top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 23, 2026



TEKA NGA - BAHAY NINA RENE BATERBONIA, NAGING TOURIST SPOT-FB Circulated

Photo: FB Circulated



Katatapos lang ng 40th day ng kamatayan ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia. Ipinasilip na sa social media ng kanyang pamilya ang nabili nilang bahay na malapit sa puntod.


Mistulang tourist spot na ngayon ang bahay at libingan dahil dinarayo ito ng maraming taong galing pa sa iba’t ibang lalawigan. 


Open naman sa lahat ang bagong bahay ng Baterbonia family, pinakakain nila ang lahat ng mga dumarating na bisita.


Noong una, ang kumalat na balita ay bigay daw ni Sen. Robin Padilla ang malaking bahay ng pamilyang Baterbonia. Pero mismong mga kamag-anak na ang nagsabing ang ibinili nila ng malaking bahay ay mula sa naipon ng Baterbonia family na bigay ng mga taong dumamay sa kanila.


Marami rin ang nagpapadala ng mga appliances. Wala ring tigil ang dating ng mga pagkain para sa mga taong dumadalaw sa bagong bahay.


Nagmistula na ring museum ang bahay sa dami ng mga larawan ni Rene na naka-display. May mga t-shirt at jersey na may larawan niya na ibinebenta sa harapan ng bahay. 


Ganito katindi ang impact sa tao ng yumaong basketbolista.





‘Di raw magka-level…

PAGKA-TIE NINA IVANA AT KARA SA BEST PUBLIC SHOW HOST, PINAGDUDAHAN



MARAMI ang naguguluhan sa mga nanalong celebrities sa ginanap na first Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Broadcast Arts Awards. Bakit daw labu-labo at hindi malinaw ang mga category?


Isa sa mga kinukuwestiyon ay kung bakit nag-tie sina Kara David at Ivana Alawi sa kategoryang Best Host for Public Service.


Nanalo si Kara via her podcast na I-Listen, samantalang si Ivana naman ay nanalo dahil sa kanyang YouTube (YT) channel na may 21 million followers na ngayon, at sa Facebook (FB) ay may 51M.


Paano raw naging public service show ang I-Listen ni Kara David? At ang pagbibigay ba ng ayuda at iPhone ni Ivana ang basehan kaya siya nanalong Best Host for Public Service?


Malayo at magkaiba dapat ang kategorya nina Kara at Ivana. Bihasang broadcast journalist si Kara. Ilang beses na siyang nanalo at kinilala sa kanyang galing bilang journalist.


Si Ivana ay wala namang radio show o TV show. Dapat ay sa ibang kategorya siya inilagay.


Anyway, unang attempt ito ng FAMAS sa pagbibigay ng awards sa Broadcast Arts. Puwede pa nila itong ayusin sa susunod na taon. 


Dapat ay sumentro na lang ang FAMAS sa pagbibigay ng awards sa mga radio DJs at TV hosts. Nakakalito kung pati mga online shows ay isasama pa nila.





MARAMING fans ang nagtataka at nagtatanong kung bakit daw pumayag ang Kapuso actor na si Rocco Nacino na gumanap na kontrabida sa upcoming action series na Hari ng Tondo (HNT) na pinagbibidahan nina Ruru Madrid at Dennis Trillo.


Pambida pa rin naman ang porma ni Rocco, kaya niyang gumanap sa anumang klaseng role. Malaking challenge para sa kanya ang gumanap na kontrabida. First time niya itong gagawin.


Sanay ang publiko na napapanood si Rocco sa mga wholesome roles. Pero gusto niyang mag-grow as an actor. Malaking hamon ito sa kanyang kakayahan.


Hindi naman siya image-conscious. Ang mahalaga ay may projects pa rin siya na hahasa sa kanyang galing sa pag-arte. Gusto niyang ma-experience kung paano umarte bilang kontrabida at maging bad boy.


Magandang project ang HNT na hindi dapat palampasin. Magagaling ang kanyang mga kasamang aktor, sa pangunguna nina Dennis at Ruru. 

Nag-a-adjust na siya nang husto upang maging realistic ang kanyang pagiging kontrabida, para kahit paano ay makasabay siya sa galing umarte ng dalawang aktor.


 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | July 23, 2026



TALKIES - KATRINA, NAGSALITA NA SA KUMALAT NA BUNTIS-IG _katrina_halili

Photo: IG _katrina_halili



Usap-usapan ang aktres na si Katrina Halili matapos siyang makaranas ng pagkahilo at pagsusuka, dahilan para umugong ang espekulasyong buntis na naman siya.


Pero agad itong nilinaw ng aktres sa kanyang live video. Sey niya, hindi siya buntis at ang kanyang naramdaman ay dulot lamang ng matinding pagod, stress at pressure sa trabaho.


