top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 16, 2026



TEKA NGA - MIMIYUUUH, AFTER PAGKAKITAAN SI HEART, PINATUTSADAHAN SA SOURCE NG YAMAN-IG _mimiyuuuh & _iamhearte

Photo: IG mimiyuuuh & _iamhearte



Maraming fans ni Heart Evangelista ang dismayado ngayon sa sikat na vlogger-content creator na si Mimiyuuuh.


Porke sikat na siya ngayon at kumikita ng milyones ay nagbago na rin daw ng ugali at asta. Nagkaroon na siya ng ere at hindi na naaalala ang naitulong sa kanya noon ni Heart noong nagsisimula pa lang siya sa pagba-vlog.


Dati-rati ay panay ang papuri ni Mimiyuuuh sa pagiging fashionista ni Heart. Malaki ang naging views niya nang mag-collab sila ni Heart at nagkaroon sila ng closet tour kung saan ipinakita ang mga koleksiyon nito ng branded bags, shoes, at designer clothes.


Binigyan pa ni Heart si Mimiyuuuh ng ilan sa kanyang branded items.

Ang pagiging fashion icon ni Heart ang hinahangaan ni Mimiyuuuh na kanyang ginagaya at tinutularan.


Sa kanyang sipag at diskarte, lumaki ang viewership ni Mimiyuuuh at pinagkakitaan niya ang kanyang mga vlogs. Nabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya at nagkaroon ng katuparan ang lahat ng kanyang pinangarap.


Pero sey ng mga netizens, nakalimutan na raw ni Mimiyuuuh ang mga naitulong sa kanya noon ni Heart.


Okay lang na hangaan niya si Anne Curtis na kumikita rin nang malaki ngayon. Pero huwag na niyang sabihin na ang kinita ni Anne ay ‘clean money’, hindi tulad ng iba. Parang may gusto siyang tumbukin at pasaringan, kaya nag-react ang assistant ni Heart.





MARAMI ang nagulat at natuwa sa biglaang pagpapakasal nina Bea Alonzo at Vincent Co. Napaka-private ng ginanap na civil wedding, na in-officiate ni Makati Mayor Nancy Binay sa kanyang opisina.


Anim na tao lang ang sumaksi sa kanilang kasal. Wala roon ang kani-kanilang mga magulang. Maging ang manager ni Bea na si Shirley Kuan ay walang alam sa biglaang pagpapakasal niya kay Vincent. 


Wala rin doon si Atty. Lorna Kapunan, na inakala ng marami na siyang gagawa ng prenuptial agreement para kay Bea. Wala rin siyang ideya na magpapakasal ang dalawa.

Gayunman, bago nabunyag sa social media ang naganap na civil wedding, umugong na ang bulung-bulungan na may kasalang magaganap. Sinadya lang daw ilihim nina Bea at Vincent ang kanilang plano matapos maudlot ang kasal nila sa Spain noong Mayo 16.

Umiwas na sila sa media at ginulat na lang ang lahat nang bigla silang magpakasal. Inaasahan pa naman ng lahat na isang magarbong “Wedding of the Year” ang magaganap.


Kasabay ng balita tungkol sa kasal nina Bea at Vincent, muling lumitaw sa social media ang isang lumang post kung saan sinabi ng isang psychic na makapag-aasawa si Bea ng bilyonaryo, medyo mas matanda sa kanya at tunay ang pagmamahal nito. Ikakasal umano siya sa isang civil wedding na medyo private, at nagkatotoo nga!


Magkakaroon daw sila ng dalawang anak – isang babae at isang lalaki.

Well, ang buong movie industry ay natutuwa na finally ay natuloy na ring maging Mrs. Co si Bea Alonzo. Deserve niyang lumigaya.





MARAMING viewers ang napahanga sa pagiging astig ni Kylie Padilla sa seryeng Taskforce Firewall (TF). Ginagampanan niya ang papel ng chief ng mga agents na tumutugis sa mga scammers.


