pagpasok sa showbiz. Impluwensiya kaya ng yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino ang hilig ni Bimby sa pagkanta?


Ang pagpasok ni Bimby sa showbiz ay isa sa mga pangarap ni Kris na matupad kaya pinilit niyang labanan ang kanyang autoimmune disease. 


Ngayon ay nakalabas na siya ng ospital at pansamantalang nakatira sa ancestral house ng kanyang ina sa Tarlac. Malaki ang senyales na gagaling na si Kris Aquino.



ISANG palaisipan naman sa mga kaibigan at fans ng yumaong si Dondon Nakar kung bakit hindi dumating sa burol niya sina Tetchie Agbayani at Amy Austria. 


Sa pagkakaalam nila, naging close din daw si Dondon sa dalawang aktres. At alam ng lahat na nasa Pilipinas lang sina Tetchie at Amy. 


Naka-post naman sa social media ang pagpanaw ni Dondon na miyembro noon ng Apat na Sikat (ANS)


Si Winnie Santos ay nasa Amerika kaya sina Lala Aunor at Arnold Gamboa lang ang nakarating sa burol.



 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | November 6, 2025



TEKA NGA - “ANG GANDA KO PARA MAGHABOL SA ISANG LALAKI!” – ELLEN_FB Ellen Meriam Adarna

Photo: FB Ellen Meriam Adarna



Gaano katotoo ang bali-balita ngayon na may third party involved sa hiwalayang Ellen Adarna at Derek Ramsay?


May nagkakalat ng isyung nahuli raw mismo ni Ellen na may bagong babae na kinakalantari si Derek at may nakita rin daw siyang ebidensiya sa cellphone nito. 


Napapadalas din daw ang pagbabakasyon nito abroad kaya nilayasan niya ang dating mister at hinakot ang lahat ng kanyang gamit.


Wala na raw balak si Ellen na makipagbalikan pa kay Derek lalo’t kaya naman daw niyang buhayin ang dalawa niyang anak. 


Sabi nga ni Ellen, “Ang ganda ko para maghabol sa isang lalaki!” 

At lagi rin niyang tinatandaan ang payo ng kanyang ama na okay lang na walang lalaki, ang mahalaga ay may anak. 


Kaya hindi pinanghinayangan ni Ellen Adarna si Derek Ramsay. Tuloy ang buhay para sa kanya, hindi siya ang tipo ng babaeng iiyak at magpapakamartir dahil lang sa isang lalaki.



PINALIIT ni Anjo Yllana ang kanyang mundo sa ginawa niyang paninira kay Sen. Tito Sotto. 


Kahit na binawi rin niya ito kaagad at sinabing bluff o biro lang ang kanyang pinagsasabi, still, the damage has been done. Hindi na mabubura ang impresyon sa kanya ng lahat, nawala na ang respeto sa kanya ng marami.


Paano pa siya haharap ngayon kay Sen. Tito Sotto at sa iba pang Dabarkads ng Eat… Bulaga! (EB!)? Maging ang mga loyal fans ng TVJ (Tito, Vic at Joey) ay galit ngayon kay Anjo Yllana. 


Dahil din sa wala sa lugar na pag-iingay ni Anjo, naungkat tuloy ang iba pang issues sa kanyang buhay. Isa na rito ang kanyang malaking pagkakautang kay Willie Revillame na hanggang ngayon ay hindi pa niya binabayaran at ito ang isinusumbat sa kanya ngayon. 


Tinawag din si Anjo Yllana na isang laos na komedyante. 

Well, may natitira pa kayang tunay na kaibigan si Anjo Yllana? May producer pa kayang kukuha sa kanya sa pelikula?



TAMA lang ang desisyon ng Kapuso actor na si Will Ashley na patulan at kasuhan ang mga taong nambu-bully sa kanya at sa kanyang pamilya. 


Noong una ay hinayaan lang ni Will ang mga bashers na siraan siya. Alam niyang bahagi lang ito ng kanyang career bilang artista. 


Pero nang pati ang kanyang ina ay idamay na ng mga bashers, dito na umalma si Will.

Hindi niya matanggap na i-wish ng mga bashers na mamatay ang kanyang mama. Lumalagpas na sa limitasyon ang ganitong pambu-bully sa kanya. 


At tama rin ang ‘Emman’s Law’ na isinusulong ni Sen. JV Ejercito para sa online bullying na laganap ngayon sa social media. Kailangan nang sugpuin ang ganitong klase ng pambu-bully. 


Maraming celebrities ang nagiging biktima ngayon ng online bullying. Kailangang maging matatag at matutong lumaban ang mga biktima ng online bullying. Nararapat na bigyan ng leksiyon ang mga bullies.



MAY malungkot na bahagi rin pala sa buhay ng Kapuso actress na si Sofia Pablo kaya may hugot siya kapag drama ang eksenang ginagawa niya sa serye.


Nailabas ni Sofia ang kanyang sad memories habang nasa Pinoy Big Brother (PBB) house siya. Inamin ni Sofia na iniwan sila ng kanyang ama noong three years old pa lamang siya. Nag-abroad ang kanyang ama kasama ang bago nitong karelasyon.


At naospital noon ang kanyang ina para sa isang operasyon. Wala silang ibang kasama noon kaya ang mga nurse ang nag-alaga sa kanya habang naka-confine

ang kanyang ina.