Inamin pa ni Katrina na isa sa pinakamalalaking hamon sa kanyang trabaho bilang artista ang pagsasaulo ng mahahabang linya sa mga eksena, na nagdudulot ng pisikal at mental na pagkapagod.


Hiling niya sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi beripikadong ulat na kumakalat sa social media.





Padir, wala raw alam sa pulitika… MERYLL, HAPPY PA NA ‘DI NANALONG SENADOR SI WILLIE



NAGBAHAGI ng pananaw ang komedyanteng si Pokwang at aktres na si Meryll Soriano hinggil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng aktor na si Joshua Garcia.


Naging panauhin kamakailan ang dalawang aktres sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) at natalakay ang isyung naging usap-usapan online matapos mag-repost si Joshua sa TikTok (TT) ng video na nagpapakita umano ng pagiging DDS (Duterte diehard supporter) niya kaya siya na-bash.


Bagama’t na-delete na ang naturang repost, nananatiling walang pahayag si Joshua kaugnay ng isyu.


Ani Boy Abunda, “Nag-repost si Joshua sa TikTok ng isang curated video na kung panonoorin mo ay parang pro-Vice-President Sara Duterte. So, iba-iba ang reaksiyon. 

“It had been taken down, ayon sa ating balita, and we’re trying to get in touch with Joshua Garcia para malaman natin ang kanyang panig. What are your thoughts?”


Ayon kay Meryll Soriano, karapatan ni Joshua na ipahayag ang kanyang paniniwala sa sarili nitong social media platform.


Sabi naman ni Pokwang, hindi sana magiging malaking isyu ang naturang repost kung hindi kilalang personalidad si Joshua.


Sey niya, “Nagkataon lang kasi na artista si Joshua. Pero ‘pag ordinaryong tao ba ‘yan, papansinin mo ba? Nagkataon lang na artista s’ya. Karapatan n’ya ‘yun, hayaan natin s’ya.”


Sa huli, sumang-ayon si Boy Abunda sa punto ng dalawa at binigyang-diin ang kahalagahan ng paggalang sa magkakaibang pananaw.


Ani Boy, “Klaro ang inyong opinyon na igalang natin ang opinyon ng bawat isa. Ako naman, ayokong itapon ang pinagsamahan nating pagiging magkaibigan at ang pagmamahal natin sa isa’t isa dahil lamang sa ating political beliefs.”


Sa nasabing panayam, napag-usapan din ang naging pagpasok noon sa pulitika ng ama ni Meryll na si Willie Revillame. Tinanong ni Boy Abunda si Meryll kung ano ang naging reaksiyon niya nang ‘di ito palaring maging senador.

Sagot ni Meryll, “Oh, no!”


Ipinaliwanag ng aktres na sa tingin niya ay naunawaan na rin ni Willie na ang pulitika ay hindi ang larangang para sa kanya.


Pahayag ng anak ni Wil, “I think it’s because nasagot na rin naman n’ya ito sa kanyang sariling pag-iisip because it’s something that he doesn’t know. He doesn’t know well.


“He was never confident. I mean, people have been trying to tell him, ‘Tumakbo ka. Makakatulong ka.’


“And I think he’s very smart to understand na ‘di n’ya ‘yun forte. So, nu’ng tumakbo s’ya, s’yempre, parang nalungkot din ako kasi parang kakayanin ba n’ya ‘yung stress?

“I mean, it’s completely a different world and iniisip ko rin s’yempre ‘yung health n’ya, ‘yung magiging buhay n’ya, magiging buhay naming mga anak niya.


“Mabait talaga ang Diyos sa kanya na ‘di s’ya nanalo because he’s set out to do other things where he’s more than capable to help.”


Well, big korek ka riyan, Meryll. At least, kahit hindi nanalo ang father dearest mo, nakatutulong pa rin naman siya sa ibang nangangailangan. 

‘Yun lang, and I thank you.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 23, 2026



SHEET - MGA ARTISTANG NAG-EENDORSO NG ONLINE GAMBLING, ‘DI NAGLALARO-IG _ogie_diaz

Photo: IG _ogie_diaz



Karamihan sa mga kilalang personalidad ay endorser ng online gambling na nagsimula two years ago at ngayon lang naging trending dahil ipinagbabawal na ng gobyerno ang promo at advertisement.


Ang online gambling ang naging solusyon ng ilang negosyante para sa mga kliyenteng hindi physically nakakapunta sa mga casino. At dahil dumami ito, naalarma ang gobyerno dahil maraming na-addict na naging dahilan ng pagkasira ng buhay ng karamihan.


Katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga digital platforms, ipinagbawal na rin ang mga promosyon na ginagawa ng mga social media influencers, celebrities, at vloggers na nag-a-advertise ng mga online gambling platforms.


Kaya ang ilang celebrities at social media influencers ay binabanatan ngayon ng mga netizens dahil sa endorsements nila.


