ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 1, 2026

Photo: IG _piajauncey & _iamhearte
Uumuugong ang usap-usapan sa showbiz na kaya hindi na dumadalo si Pia Wurtzbach sa Paris at New York Fashion Week ay dahil nilayasan umano siya ng kanyang glam team. Ang glam team na ito ay dating nagtatrabaho kay Heart Evangelista, pero nasulot nga raw ni Pia.
Well, hindi naman kawalan kay Heart nu’ng nawala ang kanyang glam team dahil magagaling ang pumalit. Besides, marunong na rin siyang mag-make-up sa sarili dahil natuto sa dati niyang make-up artist.
Masaya ang bagong glam team ni Heart dahil nakakatanggap sila ng bonus at mamahaling regalo sa bawat Fashion Week na dinadaluhan ng aktres-model.
Napaka-generous ni Heart sa mga taong nakakatulong sa kanya. Marunong siyang mag-share ng blessings. Hindi rin feeling primadonna si Heart kaya kasundo niya ang kanyang glam team.
Kaya no comparison kapag pinagsasabong sila ni Pia dahil may sariling tatak si Heart at kinikilala bilang isang fashion icon.
Todo-enjoy lang sa relasyon nila…
NADINE, ‘DI MINAMADALI ANG BF NA PAKASALAN SIYA
MASUWERTE si Nadine Lustre dahil nakatagpo siya ng mabait, matalino at supportive boyfriend na tulad ni Christophe Bariou. Hindi nito pine-pressure ang aktres na bigyan siya ng anak sakaling mauwi sa pagpapakasal ang kanilang relasyon.
Sa kanyang mga interviews ay nabanggit ni Nadine na wala sa plano niya ang magkaroon ng anak. Hindi pa niya tanggap kung anu-ano ang mga physical changes na mangyayari sa kanya once na magpakasal na siya kay Christophe at mabuntis siya.
Naiintindihan naman ito ng boyfriend ni Nadine, at open ito sa posibilidad na adoption. Kung hindi kaya ni Nadine ang magbuntis, susuportahan niya kung anuman ang maging desisyon ng nobya.
Hindi naman nagmamadali ang aktres na magpakasal. Pareho naman silang busy sa kani-kanilang career. May mga negosyo si Christophe, samantalang si Nadine ay nakatutok sa kanyang career.
Hindi pa niya naaabot ang peak sa showbiz. Marami pa siyang pangarap na gustong makamit.
May mga netizens ang nagsasabing posibleng magbago ang desisyon ni Nadine at nanaisin ding magkaroon ng sariling pamilya.
Tulad din ni Megan Young na dati ay takot na takot magbuntis kaya hindi sila agad nagkaroon ng anak ni Mikael Daez, ngayon ay ine-enjoy na ng dating beauty queen ang pagiging mommy.
MALAPIT nang maabot ng Eat… Bulaga! (EB!) ang pangarap nilang golden anniversary bilang longest-running noontime show. Tatlong taon na lang at 50 yrs. na silang umeere.
Nakaikot na ang EB! sa malalaking networks tulad ng RPN-9, ABS-CBN 2 at GMA-7. Ngayon ay napapanood na sila sa TV5 matapos humiwalay sa dati nilang producer, ang TAPE, Inc..
Sabay-sabay noon na nag-resign sa EB! sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon (TVJ) kasama ang iba pang hosts. Pinili ng TVJ na mag-produce ng bagong EB! sa TV5.
Ipinagpatuloy nila ito at tinangkilik ng kanilang mga loyal viewers. Dito napapanood ang sikat na segment na Pinoy Henyo na patuloy na kinaaaliwan.
Masaya rin ang segment na Sugod Bahay nina Jose Manalo, Paolo Ballesteros, Miles Ocampo at Carren Eistrup. Gusto rin ng mga viewers ang pagge-guest sa EB! ng mga dating sikat na singers at artista na matagal nang hindi napapanood sa telebisyon.
Natural na natural ang pagpapatawa ng mga hosts na parang isang masayang pamilya.
HANDA naman daw si Jake Vargas na pakasalan si Inah de Belen. Ilang taon na rin naman silang nagli-live-in at kilala na nila ang isa’t isa.
Pero kailangan daw na paghandaan muna nila ito dahil malaki rin ang gagastusin sa kanilang kasal. Pauunahin muna diumano nilang makasal ang kapatid ni Inah na si Moira. Siya ang unang nagpaalam upang makasal sa kanyang karelasyon ngayon.
Sa ngayon ay may negosyo sina Inah at Jake na kanilang pinagkakaabalahan. May regular show ang aktor sa GMA-7, ang Pepito Manaloto (PM) na napapanood tuwing Sabado.
Samantala, patuloy ang magandang feedback ng mga viewers dahil sa mga wholesome na episodes at nakaka-relate ang marami sa mga kuwentong ipinalalabas sa PM. Napakagaan at entertaining ng bawat episode at may hatid na aral.
Ayon nga kay Michael V., ang isang nakaaaliw na palabas ay hindi kailangang may slapstick o pisikal na sakitan ng mga cast upang magpatawa. Magagawa iyon nang natural na hindi nakaka-offend ng tao. Iyon ang sikreto ng Pepito Manaloto kaya ito ngayon ang longest-running sitcom sa telebisyon.