Tiyak na ikatutuwa rin ni Sen. Robin Padilla kung napapanood niya ang serye ng anak gabi-gabi. Pangarap noon ni Sen. Padilla na maging action star si Kylie at magmana sa kanya.


Ngayon ay napakagaling na ni Kylie sa paghawak ng baril at pakikipaglaban. Mistulang isang action-suspense movie ang TF, at swak sa serye ang mga karakter nina Miguel Tanfelix, Buboy Villar, Cheska Fausto, Rodjun Cruz, at Jak Roberto.


Maging si Kyline Alcantara ay napasabak din sa bakbakan.

Kinaaaliwan ang showdown nina Kylie at Cheska dahil nalaman na ni Liza (Kylie) na si Cheska ang kabit ng kanyang mister. 


Naging shoulder to cry on naman ni Liza si Hex (Jak).

May matitindi pang misyon sa pagpapatuloy ng kanilang paglaban sa mga scammers.


 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | July 16, 2026



TALKIES - JOEL CRUZ, NA-SCAM NG P40 MILYON-IG _joelcruzaficionado

Photo: IG _joelcruzaficionado



Ibinunyag ng tinaguriang ‘Lord of Scents’ na si Joel Cruz na nawalan siya ng humigit-kumulang P40 milyon matapos siyang mabiktima ng scam. 


Ibinahagi niya ang karanasang ito sa kanyang guesting sa podcast ng journalist-radio host na si Susan Enriquez, sa Kay Susan Tayo! via GMA Public Affairs.


Tinanong siya ni Susan, “‘Di ba sa panahon ngayon, sinasabi na ‘di tayo dapat masyadong nagpapakita ng kayamanan o karangyaan? Ang yaman mo ba ay talagang katas ng iyong negosyo sa pabango?”


Sumagot si Joel, “Yes. Masasabi kong katas talaga ‘to ng Aficionado. We’ve been in the business for the past 25 years, at ito talaga ang aming bread and butter. Mayroon akong iba pang negosyo, pero karamihan ng pinanggalingan ng lahat ng ito ay ang Aficionado.”


Pero bukod sa pabango, meron din daw siyang ibang negosyo – anim na buildings sa California na may 21 to 23 tenants at malaking parking lot na kumikita rin. Kabilang sa kanilang mga tenants ang mga bangko, dental clinic, restaurant, at mga kumpanya ng mobile phone. 


“Kung sabihin ko man ‘to, ginawa ko ‘to sa malinis na paraan. Pinaghirapan namin ‘to. Proud ako na ‘di ‘to gaya ng mga alam mo na, ‘yung nangyayari sa gobyerno natin. Dito, malinis talaga.”


Tinanong ni Susan si Joel, “Sa buong buhay mo bilang negosyante, mayroon na bang pagkakataon na may nawala sa iyong pera o na-scam ka?”

Sagot ni Joel, “Oo,” sabay tawa.


Muling nagtanong si Susan, “Paano ‘to nangyari?”


Kuwento ni Joel, “Diyos ko. Tatlong beses na yata akong na-scam. Noong una, akala mo totoong kaibigan mo ang isang tao. Ipapakita n’ya sa iyo ang magagandang bagay at bibigyan ka ng tiwala. Pero kalaunan, sasabihin n’ya na mayroon siyang ini-invest na pera sa ibang bansa. Dahil nagtiwala ako, pumayag ako. Ang ‘di ko alam, hindi pala talaga iyon investment — nagsusugal pala s’ya. Du’n na naubos ang pera.”


Nang tanungin siya ni Susan kung magkano ang perang nawala sa kanya, diretsahang sagot ni Joel, “P40 milyon.”


Well, ingat-ingat din ‘pag may time, Sir Joel. Basta ang masasabi lang ni yours truly, “Kay Susan Tayo!”





TODO-TANGGOL ang aktor na si Gerald Anderson kay Sen. Robin Padilla laban sa mga batikos na natatanggap nito dahil sa pagganap sa seryeng Blood vs. Duty (BVD) ng ABS-CBN.