Isa ang content creator-host na si Ogie Diaz sa mga umaming naging endorser din siya for a while, pero itinigil na niya dahil una sa lahat, hindi naman daw siya naglalaro kaya nahihiya siya sa may-ari nito.


Base sa kuwento ni Ogie sa Showbiz Update (SU) vlog kasama sina Mama Loi, Tamerlane Mopia, Ate Cora at Ate Mrena, “Sa totoo lang, ako rin naman ay nakapag-endorse rin at guilty ako r’yan (BingoPlus 2024) dahil nakapag-endorse ako once upon a time. Pero mula noon, ayoko na kasi parang ang hirap i-endorse ‘yung isang bagay na ‘di mo naman ginagawa pero ipararamdam mo sa mga tao na ginagawa mo ‘yun at nae-excite ka lagi na gawin ‘to,” sabay pakita ng larawang kasama sina Luis Manzano at Marco Gumabao para sa BingoPlus.


“Sa totoo lang, karamihan ng mga artistang kinuhang endorser, ‘di naman naglalaro, ‘di naman naka-immerse sa game,” esplika ni Ogie.


Sey ni Mama Loi, “Ang ano lang kasi, ‘Nay, dahil sa kasikatan, ang dami mong followers, in-encourage mo sila (public) to engage ru’n sa online gambling.”


Sabi pa ni Ogie, “Kaya lalong dumarami ang naghihirap na taumbayan.”

Nagkuwento pa siya na may staff ng rehabilitation center na nagsabing karamihan sa mga pasyente nila ay galing sa gambling addiction at ang kanilang mentality ay nasisira.

Aniya pa, “Kaya naman ako, personally, in-ask pa ulit ako na mag-endorse. Sabi ko, ayaw ko na kasi nakaka-guilty talaga kasi marami kang nahihikayat na naniniwala sa ‘yo na, ‘Si Ogie naman ang nag-endorse, panatag naman ang loob ko, baka manalo.’ 


“Puwedeng ikahirap ‘yun. Pangalawa, eh, ‘di naman talaga ako sugarol kaya ‘yun nga, naglalabasan ang mga pangalan ng celebrities o personalities na nag-e-endorse n’yan.”

At nabanggit ang mga pangalan nina Vice Ganda (GameZone), Bea Alonzo at Andrea Brillantes (Nustar), Piolo Pascual, Maine Mendoza, Kim Chiu, at Alden Richards (BingoPlus), pati na sina Bossing Vic Sotto at Heaven Peralejo (Playtime).


Tanong ni Ogie, “Bumaba ba ang tingin natin sa kanila dahil nag-endorse sila ng online gambling? Kung bumaba, choice n’yo ‘yun. Kung wala naman kayong pakialam, wala namang merito ‘yun, eh, di okay.”


Ibinigay ding halimbawa ni Ogie si Coco Martin na tumatanggi na maging ambassador ng online gambling.


“Si Coco Martin, ayaw n’yang mag-endorse. Sinabi na n’ya ‘yan, ayaw n’ya at may offers s’ya na malalaki, millions (talent fee),” diin ni Ogie.


Hindi raw nararamdaman ng mga nagsusugal dahil barya-barya lang, pero kapag pinagsama ay nagiging malaki.


“Aabutin ‘yan nang milyun-milyon, tapos ilan lang ang mananalo? Basta ang importante, ‘wag nating isumpa ‘yung mga artistang nag-e-endorse dahil napili sila at tumanggap sila ng bayad. Pero ‘yung nanghihikayat silang magsugal, that’s another story.


“Kaya nasa tao na ‘yan kung gusto mong sirain ang buhay mo. Kahit ‘di sa sugal ay kaya mong sirain!” diin ni Ogie.





MAS maraming Pilipino ang makakapanood ng local entertainment shows dahil inanunsyo ng ABS-CBN ang bago nitong primetime lineup na mapapanood sa iba’t ibang platform simula Hulyo 27.


Pangungunahan ito ng patok na action-romance drama na Coco Martin's Sigabo ng 8 PM, na pinagbibidahan nina Coco Martin at Julia Montes.


Susundan ng inaabangang pagbabalik-teleserye nina Kathryn Bernardo, James Reid at Maja Salvador sa Someone, Someday (SS) ng 8:45 PM.


Mapapanood naman ng 9:30 PM ang romantic-thriller ng TV5 na A Secret in Prague (ASIP) na pinagbibidahan nina Enrique Gil at Andrea Brillantes.


Samantala, mapapanood na rin ng Kapamilya viewers ang Book 2 ng inspirational drama ng TV5 na My Bespren Emman (MBE), na pinangungunahan nina JM De Guzman at Shaina Magdayao, tuwing hapon mula Lunes hanggang Sabado, 2:30 PM.


Masusubaybayan ang tatlong primetime shows at ang MBE sa iba’t ibang platforms sa pamamagitan ng ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB), iWant, at TFC.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page