Naging matatag si Sofia Pablo dahil sa malungkot na karanasan ng kanyang kabataan. Nagpursige siya sa kanyang career upang makatulong sa kanyang ina.


Ganunpaman, sa paglipas ng panahon ay nagawa ni Sofia Pablo na patawarin ang kanyang ama kahit iniwan sila noon. Tinanggap niya ang naging kapalaran, at ang naging kapalit naman ay ang magandang suwerte sa kanyang career. Hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa kanyang ama.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 21, 2025



TEKA NGA - SHUVEE, NAGREREKLAMO NA RAW SA SOBRANG PAGOD_FB Shuvee Etrata

Photo: FB Shuvee Etrata



Hindi na raw kinakaya ni Shuvee Etrata ang sobrang hectic na schedule niya ngayon, kaya nagrereklamo na siya sa kawalan ng pahinga.


Dahil sa biglaan niyang pagsikat matapos lumabas sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition (PBBCCE), dumagsa ang mga offers at endorsements sa kanya. Todo-kayod si Shuvee sa mga mall tours at provincial shows, kaya halos wala na raw siyang pahinga na ang kapalit ay tagumpay na kanyang tinatamasa.


Ganunpaman, dapat daw ipagpasalamat ito ni Shuvee dahil nabibigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Kailangan niyang magsakripisyo para sa mga mahal niya sa buhay. Hindi lahat ay nabibigyan ng big break sa showbiz.


Maraming dating artista ang hindi nabibigyan ng malalaking endorsements. Siya lang ang bukod-tanging masuwerte na inalok ng mga malalaking produkto.


At dahil maraming nag-aabang sa kanyang pagbagsak, dapat ay panindigan ni Shuvee Etrata ang kanyang showbiz career. Marami na siyang pinagdaanang pagsubok, hindi siya dapat sumuko.



Naging matagumpay ang Season 1 ng House of D (HOD) sa YouTube (YT), ang talk show na binuo ni Dina Bonnevie kasama ang mga anak niyang sina Danica at Oyo Sotto, pati na rin ng mga manugang niyang sina Marc Pingris at Kristine Hermosa.

Maraming mahahalagang aspeto ng buhay ang kanilang tinatalakay, kaya nakaka-relate sa show ang maraming viewers.


First time na nag-share ng kani-kanilang experience sina Danica at Oyo bilang mga anak ni Dina, maging sina Kristine at Marc ay may naging partisipasyon sa talakayan, lalo na sa usapin ng pagpapalaki at pagdisiplina sa kanilang mga anak.


Positive ang feedback ng mga viewers sa Season 1 ng show kaya naging hamon para sa kanila kung ano pa ang maaaring ihandog nila sa Season 2. 


May ilang nagre-request na ma-feature o makapag-guest sa HOD si Vic Sotto para sa isang kaswal na tsikahan.


Well, papayag kaya si Bossing? Hindi kaya siya mailang kung ang magiging topic ay tungkol sa kanilang dating pamilya? Si Pauleen Luna na ang bagong pamilya ngayon ni

Bossing. 


Ayon naman kay Dina Bonnevie, open ang kanyang vlog para sa dating mister. At posible rin daw na kahit si Pasig City Mayor Vico Sotto ay maimbitahan bilang guest sa show.



MARAMI ang nagsasabing deserve nina Rodjun Cruz at Dasuri Choi ang tanghaling champion sa Stars on the Floor (SOTF) ng GMA-7.

Sa bawat episode ng nasabing dance show, nagpapakita sina Rodjun at Dasuri ng kakaibang energy sa interpretasyon ng kanilang sayaw.

Ramdam ang kanilang passion sa pagsasayaw, kaya napahanga nila ang mga hurado. 

Inialay ni Rodjun ang kanyang tagumpay sa kanyang mag-ina at sa mahal niyang yumaong ina, na bata pa lamang siya ay nangangarap nang magtagumpay siya sa showbiz.

Kaya naman sa finale night ng SOTF, ibinuhos niya ang kanyang effort upang mabigyan ng buhay ang performance nila ni Dasuri.

Super-proud din kay Rodjun ang kanyang kapatid na si Rayver Cruz. Alam daw nito kung gaano ka-dedicated ang utol sa lahat ng ginagawa niya.


GRABENG effort ang ibinuhos ni Jake Cuenca sa kanyang karakter sa suspense-thriller series na What Lies Beneath (WLB).

Sampung buwan siyang nag-immersion kasama ang mga inmates sa isang kulungan, kaya naman sobrang pumayat at haggard na haggard ang hitsura niya.

Ang major cast ng serye na kasama ni Jake ay sina Kaila Estrada, Sue Ramirez, Janella Salvador, Charlie Dizon, JM de Guzman, at Jameson Blake. Ito ay mula sa direksiyon nina Dado Lumibao at Froy Allan Leonardo.

Samantala, marami rin ang nakapansin na medyo chubby ang hitsura ngayon ni JM kaya pinayuhan siyang magbawas ng timbang upang bumagay sa kanyang role. Pang-bida pa naman ang kanyang status, at tiyak na ayaw din niyang magmukhang tatay o tito ng mga kasamahang artista.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page