ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 4, 2025
Photo: CocoJul - IG
Panay-panay ang pag-aaral ni Julia Montes upang matutunan ang iba’t ibang Spanish cuisine. At ang dahilan pala ay may plano sila ni Coco Martin na bumili ng bahay sa Barcelona, Spain.
Kung si Bea Alonzo ay sa Madrid, Spain bumili ng property, sina Coco at Julia ay mas pinili na sa Barcelona bumili ng bahay.
At mukhang gusto rin nilang magtayo ng Spanish resto sa Barcelona.
Parehong business-minded sina Coco at Julia kaya sila nagkakasundo. Marunong silang humawak ng perang kanilang kinita sa showbiz, hindi sila bulagsak, at pinaghahandaan ang future ng kanilang mga anak.
MASAMA ang loob ng mga fans ni David Licauco kay Barbie Forteza.
Noong GMA Gala 2025 ay si Jameson Blake ang madalas na kasama ni Barbie at marami ang nakakita na panay ang holding hands nila.
Sobrang close na sila sa isa’t isa, samantalang si David Licauco na dating ka-love team ni Barbie ay solong rumampa sa red carpet.
Kaya naman dismayado ang BarDa fans kay Barbie Forteza. Ano na raw ang mangyayari sa tandem nila ngayong pumasok sa eksena si Jameson Blake?
Well, tutal naman ay palabas na sa mga sinehan ang horror movie na P77 ng GMA Pictures na pinagsamahan nina Barbie Forteza at Jameson Blake, wala nang dahilan upang patuloy pa rin na makitang magkasama sina Barbie Forteza at Jameson Blake. Mas marami pa rin ang mga fans at supporters ng tambalang BarDa.
BAGAMA’T walang exact date kung kailan idaraos ang kasal ni Kiray Celis sa kanyang fiancé na si Stephan Estopia, tiniyak naman ng aktres na sa taong ito (2025) ito magaganap.
Fully booked daw ang December sa venue na gusto nilang pagdausan ng kasal, kaya puwedeng September, October o November sila pumili ng kanilang wedding date.
Ayon pa kay Kiray, intimate wedding lang ang kanilang gusto at ang mga imbitado ay pamilya at malalapit na kaibigan lamang.
Handang-handa na ang wedding dress ni Kiray na binili sa shop ni Aurea Vinluan. Pati ang isusuot ng kanyang wedding entourage ay naipagawa na rin.
Nasabihan na rin nila ang kanilang mga ninang at ninong sa kasal.
Excited si Kiray Celis sa kanyang wedding preparations. Masaya rin ang kanyang parents sa desisyon niyang magpakasal na sa kanyang longtime boyfriend na si Stephan. It’s about time na bumuo na rin daw sila ng sariling pamilya.
MASAYA ang ginanap na GMA Gala 2025 sa Marriott Hotel last Saturday. Nagkita-kita ang mga dating Kapuso artists at maging ang ilang StarStruck stars na hindi na gaanong aktibo ngayon tulad na lang nina Mike Tan at Dion Ignacio.
Magaling namang umarte sina Mike at Dion, kaya request ng kanilang mga fans sa pamunuan ng GMA Network ay sana maisama sila sa mga upcoming serye ng GMA Network.
Maraming bagong aktor ngayon na ibini-build-up ng Sparkle Artist Center upang magbida.
Pero kung talent ang pagbabasehan, hindi naman kayang sapawan ng mga baguhang aktor sina Mike Tan at Dion Ignacio.
Iba pa rin ang karisma ng mga StarStruck stars na hinangaan noon at kilala pa rin ngayon, kahit na isama pa sila sa mga veteran stars. At magagaling din silang makisama sa media, wala pa silang amnesia.