Tinanong si Gerald kung agree ba siya na dapat paghiwalayin ang pulitika at pag-arte.


Ayon sa aktor, “Pagtapak mo sa set, wala na ‘yan, ‘di na kasama ‘yan, ‘di ba? At the end of the day, artista s’ya at nandu’n s’ya dahil binabayaran din s’ya para magtrabaho. Kumbaga, isa s’yang aktor, isa s’yang idol.


“At para sa role na si Sir Mustafa, I don’t even think na may iba talagang babagay du’n. Bilang isang Muslim leader, at sa totoong buhay ay Muslim leader din s’ya. Kaya pagdating sa set, labas na po ang pulitika. We’re just trying to make a good project

para sa audience natin.”


In fairness, napakahusay na aktor ng nag-iisang Sen. Robin Padilla!



 
 

ni KyleShereen Bago (OJT) @Special Article | July 16, 2026



Bea Alonzo at Vincent Co - IG

Photo: IG @bealonzo



Dalawang araw matapos ang kasal nila ni Vincent Co nu’ng July 13, opisyal nang kinumpirma ni Bea Alonzo ang civil wedding nila sa Makati City Hall.


Kahapon, July 15, si Bea na mismo ang naglabas sa kanyang Instagram account ng mga wedding photos nila ni Vincent na may caption na “Home”.


Simple lang ang suot na puting damit nina Bea at Vincent, pero agaw-pansin ang singsing ng aktres na ang laki ng bato. 


Sa comment section, agad na inulan ng comments mula sa mga kaibigan nilang celebrities at influencers ang post ni Bea. 


Kabilang sa mga bumati kina Bea at Vincent ang BFF ng aktres na si Dimples Romana at sina Erik Santos, Jericho Rosales, Gladys Reyes, Ivana Alawi, KC Concepcion, Julie Anne San Jose, Camille Prats, Mariel Rodriguez-Padilla, Charlene Gonzales, Yasmien Kurdi, Nadine Samonte, Arci Muñoz, Dianne Medina, Isabelle Daza, Pauleen Luna-Sotto at marami pang iba.


Si DJ Chacha nga, hindi napigilang ipahayag ang kanyang saya para sa aktres.

“DESERVE NA DESERVE SOOO HAPPY FOR YOU BEI!!!” ani ni DJ Chacha.


Matatandaang naging usap-usapan noon ang umano’y hiwalayan nina Bea at Vincent matapos ang naudlot na kasal nila nu’ng May 16 sa Spain.


Akala ng lahat ay wala na talagang mangyayaring kasal, pero pasabog ang civil wedding nina Bea at Vincent.





KAGAGALING lang sa tagumpay pero mukhang niyanig agad ng matinding intriga ang bagong hirang na Miss Q & A: Reyna Talak Era na si Lola Move!


Matapos iuwi ang korona nitong Hulyo 13 sa It's Showtime gamit ang kanyang talento at walang kupas na komedya na  nagpabilib sa madlang people ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Sa halip na purong selebrasyon, inulan ng batikos si Lola Move.


Nahalungkat kasi ng mga netizens ang mga kontrobersiyal na posts ni Lola Move noong 2022 sa kanyang TikTok account. Dito, lantaran niyang binatikos ang dating bise-presidente na si Leni Robredo, pati na ang mga tagasuporta nito o ang mga "Kakampinks.


Isa sa mga linyang ikinagulat ng kanyang mga bagong supporters ay ang hirit niyang: "Ang presidente n’yo, abogado na lutang."


Dahil sa paglutang ng mga lumang posts na ito, hati ngayon ang reaksiyon sa social media. Habang ang iba ay ipinagtatanggol siya, marami naman sa kanyang mga tagahanga ang umaming gumuho ang kanilang bilib at nakaramdam ng matinding pagkadismaya sa ugali ng komedyante sa likod ng entablado. 


Sa kabila ng ingay sa social media ay nananatiling tikom ang bibig ni Lola Move tungkol sa kanyang political stand sa kasalukuyan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page